Chapter-3

1394 Words
Dala na rin ng ayaw niyang magmukmok sa kwarto habang masayang nagdi-dinner ang Mommy niya kasama ang bago nitong pamilya, pumayag na siya sa plano ni Crizel na mag-bar sila kasama si Philip. Susunduin naman daw siya ni Philip sa bahay nila at ito na raw ang bahala para makapasok siya sa bar. Tinawagan na rin siya ni Philip para i-confirm kung sasama ba talaga siya. Ito ang unang beses niyang makakapasok sa isang bar at sana walang maging aberya. Nag-message siya sa Mommy niya na lalabas siya ngayong gabi. Okay lang naman ang naging sagot nito. Busy marahil dahil kasama nito ang bagong pamilya sa dinner. Casual lang ang napili niyang isuot. Maong pants, crop top na pinatungan ng denim jacket, at high heels sandals. Naglagay din siya ng light make-up para mag-glow ang mukha niya. Para mas gumanda ang outfit, nanghiram siya sa closet ng Mommy niya ng luxury bag at watch. Ibabalik din naman niya pag-uwi. Sa dami ng mamahaling bags nito, baka hindi pa nito mapansin na may kulang sa collection. Nakatanggap siya ng text mula kay Philip. Nasa labas na raw ito ng subdivision. Hindi na niya ito pinatuloy pa sa bahay. Baka magalit ang Tito Arthur niya kapag nalaman na may sundo siya. Isa pa, ayaw pa niyang ipaalam sa iba ang totoong estado ng buhay niya. Okay na may isang Crizel na nakikinig at nakakaintindi sa kanya. Malapit lang naman ang gate ng subdivision kaya nilakad na lang niya. Safe naman sa loob. Walang snatcher o kung anu-ano pa. Puro mayayaman ang nakatira roon. "Hi," bati ni Philip nang salubungin siya paglabas ng subdivision. "Sorry, natagalan ako," paumanhin niya. "It's okay," nakangiting sagot ni Philip. Pure Chinese si Philip pero dito na lumaki sa Pilipinas. Negosyante ang mga magulang nito. Gwapo at mukhang mabait, pero alam niyang hindi siya seseryosohin nito. Sigurado siyang nasa tiyan pa lang ito ng nanay nito, may naka-arrange marriage na agad sa kapwa Chinese. Ganoon yata talaga kapag Chinese. Kaya ine-enjoy na lang niya ang company ni Philip. Gentleman si Philip. Inalalayan pa siya nito pasakay sa mamahaling sasakyan. Sa kotse pa lang, halatang mayaman nga ito. "Thanks," pasalamat niya nang makaupo sa passenger seat. Umikot si Philip papunta sa driver seat. Napangiti pa siya habang sinusundan ito ng tingin. Malakas ang appeal nito. May kahawig itong artista sa Korea, parang Kim Soo Hyun ang datingan. "Saan daw natin susunduin si Crizel?" tanong niya nang umaandar na sila. "Tumawag siya sa akin kanina. Sabi niya magta-taxi na lang daw siya papunta sa bar," sagot ni Philip. "Ah, ganoon ba? Akala ko sasabay siya sa atin," sabi niya. "Akala ko nga rin eh. Ewan ko sa kanya bakit nagbago isip niya," sabi ni Philip habang nakatuon ang atensyon sa kalsada. Mukhang sinadya ni Crizel na hindi sumabay para makapag-solo sila ni Philip. Matagal na rin siya nireretohan ni Crizel dito at ngayon lang siya nagkaroon ng oras para i-entertain ito. Maiksi lang ang biyahe dahil malapit lang ang bar na pupuntahan nila. Katabi lang ito ng mall. Tulad kanina, pinagbuksan na naman siya ng pinto ni Philip at inalalayan pa pababa. Mukhang nagpapapogi ito sa kanya. At sa paningin niya, parang gumuwapo pa lalo si Philip. Lalo itong naging Kim Soo Hyun sa mga mata niya. Kabado pa siya nang papasok na sila ni Philip sa bar. Baka hingan siya ng ID at makitang minor pa siya at hindi papasukin. Sa kaba niya, napahawak siya sa braso ni Philip. "It's okay, Ellie, don't worry. Ako bahala sa'yo," sabi ni Philip sa kanya. Tumango siya. May tiwala siya kay Philip. Mayaman ito, kaya sigurado siyang may kapit ito sa loob. At hindi siya nagkamali. Isang tango lang ni Philip sa bouncer, pinapasok na sila. Tiningnan lang siya at hindi na hinanapan pa ng ID. Tuwang-tuwa siya nang makapasok sila sa loob. Sumalubong sa kanya ang malakas na tugtugan at maingay na paligid. Makukulay na ilaw na patay-sindi at napakaraming kabataang nagsasaya. "Wow," bulong niya habang pinagmamasdan ang mga kabataang nagsasayaw na parang walang bukas. Sa buhay na meron siya ngayon, ganito ang kailangan niya. Isang takas. Isang bagay na makakapagpalimot sa malungkot niyang buhay. "You like it here, Ellie?" bulong ni Philip. Hinawakan pa siya nito sa bewang para mailapit sa kanya. Maraming tao kaya kailangan nitong bumulong. Hindi na niya binigyan ng isyu ang kamay nitong nasa bewang niya. "Yes, Philip, thank you," sagot niya. "Hanapin na natin si Crizel," sabi niya. Tumango si Philip at nakipagsiksikan na sila sa maraming tao. Halos magdikit na ang katawan nila ni Philip. Ramdam niyang yakap na siya nito habang kapit na kapit naman siya sa binata. Hindi naman siya naiinis sa sitwasyon nila. Natuwa pa nga siya, dahil first time may lumapit na lalaki sa kanya nang ganito. Nakita nila si Crizel at iba pa nilang ka-schoolmate na lalaki sa isang mesa. Mukhang sila na lang ni Philip ang hinihintay. "Ellie!" tili ni Crizel nang makita siya. Agad itong tumayo para yakapin siya. "You made it, girl!" sabi nito at hinawakan ang dalawang kamay niya at isinayaw siya. Tumawa siya at sinabayan ang trip ng kaibigan. Sumayaw sila sa harap ng mga lalaking schoolmates nila habang malakas ang tugtugin. Ang saya-saya niya at hindi niya mapigilan, lalo na't kasama niya si Crizel. "Girls, later na yan. Uminom muna tayo," sabi ng isa sa mga kasama nilang lalaki. "Inom," ulit niya at sinulyapan si Crizel. Tumango ang kaibigan at hinila na siya palapit sa mesa. Nakatayo pa si Philip sa isang tabi at mukhang hinihintay siyang maupo. Inalalayan pa siya nito hanggang sa pag-upo. Perfect gentleman na talaga ito para sa kanya. "Umiinom ka ba?" tanong ni Philip nang maupo ito sa tabi niya. Iniling niya ang ulo. "Hindi ko pa nasubukan. But I am willing to try," sagot niya kay Philip. Ayaw niyang maging KJ sa grupo. Ayaw rin niyang masabihang maarte, kaya sasabayan niya ang mga ito basta alam niya ang limitasyon niya at alam niyang ingatan ang sarili niya. Apat na lalaki ang kasama nila sa table, mga kaibigan ni Philip ang tatlo. Dalawa lang silang babae ni Crizel, pero alam niyang mapagkakatiwalaan naman ang mga kasama nila. Besides, hindi naman niya hahayaang malasing siya. "Okay lang kung ayaw mo, may mga juice naman sila dito," sabi ni Philip. "No, kaya ko naman. Kahit isa lang, at least maka-try ako," sabi niya. Naghiyawan ang mga kasama nila pati na si Crizel nang marinig iyon. Kaya agad na tinawag ng mga ito ang waiter para umorder ng maiinom. Habang hinihintay ang inumin, napansin niyang masyadong malapit sa kanya si Philip. Nasa may likuran pa niya ang kamay nito at paminsan-minsan ay nasa bewang niya. Wala naman siyang nakitang malisya. Hindi rin siya naiilang kay Philip, kaya hinayaan na lang muna niya. Pagdating ng kanya-kanyang drinks, agad na iniabot ni Philip ang para sa kanya. Tinanggap niya iyon at nagpasalamat. Kinantiyaw naman siya ng mga kaibigan ni Philip na mauna na raw siyang uminom dahil first time niya. Ganoon din ang pang-aasar ni Crizel kaya napilitan siyang mauna. Unang tikim niya ito ng alak at hindi niya alam kung makakaya niya o kung ano ang magiging reaksyon ng katawan niya. Pero dahil gusto niyang makisama at bigyan ng buhay ang boring niyang buhay, kakayanin niya. Malakas na sigawan at palakpakan ang narinig niya kasabay ng mapait na likido sa kanyang lalamunan na halos hindi niya malunok. "You can do it, Ellie," sabi pa ni Philip habang hinahagod ang likod niya. "Ang pait," sabi niya nang malunok na ang alak. "Sa una lang yan, masasanay ka rin," sabi ni Philip. Magsasalita pa sana siya nang maramdaman ang pag-vibrate ng cellphone niya sa loob ng bag. Sinilip niya ito at nakitang ang Mommy niya ang tumatawag. "Excuse lang, guys. Sagutin ko lang. Mommy ko," paalam niya sa mga kasama sa table at tumayo para lumayo nang bahagya at makausap ang ina. "Where are you, Ellie?" may galit sa boses ng Mommy niya. "Lumabas po ako, nagpaalam naman po ako," sagot niya sa kabilang linya. "Anong ingay yan? Nasa bar ka ba?" tanong ng ina. "Opo," sagot niya. "Ellie naman! Umuwi ka na ngayon din!" mariing utos ng ina sa kanya. "Mommy naman," simangot niya na para bang nakikita ng ina ang mukha niya. "Anong bar yan, Ellie! Susunduin kita ngayon din!" galit na sabi ng Mommy niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD