Kinabukasan, dahil nakalimutang dalhin ni Milagring ang gamot niya sa rayuma ay hinabilin nya sa sinakyang tricycle na isunod 'yun ni Arnold sa kanya sa bahay ng mga Valentin. Nag-iwan na lang ito ng tatlong pisong pamasahe na ikinatuwa ni Arnold dahil makakapasyal na siya sa bahay nila Cecille pag-uwe niya at lalakarin na lang niya kahit may konting kalayuan pa ito. Nakita pa niya ang bagong gising na si Lukas nung nagpunta siya.
"O eto tatlong piso pamasahe mo pabalik." sabi ni Aling Milagring sa anak na si Arnold.
"Nay, pwede n'yo po ba gawing limang piso? Dadaan lang po ako sa kaibigan ko, kila Cecille." pakiusap ni Arnold sa ina.
"Ah 'yung anak ni Upeng? Araw-araw na kayo nagkikita ano pa at dadaan ka pa dun?"
"Makikipagkwentuhan lang po 'nay."
"Naku bata ka alam mo namang wala tayong pera eh, oh eto." at dinagdagan pa ng dalawang piso ni Aling Milagring ang perang iniabot sa anak.
Alam ni Arnold na naririnig ni Lukas ang usapan nilang mag-ina.
Gulat na gulat naman si Cecille sa biglaang pagpunta ni Arnold sa kanila.
"Buti alam mo 'tong amin." bungad ni Cecille.
"Madali namang magtanong sa mga kapitbahay nyo. Tagal na nating magkakilala ngayon lang ako napunta dito senyo. Wala kasi pamasahe o kaya kahit bisikleta man lang." sagot ni Arnold.
"Huy 'di ba ikaw yung anak ni Milagring? Buti napadaan ka. Cecille papasukin mo 'yang kaibigan mo." bati ni Aling Upeng ng matanawan si Arnold.
Gawa sa kahoy ang bahay nila Cecille. Hagdan agad ang bungad nito papanhik sa sala nila. May silong ito pero lupa lang ang sahig kaya't ginagawa nilang silungan ng mga manok na alaga ng tatay niya.
"Naabala ba kita?" si Arnold.
"Katatapos ko lang magbunot ng sahig." sagot naman ni Cecille.
"Wow, kaya naman pala ang kintab ng sahig nyo. Kakahiya namang tumapak."
"Sus, pasok ka na, madali lang namang maglinis at kakapiraso lang 'tong bahay namin."
"Cecille pagtimpla mo ng kape si Arnold." singit ni Aling Upeng.
"Sige po 'nay. Sandali lang Arnold ha."
Natutunan ni Arnold na magtipid ng baon niyang limang piso isang araw. Tinatabi niya ang bawat piso nito para may pamasahe siya sa bawat pagpunta niya kina Cecille tuwing araw ng linggo.
"Cecilia, nanliligaw ba sa 'yo si Arnold?" minsang naitanong ni Aling Upeng kay Cecille dahil napansin nito ang napapadalas na pagpasyal sa kanila ni Arnold.
"Hindi po 'Nay. H-hindi ko po alam eh." sagot naman ni Cecille.
"Alam mo Cecille masipag na bata yang si Arnold. May mararating yan kaya lang masyado pa kayong mga bata para sa mga ganyang ganyang ligawan ha. Saka ikaw,mag co-commerce ka pa kamo. Abe hindi tayo makakaahon sa hirap kung pag-aasawa agad 'yang aatupagin mo."
"Nay naman, hindi pa nga po nanliligaw mag-aasawa na kaagad. Magkaibigan lang po kami ni Arnold. Mataas pa pangarap nu'n. Gusto daw niya maging doktor, kaya matagal pa 'nay."
"Ade naghihintay ka pala. Lalapirutin ko 'yang singit mo Cecilia. Kumekerengkeng ka na yata ha."
"Hindi po Nay."
Mabilis na dumaan ang araw at nag-graduation na ang mga bata.
Si Arnold ang naging valedictorian at may mga ilang awards pa siya sa mga extra-curricular niya. Tuwang-tuwa ang mga magulang nito na ibinalita sa mayor. Ibinili naman ng biskleta ni Mayor si Arnold bilang regalo nito sa nakuha nitong karangalan. Subalit ang pinakamalaking regalong natanggap ni Arnold ay ang sagutin na siya ni Cecille sa mismong araw ng graduation nila. Makalipas lang ng ilang araw ay pinagtapat nila sa mga magulang nila ang kanilang relasyon at hindi naman nagalit ang mga ito.
Mahigpit lang ang habilin ng mga magulang nila na mas unahin ang pag-aaral at huwag masyadong maging agresibo.
Dahil bakasyon ay napapadalas ang punta ni Arnold kina Cecille gamit ang bisikletang regalo ni Mayor. Mas naging malalim ang pagsasama ni Cecille at Arnold at dahil parehong laki sa hirap ay madalas mangarap ang dalawa ng mga gusto nilang mangyari kapag sila ay nakatapos na ng pag-aaral.
"Ako gusto ko, mapagawa itong bahay namin nila Nanay saka patitigilin ko na si Tatay sa pagtatanim. Tapos ipagbubukas ko si Nanay ng maliit na tindahan, ikaw ?" nangangarap si Cecille na sinasabi kay Arnold.
"Ako naman gusto ko maging doktor talaga para 'yung mga sumasakit-sakit sa katawan ni nanay eh magamot ko. Tapos kapag pasado na 'ko sa board exam at naipagawa ko din 'yung bahay namin, magpapagawa naman ako ng sarili kong bahay. Tapos yayayain na kitang magpakasal kasi may bahay na tayo." sabi ni Arnold habang nakatingin sa itaas at binibilang sa kanyang mga daliri ang mga pinapangarap.
"Seryoso na simasamahan pa nito ng kalokohan." turan ni Cecille.
"Sino may sabing kalokohan 'yun. Seryoso ko dun Cecille." tugon ni Arnold.
At napunta sa seryoso ang kanilang usapan.
"Sana nga matupad mga pangarap natin noh." si Cecille.
"Matutupad 'yun Cecille. Magtiwala ka lang sa sarili mo saka magdarasal tayo palagi." sagot naman ni Arnold.
Dahil sa Valedictorian, may nakuha si Arnold na scholarship sa UST at nag-apply pa siya sa ibang scholarship program ng UST. Ipinasa niya ito kaya lumiit pa ang kanyang matrikula. Lahat ng natirang babayaran pa ay sinagot na ni Mayor pati ang allowance nito. Maging si Cecille ay nagpatuloy ang scholarship kay Mayor pero sa Cavite Colleges ito papasok dahil meron namang offer na Commerce major in Accounting sa paaralang 'yun.
Magkakahiwalay na ng paaralan si Cecille at Arnold sa darating na pasukan, kaya't sinusulit pa nila ang ilang araw ng bakasyon na sila ay magkasama.
"Aling Upeng ipagpapaalam ko po sana si Cecille sa sayawan sa katabing baryo lang po natin. Hindi naman po kami papaabot ng madaling araw." paalam ni Arnold.
"Basta Arnold kung kaya pa ng mas maaga ay agahan n'yo uwe. Mamaya may magkagulo dun eh madamay pa kayo." tagubilin ni Aling Upeng.
"Opo Aling Upeng, hihintayin ko na din po si Mang Delfin para po makapagpaalam. "sagot ni Arnold.
Nagkakaroon ng mga libreng sayawan sa mga barangay ng San Isidro kapag nalalapit na ang kapistahan upang dagdag kasiyahan sa okasyon.
Dumating ang dalawa sa sayawan. Ginanap ito sa isang bakanteng lote na pinalibutan ng mga nakaharang na tali. Puro kabataan ang mga naroon at nanduon din si Lukas kasama ang mga barkada nito.
Hindi pa sila nakakapasok ng sayawan ng hinarang sila ng grupo ni Lukas.
"Wow, ganda ng porma mo ngayon ah." bati agad ni Lukas kay Arnold.
"Lukas pabayaan mo na kaming makapasok." si Cecille ang sumagot.
"Boyfriend mo na ba 'to ha Cecille." bahagyang tinulak sa dibdib ni Lukas si Arnold na nagpaatras dito.
"Lukas ano ba? Bakit ba ang sama ng pakikitungo mo kay Arnold ha?" si Cecille.
"Boyfriend mo na nga siguro 'to, pinagtatanggol mo eh." sagot ni Lukas.
Kinaladkad si Arnold ng dalawa sa mga kasama ni Lukas, hinawakan ng mga ito ang magkabilang braso ni Arnold at dinala sa malapit na walang masyadong tao.
"Lukas, hoy ano ba kayo? Bitiwan nyo nga si Arnold." malakas na pakiusap ni Cecille.
Hindi sila masyadong pansin ng mga tao dahil malakas ang tugtugan at aakalain na magkakasama lamang sila.
"Mayabang 'tong boyfriend mo na 'to eh. Pasikat lagi 'to kay Daddy. "sabay sinikmuraan si Arnold.
Hindi makuhang pumalag ni Arnold dahil tangan pa din siya sa dalawang braso ng mga kasama nito.
"Lukas, 'wag mong saktan si Arnold. Inaano ka ba niya ha?" malakas man ang boses ni Cecille pero wala pa ding nakakapuna nu'n.
"Mga 'tol turuan nga natin ng leksyon to." sabi ni Lukas sa mga kasama.
Pagkasabi nu'n ay sinuntok agad ni Lukas si Arnold sa kaliwang pisngi nito, sinundan naman ng isa na sumuntok sa sikmura at siniko naman sa likod si Arnold ng nakahawak sa kaliwang braso nya. Sa tagiliran naman sumuntok 'yung nasa kanan. Nabitawan na nila si Arnold at bumagsak ito sa mga sakit na tinamong suntok. Sinipa pa ni Lukas ito sa tiyan at may sumipa na isa pa.
Naghisterikal si Cecille sa pag-awat sa grupo ni Lukas. Anim ang mga ito kaya't walang kalaban-laban si Arnold. Nuon lang may nakapansin na may nangyayari na palang away sa katabing pinaggaganapan ng sayawan at nasabi agad ito sa barangay tanod. Mabilis namang rumesponde ang mga barangay tanod subalit nakatakbo na ang grupo nila Lukas.
Nang napag-alaman na anak ng mayor ang may kagagawan ng pangyayari ay kinausap na lang ng kapitan si Arnold at sinabihang mag-iingat at 'wag maglalalapit kay Lukas.
Masakit sa kalooban ng mga magulang ni Arnold ang nangyari pero wala naman silang magawa. Katulad ng kapitan, ganun din ang ipinayo nila sa anak.
"Kaya nga ba sinasabi ko ng 'wag na kayong tumuloy, ayan tuloy. Ano bang pinagmulan at ginanon nila si Arnold?" tanong ni Aling Upeng sa anak.
"Matagal na pong mainit ang dugo niyang si Lukas kay Arnold. Ewan ko ba dun." sagot ni Cecille.
Nakarating kay Mayor ang balita at humingi ng dispensa sa mga magulang ni Arnold na naninilbihan sa kanila, pero hindi man lang nito pinangaralan ang anak sa ginawa.
Tumatanim sa isip at puso ni Arnold ang mga ganuong pangyayari. Kayang-kaya apihin ng may mga pera at may kapangyarihan ang isang mahirap na gaya niya. Kaya isinumpa niya sa sarili na magsisikap siyang mag aral at makatapos, titiisin niya ang mga pang-aaping 'yun dahil kay Mayor nanggagaling ang mga panggastos niya sa pag aaral. Pag-aaral na puhunan niya para magkaroon siya ng halaga, moral at respeto na galing sa ibang tao.