“Kuya Shakir!” bungad ng isang batang babae na siyang agad-agad ngang tumakbo upang magpabuhat sa binata.
“Ikaw ba ay nakabenta ng maraming gamot ngayon? Mabibili na ba natin Kuya Shakir ‘yong kabayong ibinibenta ni Manong Ramil?” sunod-sunod na tanong ng bata na siyang dahan-dahan ngang ibinaba ng binata sa lupa.
“Marami naman akong nabenta ngayon Tanya ngunit kaonting oras pa at makukumpleto ko na rin ang bayad sa kabayong ibinibenta ni Manong Ramil,” nakangiting sambit ng binata dahilan upang manlaki ang ngiti ng bata.
“Huwag kang mag-aalala Kuya Shakir dahil alam ko na hong gumawa ng bayong na siyang itinuro ng iyong ina sa amin kanina. Pwede ho akong gumawa ng maraming ganoon at isabay niyo sa inyong mga ibinibentang gamot,” ani ng bata dahilan upang mapangiti at marahan ngang pisilin ng binata ang mga namimintog at namumulang mga pisngi nito.
“Tanya, huwag ka na lamang mag-abala pa, mas mainam na ilagay mo na lamang ang buo mong atensyon sa inyong pagsasanay. Ako na lamang ang bahalang mag-ipon ng pambibili natin ng kabayo,” saad ng binata.
“Shakir, ikaw na ba iyan?”
Agad ngang natigilan ang dalawa at tumayo na ngang tuluyan ang binata mula sa kaniyang pagkakayukod.
Unti-unting nangiti ang binata nang makita ang isang matandang lalaki na siyang paika-ika ngang lumabas mula sa unang kubong bubungad sa iyo sa sitio.
Agarang iniabot muna ng binata ang hawak na briefcase kay Tanya at tiyaka nga tumakbo upang agad na maalalayan ang matanda.
“Maginoong Gyasi,” ani ng binata na siyang agad ngang nagmano sa matanda bilang paggalang at tiyaka ito inalalayang maupo sa papag na nasa harapan ng kubo.
“Ikaw ay kamuntikan na namang nagpagabi Shakir,” saad ng matanda na siyang dahilan upang buntong-hiningang mangiti at umupo ang binata sa tabi ng matanda.
“Kailangan hong doblehin ang pagkayod upang mabili ko na ho ang kabayong ninakaw mula sa mga magulang ni Tanay,” anya nito na siyang ibinaling nga ang tingin sa tumatakbong bata patungo sa kubo kung saan nakatira si Shakir at ang kaniyang ina.
“Ikaw ay mag-iingat sa pakikisalamuha mo sa mga tao Shakir—“
“Huwag kang mag-alala Maginoong Gyasi, lagi kong isinasaalang-alang ang mga bilin ninyo,” pakli ng binata dahilan upang magpakawala ngayon ng malalim na buntong-hininga ang matanda at diretso ngang tinignan sa mata ang binata.
“Lagi nga ba Shakir?” tanong ng matanda na siyang nagpatigil sa binata. “Naramdaman ko ang paggamit mo ng iyong kapangyarihan Shakir habang ikaw ay nasa labas ng ating teritoryo.”
“Kinailangan ko hong tulungan ang matandang nasa bingit na ng kamatayan. Kung hindi ko ho ginawa iyon Maginoo ay paniguradong wala na ho ang matandang iyon ngayon,” pangangatwiran ni Shakir dahilan upang buntong-hiningang ibalik ng matanda ang tingin sa kanilang harapan kung saan makikita ang napakalawak na sakahang nasa likuran ng kubo at ang napakalaking bundok sa kalayuan.
“Ayaw ko lamang na maulit muli ang nakaraang digmaan Shakir. Hindi ko na ulit makakaya pang makitang mabawasan ang mga kalahi nating mga babaylan,” ani ng matanda dahilan upang mapatingin sa kaniya ngayon ang binata kasabay ng paghawak niya sa suot-suot niyang anting-anting. “Kung maaari ay ayaw ko nang madawit pa tayo sa mga digmaan ng mga kaharian sa Berbaza.”
“Aking papalampasin ang bagay na ito at hindi ko sasabihin sa raja ang paglabag mo kung ipapangako mo sa akin Shakir na hindi mo na nawa uulitin pang muli ito?”
Marahan ngang tumango ang binata bilang tugon.
“Sige na, ikaw ay pumaroon na sa inyong tahanan dahil kanina pa inaantay ni Mapolan ang iyong pagdating.”
_________________________
“Ikaw ba ay nagtanghalian Shakir?”
Umiling ang binata bilang sagot sa kaniyang ina at nagpatuloy ngang sumubo ng kanin kahit pa na punong-puno at ni hindi pa nalulunok ang pagkaing nasa kaniyang bunganga.
“Hindi ba sinabi ko sa iyong huwag kang magpapagutom? Dapat ay kinuha mo na lamang ang pinapabaon kong mga kakanin sa iyo kaninang umaga nang may nakain ka kaninang tanghali,” ani sa kaniya ng kaniyang ina na siya ngang umupo sa tapat niya.
“Dahan-dahan lamang,” patuloy nito nang nabilaukan at umubong sunod-sunod si Shakir.
Agad ngang natayo ang kaniyang ina at nagsalin ng maiinom na tubig sa baso at madalian ngang iniabot ito kay Shakir.
“Huwag ka hong mag-alala ina, nakakain naman ako ng meryenda habang bumabyahe sa tren,” ani ng binata. “Sadyang napakasarap lang nitong niluto mong adobo kaya’t hindi ko mapigilan ang aking sarili—“
“Huwag mo akong binobola Shakir,” nangiting sambit ng kaniyang ina na nailing pa nga ngayon.
“Hindi ho ako nambobola ina,” ani nito dahilan upang muling mapailing ang kaniyang ina.
Ngunit natigilan nga ang dalawa nang sunod-sunod na katok mula sa pintuan ang kanilang narinig.
“Ako na ho ina gayong tapos na rin po akong kumain,” presinta nng binata na siyang tumayo na nga at naglakad patungo sa pintuan.
“Ikaw ay pinapatawag ng raja Shakir,” bungad sa kaniya ng lalaking nakasuot ng uniporme katulad ng mga nakatayong tagabantay sa pinakamalaking kubo at nasa gitna ng lahat ng mga bahay sa sitio o kung tawagin ay Torogan o tahanan ng maharlika.
Unti-unti ngang natigilan si Shakir kasunod ng unti-unting pagkunot ng kaniyang noo.
_________________________
Ngayon ay nasa harapan na ng Torogan si Shakir habang inaantay ang hudyat ng nasa loob kung siya ay maaari nang makapasok dito.
“Shakir?”
Nabaling ang tingin nito sa dalagang may dala-dala ngayong bilao na naglalaman ng samu’t saring mga pagkain na siyang ihahatid sa loob bilang hapunan ng Raja at ng kaniyang pamilya.
“Ikaw ba ay may ginawa na naman para tawagin ng Raja?”
Marahang itinaas ng binata ang kaniyang balikat. “Ni hindi ko rin alam kung bakit niya ako pinatawag dito.”
Natigilan sa pag-uusap ang dalawa nang magbukas ang nasa harapan nilang pintuan.
Lumabas mula rito ang tagabantay na siya ring tumawag kay Shakir.
“Maaari ka nang pumasok Shakir,” ani nito na siyang ibinaling ang tingin sa dalagang katabi ni Shakir. “Maging ikaw Celestina ay maaari na ring pumasok upang ihatid ang makakain ng raja.”
Halos sabay na tumango ang dalawa na siya ngang sinundan na ang tagabantay.
Sa dulo ng Torogan naroon ang trono ng raja na gawa sa ginto at napapalibutan ng iba’t ibang palamuti bilang simbolo ng kaniyang kapangyarihan at karangyaan.
“Ako raw ay inyong pinapatawag mahal na raja?” tanong ni Shakir ngunit natigilan ito nang nanatiling nakatitig sa kaniya ang raja at nang ibaling ang tingin sa mga tagabantay ay gayon din ang tingin nila sa kaniya.
Ngunit natauhan ngang tuluyan ang binata nang makitang nakaluhod ngayon ang dalagang kasabay niyang pumasok.
Agad siyang napaluhod sa kawalan bilang tanda ng kaniyang paggalang sa kasalukuyang raja.
“Ipinatawag nga kita Shakir,” ani ng raja nang makatayo nang tuluyan ang binata.
Ngunit natigilan nga ngayon ang raja at ibinaling ang tingin sa dalagang tagapaghatid ng makakain.
“Ulipon,” sambitla ng raja dahilan upang ibaling ng dalaga ang tingin sa kaniya. “Iabot mo na lamang sa tagabantay ang mga pagkain at maaari ka nang lumabas.”
Ulipon- ang pinakamababang antas sa lahat ng mga babaylan. Nabibilang dito ang mga babaylan na nawalan ng kapangyarihan dahil sa paglabag sa mga kautusan ng Raja. Maaari ring mabilang ang mga anak ng mga nagkasala rito.
Marahang tumango ang dalaga bilang tugon.
Nang makaalis ang dalaga ay tuluyan ngang itinuon ng raja ang tingin kay Shakir.
“Nais kong saluhan mo kami ng hapunan—“
“Patawad mahal na raja ngunit kakatapos ko lamang—“
“Ginoong Shakir?”
Natigilan ang binata at nabaling ang tingin sa isang dalaga nanggaling sa bakot ng Torogan.
Bakot- kung saan namamalagi ang pamilya ng kasalukuyang Raja
“Punong Lakambini Aisha.”
Nangiting tuluyan ang lakambini na siyang naglakad palapit sa kaniyang ama.
“Shakir, bakit ka naparito?” tanong ng isang babaeng tulad ng raja at ng lakambini at nakasuot ng makulay at mamahaling damit.
“Mahal na Rani Arwa,” sambit ni Shakir na agad ngang naluhod bilang paggalang sa asawa ng raja.
“Nais kong saluhan tayo ni Shakir sa hapunan,” sagot ng raja sa rani dahilan mapabuntong-hininga na lamang si Shakir.
_________________________
“Bakit hindi ka kumakain Shakir?” tanong ng rani sa binata dahilan para unti-unting ngumiti at ngayon ngay lagyan ng Punong Lakambini Aisha ang dahon ng saging na nasa tapat ni Shakir ng ilan sa mga prutas at isda.
“Ikaw ay kumain ng marami Ginoong Shakir,” ani ng dalaga dahilan upang marahang tumango ang binata.
“Kaya kita pinatawag dito Shakir dahil panahon na,” wika ng Raja dahilan upang hindi lamang ang binata ang matigilan kundi maging ang rani at lakambini.
“P—panahon na ho saan?”
“Palala na ng palala ang digmaan sa Berbaza at hindi sapat ang pagsasanay natin sa ibang mga babaylan upang maprotektahan ang ating lahi Shakir,” ani ng Raja. “Alam kong ikaw ay apo ng yumaong pinakamalakas na babaylan na si Raja Berhane at bukod doon ay ikaw rin ay isang Setengah Dewa. Ngunit hindi pa lumalabas ang kakayahan mo bilang Setengah Dewa Shakir kaya’t hindi pa sapat ang pwersa natin kung sakaling salakayin na naman tayo ng isa sa mga apat na kaharian ng Berbaza.”
Ngayon ay unti-unting ibinaling ng raja ang tingin sa kaniyang anak.
“Ikaw Aisha ang kasalukuyang pinagmulan at kung magiging isa kayo—“
“Ano ang iyong ibig ipahiwatig Ismail?” tanong ng rani sa kaniyang asawa na diretso ngang nakatingin ngayon sa mga mata ng raja dahilan upang matigilan at unti-unting magpakawala ng malalim na buntong-hininga ang raja.
“Nais kong maikasal si Shakir sa aking kaisa-isang anak na si Aisha upang sila ay magbunga ng mas malakas pang babaylan na proprotekta sa ating lahi,” sagot ng raja dahilan upang kapwa matigilan ang dalawa lalong lalo na si Shakir.