“MAY phobia siya sa dugo, Jero,” sabi ni Ella kay Jero habang ginagamot nito ang sugat niya.
Hindi umiimik si Katrina. Hindi rin niya tinitingnan si Jero habang hawak ang kamay niya. Pagkatapos ay tumayo na siya. Dahil sa dugo na nakita niya sa kanyang kamay ay napatunayan niya na hindi pa rin matanggap ng sistema niya ang nangyari sa kanyang mga magulang. Parang panaginip lang ang lahat, na parang kahapon lang ay kasama niya ang mga ito. Dahil sa nasaksihan niyang asidente at nakitang duguan ang mga magulang niya, nagkaroon siya ng trauma. Sa tuwing nakakakita siya ng dugo ay bumabalik sa isip niya ang masaklap na pangyayari.
Hindi niya namamalayan na tumutulo na pala ang luha niya habang nakatitig siya sa water fountain na nasa hardin ng bahay nila Ella. May narinig siyang yabag na papalapit sa kanya ngunit hindi niya ito pinagkaabalahang tingnan. Nagulat na lang siya nang may kamay na nag-aalok sa kanya ng puting panyo. Pagtingin niya sa kanyang tabi sa gawing kaliwa ay naroon si Jero, na siyang nag-aalok ng panyo.
“Tears was the only way to relieve pain but it wasn’t enough. You need someone to comfort you. Ako pa rin si Jero na nakilala mo,” seryosong wika nito.
Tinanggap niya ang panyo na inaalok nito pero ayaw pa ring tanggapin ng pride niya ang pagmamagandang-loob nito. Ayaw niyang maulit ang kahapon.
“Never again, Jero. The past is enough,” aniya.
“Walang kinalaman dito ang nakaraan. Isa pa, matagal na iyon at mga bata pa tayo. Maging aware ka na lang sa nangyayari sa mundo. Nanganganib na mawala ang normal na mundong ginagalawan natin noon, Katrina. We’re in trouble, all of us.”
Wala siyang naging komento. Abala siya sa pagpupunas ng kanyang luha gamit ang panyo ni Jero. Mamaya ay tumunog ang cellphone ni Jero na nasa bulsa ng pantalon nito. Lumayo ito sa kanya. Nang makalayo ang binata ay saka lamang niya ito nakuhang tingnan. Sapagkuwan ay napatingin siya sa panyong hawak niya na naladlad. Mayroong nakasulat na katagang nagsasabi na ‘Sorry’. Tiningnan niya ulit si Jero. Kumislot siya nang mamataang nakatingin din pala ito sa kanya. Ang titig nito’y malalim, na tila naghuhukay ng kung anong damdamin sa kanyang pagkatao. Hindi niya maintindihan ang agarang pagtulin ng t***k ng kanyang puso.
Sa totoo lang, ang mga mata ni Jero ang unang kinahumalingan niya, ang paraan ng pagtitig nito sa tuwing nakikipag-usap ito sa iba. Mata sa mata ito kung makipag-usap kaya siguro nahulog ang loob niya rito dahil madalas ang pagtatama ng mga mata nila. Pero ang talagang nagpahibang sa kanya ay ang pagiging matulungin nito at maginoo. Kaya lamang ay nawalan siya ng tiwala rito noong binalewala nito ang damdamin niya.
Kasalanan niya dahil umasa siya pero may problema rin kay Jero. He doesn’t know how to handle the situation kapag may nasaktan dahil dito. He didn’t apologize. At dahil sa karanasan niya sa binata ay nawalan na siya ng amor sa kahit kaninong lalaki. Akala kasi niya ganoon lahat ng lalaki. Nawalan siya ng interes sa usapang pag-ibig. Napakasensitibo niya, marahil dahil sa mga traumatic experiences niya.
Tila hindi na matatapos ang pakikipag-usap ni Jero sa kung sinong nasa kabilang linya. Wala pasabing iniwan niya ito. Okay na ang pakiramdam niya kaya binalikan niya si Ella para tulungan ito.
“Umalis na ba si Jero?” tanong ni Ella, habang magkatuwang nilang nililinis ang mesa.
“Naroon pa siya sa labas, may kausap.”
“May usapan kasi sila ni Devey na dito sila magkita.”
So magtatagal si Jero roon dahil hihintayin nito si Devey? Bigla siyang nagpasya na umuwi. “Ahm, hindi na ako magtatagal, Ella. May kailangan pa pala akong gawin,” apela niya.
“Ha? Akala ko dito ka kakain?”
“Next time na lang. Sorry, ah?”
“O sige. Mag-iingat ka sa pag-uwi.”
Umalis naman siya kaagad.
NAGHAHANAP na ng buyer ng salon niya si Katrina. Kasama na sa ibebenta niya ang mga naipundar niyang gamit. Buo na ang pasya niya na mag-full-time sa trabaho bilang mamahayag sa radyo.
Pagkalipas ng tatlong buwan ay naibenta na niya ang salon at sa kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa radio station. Pero kahit wala na siyang salon ay sa kanya pa rin nagpapaayos ng buhok si Syn. Palagi siya nitong pinupuntahan sa condo unit na tinitirahan niya. Hindi sapat ang pinagbentahan niya ng maliit na puwesto ng kanyang salon para makabili siya ng lupa’t bahay. Ayaw muna niyang umuwi sa bahay nila sa Lapu-lapu dahil hindi pa lubos na humihilom ang sugat sa puso niya dulot ng pagkawala ng kanyang mga magulang. Hindi pa siya komportableng tumira roon.
Kinahapunan pag-uwi niya sa condo niya ay nagulat siya nang madatnan sa sala si Syn at pinakialaman ang DVD player niya. Hindi na siya magtataka kung paano ito nakapasok. May kakayahan itong pumasok sa kung saan nito gusto gamit ang isip nito. Makapangyarihang bampira ang dalaga kaya nasasanay na rin siya sa kababalaghang natutuklasan.
“Hi Ate!” nakangiting bati pa nito. Ngumangata ito ng pop corn. Lumuklok na ito sa sofa.
Umupo siya sa tabi nito. “Tumakas ka na naman sa inyo ano?” aniya.
“Hindi ako tumakas. Nagpaalam kaya ako kay daddy.”
“Pero sa mommy mo hindi ka nagpaalam.”
“Ah eh, alam na niya iyon.”
“Hay!” Tumayo siya. Pagtingin niya sa suot niyang relong pambisig ay alas-otso na ng gabi.
Papasok na sana siya sa kuwarto nang biglang tumunog ang cellphone niya na nasa kanyang shoulder bag. Nagmamadaling dinukot niya ito at sinagot ang unregistered number na tumatawag.
“Hello?” tugon niya.
“Katrina.”
Napamata siya nang mapamilyar sa kanyang ang baritonong tinig ng lalaki. “J-Jero?” untag niya.
“Yes, speaking. I just want to ask if nariyan si Syn,” anito.
Sandaling sinipat niya si Syn. Nakatingin din ito sa kanya. “Yes, she’s here,” pagkuwa’y tugon niya.
“Puwede ba akong pumunta riyan? Nasaan kayo?”
Napalunok siya. Ayaw na ayaw pa naman niya na malaman ni Jero kung saan siya na siya nakatira kahit posible na masasagap pa rin siya nito kung gugustuhin nitong gumamit ng kapangyarihan.
“Ahm, no need, papauwiin ko na siya,” sabi niya.
“Hindi siya uuwi hanggat walang sumusundo sa kanya.”
“No, huwag kang pumunta rito. Pipilitin ko siyang umuwi.”
“Katrina, ayaw mo ba talaga akong papuntahin diyan sa bahay mo?” iritableng tanong nito. Napatda siya. “Hindi naman ako pupunta riyan kung hindi dahil kay Syn. Hindi rin kita tatawagan kung hindi dahil sa kanya. Pasensiya na sa istorbo.” Pinutol na nito ang linya.
Nailayo niya ang cellphone sa kanyang tainga. Nawindang siya sa sinabing iyon ni Jero, na para bang pikon na pikon sa kanya. May nasabi ba siyang masama?
Nagbihis lang siya saka binalikan si Syn. “Syn, umuwi ka na raw sabi ng kuya mo,” sabi niya sa dalaga.
“Ayaw ko. Dito ako matutulog,” pagmamatigas nito.
“Hindi puwede. Mapapagalitan ako ng kuya mo, eh.”
Actually, nagkasamaan na sila ng loob ni Jero dahil sa katigasan ng ulo ni Syn. Minsan na siyang napagsabihan ni Jero kesyo kinukonsente raw niya ang kapatid nito.
“E ‘di sunduin niya ako kung gusto niya,” sabi pa ng dalaga.
“Syn, huwag nang matigas ang ulo. Dalaga ka na, dapat alam mo na ang tama at hindi tamang gawain.”
Tiningnan siya nito nang masama. “Bakit, masama ba ang ginagawa kong paglapit sa iyo?” may tampong sabi nito.
“Hindi naman, pero kasi may pamilya kang nag-aalala sa iyo.”
“You’re my family too, ate Kat. Masaya ako na kasama ka.”
Bumagsak ang balikat niya. Mukhang hindi niya ito mapipilit. Pinabayaan na lamang niya ito. Pumasok na siya sa kusina at nagluto ng hapunan. Ayaw ng mga bampira ng bawang kaya nilagang baka na lang ang niluto niya. Mahilig sa ulam na may sabaw si Syn. Dahil sa palaging pagbuntot nito sa kanya ay nalaman na niya lahat ng ayaw nito at gusto, maging hobby nito. Stalker na niya ito kung matatawag. Inaalam kasi nito lahat sa buhay niya maliban sa mga dahilan ng pagkamatay ng mga magulang niya.
Mula roon sa kusina ay naririnig niya ang halakhak ni Syn. Siguro nakakatawa ang pinapanood nito. Pero aminado siya na magmula noong nakilala niya si Syn ay unti-unti niyang nakakalimutan na nag-iisa na lang siya. Dahil dito ay naranasan niya na magkaroon ng kapatid.
Kung kailan tatawagin na niya si Syn para maghapunan ay saka naman may kumatok sa pinto. Ang unang dumapo sa isip niya ay si Liam, ang nakatira sa kabilang unit na binata. Nagtatrabaho rin sa radio station si Liam sa ibang istasyon bilang camera man. Palagi kasi siya nitong niyayang maghapunan. Pero sa huli ay napunta na kay Jero ang isip niya.
Pagbukas niya ng pinto ay mukha ni Jero ang tumambad sa kanya. Nagulat siya. Paano nito nalaman kung saan siya nakatira? Malamang gumamid ito ng radar.
“P-paano mo natagpuan itong unit ko?” wala sa loob na tanong niya.
“Pareho kami ni Syn ng abilidad. I can find you wherever you are,” tugon nito.
Kumurap-kurap siya. Ano pa nga ba ang magagawa niya, naroon na ito. Pero hindi niya binuksan nang tuluyan ang pinto. Nakaharang pa rin ang katawan niya. Tinawag lamang niya si Syn.
“Mamaya na ako uuwi, Kuya! Kakain pa kami ni Ate Kat!” pasigaw na sagot ni Syn. Hindi pa rin ito makaalis-alis sa harapan ng telebisyon.
“Nagagalit na si Mommy, Syn!” inis na sabi ni Jero.
Naasiwa siya sa sigawan ng magkapatid kaya pinapasok na niya sa loob si Jero. Sinugod kaagad nito ang ayaw paabalang kapatid. Tinampal nito ang braso ng dalaga.
“Aray naman!” padabog na wika ni Syn.
“Uuwi ka o ipapalapa kita kay Derek?”
Bumalikwas nang tayo si Syn. “Oo na nga, uuwi na!” anito, nakanguso.
Aalis na sana ang mga ito. “Baka puwedeng pakainin mo muna si Syn, Jero. Sayang naman ang niluto ko,” aniya sa binata.
“Oo nga naman kuya,” sabad naman ni Syn.
Walang nagawa si Jero kundi sumang-ayon. Niyaya niya itong kumain pero umiling ito. Naghinaty lang ito sa sala hanggang sa matapos silang maghapunan ni Syn. Inaapura pa ng binata ang kapatid kaya halos hindi na nginunguya ni Syn ang pagkain.
Umalis na lang ang magkapatid ay hindi na nakausap ni Katrina si Jero. Nang mag-isa na lamang siya ay bigla siyang inalipin ng kalungkutan. Kaya madalas nagbababad siya sa istasyon nila kahit tapos na ang programa niya. Nawawalan na rin kasi siya ng ganang magsulat ng nobela. Hindi na kasi in-demmand ngayon ang mga fiction books.
Mas pinagkakaabalahan na ng mga tao ang pagbabasa ng diyaryo at mga magazine. Masyado nang aware ang mga tao sa mga virus na naglalabasan. Pero siya ay ikinukulong pa rin ang sarili sa panahong gusto niya. Gusto niyang ibalik ang dating mundo na walang kinakatakutan ang mga tao maliban sa mga masasamang-loob. Hindi siya naniniwala sa mga sinasabi ng iba na posibleng magkaroon ng zombie apocalypse.
May isang oras na siyang nakahiga sa kanyang kama pero hindi pa rin siya madalaw-dalaw ng antok. Mamaya ay dinampot niya ang kanyang cellphone na nakapatong sa ibabaw ng bedside table. Gusto niya ng kausap kaya kung sinu-sino ang tinatawagan niya. Pero halos lahat na gusto niyang makausap ay busy ang linya. Hanggang sa numero ni Syn ang tinawagan niya. May sumagot kaagad.
“Hello?”
Natigilan siya nang lalaki ang sumagot. Kilala niya ang tinig na iyon.
“Ahm, good evening! Puwede kay Syn?” aniya sa malumanay na tinig.
“Hindi na pinapayagan si Syn na gumamit ng cellphone. May klase siya ngayon sa Academy, pasensiya na,” anang kausap niya.
“Jero? Ikaw ‘yan ‘di ba?” aniya, sigurado siya roon.
“Yes, ako nga, Katrina.”
May kung anong bumundol sa dibdib niya ang kompletuhin nito ang pangalan niya. Usually, ‘Kat’ lang talaga ang tawag nito sa kanya.
“Ahm, pasensiya na sa istorbo,” naiilang na sabi niya.
“Bakit ka ba napatawag?” pagkuwan ay tanong ng binata.
“Ahm, gusto ko lang ng kausap. Pero hindi na bale, salamat na lang sa pagsagot.”
Puputulin na sana niya ang linya nang… “Wait. I’m willing to talk to you, Kat. Hindi rin kasi ako makatulog,” ani Jero.
May kung anong humilagpos sa loob ng dibdib niya. Awtomatikong naghurementado ang puso niya, bagay na hindi niya inaasahan. Natulala siya at hindi na niya malaman kung ano ang sasabihin sa kausap.
“Hindi ko kayang makipag-usap sa iyo personally. I felt guilty when I’m talking in front of you. Feeling ko kasi may galit ka pa rin sa akin. Kung okay lang sa iyo, puwede ba tayong maging magkaibigan ulit?” patuloy nito.
Never again, Jero. Never again! Giit ng ma-pride niyang isip.
Masyado siyang nasaktan dahil sa pakikipagkaibigan niya rito at hindi na siya papayag na maulit iyon. “Thank you, but sorry. Medyo inaantok na kasi ako,” sabi lamang niya saka tuluyang pinutol ang tawag.
Pagkatapos ng ginawa niyang mag-ignora niya kay Jero ay nilamon naman ng konsiyensiya ang pagkatao niya. Hindi purong tao si Jero, pero alam niya marunong itong mapahiya at masaktan. “He deserve this,” pagmamatigas niya.
Dahil sa wrong receiver ng tawag niya ay lalo lamang siya hindi makatulog. Naisip niya; kung pinagbigyan ba niyang makausap si Jero, ano kaya ang mapag-uusapan nila? Binulabog ng binata ang isip niya. Akala niya okay na lahat, na hindi na siya apektado sa nakaraan nila, subalit tila kahapon lang ang naganap. Mali ba ang akala niya na nakapag-move on na siya? Her feelings proves that she’s in love with him. Hindi totoo ang iginigiit ni Ella na puppy love lang ang naramdaman niya, teenagers ay mapupusok lalo sa panahon nila noon.
She admit, talagang mapusok siya noon. Uhaw siya sa atensiyon kaya mabilis siyang magtiwala at mapamahal sa mga taong nagpapakita ng care sa kanya. Aminado rin siyang kasalanan niya bakit siya nasaktan, kaso, nag-assume siya. Itong Jero naman, walang ginawa noong nasaktan siya matapos aminin sa kanya nang harapan na kaibigan lang talaga ang turing sa kanya. Pinabayaan pa siya nito na umiyak at hindi na nagpakita sa kanya hanggang magtapos sila ng high school.
Makalipas ang mga taon, nagkikita sila dahil kay Syn pero never siyang pinangunahang kausapin nang personal. Palaging si Syn ang nag-uugnay sa kanila upang mag-usap. Ito pa madalas ang umiiwas. Ang kinaiinisan pa niya, ilang beses niya itong nakitang may kasamang iba-ibang babae. Natuto na ring makipag-flirt ang binata. Well, ano ba ang pakialam niya roon?
“Hindi ako tatanggap ng kahit anong tulong mula sa kanya. Hindi ako magbibigay ng puwang sa buhay ko para sa kanya. Hindi kailanman!” giit niya sa sarili.
Pero ano nga ba ang meron sa binata at halos buong buhay niya ay ito ang naging laman ng isip niya? Nawalan siya ng interes sa maraming bagay magmula noong sugatan nito ang puso niya. Hindi rin siya gaanong naging masaya sa college life niya dahil trabaho at pag-aaral ang inaatupag niya. Tumutulong siya sa convenience store ng tito Omel niya noon. Hindi nga niya namalayan na naka-graduate na siya ng college. Iilan lang din ang naging kaibigan niya. May mga nanligaw sa kanya pero wala siyang pinansin ni isa.
NAGKAROON ng lakas ng loob si Katrina na mag-stay ng ilang araw sa bahay nila sa Lapu-lapu. Saktong death anniversary ng mga magulang niya sa araw ng Linggo. Nag-leave siya ng isang linggo para maasekaso ang puntod ng kanyang mga magulang. Tinawagan niya ang dati nilang kapit-bahay na si Aleng Shioning para manguna sa dasal. May kasama itong dalawang lalaki na mag-aayos sa puntod ng kanyang mga magulang.
Saktong alas-sais ng hapon ay dumating si Aleng Shioning kasama ang dalawang binata. Nakabili na siya ng isang sakong semento at isang load na buhangin. Kararating lang din niya roon dahil nag-order pa siya ng maliit na bilao na pancit para meryenda at lutong ulam at kanin.
Bago ayusin ang puntod ay gusto muna niyang mag-alay ng dasal. Ngunit pagdating nila sa likod ng bahay kung nasaan ang puntod ay nawindang silang lahat nang madatnan nila na nawasak na ang sementadong puntod.
“Ginoo! Unsa’y nahitabo?” (Panginoon! Ano’ng nangyari?) bulalas ni Aleng Shioning.
Nagsuot siya ng mask dahil nakasamyo siya ng malansang amoy mula sa puntod. Kinabahan siya. Sino naman ang lapastangang sumira sa puntod ng mga magulang niya?
“Mukhang sinira ng mga magnanakaw ang puntod, Ma’am,” sabi ng matangkad na lalaki na nakasuot ng itim na jacket. Ito si Robin.
“Baka pakay nila ang alahas o wedding ring ng mga magulang mo,” sabad naman ni Kaloy.
Hindi siya nakakibo. Pinagtulungan ng dalawang lalaki na linisin ang puntod. Inalis ng mga ito ang mga tipak na pader. Malamang natabunan ng gumuhong puntod ang ataul ng mga magulang niya. Tumulong siya sa paglilinis. Nagpasya siya na ilabas na muna ang mga ataul upang malinis.
Nag-sign of the kross si Shioning bago nagdasal. Sinamahan niya ito sa pagdarasal habang inaangat ng dalawang lalaki ang ataul ng kanyang ama. Hirap na hirap pa ang mga ito kaya gumamit na ng malaking lubid. Hindi na lamang niya pinilit mai-angat. Pinabuksan niya ang ataul.
Nawindang silang lahat nang mapansin na buo pa ang katawan ng kanyang ama ngunit may ilang parte na naagnas.
“Mahabagin! Ano kaya ang nangyari?” bulalas ni Shioning.
“Imposibleng hindi pa sila naagnas sa tagal ng panahon,” sabi naman ni Kaloy.
“Hindi rin naagnas ang katawan ng nanay mo, Ma’am,” ani Robin.
“Isa itong himala!” sabi ng ginang.
Kinikilabutan ang dalaga. Sa halip na lapitan ang ataul at silipin ulit ang kanyang mga magulang ay pinasara niya ang takip niyon. Inutusan lang niya ang dalawang lalaki na linisin ang ataul at ang paligid niyon bago sementuhin ulit ang puntod.
Pagkatapos ng dasal sa puntod ay kasama naman niya si Aleng shioning sa loob ng bahay at nagdasal. Pagkatapos ay inihanda na niya ang hapunan, kasama na ang late na meryenda ng nagtatrabaho sa pansyon.
“Aaaahhh!” malakas na sigaw ng lalaki buhat sa likuran ng bahay.
Pumitlag si Katrina. Ang kaharap niyang ginang ay napatungo sa kanya. “Sino ‘yon?” ‘takang tanong nito.
“Tulong!” sigaw ulit ng lalaki.
Nataranta siya. Nag-uunahan sila ng ginang sa pagtakbo sa likod ng bahay ngunit biglang tahimik naman. Tanging kandila lang at flashlight ang nagsisilbing ilaw roon. Nakatulog ang malaking kandila sa may altar. Ang flashlight naman ay nakasabit sa kisame na nakatutok sa hukay. Wala roon ang dalawang lalaki pero napansin niya ang ilang patak ng dugo sa sahig.
“Nasaan na ‘yong dalawang lalaki?” tanong ng ginang.
Sinundan niya ng tingin ang bakas ng paa na likha ng dugo. Sumilip si Aleng Shioning sa hukay. “Diyos ko po!” nawiwindang na bigkas nito at napaatras. Nanginginig ito.
Nang silipin niya ang hukay ng libingan ng kanyang ama ay nangatal siya nang makita roon ang mga katawan nila Robin at Kaloy, naliligo sa dugo at butas ang sikmura. Naunang tumakbo sa loob ng bahay ang ginang. Napasunod siya rito.
Napakapit siya sa braso ni Shioning. Nanginginig siya sa hindi mawaring takot at kilabot. Dinampot niya ang kanyang bag na nakapatong sa sofa. Napasulyap siya sa nakabukas na pinto ng kusina nang may kung anong tumawid doon. Humigpit pa ang kapit niya sa ginang.