Chapter 3

1604 Words
"Eeeeehhhh.... Lukas.... Lukas... tulong... Karl... Karl ang daddy mooooo..." palapit si Cecille sa asawa habang sumisigaw. "Kaaarl... Mang Carlooos... tulong." patuloy na sigaw ni Cecille.. "Lukas... Lukas.... Anong nangyari... Lukas..." si Cecille habang niyuyugyog ang asawa na walang malay. Bahagyang kumilos si Lukas at natiyak na ni Cecille na buhay pa ang asawa. "Mommy bakit--" bungad ng nagmamadaling si  Karl ng marinig ang sigaw ng mommy niya at hindi na natuloy ang sasabihin nito ng makita ang itsura ng ama. "Tumawag ka ng tulong Karl. Tawagan mo sila lolo mo o kaya sila kuya Cholo o Kuya Joey mo bilisan mo." tarantang sabi ni Cecille. Obligasyon pa din niya ang asikasuhin ang asawa at may pananagutan pa din siya dito bilang asawa, ang siyang nadarama ni Cecille. Pero may takot pa din dahil sa nakikitang mga dugo na umaagos mula sa dibdib ni Lukas. Kahit matanda na ay mabilis na nakapanhik si Mang Carlos papunta sa guestroom kung saan narinig niya ang tawag ni Cecille. "Anong nangyari Cecille?" nangangatog na boses ni Mang Carlos na halatang ninenerbiyos din. "Hindi ko alam Mang Carlos. Narinig ko na lang may pumutok tapos paglabas ko nakita ko na lang yung kasama niya kagabi na palabas na. Tapos pinuntahan ko si Lukas na ganito na." hinihingal na kwento ni Cecille. "Kaya pala para 'kakong bukas yung gate. Pati yung pinto sa harapan." sagot naman ni Mang Carlos. "Mommy may papunta na daw po ambulansya sabi ni Kuya Cholo. Papunta na daw siya dito pati si Kuya Joey." humahangos na sabi ni Karl. "Nabigla ko yata sila Lolo at Lola mommy. Narinig ko si Lola nagpapanic." dugtong pa ni Karl. Hindi na binigyang pansin ni Cecille ang sinabi ng anak. "Tagal naman ng ambulansya jusko... Lukas... Lukas lakasan mo loob mo." patuloy na pagyugyog ni Cecille sa asawa. Naisipan niyang suotan ito ng brief at shorts habang hinihintay ang ambulansiya. Maging siya man ay nagpalit ng damit. Ilang sandali pa ay halos sabay-sabay dumating ang ambulansya pati na sila Cholo at Joey. Inakyat agad ng dalawang rescue ang stretcher na dala at walang sali-salitang binuhat si Lukas at isinakay dito. "Pare maiwan ka dito ako na sasama sa ospital." sabi ni Joey kay Cholo na sinang-ayunan naman ng isa. "Anak, maiwan ka na din muna dito ha. 'Wag ka mag aalala magiging okey daddy mo." habilin ni Cecille sa anak na si Karl. Hindi na sumagot si Karl na ibig sabihin ay sumasang-ayon siya sa sinabi ng Mommy niya. Pagkababa ay akmang liligpitin na ni Mang Carlos ang mga kumot at unan na puno ng dugo ng pigilin siya ni Cholo. "Ay 'wag muna po Mang Carlos. Tiyak na may darating na pulis. Gagamitin pa yan sa imbestigasyon. Wala muna po tayong gagalawin dito sa kwarto." sabi ni Cholo sa matanda at tumingin din ito kay Karl para sabihan din ito. "Kuya Cholo balik muna po ako sa kwarto ko." paalam ni Karl sa tauhan ng Daddy niya. "Sige Karl. 'Wag ka mag alala sa daddy. Dito muna ko sa baba, pahinga ka ulit. Magdasal ka ha. Pagdasal mo si Daddy mo." sagot ni Cholo. Halatang antok na antok pa din si Mang Carlos ng bumababa ito ng hagdan kasabay si Cholo. "Mang Carlos pahinga muna po kayo." sabi ni Cholo kay Mang Carlos. "Mapapalagay ba ko nitong dinala sa ospital ang alaga ko. Mamamatay-tao yata 'yung kasama niyong babae kagabi ha." sagot ni Mang Carlos. "'Wag kayong maingay Mang Carlos. Ayan oh may mga tao na sa labas." mahinang sagot ni Cholo. Dahil bukas ang gate ay nakapasok ang mga nagising na kapitbahay hanggang sa garahe ng bahay. Inabutan ni Cholo na kanya-kanyang opinyon at hinuha ang mga naroroon. "Naku tiyak na kalaban sa pulitika yan." "Mga ayaw lumaban ng patas noh." "May kagalit ba yang si vice?" "Magnanakaw daw yata wala naman kasi silang aso dito masyadong tiwala." "Ang bait pa naman ni vice." Nang lumabas ng pinto si Mang Carlos at Cholo ng pintuan ay nag uunahang magtanong ang mga kapitbahay sa nangyari. Si Mang Carlos naman ay dumiretso na ulit sa kanyang tinutuluyan sa likod ng bahay hindi upang matulog, kundi maghintay sa balitang darating. "Cholo, ano ba talaga nangyari?nakakagulat naman yan?" tanong agad ng isang kapitbahay. Alam ni Cholo na hindi niya dapat ikuwento na may kasama silang babae nung gabi kaya nag isip agad siya ng isasagot sa mga nag- uusyoso. "Hindi pa din po namin alam. Hinatid namin kagabi ni Joey si vice galing namin sa meeting. Tapos ilang oras lang tumawag na si Karl. Ayun... iimbestigahan pa po kung ano talaga nangyari." sagot ni Cholo. May isa pang nagtatanong ng biglang nag ring ang phone ni Cholo. Tumatawag si Mayor Juancho Valentin. Ang dating mayor ng bayan ng San Isidro at ama ni Lukas. "Excuse lang po tumatawag po si mayor Juancho." paalam ni Cholo sa mga naroroong kapitbahay . Iniwan ni Cholo ang mga taong patuloy sa pag uusyoso at nagsasabi ng kani kanilang saloobin sa nangyari. Pumasok siya muli sa loob ng bahay para marinig niya ng maayos ang sasabihin ng ama ni Lukas. "Cholo,ano ba nangyari ha? Ninenerbyos na 'tong asawa ko, papunta na kami sa ospital. Galing pa lang kayo sa bahay may nangyari na agad." may paninita sa boses ni Ex mayor. "Mayor, ganito po kasi pagkagaling po kasi namin diyan nagyaya pa po si Vice sa may Pasay. Nag-shot po ng konti tapos may nakilala siyang chicks, inuwe po dito sa kanila. Tapos sabi po ni Mam cecille nagising daw po siya ng makarinig ng putok tapos ng tingnan niya palabas na daw po 'yung babae ng bahay. Nagmamadali pa." kwentong nagmamadali ni Cholo. "Punyetang alak yan. Punyetang pambababae yan. Eh ano lagay ni Lukas?" may galit pero bahid ng pag aalala ang tanong ni Ex-mayor. "Sa dibdib daw po ang tama mayor." sagot ni Cholo. Saglit na tumahimik ang kausap ni Cholo. "Cholo makinig ka, may mga papuntang pulis diyan.t Tatawag din ako dun kay hepe. 'Wag lalabas ang balita na may babaeng galing diyan ha. Kapag may nagtanong sabihin nyo hindi nyo alam. Baka magnanakaw o kalaban sa pulitika. Itatawag ko na kay hepe ngayon, sige na." paalam ni Ex-mayor at hindi na naghintay ng sagot kay Cholo at pinatay na ang cellphone nito. Bumalik si Karl sa kanyang kwarto at humiga. Hindi ito mapalagay dahil pabaling-baling ito sa higaan at naisipang umupo at sumandal sa uluhan ng kanyang kama.Iniisip niya ang ama na dinala sa ospital.Nag aalala siya dito pero naiisip niya ang mga ginawa sa kanya ng kanyang ama simula pa nung bata siya. "Lukas, tingnan mo 'tong dinrowing ng anak mo oh. Magiging doktor daw siya paglaki niya." naaalalang sinasabi ng Mommy niya sa daddy niya habang ipinapakita ang drawing niya sa notebook nung siya ay nasa kinder pa. ""Ikaw na lang tumingin, 'yun tingin mo saka tingin ko pareho lang 'yun." sagot ng Daddy niya at sinabayan ng pagtalikod nito. Nasa elementarya na siya ng maalala niyang ibinalita niya sa daddy niya na siya ang first honor at gusto niya na daddy niya ang pumanhik sa entablado para sa kanya. "Mommy mo na lang. Pag-iisipin mo pa ko ng isusuot dun saka saglit lang naman yun." ang isinagot sa kanya ng Daddy niya. Wala siyang maaalalang masayang sandali na nakasama niya ang Daddy niya at kung kukukitin niya 'to ay palo lang ang inaabot niya. Wala itong interes sa kahit anong bagay na gusto niyang sabihin sa Daddy niya. Lalo na ng tinuli siya at nahihiya na din siya sa Mommy niya na ipalinis ito dahil lumalaki na siya. Subalit nabigo pa din siya. Hindi siya tinulungan ng Daddy niya at nahihiya man siya  ay sa Mommy niya pa rin siya nagpatulong. Nakasanayan na niya ang pagtrato ng Daddy niya sa kanya. Akala niya ay nagbago ito ng pumasok sa pulitika. Naging malambing ang kanyang Daddy sa kanya. Madalas sila kumain sa labas at magpunta sa mga tiangge sa mga fiestahan at pinamimili siya ng gusto niya. Pinapasan pa siya nito kahit malaki na siya na hindi naman niya naranasan nung maliit pa siya. Subalit naintindihan niya ang lahat ng malaunan. Pakitang-tao lang lahat ng iyon, na isa silang masayang pamilya sa harap ng mga kababayan nila. Inisip ni Karl na baka ampon lang siya kaya ganun na lang ang pagtrato sa kanya ng kanyang Daddy at naglakas loob siyang tanungin niya ang Mommy niya dito. "Ano ba naman anak yang iniisip mo?Hindi ka ampon noh. Gusto mo ba ipakita ko pa sayo mga pictures mo nung nilabas pa lang kita? Birth certificate mo atbinyag mo." sabi ng Mommy niya. "Nakita ko na lahat 'yun mommy, pero bakit ganun nga si daddy sakin?" tanong niya sa Mommy niya na hindi pa din niya maunawaan ang bawat sinasagot nito. Walang kasiguraduhan. "Karl anak, marami na kasing iniisip si Daddy mo. Tulad nyan, nag-konsehal na siya ng bayan. Daming humahanap, humihingi ng solicit, laging pagod. Kaya intindihin mo na lang anak." bagong paliwanag na naman ng Mommy niya sa kanya. Hindi nauubusan ng paliwanag ang Mommy niya sa tuwing magtatanong siya kung bakit parang hindi anak ang trato sa kanya ng kanyang Daddy. Lumipas pa ang ilang taon ay nakasawaan na din niya ang pagtatanong, kasabay ng kanyang paglaki ay nakikita na din niya ang ginagawang pagtataksil ng kanyang Daddy sa Mommy niya. Sakit ng katawan at sakit ng kalooban lang ang inaabot niya ng minsan natuto na siyang sumagot sa kanyang Daddy at hindi na din niya inulit ang mga ganung bagay upang hindi na lumala ang sitwasyon. Dahil sa tuwing mangyayari yun ay umaawat at pumapagitna ang Mommy niya upang ipagtanggol siya. Sa bandang huli ay ang mommy naman niya ang napagbabalingan ng kanyang Daddy. Ngayon ay isinugod sa ospital ang Daddy niya. Nalukungkot si Karl sa nangyari sa kanyang ama. Dahil ayaw pa niyang mawala ito. Umaasa pa din siya na darating ang araw na magbabago pa ang pagtingin ng kanyang ama sa kanila ng mommy niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD