Chapter 8

1587 Words
Nagsimula na ang programa nang lahat ng kasaling mag-aaral ay dumating na. Magkasama sa iisang mesa si Arnold at Cecille dahil sa magkaklase sila at may iilan pa na kasama din nila sa harapan. Sa kabilang panig ng pinaggaganapan na basketball court ay naroon naman sa mismong tapat nila ang mesa na kinauupuan ni Lukas. Simula ng makita ni Arnold ang pagsulyap ni Lukas kay Cecille ay lagi niya itong tinatanaw, at tama nga siya, nahuhuli niya itong paminsan-minsan na sumusulyap pa din ito kay Cecille. Pero bakit nga ba kailangan niyang bantayan ang pagtingin-tingin ni Lukas kay Cecille? Hindi naman niya mapipigilan 'to o kahit sinuman, ang tumingin kay Cecille dahil  talaga namang mapapalingon ka at mahihinto ng panandali kapag nakita ng kahit sinong lalaki si Cecille nung gabing 'yun. Saka bakit parang ipinagdadamot ni Arnold na makita ng iba si Cecille? Hindi naman niya ito pag aari? Hindi naman niya ito kasintahan? Mga tanong ni Arnold sa sarili niya. "We will now announce the Prom Queen of the Night... no other than... Miss... Miss Cecillia Pedroja." anunsiyo ng emcee. Palakpakan ang lahat. Hindi akalain ni Cecille na mananalo siya. Sobra din ang tuwa ni Arnold sa pagkakatawag sa pangalan ng kanyang kaibigan bilang Prom Queen. Hindi nakawala sa paningin ni Arnold ang masayang mukha ni Lukas sa pagpalakpak nito at nakatingin sa direksyon ni Cecille. Habang nakatingin si Lukas ay sinadya ni Arnold na hawakan si Cecille upang alalayang tumayo bago ito lumakad papuntang entablado para sa award nito. "And now let us now call the prom king. Who's your guess?" pambibitin ng emcee sa pag-aanunsyo ng nanalo. "Our Prom King of the Night is no other than, Mr... Mr. Lukas Valentin." Bago tumayo si Lukas sa pagkakatawag sa kanya ay tumingin pa ito kay Arnold na parang gusto niya itong inggitin. Subalit nakita niyang pumapalakpak si Arnold kaya't tumayo na siya at diretsong tinungo ang stage. Sinadya ni Arnold na pumalakpak dahil alam niyang titingin sa kanya si Lukas upang siya ay pagmalakihan nito. "We would like to request our prom king and queen to  do the first dance." anunsiyo ng guro ng palatuntunan at umugong ang palakpakan sa event na nagaganap. Inalalayan ni Lukas si Cecille sa pagbaba ng entablado hanggang makarating sila sa gitna ng dance floor. Si Lukas na mismo ang naglagay ng mga kamay ni Cecille sa kanyang balikat at siya naman ay humawak na sa beywang ni Cecille. Sa saliw ng tugtuging King and queen of hearts ni David Pomeranz ay nagsimulang sumayaw ng sweet ang nanalo ng mga awards. Hindi maintindihan ni Arnold ang sarili pero naiinis siya, hindi dahil sa hindi siya ang nanalo, kundi sa nakikita niyang pagsasayaw ng kanyang kaibigan at ni Lukas. Kahit na malayo sa kanya ng ilang dipa ay nakikita niyang mata sa mata pa ito habang sumasayaw. Nagseselos ba siya? 'Yun ang iniisip ni Arnold. Ngayon niya napatunayan sa sarili na may gusto na nga siya sa kaibigan kaya ayaw niya itong maisayaw ng iba o tingnan ng ibang lalaki. Saglit pa lang sumasayaw si Lukas at Cecille pero inip na inip na si Arnold na matapos yun at plano niyang isayaw ang kaibigan matapos itong isayaw ni Lukas. Isa-isa ng nagtatayuan ang magkakapareha upang makisayaw na sa dancefloor. Natabingan na ng ibang tumayo at pumunta ng dancefloor sila Cecille at Lukas sa paningin ni Arnold. Hindi na niya makita ang mga ito. Kaya't pasimple siyang tumayo, sa kanyang pagtayo ay lumapit ang isa niyang kaklaseng babae na si Olga at niyaya din siyang sumayaw. Dahil sa pagiging maginoo ni Arnold ay pinaunlakan niya to. Dinala niya si Olga sa gawing gitna ng sayawan kung nasaan sila Lukas at Cecille. Magsisimula na silang sumayaw pero hindi pa din niya ito nakikita. "May hinahanap ka ba?" tanong ni Olga dahil nahalata nito ang paglinga linga niya. "Ah eh wala. Sayaw na lang tayo." sagot ni Arnold kay Olga. Para maging komportable ang kasayaw ay sa mukha din ni Olga nakatingin si Arnold habang sila ay sumasayaw ng biglang may nakabunggo siya sa kanyang likuran. "Sorry." banggit niya kahit hindi pa niya nakikita ang nakabunggo. Paglingon niya ay nakita niyang si Lukas pala ito at patuloy pa din silang sumasayaw ni Cecille. Sa pagkakakita sa kanya ni Lukas ay pinakita pa nito na mas hinapit niya ang beywang ni Cecille na napalapit ng bahagya pa sa katawan at mukha niya. Dahil sa pag-ikot paunti-unti habang sumasayaw ay nagkatapat si Arnold at Cecille. Nginitian ni Arnold si  Cecille at sinuklian din ni Cecille ng matamis na ngiti 'yun. Dahil nakita ni Lukas ang pagkakatinginan ng dalawa ay tumingin siya sa ibaba at hinanap ang direksyon ng paa ni Arnold at tinapakan 'yun. "Aray." gulat na sabi ni Arnold na napabitaw bigla kay Olga. Nakita at narinig din ni Cecille ang nangyari at nagtaka ito. "Anong nangyari Arnold?" nagtatakang tanong ni Olga. "W-wala 'to. Naipitan lang siguro ko ng ugat sa paa." sagot ni Arnold kay Olga. "Ganun ba, tara ipahinga mo muna yan." yaya ni Olga at sumama na para maupo pansamantala si Arnold. Hindi man nakita ni Cecille pero natitiyak niya na may kinalaman si Lukas sa pagkaka-aray ni Arnold kaya't nagpaalam na ito na uupo. "Lukas pagod na ko. Okay lang ba?" paalam ni Cecille na ibig sabihin ay uupo na siya. "Sige, mamaya ulit ha." sagot ni Lukas. Hiindi naman sumagot na si Cecille. "Anong nangyari sayo?" tanong ni Cecille kay Arnold ng papalapit na ito sa kinauupuan. "W-wala,wala ito. Uy congrats nga pala ha."si Arnold. "Thank you. Akala ko nga ikaw mananalong king eh." nakangiting sambit ni Cecille. "Naku malabo yun." aniya. "Bakit naman? Pogi mo kaya ngayon." tugon ni Cecille. "Nanay ko lang nagsabi nu'n. Pangalawa ka pa lang. Hahaha. B-bakit huminto na kayo ni Lukas?" Hindi nakatingin si Arnold sa pagkakatanong niyang 'yun dahil baka may kung anong mahalata si Cecille sa mga mata niya. "Napapagod na ko. Hindi ako sanay na nakatakong eh." natatawang sagot ni Cecille. "Buti naman." sagot ni Arnold. "Ha?" tanong ni Cecille na hindi gaanong narinig ang sinabi ni Arnold dahil sa lakas ng sound system. "Wala. Sabi ko pahinga ka muna." Matapos ang mga sweet na music ay pinatugtog na ang mga masasaya. Buttercup, mga Michael Jackson, Madonna at mga new wave music. Nanatili lang na nakaupo si Cecille at Arnold na in-eenjoy ang musika, samantalang masasayang nagsasayawan ang iba nilang kaklase. Katwiran nila ay parehas na kaliwa ang paa nila kaya hindi nila kayang makipagsabayan sa mga ka-batch na alam ang mga steps sa mga tugtugin. Hanggang sa patugtugin ang "Beautiful Girl" ni Jose Mari Chan, nagbalik muli sa sweet ang mga music. Hindi maintindihan ni Arnold pero bakit nahihiya siyang yayain si Cecille na sumayaw, buti na lang at kusa itong nagyaya. "Tara sayaw naman tayo. Kaya na natin yan." yaya nito. "Sige sige." sagot naman ng nakahinga ng maluwag na si Arnold. Humawak muna si Cecille sa balikat ni Arnold bago hawakan ni Arnold ang beywang ni Cecille. Nakangiti ang dalawa habang sinasabayan ang malamyos na awitin. Mata lamang nila ang nag-uusap dahil baka hindi sila magkaintindihan kung sila ay magsasalita. Subalit hindi nakatagal si Arnold. "Tagal na nating magkaibigan noh." panimula niya. "Ha?" tanong ni Cecille na hindi naintindihan. Lumapit ng bahagya sa tenga ni Cecille si Arnold para marinig ang sinabi niya. "Sabi ko ang tagal na nating magkaibigan." Nang sumagot si Cecille ay ganun din ang ginawa niya, lumapit din siya ng kaunti kay Arnold. "Oo nga. Akala nga ng iba nating kaklase eh boyfriend na kita." "Ano sabi mo?" tanong ulit ni Arnold. Hindi nila napapansin na sa paglilipat lipat nila ng sasabihin ay palapit ng palapit ang katawan nila. Ang mga braso ni Cecille ay halos nakayakap na sa batok ni Arnold at ang mga kamay naman ni Arnold ay sa ilalalim na ng likod ni Cecille nakahawak. "Papa'no kung maging higit pa tayo sa magkaibigan?" tanong muli ni Arnold. "H-hindi ko pa alam yung ganyan Arnold eh." sagot ni Cecille. Pinapaikutan na pala sila ng karamihan ng mga kaklase nila at ng ibang section ay hindi pa nila namamalayan. Kung hindi pa nila narinig na nagsabay-sabay ang mga ito na tuksuhin sila. "Huuuuuuuuyyy." Parang nagulat si Cecille at Arnold. Natawa na lang sila sa panunukso ng mga kaklase habang papunta sila pabalik ng kanilang upuan. Si Lukas ay matagal na palang nakatingin sa kanila simula pa lang nung nagsimula silang sumayaw at makikita sa mukha nito na hindi nito nagugustuhan ang nakikita. Nakasimangot ito at nakakunot ang noo habang nakatingin kina Arnold at Cecille. Nakaisip na naman ng kalokohan si Lukas. Kumuha ito ng juice sa baso at dumaan sa kinauupuan ni Arnold. Nang malapit na ay nagkunwari itong natisod at sinadyang itapon kay Arnold ang laman ng hawak na baso. "Naku sorry Arnold, may cord yata akong natapakan pero sorry talaga." pagpapakitang-tao ni Lukas na tumatawa ang kalooban. "O-okay lang." sagot ni Arnold. "Ganda pa naman ng suot mo na galing kay daddy. Tsk tsk tsk Sorry ha." pahabol pang pang-aasar nito bago tuluyang dumaan. "Uuwe na ko Cecilletutal naman halos patapos na yung oras." paalam ni Arnold. "Naku sasabay na din ako sayo. Tara paalam na tayo kila mam." sagot ni Cecille. Matapos magpaalam sa mga guro ay sabay na nilisan ng dalawa ang kanilang promenade. "Mag iingat ka ha." paalala ni Arnold kay  Cecille. "May mga traysikel pa na pauwe samin. Ikaw ang mag-ingat." sagot ni Cecille. "Sige, basta yung sinabi ko sa yo ha." si Arnold. "Ano yun?" maang-maangan na sagot ni Cecille. "Bilis mo naman makalimot. Sige kalimutan mo na lang." may pagtatampo sa boses ni Arnold. "Tingnan ko kung maalala ko mamaya ha." nakangiting sabi ni Cecille. "Tara na mauna ka ng sumakay at nanlalagkit na ko sa juice na tumapon saken." "Tumapon o tinapon? Hmp. 5i Lukas talaga." "Baka naman hindi talaga sinasadya." "Bahala na nga siya." Nag-paalam na si Arnold ng umandar na ang sinakyang traysikel ni Cecille.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD