“Maria Sienna, tingnan mo na kung nakapasa ka sa scholarship,” wika ni Mama sa akin.
Pagkagising ko pa lang ay pinaalala na ni Mama ang tungkol sa resulta ng scholarship exam. Hanggang ngayon, nakabantay siya sa akin.
“Mama, mamayang hapon pa ilalabas ang resulta,” inis kong sagot.
“Ipagdasal mo na makapasa ka dahil kapag bumagsak ka, bukas na bukas ay pupunta ka sa lolo at lola mo. Doon ka na titira at mag-aaral.”
Mas lalo akong na-stress sa sinabi ni Mama. Wala akong pagpipilian, kahit pumasa o hindi. Kung papasa ako, sa SPIA (Saint Paul International Academy) ako mag-aaral ng kolehiyo, pero kung hindi, sa probinsya ako mag-aaral. Ayoko sa probinsya dahil masyadong tahimik. Para sa akin na lumaki sa siyudad, naboboring ako kapag naroon.
Sumimangot ako. “Mama, puwede naman akong mag-aral sa public school kung hindi ako makapasa?”
Nanlaki ang butas ng ilong niya sa galit. “Sino ang nagsabi sa’yo na dito ka mag-aaral kapag bumagsak ka? Papadala kita sa probinsya at doon ka mag-aaral!”
Napakamot ako sa ulo. “Sige na!”
“Sinisigawan mo ako?” sabay batok niya sa akin.
“Hindi naman,” tugon ko.
Nameywang siya sa harapan ko. “Hindi kita dinala sa sinapupunan ko ng siyam na buwan para bastusin mo ako. Hindi mo ba alam na nahirapan ako sa pagbubuntis sa’yo? Muntik na akong mawala sa mundo, tapos sisigawan mo ako!”
“Sorry, Ma,” putol ko sa sinasabi niya.
Kung hindi kasi ako hihingi ng paumanhin, mahaba-habang sermon ang aabutin ko. Lalo pa't nagsimula na naman siya sa kuwento ng pagbubuntis niya sa akin. Tatalunin pa ni Mama ang mga fliptop rapper sa dami ng sinasabi niya.
“Tingnan mo kung pumasa ka!” utos niya.
“Mamayang hapon pa nga.”
“Basta tingnan mo!”
Bumuntong-hininga ako. “Opo.”
Wala akong nagawa kundi buksan ang laptop at tingnan sa website ng SPIA ang resulta ng mga nakapasa sa scholarship exam.
“Oh, may resulta na!” sabi ni Mama.
Isa-isa naming binasa ang mga pangalan ng mga nakapasa. Tatlong daan lahat ang pumasa sa exam.
“Sa letter M ka na tumingin,” inip na utos ni Mama.
In-scroll ko pababa upang makita ang mga apelyido na nagsisimula sa letrang M.
“Meredith Maria Sienna, R.”
“Pumasa ka!” nagtatalon sa tuwa si Mama.
“Hays! Hindi ko na nga ginalingan, pumasa pa rin,” bulong ko habang nalulungkot.
“Maria Sienna, mabuti naman at pumasa ka. Sa wakas! Mag-aaral ka na sa Saint Paul International Academy. Magluluto ako ng pansit para mag-celebrate.”
“Sige, Ma.”
Lumabas ng kuwarto si Mama, ngunit kahit wala na siya, rinig na rinig ko pa rin ang malakas niyang boses ang binabalita niya sa mga kapatid ko ang magandang balita.
“Pumasa ako?” malungkot kong sabi.
Paglabas ko ng kuwarto, nakita ko ang mga kapatid kong naglilinis ng bahay.
“Sienna, tulungan mo si Mama sa kusina na magluto ng pansit,” nakasimangot na utos ni Kuya Melvin.
“Bakit ako ang inuutusan mo?” sagot ko.
“Gusto mo bang batukan kita? Kami na nga ang pinaglilinis ng bahay ni Mama,” reklamo niya.
“Ginagawa n’yo naman ‘yan araw-araw,” tugon ko.
“Nakapasa ka lang sa scholarship exam, ayaw mo nang maglinis ng bahay,” banat naman ni Kuya Rasco.
Lumapad ang ngiti ko. “Kaya pala galit kayong dalawa dahil kayo ang inutusan ni Mama. Pwede! Hindi ko kayo susundin.”
“Hoy, Sienna!” galit na sigaw ni Kuya Melvin.
“Magpapahinga muna ang Disney Princess!” pang-aasar ko habang pabalik sa kuwarto.
Ngiting tagumpay ako nang makapasok muli sa kuwarto. Ngayon lang kasi naging mabait si Mama sa akin. Siguradong inutusan niya ang mga kapatid ko na sila ang gumawa ng mga gawaing bahay dahil pumasa ako sa scholarship exam.
“Mabait din pala si Mama minsan,” bulong ko sa sarili.
Para hindi ko marinig ang reklamo ng mga kapatid kong pinapagalitan ni Mama, nagpatugtog ako ng musika.
“Sarap naman ng reward sa akin ni Mama. Wala akong ginagawa.”
Pagkalipas ng isang oras, narinig ko ang boses ni Mama habang kumakatok sa pinto.
“Maria Sienna, lumabas ka ng kuwarto mo. Luto na ang pansit bihon, kumain ka na!” sigaw niya.
Bumangon ako at binuksan ang pinto. “Salamat, Ma.”
“Luto na ang pansit, Disney Princess!” pang-aasar na sabi ni Kuya Rasco.
Ngumisi ako. “Thank you, Kuya!”
Hindi lang pansit bihon ang nasa hapag-kainan. May tinapay at soft drink din na binili ni Mama—perfect partner sa pansit bihon niya.
“Melvin at Rasco, gayahin n’yo ang bunso n’yong kapatid. Matalino,” wika ni Mama.
Pangiti-ngiti ako habang nakatingin sa dalawang kuya ko.
“Nakopya lang ‘yan si Sienna kaya nakapasa,” sabi ni Kuya Melvin.
“Puwede ba, Melvin? Ikaw nga laging nangongopya sa kaklase mo, pero hindi pa rin tumataas ang marka mo,” sagot ni Mama.
Yumuko si Kuya Melvin. “Kakain na nga lang ako.”
“Mama, tutal nakapasa na ako sa SPIA, baka puwedeng pumunta ako sa bilyaran?” tanong ko.
“Sige, pero hanggang alas-sais ka lang ng hapon. Kapag hindi ka umuwi nang alas-sais, susunduin kita ng may dalang hanger,” sabi ni Mama.
Lumapad ang ngiti ko. “Opo, bago mag-alas-sais ay nasa bahay na ako.”
“Ma, kami ni Kuya Melvin?” tanong ni Kuya Rasco.
“Hindi kayo lalabas ng bahay hangga’t hindi kayo tapos sa mga gawain sa bahay. Kailangan may magwawalis ng bakuran mamaya.”
“Ma, hindi na kami mga bata!” reklamo ni Kuya Melvin.
“Gusto n’yo bang umalis ng bahay? Kaya n’yo bang pakainin at pag-aralin ang sarili n’yo?” pataray na sabi ni Mama.
Tumahimik sila.
“Huwag na kasi kayong magreklamo,” bulong ko.
“Tumigil ka! Batukan kita diyan!” banta ni Kuya Melvin.
“Bleh!” pang-aasar ko sa kanya.
“Humanda ka sa akin mamaya,” bulong niya.
“Ma, si Kuya, bulong nang bulong!” sumbong ko.
“Melvin, gusto mo talagang tamaan sa akin?” wika ni Mama.
Sa wakas, nakabawi rin ako sa mga kapatid ko. Kapag wala si Mama sa bahay, ako ang laging pagod dahil ako ang inuutosan nila, lalo na kapag maghuhugas ng pinagkainan. Nagiging masipag lang sila kapag nandiyan si Mama.
Alas-kuwatro ng hapon, nakatambay na ako sa bilyaran para maglaro. Karamihan ng mga naroon ay mga lalaki. Gayunpaman, hindi ako nahihiya na makipaglaro sa kanila.
“Sienna!” tawag ni Luther.
Tumingin ako sa kanya. “Mabuti naman at nandito ka. Laro tayo pagkatapos ng laro nila Kuya Taso.”
“Sige, may pusta ba?”
“Siyempre naman.”
“Okay, may bente pesos pa ako rito.”
Ngumiti ako. “Alright. Gusto mo ng mani?” alok ko sa kanya.
“Ayoko, baka magkatagyawat ako.”
“Sus! Hindi nakakatagyawat ang mani. Tingnan mo ako, wala naman akong tagyawat kahit paborito ko ang mani.”
“Basta ayoko. Mag-e-exam pala ako para sa scholarship sa SPIA.”
“Good luck! Madali lang naman ang mga tanong,” sabi ko.
“Madali lang sa’yo, pero sa akin mahirap.”
“Kayang-kaya mo ‘yan. Sana makapasa ka para may kasabay ako sa school na ‘yon.”
“Ibig sabihin, nakapasa ka na?”
Tumango ako. “Hindi ko na nga ginalingan para hindi makapasa. Gusto ko kasi sa school na puro babae ang makikita ko.”
“Congrats! Libre mo naman kami ni Jaja ng siopao.”
Ngumiti ako. “Sige, pero ikaw ang sumundo kay Jaja.”
“Sige, tara na!”
“Teka! Maglaro muna tayo kahit isang game lang. Excited na akong sumargo.”
“Sige, isang game lang.”
“Oo, hindi rin ako puwedeng magtagal sa labas. Magagalit si Mama.”
Tumango siya bilang tugon. Hinintay namin matapos ang huling laro. Pagkatapos, nakipaglaro kami ni Luther kay Butchoy. Bente pesos ang pusta namin, kaya kung mananalo ako, may dagdag ako para sa gagastusin ko mamaya.
“Sienna, congrats!” wika ni Jaja.
Nang matapos ang unang laro, pinuntahan na ni Luther si Jaja para sabay kaming pumunta sa isang convenience store na malapit lang sa amin.
Kinagat ko muna ang siopao bago nagsalita. “Hindi ko nga alam kung matutuwa ako o maiinis.”
“Dapat masaya ka dahil libre ka na sa tuition fee,” sagot ni Jaja.
“Masaya dahil makakalibre ng tuition fee, pero kapag iniisip kong mag-aaral ako doon, parang tinatamad na agad ako. Alam n’yo bang may nakaaway ako noong nag-take ako ng exam? Akala mo kung sino! Binangga niya ako at hindi man lang humingi ng tawad. Gago talaga,” inis kong sabi.
“Hindi naman lahat ng estudyante ay katulad ng nakaaway mo,” tugon ni Jaja.
“Sana lang hindi ko na makita ’yon dahil baka hindi ko siya makontrol ang inis ko kapag nagkita kami ulit,” sabi ko.
“Luther, bakit wala kang imik?” tanong ni Jaja.
Napansin namin na tahimik si Luther habang kumakain. Nakatutok lang siya sa hawak niyang cellphone.
“Wala naman,” sagot niya sabay ngiti.
“Ang tahimik mo kasi,” sabi ni Jaja.
Biglang tumayo si Luther. “Sige, mauna na ako. Sienna, salamat sa libre.” Kinuha niya ang natira niyang pagkain at umalis.
“Luh, anong problema niya?” takang tanong ko.
“Parang may nabasa siyang hindi maganda sa cellphone kaya biglang tumahimik.”
“Hindi naman siya ganyan kanina,” sagot ko.
“Anyway, huwag mong kalimutan ang sinabi ko sa’yo. Kapag nakita mo si Dylan Wyatt Santiago, hingian mo ako ng autograph.”
“Oo, hayaan mo at hahanapin ko siya,” sagot ko.
Ngumiti si Jaja. “Thank you.”
Nang maubos namin ang kinakain, umalis na rin kami ni Jaja. Hinatid ko siya sa bahay nila bago ako umuwi.
“Matigas ka!” sigaw ng isang lalaki.
Napahinto ako nang marinig ang sigaw. Hinanap ko kung saan ito nanggaling. Nakita ko ang tatlong sasakyan na nakaparada sa tapat ng eskinita.
“Ano kaya ’yon?” Nilapitan ko iyon, ngunit nagulat ako nang makita ko si Luther na sinuntok ng isang lalaki.
“Si Luther ’yon!”
Hindi ako nagdalawang-isip na lumapit para tulungan si Luther. Ngunit bago ako lumapit, naghanap muna ako ng maaaring gawing armas. Kung hindi ko tutulungan si Luther, baka kung ano pang masama ang gawin sa kanya ng apat na lalaki.
“Hoy!” matapang kong sigaw.
Lumingon si Luther. “Sienna…”
“Hoy, gago!” sigaw ko.
Hinampas ko sa likod ang lalaking humawak sa kwelyo ni Luther.
“Ouch! f**k!” sigaw ng lalaki. Nabitiwan niya si Luther.
“Luther!” sabi ko.
“Sienna, bakit nandito ka? Umalis ka na!” wika ni Luther.
“Hindi puwede. Tatawag ako ng backup,” sagot ko.
“Hey, b***h!” sabi ng lalaki.
Tumingala ako. “Ikaw naman!” sabi ko.
Ang lalaking bumugbog kay Luther ay ang manyakis at kupal na bumangga sa akin.
Salubong ang kanyang kilay. “You again?” sabi niya.
Umakyat ang dugo ko sa galit. Hinigpitan ko ang hawak sa pamalo. “Gago ka!” sabay hampas ko sa kanya.
“Damn it!”
Hindi niya nailagan ang hampas ko kaya tumama ito sa kanyang kamay.
“Ouch! f**k!” sigaw niya.
“Umalis na kayo!” sigaw ko.
Dinuro ako ng lalaking bumunggo sa akin. “Ikaw, inuubos mo ang pasensiya ko!” sigaw niya.
“Wala akong pakialam!” Hinampas ko siya, pero nakailag siya.
Lumapit ang tatlong lalaki sa akin.
“Subukan n’yong lumapit at ihahampas ko ito sa inyo!”
“Ang tapang mong babae ka!” wika ng isang lalaki.
“Huwag n’yo siyang idamay,” sabi ni Luther.
Susuntukin sana ako ng isang lalaki pero naunahan ko siya. Hinampas ko siya nang ubod ng lakas.
“Damn it!” sigaw ng isa.
Mas lalo silang nagalit sa akin. Apat na silang lumapit.
Hindi ko sila kaya.
Nang palapit na sila, sumigaw ako nang ubod ng lakas.
“Saklolo! May manyak!” sigaw ko.
“Hoy!” narinig kong sigaw ng isang lalaking kabarangay namin.
“s**t!” sabi ng lalaking bumunggo sa akin.
Nang tumawag ng backup ang kabarangay namin, mabilis na tumakbo ang mga lalaki at sumakay sa kotse nila. Binato sila ng mga tambay kaya nabasag ang salamin ng sasakyan nila.
“Maraming salamat,” sabi ni Luther.
“Sino ba ang mga ’yon? Bakit ka nila sinasaktan?” tanong ko.
Huminga siya nang malalim. “Kaibigan siya ng anak ng amo ni Papa.”
Kumunot ang noo ko. “Bakit ka nila gustong saktan?”
“Siguro nagseselos sila dahil ako ang kinakausap ng anak ng amo ni Papa.”
“Selfish naman nila. Yung sumuntok sa’yo, mukhang taga-SPIA. Nakita ko siya noong nag-exam ako. Kung mag-e-exam ka, baka bugbugin ka ulit.”
“Hindi na lang siguro ako mag-exam.”
“Mag-exam ka. Huwag kang mag-alala, sasamahan kita.”
“Sasamahan mo ako?”
Tumango ako. “Huwag kang mag-alala. Ako ang bodyguard mo. Bugbog sila sa akin.”
Tumawa si Luther. “Kahit lalaki ka kumilos, hindi mo sila kaya.”
“Basta! Magtiwala ka sa akin. Hindi ka nila masasaktan.”
“Okay, thank you.”
“Welcome! Ipa-blotter mo sila para hindi maulit ’yan.”
Tumango siya. “Umuwi na tayo.”
“Tara na!” sabi ko.