Maganda man ang takbo ng pag-aaral ni Arnold, ngunit hindi ng pagmamahalan nila ni Cecille. Nababagabag ang kalooban niya sa tuwing siya ay nasa Maynila dahil sa mga isinumbong sa kanya ni Cecille ng huling uwi niya.
"Natatakot ako Arnold sa maaaring mangyari. Kasama ni Lukas si Mayor nu'ng nagpunta dito. Hindi ko naman naririnig yung pinag-uusapan nila ni Tatay at Nanay. Tinatanong ko sila Tatay wala naman sinasabi sa 'kin. Parang may pinaplano sila Arnold."
Lingid sa kaalaman ni Arnold ay ipinagduduldulan na nila Aling Upeng at Mang Delfin si Cecille kay Lukas.
"Hoy Cecilia, gumising ka nga. Kay Arnold napakatagal mo pang maghihintay at bago yumaman 'yun eh baka matanda ka na din. Cecilia, maging praktikal ka nga. Abe, nakita mo naman pamumuhay natin. Hanggang kailan mo gustong magtanim sa bukid ang tatay mo?Anak, pasalamat nga tayo at ikaw ang nagustuhan ng anak ni Mayor sa dinami-dami ng dalagang magaganda dito sa San Isidro. Nag-aral sa Maynila 'yan, wala naman tayong nabalitaang naging nobya n'yan duon. Ibig sabihin ikaw talaga gusto nu'n." si Aling Upeng.
"Pero 'Nay, hindi ko sya mahal." sagot ni Cecille.
"Hala, dyusku Cecilia. Saka na 'yang pagmamahal na 'yan. Ang mahalaga eh ikaw ang mahal. Mahirap naman kung ipagpipilitan natin 'yung sarili mo kay Lukas eh hindi ka naman gusto ng tao. Saka natututunan 'yun. Cecille, 'wag naman sarili mo lang ang iniisip mo. Isipin mo din naman kaming mga magulang mo. Diyos ko, makatikim man lang kami ng Tatay mo ng kaunting ginhawa bago man lang kami mamatay." sinamahan ng konting pag-arte ni Aling Upeng ang pagsasalita.
"'Nay wag n'yo ng sinasabi 'yung ganun. Ang bata n'yo pa eh." tanging nasabi ni Cecille.
"Eh hindi mo naman yata pinakikinggan mga sinasabi ko. Ang haba-haba ng sinasabi ko wala ka namang isinasagot. Ano, hihintayin pa natin na magbago isip ni Lukas at may magustuhang iba 'yun?" si Aling Upeng.
"De mas maganda po 'nay kapag ganun." si Cecille.
"Hoy Cecilia 'wag mo ko sagutin ng pabalang at baka tamaan ka sa 'kin. Ito tatandaan mo kapag niyaya ka ni Lukas na magpakasal, 'wag mo ng pag-isipan. Gamitin mo 'yang kukote mo. May utak ka pa namang nasabihan." huling salita ni Aling Upeng bago niya iwan si Cecille na nakamukmok sa sala.
Bente anyos na si Cecille, kaya na niyang mag-isip para sa sarili niya. Alam na niya ang tama sa mali at alam niya na halos ipamigay na siya ng Nanay at Tatay niya kay Lukas. Hindi para sa kanya, kundi para sa kapakanan nila. Wala siyang pagtingin ni katiting para kay Lukas at nararamdaman niyang hindi din niya ito matututunang mahalin gaya ng sinasabi ng mga magulang niya dahil nakakulong na ang puso niya. 'Pagmamay-ari na ito ni Arnold at handa siyang maghintay para sa kanilang mga binubuong pangarap ng kasintahan.
Nabigla si Cecille ng isang araw ng linggo ay gumagayak ang kanyang Nanay at Tatay at sinabi sa kanya na magbihis at may pupuntahan sila.
"San po ba tayo pupunta 'Nay?" tanong ni Cecille.
"Ipinapatawag daw tayo ni Mayor tungkol sa scholarship mo kaya bilisan mong gumayak at baka mainip mga 'yun. Hindi natin hawak ang oras ng mga 'yun at baka may iba pang lakad si Mayor." sagot ni Aling Upeng.
Kinakabahan man dahil nararamdaman ni Cecille na may iba pang dahilan, sumunod pa din siya sa kanyang Nanay. Pagkabihis nila ay pumara na ng tricycle si Mang Delfin at tinungo na nila ang bahay ng mga Valentin.
Pinagbuksan sila ng gate ni Aling Milagring at sinamahan hanggang sa loob ng bahay.
"Napasugod kayo Upeng." si Aling Milagring,
"Pinatawag kami ng Mayor, may sasabihin daw dito kay Cecille." sagot ni Aling Upeng,
Alam na ni Milagring na hindi taos sa kalooban ni Cecille ang pagpunta doon dahil nahalata niya 'yun nung nagmano sa kanya ito. Alam niya kinakaharap na problema ng anak niya at ng nobya nitong si Cecille, pero dahil sa kapangyarihan ni Mayor at sa pera nito, bukod pa dito ay ang paninilbihan nila ng asawa niya sa bahay nito, ay nananatili lang silang tahimik at nagkukunwaring walang alam sa nangyayari.
Naroon na si Lukas sa sala ng sila ay dumating. Nang makitang sila ay padating ay tumayo ito at lumapit sa kanila upang magmano.
"Mano nga po." sabi ni Lukas sa Nanay at Tatay ni Cecille.
Pakiramdam ng mag-asawa ay tumataas ang kanilang pagkatao sa tuwing pagmamanohan at galangin sila ng isang anak ng mayor.
"Pagpalain ka anak." sagot naman ni Aling Upeng pagkamano ni Lukas.
"Upo muna po kayo bababa na po sila Daddy at mommy." sagot naman ni Lukas.
"Good morning Cecille." dugtong na bati nito.
Bumaba ang mag-asawang mayor at mayora na nakapambahay lang. Nakaputing tshirt at puting shorts lang si mayor at naka-duster pero mukhang mamahaling duster si Mrs. Valentin.
"Ah ayan na po pala sila Daddy." si Lukas.
"Good morning po mayor mayora."
"Magandang umaga po." magkasunod na bati ni Aling Upeng at Mang Delfin.
"Good morning po." matamlay na bati ni Cecille pero pinipilit nitong magmukhang masigla kaya't ngumiti ito ng bahagya.
"Good morning din sa inyo." sagot naman ni Mayor.
"Lukas, inalok mo ba sila ng maiinum o baka gusto nilang kumain?" si Mayor.
"Ah oo nga pala, kape po ba o juice? Nag-agahan na po ba kayo papahain po ako kay Aling Milagring?" mabilis na tanong ni Lukas.
"Naku Lukas kumain na kami. Sige kape na lang kami ni Delfin."sagot ni Aling Upeng.
"Ikaw Cecille?" tanong ni Lukas.
"Ah, busog pa ko. Thank you na lang." sagot nito.
"Mag-juice ka man lang." pilit pa din ni Lukas.
Hindi na hinintay ni Lukas na sumagot si Cecille at tinawag na si Aling Milagring.
"Aling Milagring dalawa nga pong kape saka dalawang juice po." si Lukas.
"Ah itimpla mo na din ako. Ikaw Lilia?" singit ni Mayor.
"Tubig lang ako Milagring." si Mayora.
"Sige po." sagot lang ni Milagring at tumungo na ito sa kusina.
"Kamusta naman ang pag aaral mo Cecille?" bungad ni Mayor.
"Ayos naman po mayor. Kapag natapos ko po itong sem na to, isang semester na lang po." sagot ni Cecille.
"Plano mo bang kumuha ng board exam Cecille? Maganda ang kita ng mga CPA. Ikaw pa ang hahanapin ng trabaho at hindi ikaw ang maghahanap basta maipasa mo 'to." si Mayora.
Napapamangha naman si Aling Upeng at Mang Delfin sa sinasabi ni Mayora.
"Eh, bahala na po siguro. Sa Maynila pa daw po ang mga magagandang reviewhan para daw po sa board." sagot ni Cecille.
"Oo marami du'n. Hindi ko matandaan 'yung kinuhanan ng pamangkin ko eh. Ayun, CPA na siya at ang laki ng sweldo du'n sa pinapasukan." sagot ni Mayora.
"Itong si Lukas namin eh nag-stop at plano yatang mag shift. Ayaw na daw ng engineering. Sabi ko nga sana 'nung una pa lang niya naisip 'yun. Patatakbuhin ko na nga lang kako ng konsehal. Haha. Ayaw pa bata pa daw siya." si Mayor.
"Daddy, wala pa nga ako alam sa pulitika eh. Baka pag naturuan mo na ko. Gusto ko muna mag-business saka ako mag-aaral ulit." si Lukas.
"Bata pa daw siya at ayaw sa pulitika pero negosyo gusto, batang 'to." si Mayora na bahagyang umiling pero nakangiti ito.
"Maganda nga at may plano na 'tong anak natin at hindi na puro barkada ang inaatupag." si Mayor ang sumagot.
Nakikinig lamang ang mag-anak ni Delfin sa usapan nila Mayor. Hindi sila nakikisawsaw sa usapan at naghihintay lamang sila na sila ay kausapin ng mga ito.
"Bueno Delfin, nakahanap ka ba ng kantero? Ipapa-estimate ko na kasi 'yung pag-repair du'n sa bahay n'yo. Baka mamaya eh may dumating na malakas na bagyo eh biglang bumagsak 'yun. Dapat du'n eh postehan na ng bato." si Mayor.
Nagulat si Cecille sa sinabi ni Mayor pero hindi niya 'yun pinahalata. Naisip niyang may usapan na palang nangyari sa pagsasaayos ng bahay nila at wala pa siyang alam. 'Yun marahil ang pinag-usapan nila nu'ng minsang napunta sa kanila sila Mayor.
"Merun na po Mayor, madali na po ipalusong 'yun sa gawi namin. Ilang araw lang po siguro 'yun. Magkakatay na lang ng manok si Upeng para sa pananghalian ng mga gagawa." sagot ni Mang Delfin na nakangiti.
"Baka naman maubos ang manok n'yo kakakatay kapag mabagal yang mga makakatulong mo?" natatawang sabi ni Mayor.
"Hindi naman po siguro Mayor. Saka tutulong din ako gumawa kahit maghalo ng semento." sagot naman ni Mang Delfin.
"Ah Cecille, didiretsahin na kita iha ha. Ito kasing si Lukas eh gusto niyang makasal kayo agad at -- ah -- mas magiging inspirado daw siya sa negosyong bigasan na pinaplano niya kapag magkasama na kayo. Sabi ko naman eh hintayin munang magawa 'yung bahay na pinapagawa ko sa kabilang baryo para may sarili na kayong bahay pagkatapos ng kasal nyo." paputol-putol na sabi ni Mayor.
"Tutulungan kitang pumili ng mga gamit iha. Sanay ako sa mga ganyan. Mga sofa na uso na ngayon. Eto nga sabi ko kay mayor palitan na namin eh." singit ni Mayora.
Kitang-kita sa kislap ng mga mata ni Aling Upeng at Mang Delfin ang pananabik sa naririnig na sinasabi ng Mayor at ng asawa nito at si Aling Upeng na mismo ang bahagyang nagpakipot.
"Eh Mayor mayora, hindi naman po ba sobrang mabilis? Paano po pag-aaral nitong si Cecille?. Eh gusto daw po niyang makatapos para masuportahan din kami." si Aling Upeng.
"Upeng, Cecille, wala namang magiging problema dahil pagkatapos ng kasal pwede ka namang magpatuloy sa pag-aaral mo. Pagkatapos kapag gusto mong magtrabaho papayagan ka naman siguro ni Lukas, ano Lukas?" sagot ni Mayor matapos ay bumaling kay Lukas.
"Opo daddy." sagot lang ni Lukas.
"Pansamantala siguro 'pag nayari na din 'yung bahay nyo eh magbukas ka Upeng na maliit na tindahan. Mukhang madalang ang tindahan du'n sa lugar nyo. 'Wag ka ng kumuha ng permit. Maliit lang naman. Ako na bahala dun." si Mayor.
Mas lalong ikinatuwa ng mag-asawang Upeng at Delfin ang narinig pero hindi nila nakikita ang reaksyon ni Cecille. Hindi makasingit si Cecille sa usapan. Gusto man nitong magsalita pero parang may nakabara sa kanyang lalamunan. Alam niya sa sarili niya na mahabang usapin kung harapan siyang tututol sa mga sinasabi ng mga taong kaharap niya at sinasaalang-alang niya na mapapahiya ang kanyang mga magulang kaya anhin na lang niya ay matapos na ang usapang iyon para makauwe na sila at duon niya sa kanila sasabihin lahat ng gusto niyang sabihin sa mga magulang.
"Planuhin na natin yan. Lilia, ikaw na bahala d'yan. 'Yung mga kakilala mo kausapin mo na para sa sembreak na darating ay maikasal na ang dalawa." dugtong ni Mayor.