Chapter 12

1468 Words
Ang mga Valentin na din ang nagdedesisyon ng mga kukunin nilang Ninong at Ninang pati na ang pari na magkakasal. Lahat ay pinaplano na nila na hindi nila tinatanong ang opinyon ni Cecille. Nanatiling nakatahimik si Cecille at nakikita niyang pinagmamasdan siya ni Lukas. Tinitingnan nito ang kanyang reaksyon sa pinag-uusapan ng kanilang mga magulang. Subalit hindi niya kayang ikaila ang totoo niyang nararamdaman. Bukod sa nagulat siya sa tema ng usapan, naguluhan din siya dahil hindi niya gusto ang ginagawa ng kanyang mga magulang at hindi niya kayang isambulat ang nilalaman ng damdamin niya ng mga oras na 'yun. Matapos ang mahabang usapang 'yun ay kinausap pa ng palihim ng mag-asawang Mayor ang mga magulang ni Cecille malapit sa kusina. Naiwan sa sala si Cecille at Lukas. "Nagustuhan mo ba ang mga plano Cecille?" tanong ni Lukas sa kanya nang sila na lang sa sala. "Lukas, ano 'to? Hindi mo naman nasabi 'to sa 'kin?" mahinang sagot ni Cecille pero pinakita niyang may gigil sa kanyang pagkakasabi. Walang naisagot si Lukas hanggang sa niyaya na si Cecille ng kanyang mga magulang na umuwi. Lingid sa kanila ay naririnig lahat ni Aling Milagring ang kanilang pag-uusap. Naninikip ang dibdib nito dahil alam niya ang mararamdaman ng anak niyang si Arnold kapag nalaman nito ang mga plano ng mga Valentin at ng mga magulang ni Cecille. Subalit hindi na niya ito masasabi dahil malamang na nakaluwas na si Arnold sa oras ng kanyang pag-uwi at maghihintay pa siya ng isang linggo sa muling pagbalik nito. Nasa tricycle pa lamang ay panay na pangangarap ni Aling Upeng habang kausap ang anak. "O kita mo na Cecille, narinig mo naman siguro lahat ng sinabi nila Mayor at Mayora. Naiiyak naman ako at mawawalay na sa amin itong anak ko. Pero ikaw talaga ang nagbigay sa amin ng swerte anak. Magiging maayos na bahay natin tapos may tindahan pa nanay mo. Siempre hindi nila pababayaan na mukhang mahirap 'yung magiging balae nila. Kaya mas malamang sa hindi lang repair ang gagawin sa bahay natin, Baka ibilli pa tayo ng gamit gaya ng pridyider saka telebisyon. Tapos ikaw naman 'andun ka lang sa bago n'yong bahay, mag-aalaga ka lang ng mga halaman dun na namumulaklak. Siempre madalas ka naming dadalawin du'n. Naku anak salamat, salamat din sa Diyos." punong-puno ng pananabik ang mga sinasabi ni Aling Upeng. "Ibili mo na lang ako ng tricycle anak para mamasada na lang din ako." singit naman ng nakikinig na si Mang Delfin na nasa likod ng driver ng tricycle. "Magiging donya ka na pala Aling Upeng. Kailan na ba ang kasalan?" sumagot din ang tsismosong driver na nakikinig din sa mga sinasabi ni Aling Upeng. "Naku malapit na. Konting panahon na lang." sagot naman ni Aling Upeng. Gustong-gusto ng sumagot ni Cecille pero pinipigilan pa din niya ang kanyang sarili. Gigil na gigil na siyang patahimikin ang Nanay niya sa paghabi nito ng mga nais na mangyari sa buhay nila. Gusto na niyang magsalita para matapos na ang pantasya ng kanyang ina pero hinintay nya talaga na makauwi sila. "Nay hindi ako magpapakasal kay Lukas. May boyfriend ako, si Arnold. Mahal ko si Arnold." bungad agad ni Cecille pagkapasok na pagkapasok nila ng kanilang bahay. "Nasisiraan ka na ba ng bait ha Cecilia? Mapapalamon ka ba ng sinasabi mong pagmamahal na 'yan ha. Palay na ang lumapit sa manok pawawalan mo pa?" nakapameywang na sabi ni Aling Upeng. "Sira na yata ulo ng anak mo Upeng. Abe sila mayor na gumawa na lahat ng plano tatanggihan mo pa?" si Mang Delfin. "Plano nila, saka plano n'yo. Hindi n'yo man lang ako tinanong kung gusto ko ba." si Cecille. "Hoy Cecilia, anak lang kita. 'Wag kang makasagot sagot sa 'kin ng ganyan. Sino pinagmamalaki mo ha, si Arnold? Eh mahirap pa sa daga tulad natin mga 'yun. Kung hindi mangangatulong du'n sa mga Valentin Nanay nu'n, ano lalamunin ng mga 'yun sige nga." galit na sabi ni Aling Upeng. "Nag-aaral si Arnold 'Nay. May  pangarap 'yung tao para sa pamilya niya at para sa 'min." sagot ni Cecille. "'Yan. 'Yan ang sinasabi ko. Sarili mo lang talaga iniisip mo. Matapos ka naming palakihin ng ganyan ito sasabihin mo ha? Na iiwan mo kami  kapag nagkatrabaho na si Arnold." si Aling Upeng. Nakasandig lang ang isang braso ni Mang Delfin habang nakikinig sa mag-ina. "Hindi ganu'n 'Nay. Gusto ko ding makatapos ng pag-aaral. Gusto ko ding makaahon tayo sa sarili kong pagsisikap." sagot ni Cecille. "Eh hindi ka pala nakikinig Cecilia. Sinabi na ni Mayor na magtutuloy ka pa ding mag-aral kahit nagsasama na kayo ni Lukas. Ayaw mo pa ba nu'n?" singit ni Mang Delfin. "Cecilia, masyado kang maarte yata. Ano pa ba naman ang hahanapin mo kay Lukas ha? Magandang lalaki, madaming nagkakagusto du'n, mayaman. Aba'y saan ka naman nakakita na ikakasal pa lang eh may bahay ng nakatayo agad. Hindi basta bahay, ang laki. Abe malaki pa yata 'yung garahe nu'n kesa dito sa barong barong natin." patuloy na pagtalak ni Aling Upeng. "Saka Cecilia, napansin ko nga pala kanina 'yung itsura mo nu'ng 'andun tayo kila Mayor. Hindi ka marunong mahiya. Sambakol ang mukha mo. Todo-ngiti mga nasa harap mo samantalang ikaw eh hindi halos maipinta 'yang mukha mo. Mukha kang nakakain ng sampalok na hilaw. Matuto ka namang makiharap, abe nasabi pa namang nag-aaral ka." si Mang Delfin. Parang sasabog ang dibdib ni Cecille sa mga sinasabi ng mga magulang. Nasasaktan siya sa mga ginagamit nitong mga salita na pinupukol sa kanya. Kahit anong paliwanag niya ay wala siyang katwiran at ayaw siyang pakinggan. Naiyak na lang siya upang kahit papaano ay mailabas ang nagpapasikip ng kanyang dibdib. "Kahit ano pang sabihin nyo 'Nay 'Tay, hindi ako magpapakasal kay Lukas. Ayoko." may diin na sabi ni Cecille habang tumutulo ang luha nito. "Cecilia pinipilit mo ba talaga ko ha. Hmp." impit na gigil ni Aling Upeng. "Upeng sabihin mo nga kay Cecilia napag-usapan natin nila mayor at mayora ng matauhan na tong anak mo." singit ulit ni Mang Delfin. "Cecilia, makinig kang mabuti. Napakaayos kausap ni Mayor. Ako pa nahihiya sa ginagawa niyang pakiusap. Aba'y isipin mo, para daw kay Lukas na anak niya ay ibibigay niya. Alam mo namang panganay 'yun at puro babae na sumunod na mga kapatid ni Lukas." Bahagyang huminto si Aling Upeng sa pagsasalita at napansin 'yun ni Cecille. Hinihintay ni Cecille ang sasabihin ng ina habang siya ay nanatiling nakayuko at umiiyak. "Puputulin ni mayor ang scholarship mo anak. Hindi mo na maipagpapatuloy pag-aaral mo." naging mahinahon bigla ang boses ni Aling Upeng. Nabigla si Cecille sa sinabi ng kanyang ina at napatingin siya dito. "Oo anak. 'Yun ang napag-usapan namin. Madami daw lumalapit sa kanila para humingi din ng scholarship. Medyo magastos daw ang eskwelahang pinasukan mo kaya nakukuha nilang tanggihan ang iba." nagpatuloy sa malumanay na boses si Aling Upeng. Natigil sa pag-iyak si Cecille, napalitan ng pangamba ang kanyang nararamdaman. Hindi siya maaaring huminto sa pag-aaral dahil dalawang semester na lang ay gagradweyt na siya. Plano din niyang kumuha ng board exam para maging isang CPA(certified public accountant). "M-magwo-working student ako 'Nay, sa mga fastfood o kahit saan." alanganing sagot ni Cecille. "Anak, baka kahit sa baon mo lang sa eskwela ay kulang pa ang sasahudin mo duon. Paano 'yung matrikula mo? 'Yung mga gamit mo 'pag may project ka? Kikitain mo ba 'yun? Anak, 'wag mo na guluhin ang utak mo. Saka ayoko magkaroon pa tayo ng samaan ng loob ng dahil sa bagay na 'yan." patuloy ni Aling Upeng. "Baka lalo mong ikabigla ang sasabihin ko pa." binitin ni Aling Upeng ang sasabihin nito. Muling napatingin si Cecille sa ina at kahit hindi siya magsalita ay pinakita niyang nais niyang malaman ang susunod pang sasabihin nito. "Pati si Arnold, bibitawan din nila ang pagpapa-aral kay Arnold." sambit ni Aling Upeng na nakatingin pa din sa mga mata ng anak. Hindi na kinaya ni Cecille ang narinig at napahagulgol na ito. Masasakit na salita na nga ang tinanggap niya sa mga magulang bukod dito ay ipinagpipilitan pa ng mga ito ang pagpapakasal niya kay Lukas, ngayon naman ay ang tatanggalan siya ng scholarship. Mas malala pa ay pati si Arnold. Hindi na siya makaisip pa ng anumang sasabihin. Dinaan niya ang lahat sa pag-iyak. Walang paa-paalam ay tinalikuran niya ang mga magulang at nagtuloy sa kanyang maliit na kwarto na kasya lang ang pang-isahang papag at duon niya itinuloy ang kanyang pagtangis. Nais na niyang makausap si Arnold ng mga oras na 'yun dahil pakiramdam niya ay aping-api siya at kailangan niya ng kakampi. Subalit maghihintay pa siya ng isang linggo bago sila magkita ni Arnold. Kailangan din niyang masabi sa kasintahan ang mga plano ng mga Valentin kung sakaling hindi siya pumayag sa mga kagustuhan nito. Naging napakahaba ng isang linggo para kay Cecille. Gusto na niyang hatakin ang araw upang sila ay magkita na ni Arnold. Nilibang n'ya muna pansamantala ang utak sa mga gawain sa paaralan dahil kailangan pa din niyang tutukan ito dahil nasa huling taon na siya para makapagtapos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD