Unang Bahagi: Kabanata 3

2209 Words
~1940~ “Senyor Caloy, sigurado ka ba talaga na papapasukin niyo ang isang estrangherang babaeng iyan dito sa inyong pabrika? Hindi po ba kayo nababahala na baka pagnakawan lang kayo niyan?” pabulong na tanong ni Berteng matapos nilang alalayan si Mahalia kasama ang sanggol papunta sa kaisa-isang kwarto sa pabrikang pagmamay-ari ng Senyor Caloy. “Berteng, hindi ba napag-usapan na natin ito?” tugon ng Senyor matapos isara ang pintuan ng kwarto kung saan naroon sina Mahalia. “Mukha naman siyang katiwa-tiwala at mabait na tao. At kita mo namang wala siyang ginagawang masama dahil kung mayroon ay dapat kanina pa niya tayo pinagnakawan tulad ng ibinibintang mo sa kaniya. Pero wala, kaya wala akong nakikitang rason Berteng upang pagkaitan sila ng tulong,” patuloy ng Senyor na naglakad na palayo sa kwarto. “At isa pa, habang pinagmamasdan ko ang mga sugat ng binibini ay hindi ko maiwasang maawa sa kaniya at sa sanggol na kasama niya.” “Pero Senyor, hindi natin ito basta-bastang maibabase sa awa dahil minsan mapaglinlang ang ating puso at maaari tayong ipahamak niyan. Dapat po hindi tayo basta-basta—“ “Berteng, hindi dapat basta-bastang tinatanggihan ang awa. Ibinigay ito ng Diyos upang tayo ay makatulong sa ating kapwa. At tiyaka kailanman ay hindi dapat natin pinagdududahan ang ating mga puso. Kung may pagkakataon na makatulong tayo sa kapwa ay dapat gawin natin ito ng hindi nagdadalawang isip,” pakli ng Senyor dahilan upang matigilan ito. “Hindi ba dapat mas tulungan natin siya gayong nakita natin ang mga sugat niya sa katawan? Malay ba natin kung galing ang mga sugat na iyon sa kaniyang asawa? At malay ba natin kung babalikan sila ng abusadong lalaking iyon?” patuloy ng Senyor na siyang napabuntong hininga nga ng tuluyan matapos sabihin ang mga posibilidad kung bakit sugatan ang babaeng natagpuan na lamang nila basta-basta sa daan. Tuluyan ngang napatikhim at natahimik ang kutsero nang mapagtanto ang mga posibilidad kung bakit may mga sugat ang babaeng natagpuan nila sa daan. “Sige na Berteng, pumaroon ka na muna sa mansyon at pasabi na lamang sa aking ama na dito nalang muna ako sa pabrika magpapalipas ng gabi.” “P—po Senyor?” “Kailangan kong bantayan ang binibini at ang kaniyang anak. Dahil tulad nga ng sinabi ko ay hindi natin alam kung anong klaseng kapahamakan ang nagbabadyang mangyari sa kanila. Maaaring pinaghahanap na sila ngayon ng taong gumawa non sa kaniya. Basta ang tanging bagay na alam kong dapat kong gawin ngayon ay ang siguraduhing ligtas sila rito sa pabrika,” tugon ng senyor na hindi nga maiwasang mabalisa para sa kaligtasan ng mag-ina. “P—pero Senyor, ano pong sasabihin ko sa Don Santiago na dahilan kung bakit kayo rito sa pabrika magpapalipas ng gabi?” “Sabihin mo na lamang na hindi ko pa tapos ang makina ng sasakyan na pinapaayos niya sa akin. Alam kong hindi na iyon magtatanong pa sa oras na banggitin mo ang sasakyan niya,” sagot ng binata na natigilan nga sa tapat ng opisina niya. “Sige na, ikaw ay pumaroon na upang hindi na magtaka pa ang ama na hindi pa ako nakakauwi,” sambit nito na huli’t huling hinarap ang kutsero. Tuluyang tumango ang kutsero bago pa man talikuran ang binata at lumakad palabas ng pabrika. _________________________ Hatinggabi na ngunit dilat pa ang mga mata ni Mahalia na kasalukuyang malalim ang iniisip habang nakadungaw sa bintana ng kwartong kinalalagyan nila ngayon ng sanggol. Makalipas ang halos isang oras niyang pagdungaw sa bintana ay nagpasya na nga siyang isara ito at marahan ngang maglakad papunta sa kamang kinaroroonan ngayon ng sanggol na anak nila Alec at Mapolan. “Hindi ko akalain na magiging kapalit ng buhay mo ay ang mga buhay ng mga taong mahahalaga sa akin,” buntong hiningang sambit ni Mahalia sa sanggol na mahimbing ngayong natutulog. Bago pa man mangyari ang lahat-lahat ay nakita na at napuntahan ni Mahalia ang mga mangyayari sa oras na piliin niyang iligtas ang sanggol. Dahil noong siya ay bata pa lamang ay nakita na niya sa kaniyang pangitain na magkakaanak ng makapangyarihang sanggol si Alec at ang tagapangalaga ng pag-ibig na si Mapolan. Ang pangitaing ito ang siyang nag-udyok sa kaniyang kaibiganin si Alec noong mga bata pa sila upang subukang pigilan ang nakatakdang mangyayari. Ngunit nabigo siyang gawin ang lahat dahil nagkakilala pa rin ang dalawa, nagkamabutihan, at nanganak ng sanggol. At mas malala ay naging matalik din niyang kaibigan si Mapolan bukod kay Alec. “M—mukhang tama nga ang aking ina na dapat hindi ko na lamang pinakielaman ang takbo ng oras. Dahil kung gayon ay hindi sana masakit para sa akin ngayon ang pagkamatay ng iyong ama at ina,” unti-unting sambit ni Mahalia na siyang agad ngang napapunas sa mga tumutulo niyang mga luha. “Ngunit ano ang aking magagawa kung kahit na ilang ulit mangyari ang pagkakasilang mo ay pareho at pareho pa rin ang pipiliin ng iyong mga magulang?” “Ang iligtas ka kapalit ng kanilang mga buhay.” Napabuntong hininga ang dalaga na ngayon ngay marahang iniayos ang suot-suot na anting-anting ng sanggol. “Shakir,” marahang basa nito sa pangalang unti-unting napapakita sa likuran ng anting-anting. “Muli nga na namang naisusulat ang pangalan mo sa kasaysayan. Ngunit hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa na sana sa pagkakataong ito ay mag-iiba nang muli ang iyong kapalaran.” Buntong hiningang binitawan ni Mahalia ang anting-anting ngunit agad-agad siyang natigilan nang mawaglit ang kaniyang tingin sa sugat niya sa kamay na ngayon ngay unti-unti nang naglalaho. Tanda na unti-unti na ring nanunumbalik ang lakas niya at kapangyarihan. _________________________ Tulad ni Mahalia, sa kalagitnaan ng hatinggabi ay hindi pa rin tulog si Senyor Caloy na kasalukuyan ngang nagkukumpuni ngayon ng isang lumang orasan. “Ano ang bagay na iyan?” Nabitawan ngang tuluyan ng binata ang hawak niyang distornilyador (screwdriver) nang bigla na lamang magtanong at lumitaw si Mahalia sa kaniyang likuran. “B—binibini,” sambitla nito na siyang agad na pinulot ang nahulog na distornilyador. “Bakit ka nandito? Dapat ay nagpapahinga ka upang mapadali ang paghihilom ng iyong mga sugat—“ Ngunit agad-agad ngang natigilan ang binata nang mapansing wala na ang mga sugat ni Mahalia na tila ba naglaho lamang na parang bula. “Ano ang bagay na ito?” pag-iiba ni Mahalia sa usapan na naglakad nga ngayon upang kunin ang lumang orasan na kinukumpuni kanina ni Senyor Caloy. “Ang mga sugat mo— saan na naroon ang iyong mga sugat binibini?” baling na tanong ng binata na siya ngang walang kurap at kunot noo ngayon pinagmamasdan ang mga naaalala niyang parte kung saan naroon ang mga sugat ni Mahalia kanina. Agad ngang napapikit at napasinghap si Mahalia bago pa man tignan ngayon ang Senyor gamit ang berde niyang mga mata. “Kalimutan mong may mga nakita kang sugat sa aking katawan,” walang kurap na sambit ni Mahalia kasabay nang saglit na paglitaw ng kulay berdeng ilaw sa mga mata ng binata. “A—ano na ulit ang iyong itinatanong binibini?” nakangiti na ngayong tanong ni Senyor Caloy na tuluyan ngang nakalimutan ang patungkol sa mga sugat ni Mahalia. Ngayon ay marahang kinuha ni Mahalia ang orasan at saglit itong pinagmasdan bago ibaling muli ang kaniyang tingin kay Caloy. “Ano ang bagay na ito?” “Ah, ‘yan ba? Iyan ay tinatawag na orasan. Katumbas ng paggalaw ng mga kamay ng orasan na iyan ay ang paggalaw din ng oras sa mundong ating kinagagalawan ngayon,” nakangiting paliwanag ng binata na kinuha nga ang orasan at nilagyan ito ng baterya upang paganahin at ipakita kay Mahalia kung paano ito gumagana. “Ang mas malaking kamay nito ay tumutukoy sa oras. At ang mas maliit naman ay tumutukoy sa bawat minuto,” paliwanag ni Senyor Caloy habang tinuturo nga ang mga kamay ng orasan. “Katulad ngayon, ang malaking kamay ay nakatutok sa numero dose at ang mas maliit naman ay nakatutok sa numero sais na siyang nangangahulugang alas-dose y medya na ngayon ng hatinggabi,” patuloy pa nga ng binata dahilan upang unti-unting mapahawak muli sa orasan si Mahalia. “B—bakit mo pala ito naitanong?” nagtatakang tanong ni Caloy dahilan upang matigilang saglit si Mahalia at mapatingin sa mga mata ng binata. “Ikaw ang nais kong tanungin Ginoo,” sambit ni Mahalia kasabay nang panunumbalik ng kulay berde niyang mga mata. “Ano ang nais mong gawin sa orasan na ito?” “Nais ko itong gamitin upang maglakbay sa ibang panahon na alam kong posible. Ngunit kahit pa na nakabatay sa mga librong isinulat ni Ginoong Einstein na kaonting porsyento lamang ang mayroon para tayo ay makalakbay patungo sa nakaraan o kinabukasan ay hindi pa rin nawawala ang pag-asa ko na balang araw ay magagawa kong mahanap ang susi upang magawa kong makalakbay sa iba’t ibang oras o panahon,” tulalang paliwanag ng binata na siyang nasa ilalim nga ng kapangyarihan ni Mahalia. Agad-agad ngang bumalik ang kulay hazel na mata ni Mahalia at muli’t muling tinignan ang orasan bago pa man ito nagpasyang maglabas ng berdeng ilaw sa kaniyang kamay at tiyaka nga ito ibinato patungo sa orasan. Dahilan ito upang agad-agad na mapatakip ng mata ang binata kasabay nang pag-atras niya mula kay Mahalia. “A—anong ang iyong ginagawa? P—papaano—“ “Huwag na huwag mong kwestyunin ang mga ginawa o gagawin ko. Bagkus ay manahimik ka at sundin lamang ang lahat ng ipag-uutos ko sa iyo,” agad na sambit ni Mahalia na diretso ngang muling tinignan ang binata. “Kunin mo ang orasan,” utos nito na siyang agad din namang sinunod ni Senyor Caloy. Matapos makuha ng binata ang orasan ay mabilis na naglaho si Mahalia at bumalik din lang sa harap ng binata habang dala-dala na ngayon ang sanggol na babaylan. “Nais kong dalhin mo ang sanggol na ito sa panahon na malayo rito sa kasalukuyan,” saad ni Mahalia sabay abot ng sanggol kay Senyor Caloy. “Gamitin mo ang orasan na iyan upang gawin ang ipinag-uutos ko,” patuloy ni Mahalia na siyang dahilan upang kunin na ni Senyor Caloy ang sanggol. “Sa likuran niyan naroon ang pipindutan upang maidala ka sa kahit na anong taon. Gamitin mo ang orasan at idala sa ligtas na lugar at taon ang sanggol. At matapos mong gawin ito ay bumalik ka rito at ibibigay ko sa iyo ang gantimpala mo sa gagawin mong pagtulong sa akin.” Marahang tumango ang binata na siyang tuluyan na ngang pinindot ang orasan dahilan upang unti-unting umikot ang buong paligid nila at tuluyan ngang maglaho ang binata kasama ang sanggol. Makalipas lamang ang ilang segundo ay muli na ngang nagbalik ang lalaki na hindi na nga ngayon kasama ang sanggol. “Nagawa ko na ang iyong ipinaguutos,” wala sa sariling sambit ni Senyor Caloy dahilan upang marahang mapatango si Mahalia. “Sa paraang ito ay natitiyak ko na wala ng paraan upang masundan pa ng ibang Amatista kung saan ko idinala ang sanggol. Dahil hindi ako ang siyang naglayo sa sanggol bagkus ay isang mortal na gaya mo ang gumawa nito,” saad ngayon ni Mahalia. “Ngayon ay oras na para ibigay ko sa iyo ang iyong gantimpala. Bigyan mo pa ako ng dalawang orasan at isang bagay na paglalagyan ko ng mahikang makakapagprotekta sa mga kapangyarihang ilalagay ko sa orasan.” Agad-agad ngang tumango ang binata kasunod nang pagkuha niya ng dalawa pang orasan mula sa kaniyang aparador kasama ang isang lumang telepono mula pa sa nanay ng kaniyang ama. Unti-unting napapikit si Mahalia at kasunod nga non ang paglabas niya ng mga ilaw mula sa kaniyang kamay patungo sa mga orasan at sa telepono. “Ang unang orasan at ang bagay na ibinigay mong paglalagyan ng mahika ay iyong pagmamay-ari. Samantalang ang dalawa namang orasan ay nais kong ibigay mo sa mga karapat-dapat na tao na may magandang motibo sa paglalakbay sa nakaraan o kinabukasan.” “Nais kong protektahan mo ang mga bagay na iyan at ikaw nga ang itinatakda kong tagapagbantay ng mga ito. At sino mang mapangahas na maaaring manggulo sa oras ay narapat lamang na pigilan mo at siguraduhing maibalik sa normal ang takbo ng oras,” sambit ngayon ni Mahalia habang diretsong nakatingin ang berde niyang mata kay Senyor Caloy. “Proprotektahan ko ang mga orasan at hindi hahayaan ang sino mang mapangahas na guluhin ang takbo ng oras.” Nang tumango ang binata ay tuluyan na ngang napabuntong hininga si Mahalia at huli’t huli ngang ginamitan ng kapangyarihan ito. “Nais kong kalimutan mo lahat nang nangyari mula sa umpisa, noong makita mo ako at ang sanggol sa daan, magpahanggang dito sa kasalukuyan. Nais kong isipin mong ikaw ang siyang nagpagana sa mga orasan at teleponong ito at hindi ako,” sambit ng dalaga na bumuntong hininga nga at diretsong tinignan ngayon si Caloy. “Muli’t muli, nais kong kalimutan mong nakilala mo ako at idinala mo ang sanggol sa ibang panahon.” At matapos nga iyon ay tuluyan na ngang naglaho na parang bula ang Amatista kasabay nang pagbabalik ni Senyor Caloy sa katinuan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD