DENIAL PRINCESS

1284 Words
            Mula nung sabihin ni Klarence na gusto niya ako, hanggat kaya ko siyang iwasan ay ginagawa ko.             Paano niya nasabi yun? Wala siyang alam sa sarili niya. Ni hindi nga niya alam kung may girlfriend siya o may asawang nag-aalala ngayon sa kanya sa hospital.             Bakit ba ako apektado? Saan ba ako apektado? Sa sinabi niyang gusto niya ako o sa isiping baka hindi na siya pwedeng makipagrelasyon?             Annika?! Ang gulo ng utak mo! Nung mga nakaraang buwan lang iniiyakan mo si Kiefer at umaasa kang babalikan ka niya. Ngayon naman, nasabihan ka ng 'I like you' ng ibang lalaki hindi ka na mapakali?             Hah! Lalaking kaluluwa. Napabuntong hininga ako.             "A penny for your thought?" sabay lapag ng tray ng pagkain sa harap ko.             Napatingin ako sa mga pagkain sa tray pagkatapos ay kay Duncan.             "Wag mo na akong isipin. Andito na ako," sabi ni Duncan pagka-upo sa upuan sa tapat ko.             "Baliw! Sumbong kita kay Lara, makita mo!" sabi ko dito.             Si Lara ang girlfriend ni Duncan. Na-meet ko na ito pero thru video call lang. Mabait ito. Kaya siguro na-inlove itong si Duncan sa kanya.             "Joke lang! Malay ko ba kung nain-love ka na din sa kin. Wag kang mai-in-love sa akin noh!" nakangiting sabi nito.             "Hindi talaga. Hindi kita type!" nagbibiro ko ding sagot.             "Aray! Ang lutong naman nun," sabi nito sabay hawak sa dibdib niya na para bang nasaktan siya dun.             "Alam mo, hindi ko alam kung anong nagustuhan ng girlfriend mo sa yo," sabi ko dito.             "Siyempre ang kaguwapuhan ko noh!" mayabang nitong sagot, kaya inirapan ko ito.             "Kahit kailan ang hirap mong kausap!” sagot ko dito.             Tumawa lang ito dahilan para tumingin sa amin yung mga nasa kalapit na mesa. Tuloy ay nakuha namin ang atensiyon ng dalawang kabataan at malagkit ngayon ang tingin kay Duncan. Napailing na lang ako. Malakas din kasi ang appeal ng isang ito eh...             Nang bigla na lang pumasok sa isip ko ang imahe ni Klarence. Yung pangahan niyang mukha na lalong nakadagdag sa appeal niya. Yung malalantik niyang pilikmata. Ang nangungusap niyang mata na tila tumatagos sa kaluluwa ko.             Di hamak namang mas malakas ang appeal ni Klarence kaysa kay Duncan!             Bigla akong natigilan. Ano bang naiisip ko? Erase! Erase! Erase!             Mariin akong pumikit pero nasa isip ko pa rin ang imahe ni Klarence. Umiling-iling pa ako para tuluyan kong mabura ang imahe ni Klarence sa isip ko.             "Annika? Anong nangyayari sa yo? Napo-possess ka ba?" narinig kong tanong ni Duncan.             Natigilan ako at saka biglang dumilat.             "Ah...wala. Wala lang to. Wag mo na lang akong pansinin," sabi ko dito.             "Kumain ka na kaya. Baka gutom lang yan," sabay nguso nito sa pagkaing nasa harap namin.             Bahagya ko itong nginitian at saka dumampot ng fries. Habang nginunguya ko yung fries ay bigla naman akong nakaramdam ng guilt dahil sa ilang araw na pag-iwas ko kay Klarence.              "Alam mo, kung hindi mo lang sinabing hindi mo ko type, base sa ikinikilos mo ngayon, mapagkakamalan talaga kitang nagkakagusto na sa akin. Para kang in love na hindi mapakali eh!" sabi ni Duncan habang sinusuri ako ng tingin niya.             Para namang bumara sa lalamunan ko yung fries na nginunguya ko pagkarinig ko sa sinabi niya kaya bigla kong inabot yung iced tea malapit sa akin.             "O-Oo naman! In-love pa din naman ako kay Kiefer sa kabila ng ginawa niya. Hindi naman ganun kadaling itapon yung pinagsamahan namin," pagtatanggol ko sa sinabi niya.             "Hindi iyon ang nakikita ko sa iyo," sagot nito na hindi pa rin nagbabago ang uri ng tingin sa akin.             "Eh ano?!" tanong ko na may halong pangungumbinsi kay Duncan na mali siya sa iniisip niya.             "Mukha kang problemadong in-love," sabi nito.             "What?? H-Hindi ah!" pagkontra ko.             Ngumiti ito at saka bahagyang inilapit ang mukha niya sa akin.             "Alin sa dalawa - hindi ka aware o in-denial ka?" mahinang tanong nito.             Sandali akong napaisip pero wala akong mapiling isagot sa kanya kaya dinaan ko na lang sa kunwaring pagtataray.             "Ang dami mong alam! Tapusin na natin itong pagkain para makaalis na tayo. Masyado na akong naaabala nung Klarence na yun ha," sagot ko at saka sinunggaban na yung burger sa harapan ko.             Nakailang kagat na ko nang mapansin kong parang hindi naman kumakain si Duncan kaya napatingin ako dito. Nakita kong mataman itong nakatingin sa akin habang bahagyang nakangiti. Napakunot-noo ako.             "Bakit?" tanong ko dito sa pagitan ng pagnguya ko.             Lumapad pa ang pagkakangiti ni Duncan bago nagsalita.             "In-love ka dun sa espiritu mo, noh," sagot nito at saka nagtaas-baba pa ng mga kilay.             Napatigil ako sa pagnguya. "Ano? Hi-Hindi noh! Kung anu-anong naiisip mo," sagot ko, at saka dinampot ang baso ng iced tea sa harap ko para uminom.             Sana lang ay naitago ko kay Duncan ang totoo kong nararamdaman nang mga sandaling yun.             Bigla ko na lang narinig ang mahinang tawa ni Duncan kaya napatingin ako dito.             "Anong nakakatawa??" nagtataka kong tanong.             Tumigil muna ito sa pagtawa bago nagsalita.             "Ikaw. Bakit mo ba kasi dine-deny na may nararamdaman ka na dun sa tao? I mean sa espiritu? Ay, ang gulo!" naiiling nitong sagot. Inirapan ko lang ito.             "Kumain ka na nga! Malapit na kong mapikon sa yo, Duncan," banta ko dito.             "So pag napikon ka, anong gagawin mo?" nang-aasar na tanong nito.             "Ano...magwo-walk out ako!" sagot ko.             "Eh di hindi tayo makakaalis para hanapin ang katawan nung crush mo..." nakangiti pa ding sagot nito.             "Pakelam ko," walang ekspresyon kong sagot.             "Paano kayo magkakaroon ng happy ending niyan?" tuloy pa rin ito sa pang-aasar sa akin.   Pinanlakihan ko ito ng mga mata. "Duncan!"             Tumawa lang ito nang tumawa pagkatapos ay itinaas ang dalawang kamay na tila sumusuko. "Sige na. Sige na," sabi nito sa pagitan ng pagtawa.              Seryoso ko lang siyang tinitingnan. Hindi ako galit kay Duncan pero ayaw ko na kasing maging topic pa si Klarence.             "Eto na. Kakain na po," natatawa pa ring sagot ni Duncan at saka dinampot ang burger niya.             Hindi na kami nag-imikan ni Duncan hanggang sa matapos ang pagkain namin na lubusan kong pinagpasalamat. Baka kapag kinulit ako ng kinulit ako ni Duncan ay masabi ko na ang totoo.             "Let's go?" narinig kong tanong nito.  Tahimik lang akong tumango at saka tumayo na.             Pagkapasok sa kotse ni Duncan ay agad akong nagtanong. "Saan tayo mag-uumpisa?"             "Baybayin natin yung dinadaanan niya mula sa opisina ng AMCO pauwi dun sa bahay na tinutuluyan mo ngayon. Dun tayo mag-concentrate sa mga nearby hospitals doon," paliwanag nito.             Bumuntong-hininga ako. "Sana lang may maganda na tayong resulta ngayon," sabi ko.             In-start na ni Duncan ang makina ng sasakyan at saka umabante.             “Should be. Almost six months na siyang nakahiwalay sa katawan niya. Pag lalo pang magtagal baka tuluyan na siyang hindi makabalik dito. Kapag sumapit ang ika-anim na buwan at hindi pa din siya nagigising...unplugging the life support machine can be legal by that time," sabi nito habang sa kalye pa rin nakatingin.             Natigilan ako. Bigla akong nakaramdam ng lungkot. Tila may maliliit na mga karayom na tumutusok-tusok sa dibdib ko.             "Oh! Bakit natahimik ka diyan?" narinig kong tanong ni Duncan kaya napalingon ako sa kanya.             Gusto ko sanang sumagot pero pakiramdam ko ay tila may nakabarang kung ano sa lalamunan ko at kapag pinilit ko magsalita ay bibigay na ko. Iniiwas ko na lang ang tingin ko dito.             "Don't worry, denial princess...hindi ko papayagang maging malungkot uli ang lovelife mo," narinig kong sabi ni Duncan.             Kung ibang pagkakataon lang siguro ay baka nahampas ko na si Duncan sa sinabi niya. Pero wala ako sa mood patulan siya ngayon. Ang nasa isip ko lang ngayon ay kung paano ko matutulungan si Klarence na makabalik sa katawan niya at magising na from his comatose.             Gagawin ko ang lahat, Klarence....promise.    ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD