“`PA, NAKITA n’yo ba si Kent?” tanong ni Florence sa ama nang puntahan ito sa opisina nito. “Hindi pa. Kanina ko pa nga rin hinahanap ang kapatid mong ‘yon. Akala ko kasi ay sabay kayong papasok ngayon.” “Iniwan nga ako n’on, `Pa, eh. Napilitan tuloy akong mag-commute,” himutok niya. “Anyway, may ipapagawa ba kayong importante sa akin, `Pa?” “Ah, yes. Mabuti at nandito ka. Papunta na talaga ako sa opisina mo, eh.” Tumayo ito at isinuot ang overcoat na nakasabit sa likod ng swivel chair nito. “Ikaw na muna ang bahala rito. May meeting pa kasi ako at si Merly ang nasabihan kong sasama sa akin dahil akala ko ay hindi ka papasok ngayon dahil nga na-late ka ng dating.” “Okay lang, Pa. Ingat kayo.” Nang makaalis ang ama ay hinarap na ni Florence ang trabahong naiwan niya nang nagdaang araw.