Chapter 03

1166 Words
MARAHAS pang bumuntong-hininga si Ryzen kaya napasulyap dito si Krizette. Kapagkuwan ay bumaba sa wine glass nito ang kaniyang tingin. Buong akala niya ay dahil wala ng laman ang wine glass nito kaya medyo naiinis ito. Akmang sasalinan niya ng wine ang baso nito nang sumenyas ito na ‘wag niyang salinan ng alak ang baso nito. “Bakit ba may ubod akong kulit na lola?” usal pa nito na hindi nakaligtas sa pandinig ni Krizette. Hindi tumugon si Krizette at piniling itikom ang bibig dahil hindi naman siya nito kausap. Wala siyang karapatan na makipagkuwentuhan dito. Hindi naman kasi iyon kasama sa babayaran sa kaniya. Kaya ang bibig niyang minsan ay may sakit na kadaldalan ay kailangan niyang i-zipper. Ang alak na iniinom ng lalaki ay ni hindi nito napangalahati nang tumayo na ito at magbigay ng lilibuhin sa kaniya. “P-para saan po ito?” gulat pa niyang tanong sa lalaki. Kumunot ang noo ng lalaki nang balingan siya ng tingin. “Ngayon ka lang ba nakatanggap ng tip?” Tip niya ang maraming pera na iyon? “Ganito po kalaki?” gulat pa niyang bulalas. “Tss,” tanging reaksiyon ng lalaki. Mukhang balak na nitong umalis. Kaya naman mabilis na tumayo na rin si Krizette habang itinatabi sa bulsa ng suot niyang uniform ang tip sa kaniya. “Salamat, Sir,” wika pa niya rito. Malaking tulong sa kaniya ang makapal na perang iyon. Kapagkuwan ay kinapalan na rin niya ang kaniyang pagmumukha. “Ahm, Sir, kung kailangan mo po ng tulong, tumatanggap po ako ng sideline na acting job. Puwede po akong umarte bilang fake girlfriend ninyo sa harap ng lola ninyo. Para ng sa ganoon po, hindi na niya kayo kinukulit na makipag-blind date,” nakangiti pa niyang wika sa binata. Nakagat pa ni Krizette ang kaniyang ibabang-labi nang huminto sa paglalakad si Ryzen at balingan siya ng tingin. “Basta po, the price is right,” dagdag pa niya. Ngunit ang tingin na ipinamalas ni Ryzen sa kaniya ay para bang tingin na nababaliw na siya. Sunod niyon ay nagbawi na ito ng tingin at tuluyan ng umalis. Saka lang nakahinga nang maluwag si Krizette nang makaalis ng tuluyan si Ryzen Salvana. “Mukhang hindi niya trip ang alok ko,” ani Krizette na bumuntong-hininga pa. “Nag-o-offer lang naman ako sa kaniya. At hindi naman libre. May bayad. Tss. Eh, ‘di ‘wag,” anas pa niya bago binalikan sa lamesang ginamit ni Ryzen ang mamahaling red wine. “Sa akin ka na lang,” nakangiti pa niyang wika. Gusto niya iyong ibenta sa kung sino man ang may gusto. Under the table ang bentahan nila sa Little Cuttie ng mga alak na sobrang mamahal na alam naman nilang hindi nilaklak sa mismong nguso ng bote. Isa pa, bayad na naman iyon ni Ryzen Salvana. Hindi rin naman nito naubos kaya sa kaniya na iyon. Mukhang naglabas lang ng frustration ang lalaki sa bar na iyon. Pagbukas niya sa pinto ng VIP Room ay siya namang dating ni Sir Ron kaya natigilan si Krizette. Napatingin pa ito sa hawak niyang alak. “S-Sir—” “Pumunta ka sa office at dalhin mo ‘yang hawak mo,” seryoso nitong wika bago siya tinalikuran. Napaawang ang mga labi ni Krizette. Mali bang kunin ang alak sa loob ng VIP Room na naiwan na ng costumer? O sadyang malas lang ang mukha ni Krizette nang gabing iyon dahil naaktuhan siya na inilalabas sa VIP Room ang alak? Inaasahan na ni Krizette na mawawalan na siya ng trabaho. Iyon pala ang kapalit ng malaking tip na nakuha niya. Idagdag pa na masyado pa siyang naghangad dahil balak pa niyang ibenta ang mamahaling alak. Nang makarating sa loob ng opisina ni Sir Ron ay halos hindi magawang tingnan ni Krizette ang manager. Hinihintay niya na sentensiyahan siya nito sa gabing iyon. Walang salita na mayroong inilapag na makapal na pera sa table si Sir Ron, sa mismong harapan niya. “Porsyento mo sa alak,” wika pa nito. Ano raw? Saka lang napakurap-kurap si Krizette. Isang bundle iyon ng lilibuhin. Umawang pa ang mga labi niya nang tingnan si Sir Ron. “Sa akin po?” Itinuro nito ang alak na hawak niya. “Oras na mabayaran ng customer ang alak na katulad ng dala mo, secured ang porsyento mo sa napagbentahan ng alak na ‘yan.” Hindi siya makapaniwala. Mayroon na siyang malaking tip mula kay Ryzen Salvana, mayroon pa siyang porsyento galing sa napagbentahan ng alak. “T-talaga po? Hahatian ko po ba si Hazel? Siya po kasi talaga ang dapat na mag-se-serve kay Sir Ryzen.” “No need. Wala naman siya roon at ikaw ang nag-asikaso sa VIP Room. That’s our rule. Kung sino ang naroon, siya ang makakatanggap ng porsyento. Kunin mo na ‘yang pera.” Hindi pa rin makapaniwala si Krizette nang kunin niya ang malaking halaga ng pera na nasa harapan niya. “‘Yang alak.” “Ibabalik ko na po sa VIP Room,” mabilis niyang wika. Umiling si Sir Ron. “Pagbibigyan kita sa ngayon. Sa susunod, ‘wag kang magpapahuli na may dala kang mamahaling alak. Sige na. Lumabas ka na. Itago mo ring mabuti ang pera mo.” Parang nanibago siya kay Sir Ron ng mga sandaling iyon. Buong akala niya, mawawalan na siya ng trabaho. Pero hindi pala. Parang bigla itong naging anghel sa kaniyang paningin. “Sir, gusto po ba ninyo, hati tayo sa kikitain ko sa alak na ‘to?” tanong pa niya. “No need,” anito na sumenyas na para umalis na siya. “Marami pong salamat, Sir Ron. Sobrang laking tulong po sa akin ng perang ‘to. Magsisipag po akong lalo.” “Baka gusto mong t-um-able?” tanong pa nito. Ganoon na lang ang pag-iling niya. “Sorry po. Ayaw ko po talaga.” “Fine. Makakalabas ka na.” Iyon ang kagandahan doon, hindi ka pipilitin sa isang bagay na ayaw mo pang gawin. Dahil hindi naman siya madamot. Kaya naman sinabihan niya si Hazel na kapag nabenta nila ang natitirang laman ng bote ng alak ay maghahati sila sa kikitain niyon na mabilis namang inoohan ni Hazel. At dahil mas kilala nito kung sino ang mga parokyanong mayayaman talaga, iyon ang nilapitan ni Hazel para pagbentahan, under the table, na napagtagumpayan naman nito. “Paldo,” tuwang-tuwa pang wika ni Hazel kay Krizette nang maibigay sa kaniya ang parte niya. “Salamat, Krizette, ha?” “Salamat din,” aniya matapos itago ang perang kinita para sa gabing iyon. Minsan, mayroong maalat na gabi. Pero sa gabing iyon, pumaldo talaga siya. Para sa kaniya, naging suwerte pa ang pagtatagpo ng landas nila ni Ryzen Salvana. Hindi na siya umaasa ng part two na pagkikita nila o pagkukrus ng landas nila, pero malaki ang pasasalamat niya rito. Dahil kahit paano, mayroon na siyang pandagdag sa iniipon niya na pambayad sa naiwan niyang utang sa probinsiya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD