WALANG choice si Angela kundi sundin si Azrael. Maghapon siya sa opisina kaya ang plano niya ay Martes ng madaling araw pupuntang Pampanga. “May pupuntahan ako sa Martes. Sasamahan ko ang kaibigan ko sa arts events at kailangan ko ng content sa latest blog ko,” sabi niya. “Saan ka pupunta?” tanong naman ni Azrael. “Sa Pampanga. Maghapon ako roon pero bibiyahe na ako ng madaling araw.” “You can’t go alone.” “Kasama ko ang kaibigan ko. Titiyakin ko naman na safe ang biyahe namin.” “Paano kung masundan ka ng tauhan ng mga Ramirez?” “Grounded ang mga Ramirez kaya hindi sila basta makagawa ng gulo. I really need this project to finish my blog,” giit niya. Mabuti na lang nakaalis na silang mag-asawa sa hapag at nagpapahinga na lang sa hardin. Nagsasalo sila sa red wine na bigay ni Romel.

