Chapter-2

1298 Words
"Kumusta naman ang bagong asawa ng Mommy mo?" tanong ni Sebastian habang pababa sila sa elevator ng hotel na pagmamay-ari nito. "Okay naman, mabait naman sa akin si Tito Arthur," tipid niyang sagot. Pinili niyang ngumiti na lang. Hindi na kasi niya dapat ikuwento pa kay Sebastian ang totoo. Ano pa bang pakialam nito sa problema niya? Dati, magkakilala sila nang malapitan. Dati, halos magkapatid ang turingan nila. Pero ngayon, kasal na sa iba ang Mommy niya at wala na ang Papa nito. Hindi na sila mag-stepbrother at stepsister. Magkakilala na lang. "May mga anak siya, hindi ba? Babae o lalaki?" tanong nito ulit. "Dalawang babae," sagot niya at pasimple itong sinulyapan. Siguro nagtatanong lang ito para may mapag-usapan sila. Silang dalawa lang kasi ang nasa elevator. "Good, at least magkakaroon ka ng kapatid na babae, kahit stepsisters lang," sabi ni Sebastian. "Ah... yeah, yeah," tango niya. Hindi na nito kailangang malaman na hindi kapatid ang turing sa kanya ng dalawang iyon. Sa bahay ng Tito Arthur niya, mas madalas siyang inaapi kaysa itinuring na kapamilya. Paglabas nila ng elevator, agad na may sumalubong na dalawang security. Kay Sebastian siguro ang mga iyon. Congressman na ito ngayon, kaya natural lang na may kasama itong security palagi. Hindi biro ang maging Congressman sa bansa nila. Hindi nga niya maintindihan kung bakit pinasok pa nito ang pulitika, gayong bilyonaryo na ito at hindi na mauubusan ng pera. "Gusto mo ihatid na kita sa school mo?" alok ni Sebastian. "Huwag na, nakakahiya. Magta-taxi na lang ako," tanggi niya. Kapag hinatid siya nito, paniguradong pagtitinginan na naman siya sa school. "Taxi? Wala ka pa ring sariling sasakyan? Seventeen ka na, turning eighteen na, hindi ba?" napahinto pa ito at tinignan siya nang buo. "Ah... wala pa. Hindi pa kasi ako marunong mag-drive," palusot niya. "Mag-enroll ka sa driving school. Then get your own car para hindi ka na nagko-commute. Iba na ang panahon ngayon, Eliana. Delikado na, lalo na babae ka pa," seryosong litanya nito habang nakatingin sa kanya. "Ah... yeah, yeah. Sasabihin ko kay Mommy," sagot niya. Ang totoo, hindi siya marunong mag-drive dahil wala naman silang pambiling sasakyan. Naubos na ng Mommy niya ang perang iniwan sa kanila ng Papa ni Sebastian nang mamatay ito. Ang Tito Arthur naman, parang wala siyang pakialam. Hindi siya nito tinatrato na anak, hindi tulad ng Tito Severino niya noon na pinaramdam talaga sa kanya na may ama siya. Malayo ang ugali ng Tito Arthur niya sa Tito Severino. Sa Tito Arthur niya, ang Mommy lang niya ang mahalaga. Siya, sabit lang. Inalok ulit siya ni Sebastian na ihatid nang makalabas na sila ng hotel, pero tumanggi ulit siya. Nahihiya na siya. Wala na itong obligasyon sa kanya. Hindi niya nga alam kung bakit panay pa rin ang padala ng Mommy niya ng pagkain dito. Kumaway pa siya kay Sebastian nang makasakay na ito sa mamahaling sasakyan nito. Kahit exclusive school ang pinapasukan niya, tiyak na aagaw-pansin pa rin ang ganoong kotse. Iilan lang sa bansa nila ang may ganoong klaseng sasakyan. Sinundan niya ng tingin ang papalayong sasakyan. Hindi niya maiwasang malungkot. Kung buhay pa sana ang Papa ni Sebastian, siguro magkasama pa rin ang Mommy niya at ang Tito Severino niya. Siguro maayos pa rin ang buhay niya. Hindi siya binu-bully sa bahay, hindi siya parang ibang tao sa sariling tinutuluyan. At siguro, close pa rin sila ni Sebastian. "Bakit late ka na naman, Ellie?" bungad sa kanya ni Crizel pagpasok niya sa classroom. "Wala pa naman si Ma'am, hindi pa ako late ah," sagot niya habang inaayos ang bag. "Late ka pa rin! Hindi tuloy tayo nakapag-tambay sa labas para tumingin ng mga gwapo," nakasimangot na sabi ng kaibigan. "Naku, Crizel, wala akong balak humanap ng gwapo," iling niya. "Sus, malapit ka nang mag-eighteen. Dapat magka-jowa ka na," pang-aasar nito. "May kilala ka bang tagapagmana? Yung nag-iisang anak lang, walang kahati sa mana," pabirong tanong niya habang nakangiti. Napaisip sandali si Crizel, tapos biglang nagliwanag ang mukha. "Meron!" sigaw nito. "Sino?" "Si Philip! Yung anak ng Chinese. Mayaman yun at nag-iisang anak lang," sabi ni Crizel. "Naku, mahirap pag anak ng Chinese," kunot-noo niya. "Pero gwapo si Philip at type ka nun," pilit ni Crizel. "Hmm..." tinaasan niya ng kilay ang kaibigan. Kilala niya si Philip. Friend niya ito sa social media, laging naka-like sa posts niya at laging may comment sa pictures niya. Madalas din itong nagcha-chat, at sinasagot naman niya kapag hindi siya busy. Minsan na rin siyang inaya nitong lumabas, pero tumanggi siya dahil busy pa siya noon. "Sasabihin ko kay Philip na gusto mong pumunta sa bar," tukso ni Crizel. "Ano! Huwag na!" saway niya. Hindi na nila naituloy ang usapan dahil dumating na ang teacher nila. Breaktime na nang tumawag ang Mommy niya. "Mommy, bakit po?" sagot niya sa kabilang linya. "Naibigay mo ba kay Sebastian ang pagkain?" tanong nito agad. "Opo. Thank you raw po," sagot niya. "Good. Siya nga pala, Eliana, may dinner kami mamaya ng Tito Arthur mo kasama ang mga anak niya. Umuwi ka na lang nang maaga at matulog ka na. Huwag mo na kaming hintayin, ah," bilin nito. "Opo, Mommy," sagot niya, at nagpaalam na rin ang ina. Ganito na talaga ang setup nila. Kapag may dinner sa labas, hindi siya kasama. Ayaw daw kasi ng Tito Arthur niya na may makakita sa kanya, dahil ang alam ng lahat, walang anak ang Mommy niya. At okay lang iyon sa Mommy niya. Kung saan may benefit, doon ito. Hindi na mahalaga kung maiwan siya. Ang importante, masunod ang luho at gusto nito. Hindi naman siya itinago ng Mommy niya sa mga nanligaw dito dati. Pero sa Tito Arthur niya, iba. Siguro ayaw lang nito na masapawan ang mga anak nitong hindi naman kagandahan. Sa mga ganitong oras, mas lalo niyang naaalala ang Tito Severino niya. Kung paano siya nito tratuhin na parang tunay na anak, kahit hindi naman. "Sinong tumawag?" tanong ni Crizel nang ibalik na niya ang phone sa bag. "Si Mommy. May dinner daw sila mamaya," sagot niya. "At hindi ka na naman kasama, kasi kasama ang dalawang maldita," irap ni Crizel. Alam na alam na nito ang sitwasyon niya sa bahay ng Tito Arthur. "Ganoon na nga. Ano pa ba aasahan ko," taas-kilay niyang sagot. "Well," ngumiti nang malapad si Crizel. "Anong ngiting yan? Ang lapad ah," kunot-noo niya. "Wala ka namang kasama sa bahay niyo, di ba? Edi lumabas na lang tayo," masiglang yaya nito. "Saan naman tayo pupunta?" "Saan pa? Edi sa bar," bulong nito na kinikilig pa. "Seventeen lang ako, hindi pa ako pwede sa bar," simangot niya. "Kaya nga magpapasama tayo kay Philip," sabi ni Crizel. Hindi siya sumagot agad. Nag-isip siya. Mag-isa lang siya sa bahay mamaya, kasama lang ang mga kasambahay. Mananatili ba siyang mag-isa, o sasama sa kaibigan? "Huwag ka nang mag-isip. Sumama ka na," pangungulit ni Crizel. "Baka mahuli tayo eh," alangan pa rin siya. "Eighteen ka na one week from now, hindi na problema yun," sabi ni Crizel. Ngumiti siya. Tama si Crizel. Next week, eighteen na siya. Legal age na. Pwede na niyang gawin ang gusto niya. Pwede na siyang mag-party kahit saan, at pwede na siyang magka-boyfriend. Sa totoo lang, sa lungkot ng buhay niya sa bahay ng Tito Arthur, parang kailangan niya ng makakasama. Yung may makakausap siya, yung may mag-aalaga at magpo-protektahan sa kanya. Kaya tama lang na magsimula na siyang maghanap ng papasa sa category niya. At pasok na pasok si Philip Yao. Gwapo naman kahit papaano, matalino, at mayaman ang pamilya. Hindi naman siguro siya itatakwil ng pamilya nito dahil hindi siya Chinese. Jojowain lang naman niya ito, hindi aasawahin. Sa nakikita niyang buhay ng Mommy niya, wala siyang balak magpakasal at maging katulad nito. Kahit ma-in love pa siya, hindi siya magpapakasal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD