Napabalikwas ako ng bangon mula sa mahimbing na pagkakatulog ng sunud-sunod akong hambalusin ng unan ng kapatid na si Mike.
"Ano ba?! Kita mong natutulog yung tao, o! Ano bang problema mo?!" sigaw ko sabay hampas sa braso ng kapatid. "Kagabi ka pa ha. Nananadya ka na ha!" Inirapan ko ito sabay hablot ng kumot at talukbong.
Namaluktot ako sa loob nito at pumikit uli, pilit na hinahabol ang naunsiyaming panaginip.
Istorbong kulugo. Ang sarap na nung panaginip ko, e. Nabili ko na daw yung Chanel bag na noong isang taon ko pang pinag-iipunan.
"Luh, ikaw ang may problema. Kanina ka pa pinagigising ni mama, uy. 'Tsaka kung di mo naitatanong, tanghali na po mahal na prinsesa. Maghugas ka na ng pinggan, tapos na kaming kumain," gagad nito sabay hampas na naman ng unan sa akin.
Aba, ang asungot lumalaban na.
Inalis ko ang pagkakataklob ng kumot sa aking mukha at tiningnan ng matalim ang demonyong nagkatawang-lupa.
"Hoy! Bakit? Ako ba ang gumamit ng pinggan? Ako ba ang kumain dun? Kapal! Umalis ka na nga sa kwarto ko. Ma! Si Mike o! Iniinis na naman ako," sigaw ko kay mama na nakita kong dumaan sa nakabukas na pinto.
"Magsitigil nga kayo diyan. Ang tatanda na ninyo, asal-bata pa rin kayo. Myca, bumangon ka na. Sabado ngayon, wala kang pasok kaya ikaw ang maghuhugas ng pinggan. Mike, bumili ka nga kay kumareng Selma ng mineral water. Dali! Etong pera," utos ni mama.
"Sabi sayo, e. Ikaw ang nakatoka ngayong maghugas kaya bumangon ka na," tatawa-tawang sabi ni Mike habang papalabas ng pinto.
Benelatan ko lang ang kapatid pagkatapos ay nahahapong bumangon at iniligpit ang kamang higaan. Inis na pinaghahampas ko ang mga unan sa kama.
Naman, eh!
Pagkatapos umihi, maghilamos, at magsepilyo sa banyo ay lumabas na ako ng silid. Tinahak ko ang kusina at nanlulumong tinitigan ang sandamakmak na mga hugasin na nakatambak sa lababo.
"Ano ba yan. Kulang na lang ilabas nila lahat ng plato namin ha. Wow. Just wow," napapakamot ng ulong sambit ko habang minu-murder sa isipan ang walang kamuwang-muwang na mga plato.
"O, ano pang itinutunganga mo? Mag-almusal ka na bago ka maghugas," untag ni mama na kapapasok lang sa kusina bitbit ang mga hotdog, tocino, at chorizo na nasa mga paketeng plastic. Binuksan nito ang ref at inilagay sa loob ang mga frozen products.
"Di niyo naman ako ininform ma na may piyesta pala kagabi sa dami nito," pairap na sabi ko.
"Aba'y kulang na lang pati yung mga naaamag na plato niyo eh ipahugas niyo sa'kin, e. Natulog lang ako 'tas paggising ko gan'to na," sagot ko.
"Sige na. Wag ka nang magreklamo diyan. Siya nga pala, tumawag sa cellphone mo si Sheki. Ako na lang ang sumagot. Ang ingay, e. Di na kita ginising. Naghihilik ka pa nun."
"Ano hong sabi?" tanong ko.
Alam ko naman ang kaniyang sasabihin. Siyempre napag-usapan na namin yun. Pero for the sake na payagan e kailangan chumika ng slight kay mader.
"Susunduin ka daw niya mamaya. Pinagpaalam ka niya sa akin kasi daw kaarawan niya. May kaunting selebrasyon daw sa kanila. Kinumbida nga ako pero kako hindi na kasi may mga orders ako mamaya na ihahatid," sabi ni mama habang nagtitimpla ng gatas.
"Tapos? Pumayag ka ba ma?" hopeful kong tanong. Siyempre dapat hindi agad-agad mag-aasume na papayagan para hindi mabokya sa huli. Though alam ko naman na basta si Sheki na ang nagpaalam ay sure ball nang papayagan ako.
Grabe yung convincing powers nun, e.
"Kailan ba kita hindi pinayagan? Basta ba tumupad ka sa ating kasunduan. Wala munang boyfriend boyfriend habang wala pang diploma. At wala dapat akong mababalitaan na may ine-entertain kang manliligaw. Maliwanag ba?" sabi ni mama sabay bigay sa'kin ng baso ng gatas. "O, inumin mo muna to."
Tinanggap ko ang baso ng gatas at inisang lagok ang laman. Akala ko para sa kaniya, sa akin pala.
"Ano ba yan, ma. Sana kape na lang. Alam niyo namang di ko gusto lasa nito ng gatas eh," reklamo ko habang pinipigilan ang sariling maduwal.
"Ikaw kahit kailan talaga. Magpasalamat ka na lang at may naiinom ka pa. Sa dami ba naman ng mga tao ngayon sa mundo na hindi nakakainom ng gatas," sermon nito.
"Para nagbibigay lang ng suggestion, e. Pero ma, pramis wala munang nobyo nobyo. Kahit alam naman nating marami talagang nagkakandarapa sa kagandahan kong ito. Maglalaway lang sila dahil off limits muna," pag-aasure ko kay mama sabay ngisi. Aba kailangan ng assurance para always good shot.
"Mabuti. Wag kang gumaya dun sa pinsan mo na nabuntis na nga sa murang edad e tinakbuhan pa ng nakabuntis. O, siya siya. Sige na. kumain ka na. Mag-iimbentaryo muna ako ng aking mga paninda," sabi ni mama.
Tumango na lang ako at ngumiti. Kumuha ng pinggan at kutsara pagkatapos ay naupo. Binuksan ko ang takip ng mga pagkain at nagsimulang kumain. Panaka-nakang sinusulyapan ang mga pinggan habang sumusubo. Diyahe talaga.
KINAGABIHAN mga bandang alas-siyete dumating si Sheki. Tuluy-tuloy na itong pumasok sa gate patungo sa sala sabay sumalampak ng upo sa sofa. Yakap-yakap na nito ang throw pillows nang tingnan siya nito.
“Uy, andiyan ka pala ses. Di kita nakita. Sa’n si tita para makaalis na kami. Di ka pinayagan," pang-aasar nito na umani ng irap mula sa akin.
“Alam mo ibang klase ka din no. Kung maka-barge ka ng bahay ng may bahay e talo mo pa talaga ang may-ari,” sabi ko sabay ikot ng mata.
Tinawanan lang ako ng gaga. Bumaba ang tingin nito sa suot ko at napasipol.
“Hanep, a. Parang a-attend lang ng party sa hotel. Hoy, overdressed ka gaga. Di tayo pupuntang club bat ganyan get-up mo?” tanong nito sa akin sabay masusing sinuri ang suot ko.
Nakasuot ako ng black high-waist shorts na tinernuhan ko ng white halter top na kita ng slight ang cleavage. Litaw ang aking mapuputi at mabibilog na long legs. Pinatungan ko ito ng black leather jacket at pinaresan ng white Converse shoes. Naka light make-up din ako. Nakalugay ang aking hanggang bewang na buhok na kinulot ko sa dulo.
“Pakialam mo? Sa gusto kong suotin to, e. At bagay naman sa'kin. Di halatang galing sa ukay-ukay. Tag-treinta lang tong shorts at bente tong halter top,” pagtatanggol ko sa sarili.
“Walang problema ang suot mo kung lalabas tayo. Pero sorry to burst your bubble ses, sa barong-barong lang po namin ang selebrasyon. In fact, kayo lang bisita ko." paliwanag ni Sheki. "Magpalit ka nga. Naaalibadbaran ako sayo,” nakasimangot nitong wika.
Napangisi na lang ako. “Inggit ka lang kasi bagay sa’kin. Gayahin mo na lang kasi ako. Puro shirts, jeans, at cap suot mo e. Talo mo pa si Barbie, e. Di ka naman tibo,” kantiyaw ko.
“Bakit, kapag ba nagsuot ako ng ganyan at nag make-up e makikita ko na purpose ko sa buhay? Walang kuwenta yan. Hedonism at materialism pa more," sabi nito sabay tingin sa kawalan.
I rolled my eyes. Heto na naman po siya.
“Okay wala na akong sinabi. Stop saying jargons, geez. Lahat na lang talaga kino-connect mo dyan. Buti na lang totoo yung sa part ng materialism sa kaso ko,” natatawa kong sambit pero sa loob-loob ko, alam kong walang halong biro ang sinabi ko.
Hindi lingid sa kaalaman nila Sheki na pangarap kong maging mayaman. Magkamal ng salapi. Kung sa paningin ng ibang nagdudunung-dunungan ay napakababaw ng pangarap ko ay wala akong pakialam. Lahat naman ng tao ay gustong magtamasa ng kaginhawaan sa pinansiyal na aspeto.
Lahat nangangarap ng klase ng buhay na maibibigay ng salapi. Ipokrito lang ang magsasabing mas pipiliin nila ang maging mahirap kung kapalit naman nito ay kasiyahan.
Kalokohan. Kagagahan. Pera ang nagpapaikot sa mundo. Simple lang naman ang equation diyan. Money equals happiness. I should have known better.
Mapait na lang akong napangiti.
“Tara na nga. Nagugutom na ako,e. Sinadya ko talagang di kumain ng meryenda para full force ako sa labanan mamaya,” bawi ko na at hinila si Sheki patayo na nag-si space-out na naman.
Nagpahila naman ito. Saktong palabas na kami ng gate nang dumating si mama.
“Hi po, tita,” pagbati ni Sheki sabay abot ng kamay para magmano. Ganoon rin ang ginawa ko.
“Kaawaan kayo ng Diyos. Paalis na ba kayo?” tanong ni mama.
“Opo ma. Doon ako matutulog sa kanila ha. Overnight kami,” pagpapaalam ko kay mama.
Tumango lang si mama at sinabihan kaming mag-ingat. Sanay na talaga si mama na natutulog ako kina Sheki. Kilala na naman niya ang likaw ng bituka ng mga kaibigan ko kaya kiber na sa kanya.
Pagdating namin kila Sheki ay kararating lang din ng iba pa naming mga kaibigan.
Naabutan namin si Pariah na nilalantakan na ang lechon at adobo. Si Dean ay nagbabasa ng Law and Taxation book sa gilid habang nakaupo sa sahig. Si Xylca na panay ang kalikot sa Iphone na kapapadala lang ng kanyang flavor of the month na afam at si Barbie na katabi ni Xylca na nakaupo sa sofa na for sure Mobile Legend na naman ang inaatupag. May nakapasak na earphones sa tenga ng dalawa.
“Hi guys,” pukaw ko sa kanilang atensiyon.
Sabay-sabay dumako ang kanilang paningin sa akin. Tiningnan ako mula ulo hanggang paa at pagkatapos ay umiling-iling na nagkanya-kanya uli ng balik sa kanilang mga ginagawa.
Natawa na lang ako. Ganito talaga kami. Walang OA na welcome. Walang plastikan. Simple ngunit solid. Ako lang naman itong parang out of place kung ituring dahil overdressed na naman as always.
“Huy Pariah! Hinay-hinay ka naman diyan sa pagkain. Wala namang contest a. Tsaka mahiya ka naman. Di ka man lang nag-alok. Feeling may birthday o. Nauna pang tsumibog kaysa sa may kaarawan,” puna ko kay Pariah.
Dinilaan lang ako ng gaga sabay kagat ng balat ng lechon at subo ng spaghetti. Walang pakialam sa sauce na kumalat sa magkabilang gilid ng kanyang bibig. Ang baboy talaga! Walang ka-finesse finesse.
“Kumain ka rin kung gusto mo. Kaya nga kumakain kasi may pagkain. May handaan kasi kaarawan. Bobo neto. Kunwari ka pa kahit alam naman nating may dala kang Tupperware o supot diyan,” rebut ni Pariah.
Napatawa na lang ako. Kahit kailan talaga kapag pagkain na ang pinag-uusapan ay animo siya si Gabriela Silang kung makipaglaban.
“Akala ko ba magda diet? Akala ko ba push na ang new year’s resolution? Anyare teh? Biglang kambyo? Ganon?” puna ko sa kanya.
“Heh, panira ka ng moment e. Wag kang mag-alala, push na push po ang diet goals and body goals ko. Dumating na yung diet pills ko galing Thailand. Effective yun kaya itong mga kinain ko ngayon, mawawala din to kinabukasan at diretso na sa septic tank,” depensa ni Pariah.
“Hala, di ba yan din ang sabi mo sa'min nung isang buwan? Ses, bakit wala pa ring result?” sabat ni Sheki na kapapasok lang sa salas dala ang isang kahon ng cake na inilagay niya sa ibabaw ng mesa.
“Kasi naman madaling matukso yan sa pagkain. Walang self-control. Makaamoy lang ng mantika nakakalimutan na lahat ng bagay sa mundo,” sabi ni Barbie habang nakatutok pa rin ang atensyon sa screen ng cellphone.
“Wow, ako lang ba? Ako lang ba talaga dapat ang mag diet? Si Dean din kaya. Mas malaki pa nga yan sa akin e.”
“Bat nasali ang aking magandang pangalan sa usapan ninyo mga binibini. Wag ganun. Masama yan. Ayon po sa Banal na Kasulatan, do not judge if you do not want to be judged,” ani Dean na kakatayo lang at kumukuha na ng silya.
“Ang hirap namang sumagot. Ang banal ng sinabi e,” naiiling na saad ni Xylca.
Nagtawanan kaming lahat.
“Xylca, beke nemen may allowance ka pa pang toma, o. Uhaw na uhaw na ako,e,” si Barbie.
“Si Xylca pa ba ang mawawalan ng pera? Tiba-tiba kaya yan! Ang daming porendyer n'yan,e,” si Pariah habang sige pa rin sa pagkain.
“Isang case lang ng Red Horse ha,” si Xylca.
“Ano ba yan! Pang-tatay naman yan, e. Nahiya ka pang gawing Fundador. Gago! Gago tong sige pabuhat! Huwag ka na lang maglaro! Mga bobo!” pasigaw na sabi ni Barbie.
“Wala bang wine dyan? Or soju? Nakakalaki naman ng tiyan yang mga pulang kabayo niyo. Sige kayo. Baka matalo nyo si Pariah. Iiyak yan kasi undefeated hall famer sa palakihan ng tiyan,” ang tumatawang sabi ko.
“Ha! Ha! Ha! Nakakatawa,” pasarkastikong saad ni Pariah. Pinupuntirya na nito ang fruit salad.
“Ang arte mo naman Myca. Magtigil ka ha. Social climber,” pairap na sabi ni Xylca habang sige pa rin sa pagtitipa sa kanyang cellphone.
Natawa lang ako imbes na ma-offend. Pa as if tong mga to na ako lang ang SC. Asus if I know ha.
“Ang iingay ninyo. Huy Silca Papaya Soap akin na ang pera ha at bibili na ako,” si Dean na binubuksan na ang bag ni Xylca.
“Ngi. Nagpaalam ka pa niyang lagay na yan ha,” sarkastikong saad ni Xylca.
Ngingisi-ngisi lang na kinuha ni Dean ang pitaka ni Xylca at binunot ang isang libo. “Yown, lupet. Ang daming kulay asul at kulay dilaw,” ani nito at sinipat-sipat pa ang loob ng wallet. “Huy birthday girl. Samahan mo akong bumili ng pampagising. Hanggang mamayang madaling-araw pa tayo dito. Bibili na rin tayo ng tissue dahil alam nating may magdadrama na naman mamaya.”
Napatigil kaming lahat at napabaling kay Sheki na hindi na tuminag sa kaniyang kinauupuan at nakatulala na naman sa kawalan. Hays, eto na naman po siya.
Kinalabit ko siya at pinandilatan. “Naglalakbay ka na namang babae ka sa planetang di namin maabot.” Ininguso ko si Dean. “Samahan mo daw siyang bumili ng kala.”
Tinitigan lang kami ni Sheki bago tumayo at nagpatiuna na sa pinto. Sumunod si Dean na natatawa na lang sa ginagawi ng aming kaibigan.
Nagkatinginan lang kaming mga naiwan at naghagalpakan ng tawa. But deep inside alam naming one of these days ay kailangan naming komprontahin si Sheki. Binibigyan lang namin siya ng space and a time to decide when to open up to us.
“Alam niyo ang tindi niyo. Di niyo man lang naisip kantahan ng happy birthday si Sheki,” sabi ko.
“Wow, kami lang ba? Pakisali yung sarili mo uy. Sige ka, wala kang bring home mamaya,” pananakot pa ni Barbie.
“Ang tanong, may mailalagay pa ba ako sa supot ko kung naubos na nung isa diyan? Yung isa diyan na hindi na umalis sa upuan at naka glue na ang puwet. Di ko sinasabing si Pariah to ha pero siya talaga,” pasaring ko.
“Alam kong gutom ka na Myca kaya halika na’t samahan na ako ritong lumafang. Dali na gurl!” iwinagayway pa nito ang mga kamay.
“Ang iingay ninyo! Di ko masyadong marinig ang boses ni fafa ko!” singhal ni Xylca sa amin.
“Ngayon lang kami maingay. Mamaya solong-solo mo na ang floor,” ani Barbie.
Nagtawanan ang lahat.
"Saan pala sina tita?" tanong ko kay Pariah habang pumupuwesto sa mesa.
"Umalis. Dinalhan ng pagkain ang kapatid ni Sheki. Babalik din iyon agad." Binigyan ako ng plato ni Pariah.
Minasdan ko ang mga kaibigan na para ko na ring mga kapatid kung ituring dahil sa tagal ng aming pinagsamahan.
Eto. Eto iyong isang bagay na hinding-hindi ko kayang ipagpalit.