Point of view
- Raven Ford Beringer –
Halos punitin ko ang mga papeles na nasa ibabaw ng aking lamesa rito sa loob ng aking opisina.
Ang mga media ay sunod-sunod na nangbabato ng batikos sa kompanya ng aking ama. Ang ibang article ay naglalaman at nagpapakalat ng mga balita tungkol sa palugi naming kompanya, kaya naman, maraming empleyado ang natatakot na mawalan ng trabaho. At ganoon na lang silang biglaang nag-reresign.
Ang iba naman sa kanila ay kusa kong tinanggal. Hindi ko alam, pero mabilis uminit ang aking ulo sa mga bagay na ayokong makita.
Pinilit ko pa rin magbago kahit mahirap sa parte ko. Pero wala, eh. Ganito na ako simula pa noon.
Uminom muna ako nang kaunting tubig saka inayos ang reading glass na nakakabit sa aking mata.
Hinawakan ko ang isang lumang papel na may article na kumuha sa aking atensyon. Ang papel na iyon ay taong twenty-eighteen pa.
Natigilan ako nang maalala ang panahon na iyon. Ang panahon kung saan baliw na baliw pa ako sa pag-awit at pagbabanda. At dahil nga sa isa akong rakista at magaling sa pagtitipa ng gitara. Hinayaan kong humaba ang aking buhok noon, saka ko ito ginawang dreadlocks.
Nagpahaba rin ako ng bigote at balbas noong panahon na iyon, dahil pakiramdam ko, mukha akong astig sa ganoong hitsura. Naglagay rin ako ng mga tattoo ngunit pinabura ko na rin iyon ngayon.
Isang malalim na buntong hininga ang aking ginawa bago ko lukutin ang papel na hawak ko, saka ito tinapon sa basurahan na nasa ilalim ng malaki kong lamesa.
Marahan akong tumayo at lumakad sa malaking bintana na nasa aking likuran. Nakakawala ng pagod sa tuwing nakikita ko ang mataas na tanawin mula sa bintanang ito. Kitang-kita ko ang mga naglalakihang gusali at mga kotse na tila laruan sa kalsada.
Hanggang sa masulyapan ko ang gusali ng JNP Corporation kung saan dati akong nagtatrabaho.
"Tatlong taon na rin pala. Tatlong taon na rin pala akong hindi umaawit," mahina kong bulong.
Isa akong magaling na mang-aawit noon, lumalabas ako sa telebisyon at nag-guguest sa mga radyo. Pero noong mas lalo akong nakilala at umingay ang aking pangalan, humingi ako ng mas mataas na talent fee. At sa tingin ko ay tama lang ang ginawa ko.
Tama lang naman na manghingi ako ng increase hindi ba? Hindi naman sa kulang ang sinasahod ko noong panahong iyon. But I know that, I deserve more than what I'm earning that time.
Pinili ko noon ang pag-awit at pagbabanda kaysa patakbuhin ang negosyo at kompanya ng aking ama. Madalas namin pag-awayan iyon ni daddy dahil ang sabi niya, wala akong mapapala. Pero dahil magaling ako. Naabot ko ang mga pangarap ko nang walang hinihinging tulong sa daddy ko at sa paglipas ng panahon, habang umiingay ang aking pangalan. Dumarami rin ang mga taong nais akong hilahin pababa, mga taong inggit sa talentong mayroon ako.
Ang sabi nila, lumaki na raw ang aking ulo dahil sa kasikatang tinatamasa ko, madalas rin akong sumigaw sa mga staff. Pero iyon ay dahil mali-mali ang ginagawa nila. Para sa akin, walang lugar ang kamalian sa industriya ng musiko.
Ang screen name kong Ford noon ay naging tanyag at maraming media ang nais akong interviewhin.
Pero dumating ang araw na kinatatakutan ko.
Nang manalo ang banda namin ng award, nag-party kami sa isang bar at doon, hindi ko sinasadyang makipag-away. Nadala ako sa init ng aking ulo at mga kantyawan ng kagrupo ko. Tuluyan na akong nakipagbasag-ulo sa crew na nasa bar.
Masisisi mo ba ako? Sinabihan lang naman niyang mga adik ang member ng aking banda. At ang sabi pa ng crew na iyon. Ginagalaw namin ang mga manager na bading para umangat ang aming pangalan.
Dahil doon, tuluyan nang uminit ang aking ulo at nawala sa sarili. Hindi ko alam na ang lahat ng pangyayaring iyon ay nakuhaan ng isang video.
Kumalat ito sa social media, naging viral, nag-trending, at na-bash ang buong grupo dahil sa akin. Pati ang kompanyang pinagtatrabahuhan ko ay nadamay at halos kalahati ng fans namin ay nawala.
Lahat sila ay iniwan kami. Sinubukan naming mag-come-back at gumawa ng maraming kanta, pero flop. Lahat ng ginawa namin ay flop.
Kaya dumating sa punto na pati ang mga kabanda ko ay nawalan na rin ng lakas ng loob. Pati sila ay sumuko na rin at umalis sa kompanya.
Ako? Sinubukan kong lumaban, sinubukan ng kompanya na isalba ang aking pangalan. Pero sa tuwing lalabas ako sa TV o sa kahit anong guesting, kulang na lang ay hagisan ako ng kamatis ng mga tao. Kulang na lang ay ipako nila ako sa krus.
Hanggang sa tuluyan nang sumuko ang JNP sa akin at hindi na ni renew ang aking kontrata.
Huminga ako nang malalim nang maalala ko ang nakaraan na iyon.
Akalain mo nga naman, tatlong taon na rin pala, no? bente-siete anyos na rin pla ako. Dati-rati ay nasa entablado pa ako, kumakanta. Pero ngayon, nandito na ako sa loob ng isang opisina at nagpapatakbo ng isang kompanya.
Kapag may oras ay kumakanta pa rin naman akong mag-isa, sa banyo na nga lang. Hindi pa rin nawawala sa akin ang pag-awit, ito pa rin talaga ang gusto ko.
Ngunit ngayon, hindi na ako makapag-peperform sa harap ng maraming tao, dahil kapag nakilala nila ako, mauulit lang ang pangyayari noon.
Kaya naman, minabuti kong baguhin ang aking hitsura. Pinagupitan ko ang aking buhok at nilinis ang aking mukha, para bumagay sa pagiging isang CEO ng isang kompanya. At sa loob ng tatlong taon, ang pangalang Ford ay tila nabaon na lang sa limot. Hindi ko na rin naririnig ang mga kanta namin na pinapatugtog sa mga radyo.
Wala na talaga, wala na talaga ang pangarap ko.
Mabilis akong napalingon sa pinto nang marinig ko ang sunod-sunod na katok.
"Come in," walang emosyon kong saad.
Mayamaya pa ay niluwa ng pintuang iyon ang aking lalaking assistant. Dala-dala nito ang isang papel na hindi ko alam kung ano ang laman.
Nang ilapag niya ito sa aking lamesa, nakita ko ang mga stocks report ng kompanya na lubusan nang dumausdos pababa.
Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ito. Halos kumunot ang aking noo dahil tila nablanko ako sa mga maaaring mangyari kapag nagpatuloy pa ito.
"Sir Raven, ano na po ang balak nyo?" saad ng aking assistant.
"Alam na ba ito ni daddy?"
"Wala pa pong alam si Mr. President dito, sir. Kayo pa lang po ang sinabihan ko."
"Good, 'wag mong hayaang makarating ito sa daddy ko. Gagawan ko ito ng paraan nang ako lang."
"Noted, sir."
Saka siya umalis at lumabas sa aking opisina.
Napasalampak na lang ako sa aking upuan. At halo-halo na ang mga bagay na iniisip ko. Saan kaya ako makahahanap ng mga investor ko?
Hiningi ko sa aking assistant ang listahan ng malalaking kompanya sa bansa. Nais kong puntahan ito upang magbigay ng offer.
Hindi na rin ako nagsama ng mga bod guard para mabilis ang gagawin ko.
***
Kinabukasan, sinimulan kong maghanap ng mga investor. Gumawa ako ng presentation at pinagpuyatan ko ito. Sinigurado kong magiging maganda at makokombinsi ko ang ibang kompanya na mag-invest sa kompanya namin.
Habang maaga pa, sinimulan kong mag-drive at pumunta sa mga kompanyang nakipag-set ng meeting sa akin.
Ngunit lumipas ang mahabang araw, ni isang tawag ay walang bumalik sa akin. Tila walang interesado sa mga bagay na binigay at pinakita ko.
Palubog na rin ang araw, habang ako ay pauwi na, nadaanan ko ang bay walk at nakita ko ang magandang sunset.
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking isip dahil tumigil ako at nag-park sa tabi. Tama lang upang makita ko ang magandang araw.
Binuksan ko ang pintuan ng kotse, saka ako lumabas mula rito. Hinawakan ko ang aking kurbata at niluwagan ito upang makahinga ako nang maluwag.
Nilanghap ko ang hangin na lubos na nakapagpapaluwag ng aking isip at nagpapawala ng aking agam-agam, saka ko nilagay sa bulsa ang aking mga kamay at tumayo habang diretso lang ang tingin.
Sa sobrang abala ko sa loob ng aking kompanya. Hindi ko na maalala kung kailan ako huling lumabas ng bahay. Kadalasan kasi, sa opisina na ako natutulog o 'di kaya'y diretso akong umuuwi sa aking condo.
"Aray!"
Malakas akong napasigaw nang may isang lalaki ang bumangga sa akin, dahilan upang mapaupo ako sa sahig.
Tantya ko ay maskulado ang lalaking bumangga sa akin, ewan ko.
"I'm sorry."
Iyon lang ang kanyang sinabi saka siya nagmamadaling umalis. Ako naman ay nakatanaw sa kanyang likuran habang nagmamadali siyang tumatakbo. Napansin ko lang ang pula niyang bandana at moreno niyang katawan.
Nanlaki ang aking mga mata nang bigla kong maalala na uso nga pala ang magnanakaw sa lugar na ito. Dali-dali akong tumayo at kinapa ang aking mga bulsa.
Nandito pa ang cell phone ko, nandito rin ang wallet ko. Sinuri ko rin ang loob nito at kompleto ang laman, wala namang nawala.
Napailing na lang ako at nawirdohan sa mga pangyayari.
"Ano bang trip ng lalaking iyon?"
Muli kong tiningnan ang lugar kung saan ko siya huling nakita. Pero bigla na lang nawala ang misteryosong lalaki na bumangga sa aking katawan.
Binalewala ko na lang iyon at marahang naglakad. Ngunit nang papasok na ako sa loob ng aking kotse, isang bagay ang bigla na lang kumislap. Isang bagay na kumuha sa aking atensyon. At sa paglingon ko rito, nakita ko ang isang gintong calling card.
Dinampot ko ito at nakita ang nakasulat. RnJ Services find your ideal husband.
Anong kalokohan 'to? saad ko sa sarili.
At dahil hindi ako interesado, hindi ko na lang din ito pinansin. Muli akong pumasok sa aking kotse, nagsimulang mag-drive at umuwi na sa aking condo.
***
Kinabukasan, tulad ng dati. Matapos akong dumaan saglit sa opisina, agad akong nagtungo sa mga naka-set na meetings ko. At tulad ng inaasahan ko, mukhang wala na namang interesado sa aming kompanya.
Nagsimula akong makaramdam ng kawalang pag-asa. Tila nagsasagwan ako ng isang palubog na bangka. Tila ano mang oras ay lulubog na ang kompanyang pinaghirapang itayo ng aking ama.
Anong gagawin ko? Ako na naman ang may kasalanan ng lahat.
Niyuko ko ang aking ulo sa manibela ng kotse ko. Susuko na lang ba ako nang ganito? Tulad ng pangarap na sinukuan ko noon.
Sa pagbaling ng aking ulo sa gawing kaliwa. Nasulyapan ko ang isang restaurant. At saka ko lang naalala na alas-dos na pala ng hapon at hindi pa ako kumakain.
Naispan kong i-park ang aking sasakyan saka bumaba rito.
Pumasok ako sa loob ng restaurant at nakita ko ang pangalan nito — ang Blue Marlin Restaurant.
Bago lang kaya ito? Ngayon ko lang kasi nakita, o dahil sa hindi naman ako madalas kumain sa labas.
Matapos akong mag-dine-in, masasabi kong masarap ang pagkain nila rito. At dahil sa nagmamadali ako, tinawag ko ang waiter at hiningi ang aking bill.
Ngunit sa pagkuha ko ng aking pitaka at sa pagbukas ko nito, isang bagay ang nahulog mula sa loob ng wallet ko.
Napatingin ako sa sahig kung saan nalaglag ang bagay na iyon.
Tumaas ang aking kilay nang makita ko na naman ang gintong calling card na iyon.
Tinago ko ba ito sa pitaka ko? Bakit nasa akin ito? tanong ko sa aking sarili.
Dinampot ko na lang ito at pinatong sa lamesa. Plano ko nang iwan ang card na ito o kung ano man 'to ngunit biglang lumapit ang isang crew at umupo sa upuan na nasa tapat ko.
"Sir, mukhang may dahilan kung bakit nasa iyo ang card na iyan," saad ng lalaking waiter.
"Wait, did I tell you to sit down in front of me?" sagot ko sa kanya. Tumaas ang gilid ng kanyang labi na naghatid sa akin ng kilabot. "What do you want?" saad ko.
"Baka ako po ang dapat na magtanong sa inyo niyan, sir. What do you want?" Mas lalo akong kinilabutan sa kanyang mga sinasabi. Mabilis akong tumayo, ngunit bigla akong natigilan nang muli siyang magsalita. "RnJ Services, ang sagot sa mga problema nyo, sir."
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko pero bigla na lang akong hinila ng upuan at muling bumalik sa pagkakaupo.
"Ano'ng... ibig mong sabihin?"
Pinag-intertwined ng lalaking iyon ang kanyang daliri saka pinatong ang kanyang mga siko sa lamesa at humarap sa akin na may nakakatakot na ngiti.
"Sumunod po kayo sa akin at malalaman nyo ang ibig kong sabihin."
Mariin akong napalunok dahil sa mga katagang iyon.
Hindi naman siguro ito networking o ano man? Ngunit bakit iba ang pakiramdam ko sa bagay na ito.