HINDI man araw-araw paldo ang tips, okay lang kay Krizette. Mas sinisipagan pa niya sa trabaho sa Little Cuttie. Sobrang inspired siya dahil sa malaking tip na natanggap noong nakaraan. Idagdag pa ang napagbentahan ni Hazel ng alak na kanila ring pinaghatian.
Para sa kaniya, blessing din na hindi na siya pinag-iinitan ni Sir Ron simula noon.
Good shots na siya rito.
Kaya naman parang gumaan din ang trabaho niya dahil walang boss na parang dragon kung pagbalingan siya ng init ng ulo nito.
Masarap na rin ang kinakain niya kapag breaktime. Hindi na simpleng pagkain lang.
“Hindi ko alam kung paano ka pang nakakangiti sa kabila ng nakakapagod nating trabaho,” napapailing pang wika ni Hayatie. Kasamahan ni Krizette sa pagiging waitress sa Littie Cuttie.
“Siguro dala na rin ng pangangailangan, Hayatie.”
“Dala ng pangangailangan? Kung dala ‘yan ng pangangailangan, eh, ‘di sana all? Dala rin naman ng pangangailangan kaya ako narito.”
“Ang masasabi ko lang, kapag gusto mong may sahurin ka, wala kang choice kung ‘di ang i-appreciate ‘yong trabaho mo. Stress ka na nga sa buhay, magpapaka-stress ka pa sa trabaho? ‘Wag ganoon. Maniwala ka, parang lalong bibigat ang trabaho mo.”
Napatango-tango si Hayatie. “Sabagay, may punto ka, Krizette. Alam mo, hindi ka lang ubod ng ganda, puno ka pa ng ka-positive-an. Nakakahawa, ha?”
Ngumiti siya sa kaibigan. “Kung alam mo lang ang pinagdaanan ko bago ako makarating dito sa Little Cuttie. Wala sana ako rito kung hindi lang ako na-scam ng isang agency. Napaniwala nila kami na mapapaalis kami at may naghihintay na trabaho sa amin sa ibang bansa. Sa Canada. Pero kung kailan nasa kanila na ang hiningi nila sa amin na malaking placement fee, saka naman sila naglaho na parang isang bula. Masakit na masakit pa rin kapag naiisip ko ‘yon. Nagkaroon ako ng malaking utang sa amin. Hindi pa rin alam ng pamilya ko ang totoong sinapit ko rito sa Maynila. Kaya ‘wag kang magpapadala sa hitsura ko, Hayatie, magaling lang akong magtago ng problema. Inihihiwalay ko kasi sa trabaho.”
Napabuntong-hininga si Hayatie. “Grabe sila, Krizette. Maniwala ka sa karma, ha? May hangganan din ang ginawa nila sa inyo.”
“Kaya ‘wag ka ng magtaka kung mukha akong walang problema. Sa kabila ng hitsura kong ‘to, buhat ko ang buong mundo. Mayroon din akong morning job para makaraos at makaipon.”
“Pero bilib ako sa iyo, Krizette. Sa kabila ng pinagdaraanan mo, hindi ka pa rin kumakapit sa mga costumer na gustong-gusto kang i-table.”
“Gusto ko ng trabaho na marangal pa rin, Hayatie. Ayaw kong i-judge ang mga kasama natin dito dahil alam kong mayroon din silang pangangailangan. Basta, doon ako sa alam kong uuwi pa rin ako sa tinutuluyan ko na masaya kahit pagod.”
“Saludo talaga sa iyo. Ngayon kita mas lalong naintindihan. Hala at gagayahin kita pagdating sa trabaho.”
Napangiti siya sa sinabi nito.
“Hindi madali ang buhay at alam mo ‘yan, Hayatie. Pero laban lang tayo palagi sa araw-araw. ‘Wag tayong basta lang susuko at magpapatalo sa problema. At saka, maniwala rin tayo na isang araw ay magiging okay rin ang lahat. At ang mga nangyayari na hindi maganda sa buhay natin ay parte lang din ng pagsubok sa atin ng Panginoon.”
“Tatandaan ko ‘yan, Krizette. Sana, makaraos ka na sa problema mo. Dahil sa totoo lang, mas malaki ‘yang kinahaharap mong problema ngayon kaysa sa sarili kong problema.”
“See? ‘Yong taong akala mo ay okay lang, mas malaki pala ang pasan na problema kaysa sa iyo.”
Nang matapos ang kanilang breaktime ay bumalik na ulit sila sa kanilang trabaho.
Kahit paano, masarap din pala sa pakiramdam na mayroong nakakaunawa sa iyo. Lalo na sa pinagdaraanan mo.
Siguro, nakaka-move-on na rin siya kahit paano dahil hindi na siya umiiyak sa gabi bago matulog.
“Krizette, ipinatatawag ka ni Sir Ron. Pumunta ka raw sa office niya. Ngayon na,” anang isang staff ng Little Cuttie.
Kababalik lang niya buhat sa kaniyang breaktime. Nakapag-toothbrush na rin naman siya at retouch ng kaniyang makeup. Fresh looking na ulit siya.
May kaba sa dibdib ni Krizette nang maglakad siya papunta sa opisina ni Sir Ron.
Ano naman kaya ang problema at ipinatatawag siya nito sa opisina nito?
Pakiramdam tuloy niya, mayroon siyang nagawang mali. May costumer bang nagreklamo against sa kaniya?
Bigla, naalala niya ang isang costumer kanina na in-offer-an siya ng twenty-thousand para lang samahan ito sa table nito. Tinanggihan niya ang offer niyon. Paano kung nagalit iyon at nagreklamo kay Sir Ron?
“Krizette, goodbye Little Cuttie ka na ba?” nanghihina pa niyang anas sa kaniyang sarili.
Nang marating niya ang labas ng opisina ni Sir Ron, parang ayaw niyang ihakbang ang kaniyang mga paa palapit sa nakasarang pinto.
Ilang beses pa siyang huminga nang malalim bago nagawang buksan ang pinto ng opisina ni Sir Ron.
Sumalubong kay Krizette ang malamig na buga ng aircon buhat sa loob ng opisina.
Hindi pa man, pero parang nangangatog na ang mga tuhod niya.
Nang makapasok sa loob ng opisina ni Sir Ron ay agad niyang isinara ang pinto, at ika nito palagi ay lalabas daw ang aircon sa opsina nito.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Krizette at agad na nagpaliwanag nang makalapit siya sa table ni Sir Ron.
“Sir Ron, kung dahil po sa isang costumer na tinanggihan kong i-table ako, kaya ninyo ako ipinatawag, sorry po. Pero kahit tumaas pa po ang offer niya, ayaw ko po talaga,” ani Krizette na nagyuko pa ng ulo. “‘Wag po ninyo akong alisin sa trabaho. Kailangan ko po talaga ng trabaho rito.”
“Ano ba’ng sinasabi mo riyan?” ani Sir Ron.
Unti-unting nag-angat ng tingin si Krizette sa kaniyang manager. Makikita niya sa mukha nito na hindi iyon ang dahilan kung bakit siya nito ipinatawag.
“H-hindi po ba ‘yon ang dahilan kung bakit ninyo ako ipinatawag?”
Umiling si Sir Ron. “Hindi. Pumunta ka ngayon sa VIP Room number three at i-serve mo ang pinakamahal nating alak dito sa bar. Mag-se-serve ka lang ulit at hindi para i-table. Bilisan mo na at naghihintay roon ang costumer natin.”
Sa VIP Room? Mag-se-serve ulit siya ng alak?
Ibig ba niyong sabihin, papaldo ulit siya?
“T-totoo po?”
“Mukha ba akong nag-jo-joke rito, Krizette? Bilisan mo na ang kilos at baka mainip ang VIP costumer natin! Tip na, magiging bato pa.”
Nakahinga nang maluwag si Krizette dahil hindi naman pala para pagalitan siya o alisin sa kaniyang trabaho.
Mayroon palang blessing na naghihintay sa kaniya.
Kay lawak tuloy ng kaniyang ngiti sa mga labi nang asikasuhin ang dadalhin niyang alak sa VIP Room na kaniyang pakay.
Inihanda pa ni Krizette ang pinakamaganda niyang ngiti nang buksan niya ang pinto sa VIP Room.
Para siyang naglalakad sa ulap ng mga sandaling iyon dahil sa sobrang saya. Isipin pa lang na magkaano na ang mapepera niya sa alak na dala niya ay sino ba naman ang hindi matutuwa?
Napansin niya na mag-isa lang ang lalaking nakaupo patalikod sa kaniya.
Mas okay na rin na wala iyong kasama dahil natatakot siya kapag marami ang nasa loob ng VIP Room. Pakiramdam niya, pagtutulungan siya sa isang bagay na ayaw niyang mangyari sa kaniya.
Ipinilig pa ni Krizette ang kaniyang ulo.
“Good evening, Sir,” magalang pang bati ni Krizette nang sa wakas ay makalapit sa kinaroroonan ng VIP costumer nila ng gabing iyon.
Nakangiti pa rin si Krizette nang ilapag niya sa lamesa ang dala niyang bote ng red wine. Ngiti na unti-unting nawala nang mapatingin siya sa VIP costumer.
Kahit ikurap pa niya ang kaniyang mga mata ay hindi pa rin nagbago ang nakikita ng mga mata niya.
Si Ryzen Salvana ang VIP nila ng gabing iyon sa Little Cuttie!
Ang lalaking buong akala niya ay hindi na niya muli pang makakadaupang palad.
Kung bakit parang tumalon ang puso niya nang muli itong makita. Lalo na nang mapatitig siya sa napakaguwapo nitong mukha.
At nang mag-angat pa ito ng tingin sa kaniya, parang biglang nanlambot ang mga tuhod niya.
Hindi talaga siya nakakakita lang ng aparisyon ng mga sandaling iyon. Totoong si Ryzen Salvana ang kaharap niya.
“You’re hired as my girlfriend,” walang ligoy pa na wika ni Ryzen kay Krizette.
Parang lalong nawindang si Krizette sa kaniyang narinig.