NAKATINGIN ako sa notebook ko na blangko. Iniisip ko ang nangyari kaninang pagsabog ko sa classroom. Bigla akong na—guilty, but tama naman ang ginawa ko. Kung hindi ako sasabog baka makapanakit ako. And, ayokong nakikita nilang mahina ako.
Ayoko.
“Anak, ayos ka lang ba?”
Nagulat ako nang may tumapik sa aking balikat, napataas ang aking tingin, nakita ko si Papa na nakangiting nakatingin sa akin.
“Um, ayos lang po ako, Papa.” Ngumiti ako sa kanya at muling tinignan ang notebook kong Math subject.
“Are you really okay? Hindi iyon ang nakikita ko sa iyo, anak? May problema ka ba sa school?” Naupo na siya sa tabi ko, nandito ako sa kusina, nag—aaral.
“Wala po talaga—”
“Handa akong makinig sa iyo, Jobelle. Ako ang Papa mo, kaya nararamdaman kong may problema ka. Hindi lang iyon, nakuha mo ang mannerisms mo sa Mama mo, iyong bigla na lamang matutulala at mapapabuntong—hininga na lamang, hindi lang iyon nag—aaral siya habang tulala, ha? Parehas kayo!” Tinuro pa ako ni Papa at hinawakan ang kanang kamay ko. “Kaya sabihin mo na kung may problema,” ulit niyang tanong sa akin.
Napasandal ako sa upuan namin at napabuntong—hininga muli. “A—ano po kasi, Papa... Alam kong kasalanan ko ito kasi... Uminit ang ulo ko kanina sa class then... Sumabog po ako, nakapagsabi ng masasakit na salita. Kaya ngayon ay iniisip ko kung kasalanan ko ba talaga iyon? Dahil nadala ako ng init ng ulo ko, lalo naʼt may dalaw po ako. Iyon po ang iniisip ko,” mahinang sabi ko sa kanya.
Hinawakan niya ang aking buhok. “Ano ba sinabi sa iyo kaya pumutok ka?”
Tinignan ko si Papa. “Bakit daw ba ako nag—aaral? Pressure raw ba ako dahil Valedictorian si Mama at Salutatorian naman po kayo. Magkakaroon daw ba ako ng kaibigan kapag nag—aaral ako? At, pinaglihi raw ba ako ni Mama sa sama ng loob. Kaya sinagot ko siya, but, thinking right now, bigla akong nakonsensya,” mahinang sagot ko kay Papa.
“Really, sinabi sa iyo ang mga iyon? Sinong nagsabi? At, sasabihin ko sa mukha niya na inggit lang siya dahil maganda, mabait at matalino ang anak kong ʼto! Hindi ka pinaglihi sa sama ng loob ng Mama mo! Sa strawberry with Vanilla ice cream ka, doon! Kaya nga medyo maputi ka! Huwag mong iisipin iyon, anak, ha? Saka, ano naman pake nila kung nag—aaral kang mabuti, hindi ka rin namin pine—pressure sa pag—aaral. Kaya huwag kang makonsensya, anak. Deserve ng kung sino man ang siraulong iyon ang mga sinabi mo! Anak kita, ang bully at matalinong estudyante sa Mabunga High School batch 1991!” malakas niyang sabi sa akin.
Natawa na ako sa sinabi ni Papa. “Pa, sinabi mong matanda ka na talaga! Sinabi mo pa ang batch mo noong high school ka!”
“Mas okay kapag nakangiti ka, anak. Kaya dapat smile ka lang, okay? Hayaan mo silang magsabi ng mga hindi magandang salita, hindi naman totoo ang mga iyon. Hayaan mo hanggang mapagod sila, basta ikaw alam mong totoo ka. Alam mong wala kang ginagawang mali at tinatapakan, okay?” Ningitian ako ni Papa nang malaki.
“Thanks, Pa! Nawala na iyong pananakit na nasa dibdib ko. Makakapag—aral na ako nang maa—”
“Jobelle! Matulog ka na! Alas-nuwebe naʼng gabi! Hindi ka pʼwedeng magpuyat kapag weekdays, ʼdi ba? Umakyat ka na sa kʼwarto mo!”
Napatingin kami ni Papa, nakita namin si Mama na nasa hamba ng kusina namin.
“Sumunod ka na. Mahirap suwayin ang Lion ng bahay. Matutultukan tayo pareho kapag sinuway natin siya,” bulong ni Papa sa akin.
Napatawa ako sa sinabi niya at tumango ako. Tumayo na ako at inayos ang gamit ko. “Sige po, Pa at Ma, tulog na po ako,” sabi ko sa kanila at lumakad sa gilid ni Mama.
“Sobrang proud kami sa iyo, Jobelle. Huwag mong hahayaang apakan ka ng iba, ha? Matulog ka na, ng walang pag—aalinlangan.”
Nagulat ako sa sinabi ni Mama sa akin. “Ma...” Kumikibot ang ilalim ng mata ko.
“Huwag kang umiyak. Narinig ko ang usapan niyo ng Papa mo. Matulog ka na! Mahal ka namin, our panganay.” Nakangiting sabi ni Mama at niyakap ako nang mahigpit.
“Thanks, Ma! Good night na rin po!”
Lumakad na ako paakyay sa second floor namin. Gumaan ang aking pakiramdam dahil sa sinabi ni Mama at Papa sa akin.
Bakit nga ako kakabahan kung siya naman ang nauna kaya sumagot ako sa kanya.
Nothing wrongs sa pagtanggol sa sarili ko.
Napadilat ako muli, sa pangalawang pagkakataon. Hindi ako makatulog kahit inaalis ko na sa isipan ko ang nangyari kanina sa school.
Napatingin ako sa side table clock ko, nakita kong alas—sais pa lamang nang umaga. Hindi na ako makatulog, pakiramdam ko ay naka—eight hours and more na tulog na ako. Tumayo na lamang ako sa kama ko at nag—jumping jocks mamaya pang ten ng umaga ang pasok at dapat ang gising ko ay alas—otso, pero heto ako gising na gising na.
“Ha! Ha!” naka—benteng jumping jocks lamang ako, hiningal na agad.
Kinuha ko na lamang ang aking tuwalya at underwear, bababa na ako para mag—aral ng ilang oras at saka papasok sa school. Hindi ako nakapag—aral kagabi dahil sa pagkatunganga ko habang inaalala nangyari kahapon.
“Oh, ate, gising ka na agad!” malakas na sabi ni Jeremiah nang makita niya ako. Nagsusuot siya ng uniporme niya.
“Anak, ang aga mo yatang nagising? Nakatulog ka ba?” Si Papa ang nagtanong at iniisa—isa niya ngayon ang notebook ni Jeremiah.
“Opo, Pa. Nagising po ako kasi naiihi ako, then pakiramdam ko po ay hindi na ako makakatulog kaya bumaba na ako dala hetong tuwalya at underwear ko po,” sagot ko sa kanya.
“Ganoʼn ba? Oh, siya pumunta ka na roon sa kusina, may pagkain ka na roon!” Tinanguan ko na lamang siya at lumakad.
“Ma, good morning! Sa iyo rin Karleen!” bati ko sa kanila at naupo rito, nakita ko ang hotdog, itlog, sopas at fried rice na nakalagay sa table namin, may pandesal din pala.
“Magandang umaga, Jobelle. Ang aga mong nagising, nakatulog ka ba?” Natawa ako nang marinig ang tanong ni Mama. “Oh, bakit tumatawa ka? Tinatanong kita nang maayos!” Kunot—noong tanong niya sa akin.
Tumigil ako sa pagtawa. “Paano naman kasi, Mama, parehas kayo ng sinabi ni Papa sa akin kanina... Nakatulog naman po ako. Kaya huwag po kayong mag—alala.”
Binigyan ako ni Mama ng pinggan. “Kumain ka na rin ng almusal mo. Aalis na rin kami mamaya, ihahatid pa ng Papa mo sina Karleen and Jeremiah, ako na mauuna sa tindahan natin! Magtext ka kapag paalis ka na mamaya!”
Tumango ako kay Mama sa sinabi niya. “Okay po, Ma. Tatanggalin ko po mamaya ang mga socket. Mamayang nine po ako aalis,” sagot ko sa kanya at kumain na rin.
“Oh, siya, mag—aral ka muna rito bago pumasok. At, iyong iniisip mo kagabi, hayaan mo na iyon. Wala kang kasalanan, ha? Wala!” Pinaalala ni Mama ang nangyari kagabi.
“Thanks po, Ma! Youʼre the best!”
Kinilabit ako ni Karleen. “May problema ka ba, ate? Binu—bully ka ba sa school niyo? O, baka inggit lang sila sa iyo dahil matalino ka, ate!” nakangusong sabi ni Karleen sa akin.
“Wala! Hindi ako binu—bully sa school, yari sila kina Cristy, Nikki, Stephen, Zon and Edward. Mas bully sila kaysa sa iba.”
Tumango siya sa akin. “Totoo iyon, ate! Lalo na si kuya Zon!” Natawa kami ni Mama sa sinabi ni Karleen.
“Karleen, kumain ka na lang dʼyan! Mala—late ka na! Si Jeremiah ay nakabihis na!”
“Okay po, Mama! Matatapos na po ako!”
Napailing na lamang ako kay Karleen. Nawala na rin silang lahat, ako na lamang ang nandito sa loob ng bahay namin. Nang makaligo ako ay nagbihis na lang muna ako ng sando at shorts. Naglinis na muna ako rito sa buong sala at nag—aral habang hinihintay na mag—nine ng umaga, hanggang magpasya akong umalis. Sinigurado ko munang nakabunot ang lahat ng saksakan, except sa refrigerator namin at ni—lock na ang pinto at ang gate namin. Nagsabi na rin ako sa kapitbahay namin na tignan ang bahay, sila ate Margie, mabait ang pamilya nila.
“Sige na, Elle, kami na bahala rito sa bahay niyo!”
Tumango ako kay ate Margie. “Salamat po! Pasensya po ulit sa istorbo,” saad ko sa kanila at pinaalis na niya ako.
Lumakad na ako papunta sa paradahan ng traysikel, may limang minuto na paglalakad ng gagawin ko bago makarating doon. Pagkarating ko sa paradahan ng traysikel ay nakasakay rin ako at sa labas ako nakaupo, isa na lamang ang hinihintay namin, kamalasan pa ang umabot nang makita ko si Phoenix na naglalakad palapit sa traysikel kung nasaan ako.
“Woah! Pambihira ikaw ang unang nakita ko ngayong araw! Good morning, Jobelle!” Malaking ngiti ang binigay niya sa akin.
Tinanguan ko lamang siya at tumabi sa akin, nasa gitna ako ng dalawang pasahero ngayon. “Kilala mo, Elle?” Napataas ang tingin ko sa tanong ni tito Allan, ang tatay ni Zon at ninong ko rin.
“Um, opo, ninong. Classmate po namin ni Zon,” sagot ko sa kanya.
“Ganoʼn ba? Tagarito ka ba, Iho? Ngayon ko lang nakita ang mukha mo sa paradahan namin!”
Umaandar na pala kami, kaya malakas ang boses ni ninong Zon ngayon. Iyong isang estudyante na katabi ko ay deadma, naka-earphone kasi.
“Sa kabilang barangay po, Sir! First time ko rin pong sumakay rito, wala po kasing dumadaan na traysikel sa kabila, kaya tumawid po ako papunta rito!”
Malapit lang ang kabilang barangay sa amin, ilog lang ang pagitan.
“Elle, barkada niyo rin ba ang isang ito? Si Zon kagigising lang, nakita ko sa CCTV namin! Lintik na batang iyon, mukhang nag-online games na naman buong gabi, kaya late na nagising!”
Napangiwi ako sa sinabi ni Ninong Allan, nilaglag niya si Zon, ang anak niya.
“Opo, kaibigan po siya nila Zon! Paniguradong late na naman po darating ang isang iyon!” Nagsasabi lang ako ng totoo.
“Hindi ko ba alam doon sa anak namin! Mabuti na lamang ay kaklase mo muli siya, sana hanggang grumaduate na kayo para tumino—tino naman iyong anak namin ni ninang mo! Sumasakit na ang ulo naming pareho, mabuti na lamang nag-iisang lalaki naman, kung ʼdi dinala ko na siya sa simbahan para maging seminirista, para tumino—tino!”
Sasabihin ko kay Zon ang tungkol dito. “Ipasok niyo na lamang po sa simbahan para maging Pare, Ninong Allan. Pero, baka itakwil din po siya agad dahil sa kakulitan niya.”
Nakarinig kami nang malakas na pagtawa mula kay ninong, maging iyong katabi namin ay napatingin na sa kanya, tinanggal pa nga ang earphone na suot niya.
“Panigurado iyon, Elle!” Tumatawa pa rin siya. Hindi ko alam kung proud ba siya sa anak niya, or what?
Huminto na rin ang traysikel at nagbayad kami sa kanya. “Elle, pakibantayan na lang si Zon, ha? Paki-kaltukan kapag makulit! Ikaw an bahala sa kanya!”
“Okay po, ninong Allan. Asahan niyo pong gagawin ko iyon.”
Gagawin ko talaga, lalo naʼt may consent na sa magulang niya. Kaya subukan niyang maging makulit ngayon, kaltok talaga ang aabutin niya sa akin.