"Papa!" halos maglumpasay ako sa sahig dahil tuluyan ng ipinasok sa loob ng presinto ang Papa ko. Hindi man lang nila kami hinayaan na mag-usap muna.
"Ano ka ba, Jhonalyn. Mahiya ka nga. Para kang bata." saway sa akin ng step mother ko na para bang wala man lang sa kaniya ang nangyari.
"Hahayaan niyo lang ba na makulong si Papa?" sigaw ko sa kaniyang pagmumukha.
"Ano pa bang magagawa ko? Pinatay niya si Don Miguel. Anong gusto mo gawin ko? Maging tulad sa 'yo? Maglulumpasay din sa sahig?" pinandilatan niya ako.
"Kahit man lang kaunti wala akong nakitang pag-aalala diyan sa inyo. Nag-aalala po ba talaga kayo kay Papa?"
"Kahit na anong gawin ko hindi na mababago pa ang nangyari. Dapat nga matuwa ka pa dahil nasa iyo na ang lahat ngayon. Mga kayamanan ni Don Miguel sa iyo mapupunta."
"Hindi ko kailangan ng kayamanan niya." umiiyak na sabi ko sa kaniya.
"Umuwi na tayo."
"Ayoko."
"Halika na." bigla na lamang akong hinila ng step mother ko palabas ng presinto. "Ano pa bang gagawin mo doon sa loob? Ayaw ka ngang pagbigyan ng mga police na makausap ang Papa mo." pinandilatan niya ulit ako tsaka muli na naman hinila papasok na sa loob ng taxi.
Habang nasa loob ng taxi ay panay pa rin ang iyak ko hanggang makarating sa bahay
Nadatnan namin si Kanny nanunuod lang ng TV.
"Nandito na pala ang anak ng murderer."
Nagpanting kaagad ang aking tenga sa narinig ko. "Anong sabi mo?"
"Anak ng murderer. Gusto mo talagang inuulit ko pa. Hindi mo puwedeng itanggi, may ebidensya na nga 'di ba. Nakakahiya naman. Kalat na kalat sa buong mundo na ang pumatay sa asawa mo ay ang tatay mo."
"Walang hiya ka!" napasigaw na lamang ako tsaka sinugod ito. Mariin kong sinabunutan ang buhok ni Kanny. "Hindi mamamatay tao si Papa! Nagawa niya lang 'yon dahil pinagtanggol niya ako."
"Ganoon pa din 'yon."
Mas lalo ko pang sinabunutan si Kanny. Maya maya lang din ay naramdaman kong may humawak sa kamay ko.
"Tumigil nga kayong dalawa!" sigaw ng step mother ko kaya nabitawan ko ang buhok ni Kanny.
"Kanny! Tumigil ka na sa kadaldalan mo! Bakit ganiyan ka kung makapagsalita sa kapatid mo?"
"Hindi ko siya kapatid! Lalong-lalo na hindi mo naman siya anak! Anak siya ng murderer!"
"Tumigil ka na!" sinigawan ng step mother ko si Kanny. Ngayon ko lamang nakita at narinig na nasigawan nito ang kaniyang anak.
"Mommy!" sigaw naman ni Kanny. Hindi makapaniwalang nasigawan siya nito. "Kinakampihan mo ang babaeng 'yan?" turo niya sa akin.
"Oo, dahil siya ang tama. Manahimik ka muna ngayon lang anak. Kahit papaano magkaroon ka naman ng utang na loob sa Papa ni Jhonalyn."
"No way!" tinalikuran lamang kami ni Kanny. Nagpapadyak ito na pumasok sa loob ng silid.
-----
Mabilis lumipas ang araw. Isang linggo na rin pala ang nakalipas pagkatapos hulihin ng mga police si Papa. Hindi pa ako nakakadalaw sa presinto dahil hindi ko alam kung kaya ko bang tingnan si Papa na nahihirapan doon.
"Tao po!"
May tao yata sa labas.
Lumabas ako ng silid upang tingnan kung sino ang dumating. Nadatnan ko sila Mama at Kanny sa sala kausap ang isang lalaking nakasuot pormal.
"Mabuti naman lumabas ka, Jhonalyn. Halika dito, kakausapin ka ni Attorney." sabi sa akin ni Mama.
Unti-unti akong humakbang palapit sa kanila. "A-ano po ang kailangan niyo sa akin?"
"I'm Atty. Savadera." tumayo ito at naglahad ng kamay sa akin. Tinanggap ko naman ang pakikipagkilala nito sa akin.
"J-Jhonalyn." sambit ko. "M-maupo na ho ulit kayo, Atty."
Umupo rin naman ako.
"Ako nga pala ang Atty. ng asawa mo si Don Miguel."
Para sakin hindi ko 'yon asawa. "Hindi ko siya asawa." kaagad na sabi ko.
"Jhonalyn!" pinandilatan ako ng mga mata ni Mama.
"Pero ikinasal kayong dalawa bago ito mamatay. Nandito lang naman ako para gawin ang trabaho ko."
"Ano po ang kailangan niyo Atty. Huwag na ho tayo magpaligoy-ligoy pa."
"Gusto ko lamang sabihin sa iyo na may mga naiwan na ari-arian si Don Miguel at sa iyo 'yon lahat mapupunta."
Nanlaki ang aking mga mata. "S-sa akin?"
"Yes, kailangan mo lamang ito pirmahan para tuluyan mo ng makuha ang mga ito."
Ibinigay niya sakin ang papel. Umiling-iling ako. "Hindi ko kukunin 'yan. Ibigay niyo na lamamg 'yan sa mga taong nangangailangan."
"Jhonalyn! Kailangan natin 'yan." mariing sambit ni Mama sa akin.
"Nag-iisip ka ba, Jhonalyn? Kapag pinirmahan mo 'yan mapapasa iyo ang lahat ng ari-arian ng asawa mo. Kaya kapag nagkataon...puwede mo piyansahan ang Papa mo."
Nang marinig iyon mula kay Kanny parang nagbago ang isip ko. Kailangan ko nga ng pera para mapiyansahan si Papa. Ngunit napakalaking halaga no'n.
"Pirmahan mo na 'yan, Jhonalyn." segunda pa ni Mama.
Napatingin ako doon sa papel. Ilang minuto ko 'yon tinitigan. Nagulat na lamang nga ako ng may humawak sa kamay ko.
"Pirmahan mo na." napatingala na lang ako kay Mama ng agawin niya ang kamay ko. Ibinigay niya sakin ang ballpen. "Pirmahan mo na, Jhonalyn. Para sa Papa mo. Isipin mo nasa kulungan siya ngayon at kung hindi rin naman dahil sa 'yo wala siya doon." pabulong na sabi sa akin ni Mama.
Tama siya, kung hindi dahil sakin wala sana ngayon si Papa sa kulungan.
Unti-unti ko na lamang inilapit ang aking kamay doon para pirmahan na nga ito.
"Finally!" napatayo ang Atty. "Maaari na kayong lumipat sa bahay ni Don Miguel kahit kailan niyo gusto. Walang ibang kamag-anak si Don Miguel kaya wala kang kahati Mrs. Miguel." sabi sa akin ni Atty.
Hindi ko gustong marinig na tinatawag ako bilang Mrs. Miguel. Hindi lang nila alam kung gaano ko kinasusuklaman ang matandang iyon. Kung hindi dahil sa ginawa niya sakin hindi siya mahahampas ni Papa sa ulo. Sana sa mga oras na ito ay buhay pa siya at kasama ko pa ngayon si Papa.
"Anong drama 'yan?" nakataas ang mga kilay na tanong ni Kanny sakin. "Hindi ba dapat maging masaya ka dahil mayaman ka na. Hindi ka na titira dito."
"Paano ako magiging masaya?"
"Ang arte mo. Diyan ka na nga. Mauuna na ako doon sa bahay ni Don Miguel. Pipili ako ng magandang kwarto at siyempre yung pinakamalaki ang pipiliin ko."
Tinalikuran na kami ni Kanny habang si Mama naman ay tiningnan lang ako tsaka niya rin ako tinalikuran.
Lumipas pa ang ilang araw,
Ayaw ko man lumipat sa bahay na pagmamay-ari ni Don Miguel wala akong nagawa dahil pinilit ako ng step mother ko.
Napakalaki ng bahay. Dalawang palapag at sampung kwarto.
"Aangal ka pa ba, Jhonalyn?" nakapameywang na sabi ni Kanny sakin. Hinayaan ko na lamang ito at hindi pinansin. Naghanap ako ng kwarto para sakin.
Aanhin ko ang bahay na ito kung hindi ko naman kasama ang mga taong mahal ko? Nagpakawala na lamang ako ng malalim na hininga sabay tingala sa chandelier at tinitigan ito.
-------
Lumipas ang tatlong linggo.
Sinubukan kong dalawin si Papa sa presinto. Ngayon ko lang nagawang dalawin ito dahil ngayon lamang ako nagkaroon ng lakas na loob.
"Papa." niyakap ko kaagad ito.
"Anak..."
Kumalas ako mula sa pagkakayakap sa kaniya at pinagmasdan ito. Napansin kong may mga pasa sa mukha si Papa.
"Papa, a-anong nangyari sa mukha mo?"
"Huwag mo ng intindihin 'yan anak."
"Papa, magsabi ka ng totoo? Sinasaktan ka po ba dito?"
"Hindi anak. Nagkakaroon lang talaga ako ng pasa sa mukha dahil siguro sa dugo ko. Pero hayaan mo na iyan. Pasa lang naman 'yan gagaling din 'yan. Ikaw, kamusta ka na?"
"Sorry, Papa. Napilitan akong lumipat sa bahay ni Don Miguel. Hindi naman sana ako lilipat doon ngunit itong si M---"
"Huwag mo sabihin 'yan. May karapatan ka doon dahil ikaw ang asawa niya. Huwag mo na lamang akong isipin dito. Ayos lang ako. Isa pa, kailangan kong pagbayaran ang nagawa ko."
Muli ko siyang niyakap ng mahigpit. "Sorry po, Papa nang dahil sakin kaya nangyari 'to."
Hinaplos niya lamang ang buhok ko. Hindi na nagsalita pa. "Hindi kita sinisisi sa nangyari. Bilang ama mo tungkulin kong ipagtanggol ka anak. Kaya huwag mo ng sisihin ang sarili mo."
Hindi na rin ako nagtagal pa. Pinapasok na rin kasi si Papa sa loob.
Makalipas ang ilan pa na araw naisipan kong dalawin si Hendrick sa tinitirhan nito ngunit ganoon na lamang ang pagbagsak ng mga balikat ko nang malamang wala na siya doon.
"N-nasaan ho si Hendrick?" hindi ko tinitigilan ang mga kasamahan niya na tanungin kung nasaan ito.
"Hindi rin namin alam, Jhonalyn. Bigla na lang siyang nawala diyan sa kubo na tinitirahan niya. Hindi nga man lang nagsabi sa amin."
"G-ganoon ho ba?"
Nabaling ang paningin ko sa ibang direksyon kung saan may nakatayo ng gusali at iilang mga cottage. Wala pa iyon ng huli kong punta dito. Isang buwan pa lang ang nakakalipas ngunit may mga nakatayo na kaagad doon.
"A-ano po ang ginagawa diyan?" turo ko doon.
"Nabalitaan namin gagawin na raw itong resort. May bumili na ng lupa na ito. Tamang-tama nga ang pag-alis ni Hendrick. Diyan na rin kami nagtatrabaho. Kinuha muna kami bilang construction worker."
"Paano po yung mga bahay niyo kuya? Saan na ho kayo nakatira?"
"Mabait naman ang bumili ng lupa. Binigyan ng five hundred thousand ang bawat bahay. Iilan kami dito ang binigyan. Binigyan pa kami ng trabaho. Kapag natapos daw ang resort kukunin din daw kami bilang staff ng resort."
"Napakabait naman ho ng taong yun, Kuya."
"Kaya nga eh!"
Naalala ko tuloy kung saan may nangyari sa amin ni Hendrick. Tandang-tanda ko pa kung saan banda iyon. Magiging resort na pala ito. Mas lalo lamang akong nalungkot.
Saan ko kaya hahanapin si Hendrick? Hihingi ako ng tawad sa kaniya.
"Sige ho, Kuya babalik na lang ho ako dito kapag nalaman kong umuwi dito si Hendrick."
"Naku, Ineng mukhang hindi na mangyayari 'yon kasi 'yang kubo niya kasali 'yan sa magiging resort. Hindi pa nga lang iyan ginigiba pero hanggang diyan ang resort. Napakalawak nitong resort na ginagawa, Ineng."
"Ho?"
Bumagsak na lamang ang mga balikat ko. Mukhang wala na yatang pag-asa na bumalik pa dito ang aking nobyo. Kung talagang mahal niya ako, siguro naman babalik siya dito.
"Sige, Ineng babalik na ako roon at magsisimula na ulit ang trabaho. Break time ko lamang kaya nakapagtambay ako rito."
"S-sige ho."
Bagsak ang mga balikat kong umuwi sa bahay ni Don Miguel. Wala akong napala, hindi ko nakita si Hendrick. Hindi ko siya nakausap. Siguro sa mga oras na ito labis ang galit niya sa akin.
Nagkulong na lamang ako sa aking kwarto.
Sumama kasi ang pakiramdam ko. Para bang bumabaliktad ang sikmura ko at nagtutubig din ang bibig ko.
Habang nakahiga sa kama ay bigla na lamang akong bumangon para lang tumakbo sa banyo.
Lahat ng kinain ko ay isinuka ko.
Ano bang nangyayari sakin?
Nararamdaman ko rin na tila ba nahihilo ako.
Sapo ko ang aking noo habang naglalakad palabas ng banyo. Humiga na lamang ako sa kama para matulog na lang.
Napabalikwas na lamang ako nang marinig ko ang sunod-sunod na mga katok sa pinto.
"Sino 'yan?" sigaw ko.
"Ako 'to."
Kilala ko ang boses na iyon. Hinding-hindi ako puwedeng magkamali. Si Rose iyon ang aking kababata.
Pero ano naman ang ginagawa niya dito? Nasa Manila ang babaeng 'yon kaya imposible.
"Hoy! Bruha, buksan mo ito. Ako nga 'to."
Sinubukan kong tumayo sa kama para buksan ang pintuan. Sumasakit pa rin ang ulo ko kaya sapo ko lang ito.
"Rose?" sambit ko. Hindi pa rin ako makapaniwala.
"Ayaw mo pa maniwala. Ako nga 'to. Para namang multo na 'ko para hindi mo paniniwalaang nandito ako." pabirong sabi niya.
"Eh, kasi ang alam ko nasa Manila ka."
"Nagbakasyon lang ako dito. Hindi mo naman sinabi sakin na nag-asawa ka na pala at bongga ah! Mayaman."
"Kung alam mo lang, Rose. Ayaw kong magkaroon ng ganito kung nakakulong naman ang Papa ko."
"Nabalitaan ko nga. Ano ba kasi nangyari? Alam kong hindi iyon magagawa ni uncle Hubert dahil kilala ko ang Papa mo. Kaya nga hindi ako makapaniwala."
"Mahabang kwento." nasapo ko pa ang ulo ko nang maramdaman ang lalong pagkahilo. Napakapit na lamang ako sa wall.
"Anong nangyayari sa 'yo?" mabuti na lang nahawakan ni Rose ang kamay ko.
"Nahihilo ako."
"May lagnat ka?"
"W-wala."
"Bakit ka nahihilo?"
"H-hindi ko alam."
"Naku! Halika alalayan kita papunta sa kama."
Mabuti na lang talaga at nandito ang kaibigan ko. Tamang-tama ang pagpunta niya. Kung wala siya hindi ko alam kung ano na nangyari sakin ngayon. Baka natumba na ako at nabagok na ang ulo ko sa sahig.
Uupo na sana ako sa kama ngunit naramdaman ko na naman ulit ang pag-ikot ng aking sikmura. "T-teka." hindi ko alam kung paano ko nagawang tumakbo para lang makarating sa banyo.
Katulad kanina. Sumuka lang ulit ako.
Nagulat na lamang ako ng biglang salatin ni Rose ang aking noo. "Hindi naman mainit ang noo mo. Wala ka naman lagnat." sandaling natigilan si Rose. "Hindi kaya...b-buntis ka?"
Maging ako ay natigilan rin.
"May asawa ka hindi ba? Baka buntis ka, Jhonalyn."
"Huh?"
"Anong huh? Bakit parang gulat na gulat ka? Natural lang 'yan nagkaroon ka ng asawa kaya hindi na nakakagulat 'yon."
"W-walang nangyari sa amin ni Don Miguel."
"Ano? K-kung walang nangyari sa inyo---"
"Pero may nangyari sa amin ng aking nobyo."
"Ano?" siya naman ngayon ang nabigla. "May nobyo ka? I-I mean...may iba kang nobyo?" halos hindi siya makapaniwala
"Bago ako ikinasal kay Don Miguel, isinuko ko ang aking p********e sa aking nobyo."
"Jusko! Marimar!" napatakip na lamang siya ng bibig kasabay ng pagbulalas nito. "Nasaan na siya ngayon?"
"H-hindi ko alam. Pinuntahan ko siya sa bahay niya ngunit wala na siya doon."
"Jusko! Paano 'yan?"
"Anong paano? S-siyempre bubuhayin ko 'to."
"Ibig kong sabihin paano 'yan kapag nalaman ng bruhang step-mother mo? Knowing na napakamaldita ng babaeng 'yon isama mo na rin yung anak niyang maldita. Alam mo bang ayaw nila akong papasukin kanina. Napilitan nga lang silang papasukin ako."
"H-hindi dapat ito malalaman ni Mama. Kapag nalaman niya ito baka hindi lang sampal at sabunot ang matatanggap ko sa kaniya."
"Anong gagawin mo? Hindi naman puwedeng itago mo 'yan until nine months. Lalabas at lalabas pa rin talaga 'yan. Lulubo ang tiyan mo parang pakwan"
"Sa ngayon siguro itatago ko na muna ito."
"Well, good luck!"
----------
Isang buwan na ang nakalipas. Isang buwan rin na nag-stay sa Probinsya si Rose.
Nagawa ko rin itago ang pinagbubuntis ko. Hindi naman nahahalata ng step mother ko ang pagsusuka ko sa umaga. Ang step sister ko naman ay palaging wala dito sa bahay.
Nakabihis na ako dahil isinama ako ni Rose sa isang event. Grand opening daw ngayon ng resort at isa siya na nakuha bilang waitress sa Grand opening.
Ayaw pa nga niya akong patulungin ngunit ako na ang nagkusa na nagsabi sa kaniya na tutulong ako. Pera din 'yon.
"Jhonalyn!"
Natigilan ako sa paglalakad sa sala nang marinig ang pagtawag ni Kanny sakin. Lumapit siya sakin. Nakabihis ito at mukhang may party na dadaluhan.
"Ano 'yon?" walang gana na tanong ko sa kaniya.
"Maganda ba? Maayos ba ang make-up ko? Ang suot ko? Sexy ba?"
"Ahm!" tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. Fitted ang suot niya at may slit naman ito sa kaniyang hita kaya lantad ang kaputian ng kaniyang legs.
"Hoy? Tinatanong kita?" untag niya.
"O-oo naman, maganda at sexy ka sa suot mo."
"I know."
"Dadalo ka ba ng party?" tanong ko sa kaniya. Curious lang kasi ako.
"Obvious ba? Dadalo ako sa isang Grand opening. Diyan ka na nga."
Tinalikuran niya na lamang ako.
Pareho pala kami ng pupuntahan. Grand opening din ang dadaluhan niya. Habang ako pupunta para magtrabaho.