Kabanata 06: Kasalanan Ko.
Kasalanan ko pala ‘to? Bakit nga ba parang kasalanan ko? May kasalanan nga ba talaga ako? Ilang beses ko nang tinanong sa sarili ko ‘yan mula pa nang makauwi ako galing sa bahay ni Stryker. Kanina pa ako nakaupo sa kama habang tulalang nag-iisip kung ano nga ba ang gagawin ko.
Isang pagkakamali lang naman ‘to, Lord! Bakit sanga-sanga na ang problema? Gustuhin ko man sana na itago na lang ang tungkol dito at palihim na makipag-divorce na lang kay Stryker, wala akong magawa dahil tatanga-tanga rin naman kasi ako. Tama si Stryker, e. Nag-eskandalo ako sa harap ng maraming tao at sa harap pa mismo ng mga magulang niya!
Sa kabilang banda, nabigla lang naman ako! At malay ko ba naman na galing pala sa mayamang pamilya itong si Stryker, na may reputasyon silang pinangangalagaan! Ako rin naman mayro’n, at hindi ko iyon naisip! Sa oras na malaman ng mga magulang ko na nagpakasal ako nang hindi nila alam, good bye to me na talaga! For sure na papatayin ako ni Papa!
Isang katok mula sa pinto ang nagpatigil sa akin sa pag-iisip. At dahil naka-lock iyon, kinailangan ko pang lumapit para buksan. Pagkabukas ko ng pinto, kinabahan kaagad ako nang makita si Mama, may bitbit na tablet. Kilala ko na si Mama kapag bitbit niya ang tablet niya!
“Ma…”
“Oop! Papasukin mo na muna ako bago ka magsalita!”
Wala akong nagawa kundi ang hayaan siyang pumasok sa loob ng kwarto ko. Nang makapasok na siya, kaagad siyang dumiretso sa kama ko na para bang kwarto ito ng three years old toddler niya. Kahit hanggang sa pagtanda ko, ganito pa rin ang turing sa akin ng mga magulang ko.
“Anak, halika dali! May nakilala akong lalaki last Sunday sa church natin. This man is handsome, wealthy and religious. Bago lang siya sa relihiyon natin at talaga namang sobrang bait!”
Umikot ang mga mata ko at saka ipinadyak ang paa sa sahig. “Ma!”
“Anak, trenta anyos ka na. Parang awa mo na at mag-asawa ka na. Hindi ka naman namin binabawalan, ang sa amin lang ay gawin mo sa tamang paraan.”
“Pero Ma, hindi naman sana sapilitan ‘no?”
“Sa edad mong iyan, kailangan na ng sapilitan. Halika! Tingnan mo man lang muna, dali!”
Wala na akong nagawa kundi ang tumabi kay Mama at tingnan ang lalaking sinasabi niya. At halos manlumo ako nang makita ang mukha ng lalaking sinasabi ni Mama… hindi naman sa nanlalait ako pero ang pinakamagandang parte lang ng mukha niya ay ang kilay.
Diyos ko, patawarin n’yo po ako!
“Mama naman!”
“Bakit? Aarte ka pa ba? Cute naman ang kilay niya ‘di ba?”
“Mama!”
“Anak, gusto naming magkaroon ng apo. Ikaw lang ang nag-iisa naming anak at gusto sana naming magkaroon ng isang dosenang apo, kaya lang mukhang hindi na kakayanin ng matres mo dahil trenta anyos ka na—”
“Mama! 29 pa lang po ako!”
“Ay 29 pa lang ba? Pasensya na. But still, could you please consider it?”
“Hindi po pwede, Ma.”
“Bakit naman hindi pwede? Jocelyn Ayla! You’re single and this man is single! Anong problema doon? Walang hindi pwede kung pareho naman kayong walang sabit. Tamang-tama lang din ang edad niya sa ‘yo. 38 years old na siya, older enough, ibig sabihin mature—”
“Mama! Hindi nga pwede!”
“At bakit hindi pwede?”
“Dahil kasal na ako!”
Namilog ang mga mata ni Mama, saglit na nagulat pero ilang sandali lang ay nanliit ang mga mata niya. “Alam ko na iyan, kasal ka na kay Lee Min Ho, Lee Jong Suk, Lee Dong Wook and 99 others? Naku! Ang mga kabataan talaga ngayon! Mabuti na lang at sunod ako sa latest ngayon—”
“Mama! Hindi, kasal na talaga ako!”
Sa pagkakataong iyon, mukhang kumbinsido na si Mama sa sinabi ko. Hindi ito ang inaasahan kong pagkakataon na sasabihin ko sa kanya ang tungkol sa aksidenteng kasal ko kay Stryker. Pero kung ganito lang din at ipipilit sa akin na magpakasal sa isang lalaki, kailangan ko nang aminin ang totoo.
“Ayla, huwag mo akong binibiro nang ganito. Wala kang boyfriend kaya paano ikinasal ka?”
“Secret boyfriend po…”
“Secret boyfriend?!”
Napatayo bigla si Mama mula sa kama ko. Halata sa mukha niya ang galit at tila umuusok na ang ilong.
“Mahabaging langit! Kailan ka pa natutong magsikreto sa akin, Jocelyn?! Diyos ko, patawarin n’yo po ang makasalanan kong anak!”
“Mama!”
“Kung sikreto pala iyon, ibig bang sabihin, may nangyari sa inyo bago kayo ikinasal?! Buntis ka na ba kaya kayo nagpakasal?! Sagutin mo ako!”
“Mama, wala! Wala pong nangyari! Nagmamahalan po kami!”
Napilitan akong sumigaw na rin para patigilin si Mama. At mukhang effective naman dahil huminto siya at napatitig sa akin habang taas-baba ang dibdib dahil sa galit.
“Mag-uusap tayo mamaya, tatawagan ko ang Papa mo para umuwi rito. Tawagan mo ang lalaking iyan para pumunta rito kasama ang mga magulang niya!”
“Pero bakit kasama pa ang mga magulang niya, Mama?”
“Mamamanhikan sila!”
“Bakit kailangan pa ‘yon?”
“Sundin mo na lang ako o itatakwil kita bilang anak?”
Naitikom ko ang bibig ko nang dahil sa sinabi niya. Wala akong nagawa kundi ang sumunod kay Mama. Iniisip ko pa lang kung anong dapat kong gawin pero ito at na at sunod-sunod nang bumabalik sa akin ang lahat. Ano ba talagang kasalanang nagawa ko sa past life ko at ganito na ang nangyayari sa akin?! Bakit naman ganito, Lord? Mabait naman po ako!
At dahil no choice ako, kaagad kong tinawagan si Stryker. Hindi ko talaga kinalimutang hingiin ang number niya kanina para s’yempre may contact kaming dalawa. Kailangang ilakad ang divorce as soon as possible para maging malaya kaagad kaming dalawa.
Ilang beses lang nag-ring, sumagot na kaagad.
“Yes, Mrs. Mariano?”
“Pwede bang Ayla na lang ang itawag mo sa akin? Nakakairitang marinig na tawagin mo akong Mrs. Mariano!”
“Alright, Ayla baby, what is it?”
Nakakairita talaga! Kung nandito lang siya, baka ubos na ang buhok niya!
“Kailangan mong pumunta sa bahay namin, together with your family. Nalaman na ni Mama ang tungkol sa atin.”
“Ang bilis talaga ng balita,” he chuckled. “They’re kind of busy these days but I can set up a meeting.”
“Sige, pasensya na sa abala.”
“Wala e. Kung hindi ka sana nag-eskandalo edi sana wala tayo sa ganitong sitwasyon. It was all your fault, Ayla.”
“Sige, oo na! Kasalanan ko na! Ako na ang mali!”
“Magpasalamat ka na lang at mabait ako. Hindi ako nagalit sa ginawa mo. You have a good husband, yeah?”
“Ewan! Basta tatawagan kita ulit kapag nakausap ko na si Papa! Good bye!”