Point of view
- Emily Dela Cruz –
Isang malakas na lagabag ng pinto ang narinig ko. At nang ito ay bumukas, nakita ko ang mabilis na paglalakad ni Dave patungo sa aking kinaroroonan na animo'y galit na galit at tila may kung ano akong ginawa.
Marahan kong binaba ang hawak kong laptop sa kama kung saan ako nakaupo dito sa loob ng aking silid, saka ako tumingin sa kanya habang papalapit sa akin.
Malakas niyang hinampas ang kanyang palad sa dulo ng kama na aking inuupuan.
"Ano na naman bang kalokohan ang pinost mo sa sss?" sigaw niya sa akin.
Napataas ang aking kilay sa kanyang sinabi. Ngunit mayamaya pa, napagtanto ko na rin ang nais niyang sabihin.
"Alin doon, 'yung tungkol sa engagement natin at sa pagpapakasal natin?" tugon ko na may halong sarcastic ang dating. "Anong masama sa ginawa ko, Dave? Hindi ba doon din naman tayo hahantong?"
"That's bullsh*t, Emily! Alam kong alam mo na si Kathleen lang ang mahal ko, at si Kathleen lang ang pakakasalan ko!"
Ang mga bagay na sinabing iyon ni Dave ay lubos na dumurog sa aking puso.
Oo, alam ko. Alam ko naman na hindi niya ako mahal. Alam ko naman na si Kathleen lang mula noon pa. Pero bakit? Ako naman ang nauna, ah. Ako naman ang naunang magmahal kay Dave.
Marahan akong tumayo at lumakad patungo sa lamesa na malapit sa aking kama. Kinuha ko ang isang pitsel na may lamang tubig. Nakapatong ito sa lamesa at may katabing baso. Nagpanggap ako na tila walang naririnig sa kanyang mga sinisigaw sa akin dahil ayokong masaktan. Ayokong masira ang araw na ito. Ang araw kung kailan ako sinilang.
Matapos akong magsalin ng tubig sa baso ay nilagok ko sa kalahati ng tubig sa loob. Mayamaya lang ay muling lumapit sa akin si Dave upang komprontahin na naman ako. Pero sa pagkakataong ito, mariin niyang hinawakan ang aking kaliwang braso, dahilan upang mapangiwi ako sa sakit.
"Burahin mo 'yung naka-post sa sss, ngayon na!" sigaw niya.
"Bakit ko gagawin 'yon? hindi ba dapat panagutan mo kung anong ginawa mo sa akin? Kung ano ang ginawa natin!"
"Ikaw lang ang may gusto no'n, Emily! Tandaan mo! Ikaw ang pumatong sa katawa-"
Hindi ko na pinatapos ang kanyang sasabihin dahil naibuhos ko na sa kanyang mukha ang tubig na nasa loob ng aking baso.
"Oo! Oo na! Ako na ang mali! Ako na lahat!"
Lahat ng sakit sa loob ng damdamin ko ay hindi ko na napigilan. Lahat ng luha na namumuo sa mata ko kanina ay hindi ko na nahinto.
Napakasakit, napakasakit na ang taong mahal na mahal mo ay ang taong magbibitaw sa iyo ng masasakit na salita. Mga salitang dudurog sa buong pagkatao mo.
"Masama ba na mahalin kita, Dave? Ako naman ang naunang magmahal sa'yo, hindi ba?"
Sunod-sunod ang pagpatak ng luha sa aking mga mata. Pilit ko siyang tinitingnan nang diretso ngunit punong-puno ng galit ang nakikita ko sa likod ng matatalas niyang tingin.
Ganito na ba kasama ang tingin sa akin ng lalaking minahal ko? Ganito na ba ako kasama sa paningin niya?
"Akala ko kaibigan ka ni Kath. Akala ko magiging masaya ka para sa aming dalawa. Pero akala ko lang pala 'yon. Mas makasarili ka pa pala sa iniisip ko, Emily." Marahan niyang tinangal ang kanyang kamay na nakahawak sa akin, saka nilagay sa loob ng kanyang bulsa at tumalikod sa akin.
Ngunit bago pa man siya tuluyang umalis, isang salita ang binitiwan niya na dumurog sa aking puso.
"Kahit ilang taon pa ang lumipas, hinding-hindi kita mamahalin, Emily."
Matapos niyang sabihin ang bagay na iyon. Mabilis siyang lumakad palabas ng aking silid dito sa condo. At nang marinig ko ang lagabag ng pinto, naramdaman ko ang panghihina ng aking katawan dahil sa nararamdaman ko, saka ako bumagsak sa sahig, tinakpan ko ang aking bibig upang hindi kumawala ang malakas na hikbing nagmumula sa akin, saka ko tuluyang nilabas at iniyak lahat ng luha sa aking puso.
It's been three years, Kathleen. Tatlong taon na pero ganito pa rin ang trato sa akin ni Dave. Tatlong taon na pero ikaw pa rin ang mahal niya.
Kinuha ko ang cell phone na nasa loob ng aking bulsa. At kahit na patuloy sa pag-iyak ang aking mata, tiningnan ko ang account ni Kathleen at nakita ko ang post niyang "Happily married" Lalong tumindi ang galit ko sa kanya at mas lalo kong gustong makuha ang mga bagay na mayroon siya.
Kung gaano ako nagdurusa rito sa Pilipinas. Ang babaeng ito naman ay masaya sa buhay may asawa. Hindi ko hahayaan na maging masaya ka. Kung kailangan kong agawin ang asawa mo, gagawin ko, maging miserable lang ang buhay mo, Kathleen.
Isang matalas na tingin ang ginawa ko sa kanyang post na singsing, saka ko pinindot ang heart button.
***
Point of view
- Dave Montes –
Wala na akong ibang gustong gawin kundi ang maglulong sa alak.
Nilagok ko ang huling patak ng alak sa loob ng aking baso, ramdam ko na rin ang espirito nito sa loob ng aking katawan at pakiramdam ko, hindi ko na kayang magmaneho sa ganito kong kalagayan.
Kinuha ko ang cell phone sa bulsa ko. At nakatambay na naman ako sa wall ni Kathleen. Tinititigan ko ang post niyang happily married na siya.
Three years, Kathleen. Pero nagkaroon ka na agad ng asawa. Three years, nakalimutan mo na agad ako. Pero ako, heto nangungulila pa rin sa'yo. Mahal na mahal pa rin kita, Kath.
Mabilis na lumagaslas ang luha sa aking mga mata. At ang mabigat kong pakiramdam ay bumalot sa buo kong kalooban.
Alam ko naman na mali ako, pero bakit hindi mo man lang ako hinayaang magpaliwanag? Bakit mo ako agad hinusgahan? Akala ko ba mahal mo ako? Akala ko ba magkasama tayong tatanda?
Bumagsak ang aking ulo sa lamesa na kinapapatungan ng kamay ko. Ramdam ko ang lubos na pagkahilo dahil na rin sa dami ng nainom ko.
Ngunit mayamaya pa, isang kamay ang naramdaman kong tumapik sa aking balikat. Pilit kong tinataas ang aking ulo at pilit na inaaninag ang taong nakahawak sa akin.
At nang makita ko ang kanyang mukha, kumunot ang aking noo dahil nakita ko ang hitsura ni Emily. Nakaramdam ako ng matinding galit, dahil ang babaeng ito ang dahilan kung bakit ako nagdurusa ngayon.
Tatabigin ko na sana ang kamay niya, ngunit mabilis niya akong niyakap.
"Ano bang ginagawa mo, Dave? Balak mo bang sirain ang buhay mo?" rinig kong saad niya.
Ngunit nang muli niyang ilayo ang kanyang katawan sa akin. Naaaninag ko ang kanyang mukha. Halohalong damdaming ang bumalot sa aking puso nang makita ko ang mukha ni Kathleen.
Mabilis kong hinawakan ang magkabila niyang pisngi saka gulat na gulat na nagsalita.
"K-Kathleen, ikaw ba 'yan? B-bakit ka nandito?" Hindi ko alam kung nababaliw na ba ako o ano, pero nandito si Kathleen sa harapan ko.
"D-Dave," saad niya na tila may pagtataka.
Agad ko siyang niyakap nang mahigpit dahil sa kasabikan ko sa kanya.
"Kath, 'wag mo na akong iiwan. 'wag mo naman gawin 'to."
Pagkasabik, pag-aalala at kung ano-ano pa ang bumalot sa aking puso, sabay sa mabilis na pagdaloy ng mga luha sa aking mga mata. Ang mahigpit na yakap ko sa kanya ngayon ay tila ayoko nang matapos.
Sa paglipas ng oras, hindi ko namalayan na nakauwi na pala ako ng condo. Kasama ko pa rin ang babaeng mahal ko, ang babaeng si Kathleen na ngayon ay nakaupo sa kama rito sa aking kwarto.
Hawak-hawak ko ang kanyang mukha at kitang kita ko ang mga luha na dahan-dahang bumabagsak sa kanyang pisngi. Pinahiran ko ito.
"Huwag ka nang umiyak, Kath. Nandito na ako, magsasama na tayo."
"Mahal na mahal kita, Dave," rinig kong saad ni Kath habang sinserong nakatingin sa akin.
Mahigpit ko siyang niyakap.
"Mahal na mahal din kita, Kath."
Sinimulan kong halikan ang kanyang labi, isang maalab na halik ang namagitan sa aming dalawa. Ramdam ko ang pagkasabik sa aming dalawa. Hindi ko na rin alam kung ilang minuto kaming nagpapalitan ng maiinit na halik, ngunit isa lang ang alam ko, isa ito sa matatamis na halik naming dalawa.
Naglakbay ang aking kamay patungo sa kanyang makinis na balikat. Marahan kong binaba ang strap ng kanyang bra. Hanggang sa naalala ko na ayaw nga pala ni Kathleen na gawin ang ganitong bagay hangga't hindi pa kami kinakasal.
Agad kong binitiwan ang kanyang katawan mula sa aking pagkakayakap.
"Sigurado ka ba rito?" tanong ko.
Tumango lamang siya saka ngumiti.
Sinimulan kong muli ang aking ginagawa. At tila isa akong hayop na sabik na sabik sa kanya.
Agad kong hinawakan ang kaliwa niyang dibdib at tila isang sanggol na siniil ng halik ang kanang dibdib niya.
At saka namin pinagsaluhan ang isang mainit na gabi.
***
Tumama ang malakas na ilaw na nagmula sa bintana, dahilan upang magising ang aking diwa. Sinubukan kong gumalaw ngunit naramdaman ko ang matinding kirot na nagmumula sa aking ulo, kaya napahawak ako rito at napasandal sa headboard ng higaan.
Nilibot ko ang aking paningin at nakita ang bintana. Umaga na pala at nasa loob ako ngayon ng aking condo.
"'Wag ka munang gumalaw, Dave," saad ng isang babae.
Mabilis akong napalingon upang makita kung saan nang gagaling ang tinig na iyon. At biglang tumama ang aking paningin sa isang babae na naka-bathrobe.
"Emily, anong ginagawa mo rito sa condo ko?"
Ngumiti siya sa akin bago tumugon sa tanong ko.
"Wala ka bang naaalala sa nangyari kagabi, Dave?"
"Ano bang-"
Nanlaki ang aking mata nang maalala ang mga bagay na nangyari kagabi, saka ko tiningnan ang loob ng kumot na tumatakip sa aking hubad na katawan.
Sh*t!
Napa-face palm na lang ako dahil sa kabaliwang nagawa ko na naman kagabi. Hindi ko akalain na nagpadala na naman ako sa tawag ng laman. Dahil sa pagmamahal ko kay Kathleen, tila kahit kaninong mukha ng babae siya na ang nakikita ko.
"Alam mo naman na hindi ka sanay uminom pero ginagawa mo pa rin?" saad ni Emily habang dahan-dahang naglalakad patungo sa aking kinaroroonan.
"At sinamantala mo naman ang kahinaan ko?" tugon ko.
Umupo siya sa kama na aking hinihigaan, saka nilapit ang kanyang mukha sa akin.
"Kung kailangan kitang lasingin nang paulit-ulit para mapansin mo ako, Dave. Gagawin ko."
At dahil sa inis ko, agad akong tumayo kahit may konting hilo pa akong nararamdaman.
Agad kong kinuha ang aking mga damit at nagtungo sa washroom upang maligo. Matapos iyon, lumabas ako ng condo at wala na akong balak na bumalik pa roon kung nandoon pa rin ang babaeng iyon.
Hindi ko na rin pinansin ang malakas niyang pagsigaw at pagtawag sa aking pangalan. Ang gusto ko lang ay makaalis sa lugar kung nasaan siya.
Nagtungo ako sa parking at nagsimulang mag-drive, dumiretso ako sa kompanya kung saan ako nagtatrabaho, ang The Beringer Group of Companies na nasa Makati City, isa akong civil engineer sa kompanya na ito. Ako ang nagsasagawa at namumuno sa mga construction site na nais ipatayo ng CEO na si Raven Beringer. Pero ang alam ko magaspang ang ugali nito at walang sino man ang nais siyang makasalubong o makita.
Sa pagkakaalam ko, anak siya ng may-ari ng kompanya at siya na rin ang susunod na tagapagmana. Kung sino man ang makasalubong niya at may magawang mali sa kanya, agad niyang tinatanggal sa trabaho kahit walang dahilan o basta ayaw niya sa taong iyon.
Nang makarating ako sa 21st floor ng gusali kung saan nakadestino ang station ko, umupo ako sa aking silya saka sinandal ang aking ulo. Hinilot-hilot ko pa ang aking sentido dahil may kaunting kirot pa rin akong nararamdaman.
"Hoy, Dave. Kumusta? Parang amoy alak tayo, ah. Party party ba? ganyan talaga pag mag-aasawa na ano?"
Tiningnan ko nang masama ang aking katrabaho na si Charles nang marinig ko ang mga bagay na sinabi niya.
"Walang ikakasal at walang magpapakasal," tugon ko.
Tumawa siya nang malakas bago sumagot sa akin. Hinila niya ang isang upuan sa tabi ko at doon umupo.
"Pero nakita ko 'yung post ni Emily, ah. Engage na raw kayo?"
"Paniwalaan mo ang gusto mo, bahala ka," iritable kong tugon sa kanya.
"Ikaw naman kasi, eh. Ang hina mo, pwede mo naman sundan si Kathleen noon, hindi mo pa ginawa."
"Siraulo ka ba? Kung ginawa ko 'yun, ang pamilya Vergara ang makakalaban ko."
"Kung sa bagay, malakas ang impluwensya ng mayaman nilang pamilya, sayang talaga, Dave. Bilyonaryo ka na sana."
Malakas siyang tumawa nang sinabi ang bagay na iyon.
"Ewan ko sa'yo, Charles. Alam mo naman na hindi ako ganoon."
"Yeah, right!" saad niya. "Wait, tingnan mo ito, Dave." Sabay kuha ng mouse ng laptop ko at may tina-type at hinanap sa google.
"Ano yan?" tanong ko.
Tiningnan kong mabuti ang screen at nakita ko ang isang article na nagsasaad patungkol sa kompanya ng mga Beringer.
"Ang sabi rito, nahaharap daw sa matinding struggle ang kompanya na ito, Dave. Anytime pwede na sila ma-bankrupt. Kaya pala sila nag-cost cut noong nakaraan," sunod-sunod na kwento ni Charles. "Tingin mo, brad. Lipat na tayo ng kompanya? Baka makasama pa tayo sa paglubog nito."
Napaisip ako sa mga sinabi niya. Kung sa bagay, kung totoong masama ang ugali ng CEO ng kompanyang ito, baka ito na ang karma niya.
"Tingin ko nga." Iyon lang ang naisagot ko sa mga sinabi niya.
***
Lumipas ang ilang oras, naisipan namin ni Charles na kumain sa cafeteria ng gusali. Ngunit habang kumakain kami roon, napansin namin na nagkakagulo ang mga tao sa paligid na tila may iniiwasan.
Napasulyap ako sa malaking pintuan ng cafeteria kung saan matatanaw ang hallway. At nakita ko ang isang grupo ng mga lalaking nakaputi na biglang dumaan, saka ko nasulyapan ang isang lalaking naka-blacksuit sa gitna na pinalilibutan ng mga tila bodyguard niya.
"Si Raven 'yan, brad. Siya ang CEO ng kompanyang ito," bulong ni Charles.
Sa loob ng isang taong pagtatrabaho ko rito, ngayon ko lang siya nakita nang personal.
Babalik na sana ako sa aking pagkain nang makita ko ang isang babaeng may hawak na tray sa 'di kalayuan. At sa paglalakad ng babaeng iyon, hindi niya napansin na ang juice na nasa tray niya ay tumatalsik.
Sa hindi sinasadyang pagkakataon, tumalsik ang ilang pirasong juice sa blacksuit na suot ni Sir Raven nang mapadaan ito sa tabi ng babae.
Kitang-kita ko ang pagka-inis ng hitsura ni Raven.
"I want you to step out of this building, now!" rinig kong saad ni Raven doon sa babae.
"P-Pero, sir!"
Matapos ang bagay na iyon, patuloy na naglakad si Raven palayo sa kinaroroonan ng babae at iniwan itong umiiyak.
"Totoo nga, masama ang ugali ng lalaking iyon," bulong ni Charles sa akin. "No wonder, malulugi na ang kompanya niya. Buti nga sa kanya," dugtong niya na animo'y isang batang nang-aasar sa kanyang mga kalaro.
Ako naman ay nanatili lang na nakatingin sa likod ng lalaking iyon.
Parang pamilyar ang hitsura ng Raven na iyon. Hindi ko alam kung nakita ko na siya sa isang TV o ano.
Iniling-iling ko na lang ang aking ulo upang maalis ang mga bagay na iniisip ko, saka muling bumalik sa aking pagkain.