"M-MAAA?" malakas na tawag ni Rio sa kan'yang ina habang tumatakbong papasok ng kanilang bahay.
Kagagaling lamang nila sa pagsasanay at ang kan'yang Lolo Eros muli ang kaniyang guro para sa umaga lamang na iyon, dahil sa hapon ay pupunta ito sa kan'yang kubo upang manguha ng mga pampapalasa na hindi niya nagawang kunin nang nagdaang araw.
Nang marinig ni Rio na aalis ang kaniyang lolo ay agad siyang nagpaalam sa kaniyang ama kung maari ba siyang sumama. Pinayagan siya nito ngunit inutusang tanungin din ang kaniyang ina kaya siya tumatakbo habang tinatawag ito.
Ilang beses niya na ring tinatanong ang lolo niya kung aalis ba raw ito ulit dahil nais niyang sumama. Aniya, ayos naman daw ang ginagawa nitong bagpack para sa kaniya at magsusuot lang siya ng maliwang na pang-itaas ay maitatago na niya ang bag at wala ng makakapansin sa suot niya.
"Ma?" aniya ulit nang nasa loob na siya ng bahay. Hinanap niya sa kusina ngunit wala at wala rin sa sala. May tila nagsabi sa kaniya na sa silid ng kaniyang mga magulang siya magtungo at tama nga, naroon ito at abala sa ginagawang paglilinis sa loob.
Kay lawak ng ngiti sa kaniyang mukha nang lapitan niya ito. Hindi na makapaghintay na manghingi ng permiso.
"Sabi na nga ba at mahahanap mo ako," usal ni Lala na natuwa nang natunton siya ni Rio.
"Kaya po pala hindi ka sumasagot," aniya naman sa kaniyang ina.
"Bakit mo pala ako hinahanap?" tanong ni Lala at parang sinakluban bigla ng kaba si Rio dahil nakita niya ang pagseryoso ng mukha ng kan'yang ina. Bigla tuloy siyang nagdalawang isip kung magpapaalam ba o h'wag na.
"Sabihin mo na, may gagawin pa ako," pag-uudyok ni Lala sa anak na ramdam niyang kinakabahan.
Tinanong niya pa kung ano ngunit kanina niya pa alam kung ano ang dahilan.
"A-Ano po kasi—," umpisa ni Rio at napaatras nang kaunti upang lumayo sa kaniyang ina sa takot niyang mabulyawan nito.
Naghintay lang si Lala ng karugtong ng sasabihin ng anak. Aminadong naiinip na dahil tila ayaw nitong magsalita at magpaalam nang maayos sa kaniya. Tinaas baba niya nang sabay ang kaniyang kilay upang ipakita sa anak ang pagkainip ngunit tila hindi nito naintindihan kung anong nais niyang ipahiwatig.
"Hay naku anak. Mas lalo kitang hindi papayagan kung hindi ka magsasalita r'yan," wika niya nang wala pa ring nakuhang karugtong ng huli nitong sinabi.
"Gusto ko lang pong magpaalam, aalis po si lolo—kung pupwede at papayag ka, Mama, sasama po sana ako," saad ni Rio at napayuko ng ulo. Hinanda na ang sarili na makagalitan, ngunit iba sa inaasahan nito.
"Kaya mo naman pala e. Sige, papayagan kita pero mangako ka na hindi ka lalayo sa kaniya," ani Lala na ikinagulat ng anak niya.
Sa tuwa ni Rio ay nayakap niya ang kaniyang ina. Muntik na nga rin niyang buhatin at ipaikot-ikot, ngunit pinigilan siya nito.
"Salamat, Ma! Opo! Pangako hindi ako lalayo sa kaniya!" kaniyang sabi nang humiwalay na rito.
Tumakbo palabas si Rio ng silid pabalik sa kaniyang ama at lolo upang sabihin ang sagot na nakuha. Nagdalawang-isip pa si Lala sa sagot na iyon ngunit dahil ang kasama naman nito ay isang malakas na Celestial hindi lamang sa kapangyarihan nitong taglay at mga mahikang natutunan ay kampante siyang magiging ligtas silang pareho.
Matapos nilang magligpit ng mga ginamit na mga armas sa pagsasanay ay humayo na sila. Sumama pa si Milky na halos ayaw mahiwalay kay Rio. Sinakay niya na lamang ito sa kan'yang balikat upang hindi madumihan maputi nitong balahibo. Mamasa-masa kasi ang lupa at mga d**o dala ng mahinang pag-ulan nang araw na 'yon at may mga daan na naging maputik dahil medyo malalim at naipon ang kaunting tubig ulan doon.
Tahimik lang ito sa balikat ni Rio, tanging ulo lang nito ang kumikilos at sumusunod sa mga paru-parong nagsisilipad sa ulunan nila. Halos lahat ng madadaanan nila'y sumasama ang paru-paro kaya parami na sila nang parami habang sila'y naglalakad. Mabuti na lamang at walang mga nagagawing ibang mga nilalang sa lugar dahil tiyak na magtataka at magtatanong ang mga ito sa kakaibang pangyayaring kagaya ng ganoon.
Naisip ni Eros na maglakad na lamang sila para maaliw si Rio sa mga makikita niya. Panay nga ang tanong at turo ng bawat kakaibang matatanaw at siya naman ay sinasagot lang ang mga ito.
Maayos naman silang nakarating sa kubo. Medyo napagod ang mga binti ngunit dumating silang nakangiti. Naaliw si Rio sa mga nakita habang si Eros ay naaliw naman sa naaliw na apo niya.
Isa-isa ng kinuha ni Eros ang mga kailangan nila. Sa kasamaang-palad ilan pala sa mga garapon ay wala ng laman dahil ginamit na niya sa paggawa ng proteksyon. Nagdala pa siya at nasa kaniyang bulsa. Paniniguro lang dahil kasama niya si Rio.
Napabaling siya kay Rio matapos ibaba ang isang garapon na wala ng laman. Naisip niyang wala naman sigurong masama kung mangunguha muna siya at iiwan muna ito sa kubo para hindi naman masayang ang paglabas nila.
"Pwede ba kitang iwan dito sandali? Kukuha lang ako sa aking taniman ng ilan sa mga wala na rito," tanong niya kay Rio na halata sa mukha na hindi ito sang-ayon sa ideyang iyon dahil nangako siya sa kaniyang ina na hindi lalayo sa kaniyang Lolo Eros.
"Sasama na lang po ako. Tutulungan na rin po kita, lolo," sagot niya na dahilan para mapakamot na lamang ng ulo ang nagtanong.
Wala na itong nagawa kundi isama siya. Nang makarating sila sa taniman ay nagulat si Eros sa nadatnan dahil maraming tanim ang may bunga na't kailangan nang pitasin bago masira at ubusin ng mga ibon. Pinagtulungan na nilang kunin lahat ng maari ng kunin at hindi namalayan ng dalawa ang pagdaan ng oras lalo na si Rio na tuwang-tuwa sa pamimitas.
Pabalik na sila sa kubo. Babalikan ang mga pampalasa na una nilang pakay. Gagamitin na sana ni Eros ang kaniyang kapangyarihan upang mapabilis ang pagbalik nila ngunit pinilit siya ni Rio na maglakad na lang sila ulit.
Nang malapit na sila sa kubo ay may kakaibang naramdaman si Eros. Pinahinto niya si Rio sa paghakbang. Napansin niyang tila ginalaw ang proteksyon na ibinalot niya sa kaniyang kubo upang ikubli sa mga mata ng mga ibang nilalang at nagpupunta sa parteng iyon ng kagubatan.
Kakaiba ang ingay na nililikha ng mga kulisap sa paligid kaya siya kinukutuban.
"Pumasok ka muna sa kubo, Rio. Dalhin mo rin ang mga pinitas nating gulay," utos niya sa kaniyang apo. Nagtataka man ay sinunod ito ni Rio ngunit gaya ng kaniyang lolo ay may ibang pakiramdam din na hatid ang mga ingay ng kulisap sa kaniyang pandinig. Hindi lamang silang dalawa, maging si Milky na nanatili sa balikat ni Rio ay hindi rin mapakali.
Maya-maya ay sabay-sabay silang tatlo na napalingon sa isang direksyon matapos may maramdaman na presensiya na nanggagaling doon.
"Dito ka lang apo. Pumasok ka na at isara mo ang pinto," utos ni Eros sa kaniya nang maihatid sa bukana ng pinto ng kubo. " H'wag kang aalis!" habol pa niya nang nakailang hakbang na palayo sa kanila.
Bahagyang natulala si Rio dahil iniwan siya roon. Kung hindi pa gumalaw si Milky sa balikat niya ay hindi pa siya kikilos. Sinunod niya na lamang ang utos ng kaniyang Lolo Eros pumasok at sinara na ang pinto.
Inilapag niya ang mga dala nila sa upuan at naupo siya sa tabi nito. Doon na lamang siya naghintay ngunit lumipas na ang ilang minuto wala pa rin siyang nararamdamang presensiya ng kaniyang lolo sa malapit. Bigla itong nawala matapos mawala rin ng isa pang presensiya na hindi niya alam kung sino ang nagmamay-ari.
Unti-unti nang dumidilim sa labas. Kasabay noon ang nadadagdagang pangamba sa dibdib ni Rio.
"Nasaan na kaya si Lolo, Milky?" tanong niya sa kaniyang alaga kahit batid naman niyang hindi sasagot.
Nainip na siya nang husto. Nagdesisyon siyang tumayo mula sa pagkakaupo at inusisa ang mga kakaibang bagay na nakasabit sa dingding ng kubo. Sa isang istante na puno ng kung ano-ano siya nahinto, may mga garapon na hindi niya napansin noong unang beses niya roong nagtungo. Animo'y mga koleksiyon sa dami ng mga naroon. Magmula sa mga tuyong sanga ng puno't halaman, balat ng kahoy, dahon, patay na insekto, mga ibat-ibang kulay at sukat na mga bato.
Ang ikinagulat niya ay alam niya ang tawag sa kaharamihan sa mga naroon kahit iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakita niya ang mga 'yon. Habang tinitignan ay bigla na lamang sumakit ang kaniyang ulo. Bahagya rin siyang nahilo matapos may makitang mga imahe sa kaniyang alaala. Mga lugar at mukha ng Celestial na hindi naman niya kilala o ni minsan ay nakasalamuha.
Napaupo niya sa silya at napahawak sa ulo na bigla na lamang sumakit. Si Milky na naiwan niya sa silya kanina ay agad siyang nilapitan. Kahit hindi nakapagsasalita ay kita sa mga mata ng maliit na nilalang ang pag-aalala na para bang naiintindihan kung ano ang sitwasyon.
"L-Lolo—" tawag ni Rio ng saklolo, ngunit hindi dinig ni Eros sa kaniyang layo at bilis ng kilos habang hinahabol ang nagmamay-ari ng presensya na kanilang naramdaman kanina.