"Hi?"
Napatigil ako sa paghakbang nang marinig ko ang pamilyar na boses na yun. Biglang tumahip ang dibdib ko. Boses pa lang niya ay ganito na ang epekto sa akin. Napa-isip tuloy ako bigla kung ganito din ba ako noon kay Kiefer?
"H-Hi. L-Long time, no hear..." sagot ko sa kanya sabay ngumiti ng kimi.
Long time no hear ka diyan eh ikaw tong umiiwas sa kanya nitong mga nakaraang araw!
Bigla na naman akong nakaramdam ng guilt. Ngayon ko lang siya napagmasdan uli. Iniiwasan ko din kasing tingnan siya. Pakiramdam ko nahuhulog na talaga ako. Lalo na kapag tinitingnan ko ang mga mata niya. Para itong mga magnet na humihila sa akin.
"Uhm... alam kong kakagising mo pa lang. Pero kasi.... ipapakisuyo ko sana yung mga halaman. Medyo dry na kasi yung lupa at saka--"
Natutop ko ang bibig ko. "Ay naku! Sorry.... sorry talaga." sabi ko at saka nagmamadaling binaybay ang daan papunta sa mga halaman niya sa may pool.
Lagot din ako kay Tito Hernan. Iyun lang ang pinakiusap sa akin ni Tito Hernan kapalit ng pagtira ko dito, ang alagaan ko yung mga halaman dito. Bigla akong napatigil nang maalala ko si Tito Hernan. Nasaan na kaya siya?
"Something wrong?"
Saglit akong lumingon kay Klarence at saka tipid na ngumiti.
"W-Wala naman. Naalala ko lang si Tito Hernan. Nasaan na kaya siya? Siguro pag natapos ko yung misyon ko sa iyo, si Tito Hernan naman ang hahanapin ko."
"Nakakahiya naman sa iyo, dapat yung Tito mo ang inuuna mo at hindi ako," sabi nito.
"Well, malamang naman ikaw din ang inaasikaso ni Tito Hernan sa ngayon. Para ka na kayang anak nun. Ikaw na ang naging pamilya niya dito sa Manila. Hindi na nga nakapag-asawa yun," pagpapaliwanag ko sa kaniya habang pinupuno ko ng tubig yung lagadera.
"How I wish magpakita na nga dito yung Tito Hernan mo. Who knows? Baka kapag nakita ko siya may maalala pa akong iba tungkol sa akin. Sabi mo nga close siya sa akin," sagot nito.
"Sana nga.... nami-miss ko na din si Tito," sagot ko sa kaniya at saka naglakad na papunta sa lugar ng mga halaman niya.
"At saka, excited na akong ikuwento kita sa kanya. Panigurado, alam niya kung nasaan ka. I mean yung katawan mo. Eh di tapos na agad ang problema natin!" dagdag ko pa habang naglalakad ako.
Nang makarating ako sa kinaroroonan ng mga halaman ay nalungkot ako. Sobrang dry na ng lupa. Dapat lang na sisihin ko ang sarili ko. Napabayaan ko ang mga halaman ni Klarence.
"Sorry talaga, Klarence. Napabayaan ko ang mga halaman mo. Di bale, simula ngayon-- Klarence? Anong nangyayari sa yo?" tanong ko dito nang malingunan ko ito.
Andun pa din siya sa may gripo. Nakayukong nakaluhod. Parang nahihirapan. Napatakbo ako papunta sa kanya. Lumuhod ako sa harapan niya. Gusto ko siyang hawakan. Gusto ko siyang i-comfort pero paano?
"Klarence? May problema ba?" nag-aalala kong tanong.
Hindi ko maipaliwanag ang nakikita ko sa kanya ngayon. Tila ba ito hinang-hina.
"I- I don't know. Nanghihina ako. H-Hindi ko magawang makatayo."
Bigla akong nagpanic. Anong nangyayari kay Klarence? Agad akong napatayo at saka tumakbo papasok ng bahay. Dere-derecho ako sa kuwarto at saka kinuha ang phone ko doon. Di-nial ko ang number ni Duncan habang palabas ng kuwarto. Buti naman at dalawang ring lang at sinagot na ito ni Duncan.
"Aga ng tawag mo ah," ramdam kong nakangiti ito sa kabilang linya.
"Duncan. What is happening with Klarence? Bigla na lang siyang nanghina," sunod-sunod na sabi ko kay Duncan habang naglalakad ako pabalik kung saan ko siya iniwan.
"Tsk! It means nanghihina na din ang katawan niya sa tagal ng pagkakalayo niya dito. Kailangan na talaga niyang makabalik sa katawan niya," sagot ni Duncan sa kabilang linya.
Lalo akong nabahala nang makita ko itong nakahiga na sa semento.
"My God. Duncan! Anong gagawin ko? Anong pwedeng gawin? Please...help me. Tulungan natin siya!" nagpa-panic ko nang sagot kay Duncan.
"Okay. Calm down. Magbihis ka na. I will fetch you. Babalik tayo sa St. Ignacius Hospital. Malakas ang kutob kong nandoon ang katawan niya. Yung hospital na iyun ang kumpleto at modernized ang mga equipment. So malamang, dun siya naka-confine. I'll be there in ten minutes," sabi nito.
"Ten minutes pa?" Panic is still in my voice.
Alam kong nanginginig na ang boses ko. So goes with my body. Ngayon lang ako nag-panic nang ganito sa buong buhay ko.
"Denial princess, gusto mo bang ako naman ang ma-ICU kung tutulinan ko ang pagmamaneho?" sabi nito.
"Sige na. Sige na. Mag-ready ka na. Pumunta ka na dito," sagot ko at saka pinatay ang tawag.
"Klarence. Hindi ko alam ang gagawin ko sa yo. Pero babalikan kita. Promise. Pupunta lang kami dun sa hospital na pwedeng pinagdalhan sa yo. Kapag na-confirm naming nandun ka nga, babalik agad ako dito," sabi ko dito.
Nagulat na lang ako nang may pumatak na luha sa pisngi ko. Kaagad kong pinunasan ang pisngi ko pero huli na dahil nakita ni Klarence ang ginawa ko. Nakita ko ang paglungkot ng mga mata niya kaya pinilit kong ngumiti para pagaanin ang nararamdaman naming dalawa.
"Babalik ako agad. Pangako yan," sabi ko at saka mabilis na tumayo na.
"Annika!"
Napalingon ako sa likod.
"Tito Hernan!" masaya kong balik-tawag dito.
Napatingin tuloy ako kay Klarence na nakahiga pa din sa semento. Nakita kong sinundan ng tingin ni Tito Hernan ang tinitingnan ko. Kumunot pa ang noo nito. Nag-umpisa na itong maglakad papunta sa akin.
Nakikita din ba niya si Klarence?
Masaya ko itong sinalubong ng lakad. Agad ko itong niyakap nang makalapit ako dito. "Tito Hernan! Nag-alala ako sa yo. Ang tagal mong nawala," sabi ko dito pagkabitiw ko sa yakap nito.
Malalim itong huminga at saka ako inakbayan. Iginiya ako nito papunta sa loob ng bahay. Mukhang hindi naman niya nakikita si Klarence.
"Pasensiya ka na. Hindi na ako nakapagpaalam sa yo. Kailangan kong lumipad ng US agad-agad. Kinailangan kong ipaalam sa nag-iisang kamag-anak ni Klarence ang sitwasyon niya. Hinanap ko pa ito at kinumbinsing bumalik ng Pilipinas," paliwanag nito.
Sabay kaming naupo sa sofa sa sala. Napansin ko ang isang maleta sa tabi ng pinto.
"Pasensiya ka na. Isang lotion at isang pabango lang ang nabili kong pasalubong para sa yo. Sa airport ko na nga iyon binili. Ubos na ubos ang oras ko sa paghahanap kay Mam Elvira at sa anak niya," sabi ni Tito Hernan nang mapansin niyang nakatingin ako sa maleta niya.
"Tito, ano po ba talaga ang nangyari kay Kla- Sir Klarence mo?" tanong ko dito.
"Na-aksidente siya six months ago. Pauwi na siya dito. Siguro dala ng puyat, nakatulog siya habang nagmamaneho. Madaling araw na kasi siya umuwi nun. Tinapos niya lahat ng naka-pending niyang trabaho. Yun lang naman ang ginagawa ng batang yun mula nang maulila sa mga magulang. Puro trabaho. Mahihiwalay lang sa trabaho iyun kapag niyaya nung mga kaibigan niya. Sila na lang ang meron siya," mahabang paliwanag ni Tito Hernan.
"P-Pero buhay pa siya?" hindi ko mapigilang itanong.
Tumingin ito sa akin. Pigil-pigil ko ang paghinga ko habang hinihintay ang magiging sagot niya.
"He's been in coma. At walang progress sa health niya. And sad to say, napagdesisyunan na ng Auntie Elvira niya na i-unplug na ang ventilator na nakakabit sa kanya. Oh! That reminds me. Kailangan ko na palang pumunta sa hospital para asikasuhin after ang bangkay ni Klarence," sabi nito at saka nagmamadaling tumayo.
Mabilis din akong tumayo at saka hinawakan ito sa braso.
"No! Tito Hernan, I have to tell you something--"
"Later na lang, iha. I really need to go," sabi nito at saka bahagya akong tinapik sa balikat.
"But Tito Hernan..."
"Iha...alam kong I have to make it up to you. Pero sana maintindihan mo... this will be my last service to Klarence. After this, hindi ko na alam kung anong mangyayari sa AMCO. I better go," sabi nito at saka naglakad na papunta sa pintuan.
Oh my God. Anong gagawin ko? Hindi dapat matuloy ang pag-unplug sa ventilator niya!
"Tito! Tanong lang...."
Lumingon naman ito.
"Anong surname ni Kla- Sir Klarence?" tanong ko.
"Montenegro," maikling sagot niya, at nagpatuloy na uli ito sa paglalakad.
Nang bigla akong may naisipang itanong. "Tito!"
Huminto ito pero hindi ako nilingon. Nakahawak na ito sa doorknob.
"Annika...." sabi nito na tila naiirita na.
"Last na lang po. Saang hospital po naroroon si-- si Sir Klarence?"
"Sa St. Ignacius. Bye, Annika," paalam nito at saka mabilis na lumabas ng pintuan.
Nagmamadali akong humakbang papunta sa kinaroroonan ni Klarence pero nagulat ako nang makita ko itong nakatayo pagharap ko.
"Klarence...."
"I heard it. Kailangan natin silang maunahang makarating doon," sabi nito.
"Sandali." Nagmamadali kong hinanap ang cellphone at wallet ko. Di-nial ko agad ang number ni Duncan habang naglalakad papunta sa pintuan. Dinampot ko ang isang hoodie jacket malapit sa pintuan at saka binuksan ang pinto. Nagkagulatan pa kami ni Duncan na nasa labas.
"Annika!?"
"Duncan! Thank goodness andito ka na!" masayang sabi ko, sabay yakap sa kanya.
Agad akong humiwalay dito nang ma-realize kong hindi ko siya dapat niyakap.
"Let's go! Kailangan nating makarating ng St. Ignatius. Ia-unplug na nila ngayon yung ventilator ni Klarence!" sabi ko kay Duncan sabay lingon ko kay Klarence nasa lapag na naman.
"Klarence. Tara na. Kailangan mo nang makabalik sa katawan mo."
~CJ1016