~1920~
“Iho.”
Unti-unting namulat ng kaniyang mga mata ang binata na siya ngang agad na napatayo nang maramdamang nakatigil na ang tren na sinakyan niya patungong Tarlac galing sa bayan ng Dagupan.
“T—tarlac na ho ba ito lolo?” tanong nito sa matandang gumising sa kaniya.
“Oo iho, at kung hindi ka pa tatakbo palabas niyan ay baka madiretso ka pang Angeles niyan,” ani ng matanda dahilan upang agad-agad ngang kinuha ng binata ang dala-dala nitong briefcase.
“N—naku, marami hong salamat lolo!” habol ng binata sa matanda na siyang nginitian at tinanguan siya,
“Marami ring salamat sa gamot na iyong binigay para sa aking ubo!” bulalas ng matanda bago pa man tuluyang makahabol ang binata sa paglabas sa tren.
Buntong-hininga ngang inayos ng binata ang kaniyang kwelyo at nakangiti ngang tumango sa matanda nang tuluyan na muling umandar ang tren.
“Mabuti na lamang at hindi na naman ako lumagpas,” usal ng binata sa kaniyang sarili na ngayon ngay naglakad na palabas sa istasyon ng tren.
“Bili na ho kayo ng suman!”
“Bente na lamang ho itong tsinelas!”
Sunod-sunod ngang dinig ng binata mula sa mga nagkalat na tindera at tindera sa labas ng istasyon.
Marahan niyang inilibot ang kaniyang paningin at nangiti nga nang makakita ng bakanteng pwesto.
Dali-dali itong naglakad patungo rito at kalaunan ngay inilapag na ang hawak na briefcase sa sahig na siyang naglalaman ng maliliit na bote ng halamang gamot.
“Kayo ho ba ay madalas na sumakit ang ulo, mayroon ho akong panindang halamang gamot na may katas ng yerba buena,” panimula ng binata na siyang hawak-hawak nga ang isa sa mga bote ng halamang gamot habang sinusubukang hikayatin ang mga dumadaang pasahero na bumili ng kaniyang mga paninda.
“Mga ginoo, kayo ay bumili na ng—“
“Iho, hindi mo dapat dito ibinebenta ang mga gamot mo dahil talagang mailap lamang ang mga mamimili ng mga iyan. Ang mga gusto ng mga pasahero ay pagkain tulad ng mga paninda ko,” pakli ng matandang babaeng katabi niya na siyang nagbebenta ng mga kakanin at mga gawa niyang abaniko.
“Mayroon naman ho siguro lola—“
“Mas gugustuhin na lamang naming maglaga ng mga halamang gamot kaysa sa bumili pa kami ng pagkamahal-mahal mong mga gamot iho,” pakling muli ng matanda na siyang ngumisi pa nga at pasimpleng tinawanan ang binata. Dahilan ito upang mapabuntong hininga ang binata na ngayon ay napakamot na lamang ng kaniyang batok.
“Mga ginoo, binibini, kayo na ho ay bumili ng aking mga panindang halamang gamot—“
“Sinabi nang walang bibili—“
“Kung inyo po sanang mamarapatin ay huwag niyo lamang ho sana akong—“
Natigilan nga ang binata at nanlaki ang mga mata nang makitang namumutla ang matanda habang hawak-hawak ang kaniyang dibdib at tila ba hirap kung huminga.
Agad ngang natayo ang binata at mabilisang nilapitan ang matanda at hinawakan nga ang likuran nito nang akmang mahihimatay na siya at babagsak na sa lupa.
“Lola,” sambitla ng kakarating lang na batang lalaki. “Lola, anong nangyayari sa iyo?”
“Totoy, mayroon ba kayong kaserola riyan o kahit na ano mang maaaring pagkuluan ng tubig?”
Agad ngang inilibot ng bata ang paningin at kalaunan ay tumango nga ito tumakbo agad patungo kung saan naroon ang mga kagamitan nila.
Naroon ang maliit na kaserola na siyang pinaghahaluhan ng kaniyang lola ng niluluto nitong mga kakanin.
“Narito ho kuya,” ani ng bata.
“Iyo munang hawakan ang iyong lola totoy,” utos ng binata na ngayon ngay walang pasubaling hinawakan ang mga maiinit na suman mula sa kalan.
Kahit magkapaso-paso ang mga kamay nito ay hindi ito naging alintala upang magmadali siyang ilagay ang planggana sa kalan at binuhusan nga ito ng tubig mula sa kaniyang bag. Kalaunan ay nabaling ang atensyon nito sa mga paninda niyang mga gamot at roon ngay kinuha ang isang maliit na bote at naglagay ng sampung patak nito sa tubig na kaniyang pinapakulo. Madaliang hinalo ang gamot sa tubig gamit ang nakuha niyang sandok mula sa kagamitan ng matanda.
“K—kuya, matagal pa po ba iyan? Namumutla na ho ang lolako,” ani ng bata na siyang mangiyak-ngiyak na nga ngayon.
Buntong-hiningang napatingin ang binata sa pinapakuluan niyang tubig at ngayon ngay kumuha ng dahon ng saging upang paypayin ang kalan ngunit hindi sapat upang pakuluin ang tubig sa lalong madaling panahon dahilan upang magpakawala siya ngayon ng malalim na hininga at tinitigan nga ang tubig na sinusubukan niyang pakuluin.
“Mempercepatkan,” usal ng binata na hindi nga iniaalis ang tingin sa tubig.
“Mempercepatkan,” ulit nito na sa pangalawang pagkakataon ngay nagbuga ng napakainit na singaw ang tubig dahilan upang mangiti ito ng pagkalaki-laki at ngayon ngay kinuha ang matanda at inilapit rito.
“Huminga ho kayo ng malalim,” ani ng binata na siyang marahang tinanguan ng matanda.
Unti-unting humingang muli ang matanda at habang tumatagal ngay mas nagiging madali na sa kaniya ang paghinga.
Makalipas ang ilang minuto ay naumbalik na sa normal ang paghinga ng matanda dahilan upang mangiti ng pagkalaki-laki ang apo nito na siyang hindi na nga napigilan ang sariling mapayakap sa kaniyang lola.
“Lola, akala ko kung ano nang mangyayari sa iyo.”
Buntong-hininga ngang tumayo ngayon ang binata na siyang akma ngang babalik na sa kaniyang pwesto ngunit natigilan nang hawakan ng matanda ang kaniyang pulso.
“M—maraming salamat at patawad sa aking mga nasabi kanina iho,” ani ng matanda dahilan upang marahang ngumiti ang binata at tinanguan ang matanda.
“Wala hong ano man—“
“Lola Pilapil,” patuloy ng matanda.
“Wala hong ano man Lola Pilapil.”
“Iniligtas mo ang buhay ko iho—“
“Kalooban po ng Dios iyon Lola.”
“Ano ang iyong pangalan at magkano ang kagamutang pinanligtas mo sa akin? Nais kong bayaran ang kabutihan mo iho sa kabila ng aking magaspang na ugaling ipinakita sa iyo,” sunod-sunod ngang tanong at saad ng matanda dahilan upang umiling ang binata.
“Sa inyo na ho ang gamot na ito,” ani ng binata na siyang kinuha nga ang bote ng gamot at iniabot sa matanda.
“Isa ho itong langis na gawa sa eucalyptus. Kung sumpungin po kayong muli ng hika ninyo ay mayroon po akong tuyong dahon ng adhatoda vasica rito,” patuloy nito na ngayon ay kinuha mula sa kaniyang malaking bag ang nakabalot sa telang dahoon ng adhatoda vasica. ”Inyo hong usukin ito sa kalan at marahang lumanghap malapit dito upang mapagaan po ang inyong paghinga.”
Nangiting tuluyan ang matanda. “Maraming salamat iho. Alfredo, magbalot ka ng suman—“
“N—naku,” pakli ng binata. “Huwag na ho—“
“Sige na iho nang kahit papaano ay masuklian ko naman ang kabutihan mo.”
“Nga pala, hindi mo pa nababanggit ang iyong pangalan? Para kapag pumaroon kang muli rito ay mabigyan kitang muli ng mga kakanin kong paninda,” patuloy ng matanda.
“Shakir ho ang aking pangalan.”
“Maraming salamat muli Ginoong Shakir,” ani ng matanda kasabay ng pag-abot niya ng nakabalot na mga kakanin. At wala rin naman nang nagawa ang binata kundi tanggapin na ito.