Dumating ang lunch break. Sa mga babae ako sumabay ng lunch, dahil ilang araw din kaming hindi nagkasama dahil sa pagkakasakit naming apat. At ang mga kaibigan ni Fourth ay kakain kasi sa labas. Inaaya naman nila ako, kaso medyo may kalayuan ang restaurant na kakainan nila. Baka nga plano pa nilang hindi na pumasok ngayong hapon. Baka mamaya kung saan-saan pa nila ako hilain. Yari talaga ako kay Mommy. Madami akong kuwento pero kapansin-pansin ang pananahimik ng tatlo kong bagong kaibigan. Mula nang pumasok sila galing sa pagkakasakit pansin ko ang pagiging matamlay nila. "Nabo-bored kayong kasama ako?" tanong ko. Sa maiksing panahon, nagustuhan ko na sila. Hindi kasi sila gaya ng mga kaibigan kong sosyal na maarte at madalas ang past time ay manlait ng iba. "Hindi naman, Mira. May

