SUMAPIT ang araw ng stage play. Lihim na nagngingitngit ang kalooban ni Eliza habang pinapanood sina Corbin at Catherine na nagsasayaw sa saliw ng waltz. Iyon ang finale ng play na iyon.
Bumilib ang mga tao sa pag-arte niya. Convincing ang pagganap niya bilang wicked stepmother. May adlib pa siyang nalalaman. Hindi alam ng mga nanonood na totoo na iyon sa loob niya. Naiinis siya kay Catherine kaya napalakas ang paghatak niya sa buhok nito.
Siyempre, palakpakan ang mga tao. Nadala sa eksena lalo na nang umiyak si Catherine. Lingid sa kaalaman ng mga ito ay hindi na iyon parti ng play.
Hindi man na-perfect pero at least nagawa ni Corbin ng tama ang role nito bilang Prince Charming. Kay gwapo nito sa suot na costume. Namilipit nga sa killig ang mga schoolmate nilang babae. Isang pambihirang pagkakataon na mapuno ang gym at iyon ay dahil kay Corbin.
Sa totoo lang, nilalamon na siya ng insekyuridad niya. Paano ba naman kasi, sobrang ganda ni Catherine nang maging prinsesa na ito. Pinaghandaan ng mommy nito ang gown at nagpadala rin ng beautician.
Hindi tulad nila na mga side characters na sila-sila lang ang nag-make up. Nilagyan pa siya ni Miss Cadayday nang napakalaking nunal sa bandang labi. Banat na banat ang pagkakapusod ng kanyang buhok. Makapal ang make up. Nagmukha siyang old maid matandang dalaga na principal.
Dapat manonood din ang kanyang ina. Imbitado kaso ito ng principal nila ngunit nauna na itong nakatango sa isa pang event kaya hindi ito nakadalo.
Pinandilatan niya si Corbin nang sumulyap ito sa kanya. Pinayagan nitong humilig sa balikat nito si Catherine kahit wala naman iyon sa script.
Nagtipon-tipon na silang lahat sa stage. Sabay na nag-bow. Pagkatapos ay sumara na ang kurtina. Masigabong palakpakan na ang sumunod.
Pumunta na silang lahat sa dressing room. Nagpalit lang siya ng damit ngunit hindi na siya nagtanggal ng make up. Dapat sana ay may libreng pameryenda pa pero wala na siyang gana pa na makihalubilo. Nasira na ang mood niya.
Siksikan ang sa dressing room kaya hindi napansin ni Corbin ang pagtatalilis niya. Hindi pa masabing opisyal na magkasintahan na sila pero aminado siyang nagkakaunawaan na silang dalawa.
Ewan kung napapansin na rin ng mga kaklase nila na may kakaiba sa kanilang dalawa ni Corbin. Lagi kasi silang magkasama. Sabay nagre-recess at umuuwi. Hindi rin nila maiwasan minsan na magpakita ng sweetness. Malakas kasi mang-spoiled si Corbin. Kulang na lang ay ituring siya nito na isang prinsesa. Madalas na ito ang nagtatali ng shoelace niya. Simula nang alisin ang arm cast nito ay ito na naging tagabitbit ng bag niya. Lagi rin siyang binubusog.
Hindi pa sila lumalampas sa limitasiyon. Hindi pa sila nagki-kiss sa labi. Pero kapag tumatambay sila sa kanilang secret place ay madalas na kinukulong siya ni Corbin sa bisig nito at hinahalikan siya sa buhok. May isang beses na ninanakawan siya ng kiss nito sa pisngi sa classroom nila. Mabuti na lang at walang nakakita
Ang secret place na tinutukoy niya ay ang abondonadong kubo malapit sa palayan kung saan sila dumadaan pauwi. Nilinis nila ang kubo. Naglagay din sila doon nang comforter na pwede nila mahigaan.
Nakapunta na sa bahay nila si Corbin. Pero ang bilang kaibigan lang ang pakilala niya rito sa kanyang ina. Mainit itong in-welcome ng kanyang ina lalo na nang mapag-alaman na anak ito ni Mrs. Ventura.
“Eliza!”
Boses iyon ni Corbin kaya mas lalo niyang binilisan ang paglalakad pero nahabol pa rin siya nito.
“Ano ba ang nangyayari sa iyo?”
“Wala!”
“Sabihin mo na kasi.”
“Ang sweet niyo ni Catherine!” Singhal niya rito.
“Drama lang iyon!” Nanlalaki ang mata ni Corbin. Halatang nagsisimula nang mainis ngunit natigilan na tila ba may napagtanto. Pagkuwa’y napangiti. “Nagseselos ka?”
“Hindi ‘no!”
“Don’t worry! Mas maganda ka kesa sa kanya,” anitong hinaplos ang kanyang pisngi.
Tinabig niya ang kamay. “Maganda? Sa make up kong ito tapos may malaking nunal pa!” Mangiyakngiyak na sabi niya.
Natawa si Corbin. Hinagkan siya sa noo pagkatapos ay isinubsob ang mukha niya sa dibdib nito. “Ikaw pa rin ang pinakamagandang babae sa paningin ko,” masuyo nitong sabi.
“Talaga?”
Tumango ito. “Talaga. Kaya huwag ka ng malungkot diyan.”
Lumambot ang mukha niya. Lumayo rito. Mahirap na, nasa loob ng campus. Bagaman walang tao sa paligid ay hindi pa rin masasabing ligtas. Nang matapos ang program ay dumeretso nan g uwi ang mga estudyante. Mangilan-ngilan na lang ang naiwan.
“Teka lang, maghihilamos lang ako.”
Sinamahan siya nito sa gripo. Tinanggal niya ang pagkakapusod ng buhok na hinawakan at tinaas ni Corbin para hindi mabasa habang ang isang kamay nito ay tumutulong sa paghilamos sa kanyang mukha.
Napuno nang hindi maipaliwanag na kasiyahan ang kanyang puso. Alagang-alaga siya nito pero puro pagmamaldita lang ang sinusukli niya. Mabuti hindi ito nawawalan ng pasensiya.
Ito na rin ang nagpunas ng kanyang mukha gamit ang panyo nito.
“Beautiful. . .” anas nitong titig na titig sa kanya.
“Siyempre naman!”
“Mabilisan natin ang pag-uwi. Baka maabutan tayo ng ulan.”
Napatingala siya. Noon lang niya napansin na makulimlim pala ang kalangitan. Hindi niya matantiya kung babagsak na ba iyon o makaabot pa sila sa kanilang mga bahay.
Lumabas na sila sa campus ni Corbin. Nang nasa loob na sila ng mapunong daan ay hinawakan nito ang kamay niya. Hindi na siya nag-inarte pa sapagkat madalas na nilang gawin iyon.
Malapit na sila sa palayan nang abutan sila ng malakas na ulan. Mabilis silang tumakbo papunta sa kubo. Pagdating nila doon ay basang-basa na silang pareho.
“Malapit naman mag-summer bakit maulan pa rin,” sabi ni Eliza na niyakap ang sarili. Nilalamig.
“May low pressure ayon sa weather forcast,” sagot ni Corbin.
May apat na comforter sila na inilagay sa kubo na iyon. Ang isa ay nakalatag sa papag. Kumuha ito ng isa mga nakatupi. Pinununasa siya pagkatapos ay binalabal iyon sa kanya.
Nagpunas rin ito ngunit sa gulat niya ay bigla itong naghubad ng damit sa harap niya. Namula ang kanyang mukha. Biglang nahiya. Ngunit para siyang baliw na hindi magawang ipikit ang mata. Bagkus napako ang paningin niya rito.
Pigil niya ang kanyang hininga. Bagaman teenager lang si Corbin ay kay kisig na nitong tingnan. Wala naman itong abs o muscles na tulad sa mga body builder pero matatawag pa rin na matipuno ito. May athletic body type.
“Eliza.” Untag sa kanya ni Corbin .
Noon naman siya nagising mula sa pagkatulala. Hinampas na iya ito sa balikat. “Magdamit ka nga!”
“Basa.”
“Sige ka! Iiwan kita dito. Susuungin ko ang ulan!”
“Oo na, mahal na reyna,” wika ni Corbin na muling sinuot ang basang t-shirt.
Ginagap nito ang kamay niya. Hinila siya paupo sa papag pagkatapos ay pumuwesto ito sa likuran niya. Kinulong siya sa bisig nito habang siniksik nito ang baba sa kanyang balikat.
“Para hindi ka lamigin,” anito.
Hindi na pumalag pa si Eliza. Komportable siya sa posisyon nila ni Corbin. Nawala ang panginging niya dala ng lamig dahil sa pagkabasa ng ulan. Isa pa, hobby na nito na yakapin siya. As long as hindi ito lumalampas sa limitasiyon ay okay lang sa kanya. Never naman niya na-feel na minamanyak siya o tsinatsansingan siya nito.
Yumuko siya. Wala sa loob na nahaplos niya ang braso nito. Wala siyang ideya kung ano ang epekto nang ginawa niya pero naramdaman niya ang pagkislot nito. Bigla rin siyang nahiya sa sarili. Tuloy nagkaroon ng tensiyon sa pagitan nilang dalawa. Pareho nang naestatwa.
Naramdam niya na gumalaw ang ulo ni Corbin na nasa balikat niya. Labi ba nito ang banayad na dumadampi sa leeg niya? Nakaramdam siya ng mga nagliliparang paro-paro sa kanyang sikmura. Napapikit na lang siya. Isinantabi ang hiya dahil nakakapagdulot rin ng kaigaya-igaya pakiramdam ang ginawa nito.
Naglakbay ang bibig ni Corbin sa kanyang tenga. Ilang taon din itong tumira sa Amerika. Tiyak na nagkaroon na rin ito ng liberated na girlfriend kaya hindi nakakapagtaka kung tila alam na nito ang ginagawa nito.
“Corbin. . .” anas ni Eliza.
Pumikit siya nang pinaharap siya nito. Hindi niya kayang salubungin ang titig nito. Buong suyo na hinaplos ng kamay nito ang kanyang pisngi. Pagkatapos ay binigyan siya ng magaan na halik sa noo.
Iyon lang?
Nakakahiya man aminin pero na-disappoint siya. Oo na, aminin na niya. Gusto niya na maging first real kiss si Corbin. Hindi naman kasi ma-consider na tunay ang accidental kiss nila.
Nag-ipon muna siya ng lakas ng loob bago sinalubong ang titig ni Corbin. “Kiss me, Corbin.”
“Eliza. . .”
Muli niyang pinikit ang mata. Indikasiyon na hinihintay niya ang labi nito. Dumaan ang ilang sandali ay wala pa rin nangyayari.
“Seryoso ka ba?”
Ang dami pang intro!
Siya na mismo ang humila dito. Naglakat ang kanilang labi. Smack lang. Walang makagalaw sa kanilang dalawa pero wala rin bumibitaw. Hanggang sa naramdaman niyang gumalaw ang labi ni Corbin.
Wala siyang ideya sa bagay na iyon. Noon lang siya nakaranas ng totoong halik pero natagpuan na lang niya ang kanyang sarili na rumeresponde kay Corbin.
Masuyo lang ang halik na pinagsasaluhan nilang dalawa. Tila ba inalalayan siya ng labi ni Corbin para makaresponde ng tama. At bilang magaling na estudyante ay mabilis din siyang natuto.
Ngunit hindi na tumagal ang halik na iyon. Binitawan siya ni Corbin.
“B-bakit?” At talagang nagawa pa niyang magtanong.
“Baka makalimot tayo at magawa natin ang hindi tama. Ginagalang kita, Eliza. Sigurado ako na ikaw ang una at huling babaeng iibigin ko.”
Nalunod ang puso niya sa kaligayahan. Talaga nga palang puro ang pag-ibig na pinapakita nito sa kanya. Mabuti na rin at napigil nito ang sarili dahil kung siya lang ay baka tuluyan na siyang nagpatangay.
“Una? Ows hindi ka pa nagka-girlfriend?”
“Nagka-girlfriend na ako, pero ikaw ang babaeng unang nagpatibok sa puso ko.”
“Meaning palikero ka?”
“Alam mong tumira ako sa bansa na open minded ang mga tao.”
“Kung sabagay. May naging kaibigan rin akong amerikano. Sobrang bait. Hanggang ngayon ay nagpapalitan pa rin kami ng sulat.”
“Pwes! Huwag ka ng sumagot sa sulat niya.” May himig na pagseselos sa boses ni Corbin.
__
“ANO na lang gagawin natin, Ezekiel?!”
Napatigil sa paghakbang si Eliza nang marinig ang boses na iyon ng kanyang ina. Nasa teresa ito. Kausap ang kanyang ama sa cellphone. Nagkakataka siya sapagkat problemado ang hitsura nito at may luha pa sa mga mata nito.
“Ma, ano’ng nangyari?” tanong niya na lumapit na dito.
“Wala, anak. Nag-uusap lang kami ng Daddy mo tungkol sa negosyo natin. Alam mo naman na pinamahayan ng mga piste ang mga pananim natin.”
Duda siya sa naging sagot ng kanyang ina. Hindi ba, nasolusiyunan na ang problemang iyon? Nakabisita siya sa farm noong nakaraang araw. Malulusog naman ang mga pananim na prutas.
“Gusto kong kausapin si Papa. Sobrang miss ko na siya,” sabi niya.
“Magbihis ka muna, basang-basa ka.”
“Promise mabilis lang ito. Mag- I love you lang ako sa kanya.”
Napailing na binigay ng kanyang ina ang cellphone.
“Hello, Pa! Kumusta? Sobrang miss na miss na kita? Kailan ka po ba uuwi?”
“Malapit na, anak. Miss ko na rin kayong lahat diyan.”
“Bakit ganyan ang boses mo?” kunot-noo niyang tanong. Paos kasi ang boses ng kanyang ama na tila ba kagagaling lang sa pag-iyak.
“Wala. Baka sa mahinang sagot lang, anak,” sagot ng kanyang ama sa kabilang linya.
“’Pa, kahit wala ng pasalubong, basta umuwi ka lang please.”
“Sure, anak. Malapit na.”
“Sige po. Ibibigay ko na kay Mama ang cellphone. I love you! Ingat po diyan!” Inabot na niya sa kanyang ina ang cellphone na hindi na hinintay pa ang sagot ng kanyang ama.
“Magbihis ka na, baka magkasakit ka pa,” sita ng kanyang ina.
“Opo.”
Aakyat na lang sana siya nang hagdan nang muling napatingin sa kinaroroonan ng kanyang ina. Mula doon ay hindi na maririnig ang boses nito pero nakikita niya na tila maligalig ito habang nakikipag-usap sa kanyang ama. Tila ba pasan ang mundo. Puno rin ng pangamba ang mababanaag sa mukha nito.
Talaga ba na ang farm nila ang problema?
Ano ba kasi talaga ang nangyayari?
Close siya sa kanyang ina. Para na silang magkapatid pero ni minsan ay hindi ito nag-share ng problema sa kanya kahit pasan na nito ang bayan nila. Puro positibong bagay lang ang binabahagi sa kanila ng kapatid niyang si Emerie.
Nagtuloy-tuloy na siya sa kanyang kwarto. Pagbukas niya ng pinto ay nagulat siya na bumuhos sa ulo niya ang maraming harina. Pagkatapos ay narinig niya ang hagikhik ng kapatid.
Napatingin siya sa salamin na nasa harap lang niya. Umusok siya sa inis nang makita na nagmistula siyang white lady. Basa siya kaya dumikit ng husto ang harina sa katawan niya.
“Emerieee!!!” sigaw niya. Sinugod ang kapatid.
“Sorry, Ate!” tili nito pero tumatawa pa rin.
Naghabulan sila sa loob ng kwarto. Nang sa wakas ay nahuli niya ito ay kiniliti lang niya ito dahil hindi niya maatim na saktan ito.
Namimilipit na ito sa kakatawa. Hindi niya ito tinantanan kahit nakahiga na sa sahig.
“Ate, tama na!” Humahakhak na pakiusap ni Emerie.