PINAHINTO ni Eliza ang kanyang bike nang sapitin niya ang bahay ng mga Ventura. Nakatingila siya sa matayog na gate na walang anuman na makikita sa loob maliban sa bubong ng bahay.
Hindi niya maiwasan na makaramdam ng pagkalula. Isa sa maituturing na pinakamalaki sa kanilang bayan ang bahay nila ngunit magmimistulang dewende kung ihahambing sa bahay ng mga Ventura.
Ubod pala ng yaman ni Corbin. Bakit hindi ito nagpapahatid sa kotse na gaya ng mga kamag-aral nilang sundo at hatid ng mga service? Minsan ay nakikita rin niya ito na tinatahak ang shortcuts.
Baka pareho kami na mas trip na maglakad. Nagkibit-balikat siya. Kinuha niya sa bicycle basket ang isang box. Laman niyon ay ang isang chocolate cake na ang kanyang ina mismo ang nag-bake. Kaibigan na raw kasi nito ang ina ni Corbin. Nagkakilala ang mga ito sa festival event ng kanilang bayan. Sponsor ang magulang ni Corbin habang ang kanyang ina naman bilang mayor ay siyang nangunguna sa mga programa.
Inutusan siya ng kanyang ina na ibigay ang cake sa mga Ventura bilang pasasalamat sa ginawang pag-sponsor ng mga ito. Kabilin-bilinan din nito na sabihin sa ina ni Corbin na hindi ito ang personal na nakapag-abot ng cake dahil may importante itong ginagawa. Pupunta ito sa isang charity works.
Laging busy ang kanyang ina ngunit magpagayun pa man ay naglalain pa rin ito ng oras para sa kanilang magkapatid. Tuwing linggo ay namamasyal sila sa mall. Kung sumapit naman ang bakasyon at hindi makakauwi ang kanyang ama ay sila ang lumuluwas ng Maynila. May bahay din sila doon. Iyon nga lang caretaker lang ang nakatira dahil stay in ang kanyang ama sa laboratory.
Plano ng kanyang magulang na pagka-graduate niya ng high school ay sa prestihoysong unibersidad siya sa Maynila pag-aaralin kaya dapat raw na ma-maintain niya ang grado at mas lalong pagbubutihan ang pag-aaral para makapasa sa entrance exam.
Pinindot niya ang doorbell. Ilang sandali pa ay bumukas ang gate.
“Good afternoon po, ako po ang anak ni Mayor Beth. May pinabibigay po ang mama ko kay Mrs. Sarah Ventura,” sabi ni Eliza sa security guard. “Alam na rin po ni Mrs. Ventura na hahatiran siya ng cake. Kung gusto mo po i-confirm niyo sa kanya.”
“Hindi na kailangan, Ineng. Nabanggit na rin ni Senyora na dadating ka dahil tinawagan siya ng mama mo.”
“Ganoon po ba.”
“Pasok ka, Ineng. Dumeretso ka na sa malaking bahay.”
“Thank you po.”
Higit siyang nalula nang makita ang kabuuan sa mediterrean house ng mga Ventura. Nagmistula iyon palasyo. Nasa tatlong palapag din yata. Iyon ang unang pagkakataon na nakita niya sa malapitan ang bahay. Kabilin-bilinan kasi ng kanyang ina na huwag lumagpas sa property nila dahil hindi nila kilala kung anong klaseng tao ang mga Ventura. Baka masamain ng mga ito at kasuhan pa sila ng trespassing.
Humakbang si Eliza papunta sa bahay ng mga Ventura. Napansin niya ang L-shaped swimming pool at sa tabi niyon ay gazebo. May malawak na garden din na puno ng mga naggagandahan na bulaklak pero ang higit na nakapukaw sa pansin niya ay ang napakalaking puno ng santol na nasa pinakgilid at ang ibang sanga ay lumabas na sa pader. Namumutiktik iyon sa bunga.
Nakita niya nahulog na ang mga bunga. Wala yatang kumukuha. Napalunok siya. Bigla ay parang gusto niyang kumain ng santol. Mayroon silang malawak na farm ng mga prutas ngunit santol lang yata ang hindi nila inaangkat. Mahigit kalahating taon na rin yata na hindi siya nakakain nang nasabing prutas.
Mamaya hihingi siya kay Mrs. Sarah Ventura kapag napagtanto niya na mabait itong tao.
Bukas ang main door kaya pumasok na siya. Sinalubong siya ng maid.
“Good afternoon po. May ibibigay lang po sana ako kay Mrs. Ventura.”
“Sige, Ineng. Maghintay ka lang diyan. Pupuntahan ko si Senyora.”
Nawala sa paningin niya ang may edad na maid. Dumaan lang marahil ang ilang minuto ay bumalik ito ngunit mayroon nang kasama. Sapantaha niya ay si Mrs. Ventura na iyon dahil kamukha ni Corbin. Isa pa, napakinis ng balat at kahit relo lang at hikaw ang suot ay aristokrata pa rin tingnan pero hindi naman intimidating ang dating lalo na’t magiliw itong ngumiti sa kanya.
“Hello, hija. Ikaw ba ang anak ni Mayor Beth?”
“Opo, good morning po, Mrs. Ventura.”
“Tita Sarah na lang, hija.”
“Okay po, Tita Sarah,” aniya. “Siya nga po pala. Pinabibigay po ni Mama. Siya po mismo ang nag-bake niyan. Ako lang po pinahatid niya dahil may importante po siyang inaasikaso.”
“Maraming salamat, hija. Balita ko nga masarap mag-bake ang mama mo.”
“Yes po. The best rin po siya magluto. Isa sa mga araw po na ito magdadala po ako dito ng ulam para mapatunayan ko ko gaano kasarap magluto si Mama.”
Mas lalong lumawak ang ngiti ng Ginang. “Sige, aasahan ko iyan, hija. Ano nga pala ang pangalan mo?”
“Eliza po.”
“Napakagandang pangalan.”
Ngumiti siya. “Thank you po. Sige po. Aalis na ako. Hinatid ko lang po ang cake na iyan.”
“Pakisabi sa mama mo na salamat dito sa cake.”
“Okay po.”
Tatalikod na lang sana siya nang pigilan ng Ginang. “Wait, ipapahatid kita sa anak kong si Corbin.”
Sukat sa narinig ay nanlaki ang mata ni Eliza. “Naku, huwag na po. Kaya ko na po umuwi mag-isa. Isa pa, may dala akong bike.” Bago siya pumunta doon ay hiniling niya n asana hindi niya makikita si Corbin. Nanalangin pa siya n asana tulog o ito o ‘di kaya ay may pinuntahan.
“Isakay na lang sa pick up ang bike mo, hija. Huwag kang mag-aalala kahit kasing edad mo lang ang anak ko ay magaling na siyang mag-drive. Alam mo bang minsan na siyang nanalo sa motor race sa Italy? Nakapagbigay na ng karangalan sa bansa natin ang anak ko.” May pagmamalaki sa tono ni Mrs. Ventura.
Ang galing pala ng mortal enemy ko kung ganoon.
“Naku, huwag mo na po talaga!”
“Wait lang, saan ka nga pala nag-aaral, hija?”
“Sa Saint Ignitius po.”
“Pareho kayo ng eskwelahan ng anak ko kung ganoon.”
“Yes. Magkaklase kami,” wika ng boses na galing sa kanyang likuran.
Hindi na kailangan na lumingon ni Eliza para alamin kung si Corbin iyon. Kilala na niya ang boses nito.
Pumunta ito sa harap niya. Naka-suot ito ng denim shorts na pinarisan ng itim na T-shirt na may maliit na logo ng mamahalin na brand. Hawak nito ang tali ng isang dambuhalang aso.
Bigla siyang natakot. Napasigaw siya nang biglang tumahol ang aso na tila ba galit sa kanya.
“Bruno! Behave!” saway ni Mrs. Ventura na hinaplos ang balihibo ng aso.
“Sige po, aalis na po ako, Tita.” . . .bago pa ako malapa ng aso niyo!
“Ihahatid ka ni Corbin hanggang sa gate.” Binalingan nito ang anak. “Iwan mo na lang si Bruno para hindi matakot si Eliza.”
Binigay ni Corbin ang tali sa maid. Habang muli siyang nagpaalam sa ina nito at nauna ng humakbang. Nakalabas na siya sa main door nang makaagapay ito sa paglalakad niya.
“Hindi mo na kailangan na ihatid ako sa gate.”
“Ayaw ko rin naman na ihatid ka.”
Tumigil siya sa paglalakad. Hinarap ito. “E, bakit ka nakasunod sa akin?”
“Pupunta ako sa lanai,” sagot ni Corbin. Ngumisi. “Kahit aso ayaw sa iyo. Marunong talaga kumilatis si Bruno ng mga babaeng suplada.”
“Excuse me, ako pinaka-friendly sa school natin. Sa iyo lang lumalabas ang sungay ko dahil nakakainis ka!”
“Wala naman akong ginagawa masama sa iyo, a?”
“Wala? Pinunit mo palda ko! Nilublob mo rin ako sa putikan.”
“Dahil pinagtawanan mo ako.”
“Ikaw din ang nagsumbong kay Miss Cadayday na umakyat ako sa pader ng eskwelahan!”
Nalukot ang mukha ni Corbin. “Hindi ko nga iyan ginawa.”
“Sino ang maniniwala sa iyo?” tanong niya na nakahalukipkip.
Umiling ito. “Bahala ka nga.”
“Okay, huwag mo na akong sundan!” Bibira na sana siya ng lakad nang masulyapan ang puno ng santol. Muli niyang binalingan si Corbin. “Pahingi ng santol.”
“Bahala ka. Kahit ubusin mo pa ang lahat ng bunga.”
“Tatlo lang ang kukunin ko. May paningkit ka ba?”
“No. Paghirapan mo kung gusto mo talaga kumain ng santol.”
Umirap siya kay Corbin. Pagkuwa’y tumingin ulit sa naturang puno. Mahaba at malaking puno iyon pero sa tingin niya ay kayang-kaya naman niyang akyatin lalo na’t may nakita siyang bunga sa pinakamalapit na sanga.
“No problem,” wika niya. Pumunta siya sa punto.
Tamang-tama na naka-denim shorts siya at pink na blusa. Tinanggal niya ang suot na sneaker. Nagsimula nang umakyat sa puno.
“Talagang aakyat ka?” hindi makapaniwala na tanong ni Corbin na sumunod pala sa kanya.
“Sinabi mong paghirapan ko e!”
“Bumababa ka na diyan! Ako na aakyat!”
“Too late na magka-gentleman, Corbin Ventura.”
Kakapit na lang sana siya sa isa pang sanga nang dumulas ang paa niya at tuloy-tuloy siyang bumulusok sa baba. Halos hindi siya makahinga sa sobrang nerbiyos. Nanlalaki ang kanyang mata sa pagkasindak. Pumikit na lang siya. Hinintay na lumagapak ang katawan sa lupa.
Ngunit sa pagatataka niya ay hindi ganoon ang impact ng pagbagsak niya. Napamulat siya. Sinalo siya ni Corbin! Nakadagan siya sa katawan nito. At kay lapit ng mukha nila sa isa’t-isa.
Napalunok siya nang dumako ang mata niya sa labi nito. Bigla ay parang gusto niya iyon kintalan ng halik. Pinaglalabanan din niya ang kagustuhan na haplusin ang ilong nito. Aminado siya na mayroon itong attractive na labi at pares na mga mata. Tila ba nanghihigop ang bawat titig nito. Idagdag pa ang matangos na ilong nito. Sa tingin niya ay hindi ito purong pinoy. Matatawag kasi na tisoy ito.
Really, Eliza? Nahulog ka na puno pero nagawa mo pang pag-aralan mukha ng mortal mong kaaway? Pinagalitan niya ang kanyang sarili.
Mas lalo siyang nanigas nang maramdaman niyang kumilos ang kamay ni Corbin na nakahawak sa kanyang likod. Nakaramdam siya nang hindi maipaliwanag na sensasiyon. The feeling was all new to her.
Ano ang nangyayari sa kanya?
Bigla siyang natauhan nang marinig ang ungol ni Corbin na tila ba nasasaktan. Noon lang niya napansin na nakangiwi ito. Halatang may iniindang sakit.
“Corbin!” Agad siyang umalis mula sa pagkadagan dito.
“Ang sakit ng kamay ko.”
“Naku! Nabalian ka yata!”
“Call a help, Eliza.”
Tumakbo siya papunta sa malaking bahay. “Tulong! Tulong! Si Corbin nahulog sa puno!” Sa pagkataranta ay iyon ang nasabi niya.