NANATILING NAKAUPO si Temarrie sa visitor’s chair habang si Jubei naman ay nasa likuran ng table nito at tahimik lang na pinagmamasdan ang dalaga. Nang iwan sila ng ama n Jubei ay sinabi ng binata na mag-usap na muna sila sandali sa opisina nito.
Sandali pala, ha? Muli niyang sinulyapan ang wallclock na nakasabit sa dingding sa bandang likuran nito.
“Ano? Magtititigan na lang ba tayo rito? Aba, kung ganon, bayaran mo ang bawat oras ko dahil marami pa akong bagay na dapat gawin na mas pagkakakitaan ko. Time is gold, you know?”
“Wala ka na ba talagang inisip kundi pera?”
“Alangan namang ang problema ng mundo ang isipin ko. Hindi naman ako nun mabibigyan ng kaginhawaan sa buhay. Sasakit pa ang ulo ko.” Tumayo na si Temarrie. “O siya. Mukhang wala ka naman yata talagang sasabihin na importante at nasabi ko na ang gusto kong sabihin kaya aalis na ako. Goodbye, tinapay.”
“Why did you agree to this marriage, Temarrie?”
“Ha?”
“Bagot na bagot ka na ba talaga sa buhay kaya hinayaan mo na lang ang ibang tao na pakialaman ang buhay mo?”
“Ako ba ang tinatanong mo o ang sarili mo?”
“I’m the one who threw the question.”
“No, I’m not bored with my life.”
“So, what’s your reason?”
“Hindi ba pa obvious? Siyempre, pera. Mukhang iyon lang naman talaga ang mapapakinabangan ko sa iyo.”
“You’re throwing away your freedom for the sake of money?”
“Bakit, ano ba ang inaasahan mong isasagot ko? Na pakakasalan kita dahil mahal kita? Like, duh! Ni hindi nga kita gusto, ‘no?”
“Same here. Kung ganon malinaw na sa ating dalawa ang lahat—“
“Actually, hindi pa.” Hinarap uli ni Temarrie si Jubei. Mabuti na lang pala at hindi siya lumayas agad. Ngayon ay diretso na nilang mapag-uusapan ang anomang isyu sa pagitan nila bago ang kasal chenez nila. “How about you, Jubei? Ano naman ang dahilan mo kung bakit bigla ka na lang pumayag sa set up na ito? Sa nakikita ko pa naman sa iyo, hindi ikaw ang tipo ng taong basta na lang hahayaan ang ibang tao na pakialaman ang buhay mo.”
“I don’t want to disappoint my parents, lalo na ang Papa ko. Bata pa lang ako, alam ko na ang plano niya at ng kaibigan niya, which was your father, na ipakasal ako sa anak na babae niyon. Na ikaw nga.”
“Hindi ka naman mukhang disappointed ng lagay na iyan?” sarkastiko niyang komento.
“My feelings has nothing to do with this. Ang parents ko lang ang mahalaga sa akin dito. May sakit sa puso si Papa. Pagkatapos ng mga nakita at narinig niya kanina, siguradong tuwang-tuwa na iyon dahil matagal na niyang gustong magkakilala tayo. Minsan ko na siyang binigyan ng kalungkutan, and it almost caused him his life. Ayoko na uli mangyari iyon dahil apektado ang Mama ko. Now, siguro naman ay matagal na ang anim na buwan na magkakasama tayo kaya I’m pretty sure na hindi na magtataka ang mga magulang natin kung sakaling maghiwalay tayo dahil sa hindi na talaga tayo magkasundo at wala ng pag-asa pang mag-work out ang relasyon natin.”
“What do you mean?”
“I mean, I’m giving our ‘marriage’ six months bago tayo maghiwalay.”
“So, tuloy na nga ang kasal natin?”
“Yes.”
“At maghihiwalay tayo after six months?”
“We’ll just say irreconcibable differences was the reason. Tatanggapin iyon ng korte, with your attitude—“
“And your attitude,” dugtong ni Temarrie.
“With your attitude,” pagdidiin nito. Talagang ayaw patalo. “Matatanggap na ng parents natin na pinilit naman nating makilala at mapakisamahan ang isa’t isa pero talagang hindi tayo magkasundo.”
“With your attitude,” sambit ni Temarrie.
“And your attitude,” mariing dugtong din ni Jubei. “In six months, pareho na nating makukuha uli ang kalayaan natin.”
“Okay. Pero dehado yata ako sa plano mong iyan. Kaya heto naman ang plano ko. Papayag ako sa lahat ng iyan kung may mapapakinabangan din ako out of this very short, and very fake, marriage.”
“Sounds fair enough. Sige, what do you want to get?”
“Sandali. Pag-iisipan kong mabuti.” Medyo natigatig sandali si Temarrie. Hindi kasi niya inaasahan na papayag agad ito na pagbigyan siya sa mga sinabi niya. Wala rin ni katiting na bakas ng pagkabahala sa guwapo nitong mukha. Hindi ito nag-aalalang limasin niya ang lahat ng kayamanan nito. He was that financially stable?
“Basta wala tayong pakialamanan sa buhay ng isa’t isa. Bahala ka sa buhay mo, bahala ako sa buhay ko. Wala ring sumbungan sa mga magulang sa mga magiging desisyon ng bawat isa sa atin.”
“Agree.”
“Are we going to live in the same house? Wala akong sariling bahay, inuunahan na kita.”
“I have my own house and a few condo units.”
“Then you live in the condo unit and I live your house.”
“No.”
“Fine. Basta huwag ka lang magdadala ng ibang babae sa bahay natin. Kasal pa rin tayo kahit joke lang ang lahat. Anyway, anim na buwan lang naman ang titiisin mo kaya siguro naman e makakaya mo nang walang babae sa loob ng panahon na iyon.”
“Huwag kang magdadala ng boyfriend mo sa bahay natin.”
“Wala akong boyfriend.”
“Good to hear that.”
“Good to hear…?”
“Well, that’s it. Walang pakialamanan tayo sa buhay ng isa’t isa. It’s a deal.”
Inilahad ni Jubei ang kamay kay Temarrie at tinanggap naman iyon ng dalaga. At ewan niya kung anong nangyari, pero nang magkadaiti ang kanilang mga kamay ay may tila munting pangyayaring pareho nilang hindi inaasahan. Sabay pa nga silang napatingin sa kanilang mga kamay. It was like there was a faint spark that lit when their hands touched. Nagkatinginan sila sa isa’t isa, parehong nagtatanong kung ano ang nangyaring iyon. Ngunit nang wala sila parehong maisagot ay walang imik na lang silang pinakawalan ang kamay ng isa’t isa.
“Oo nga pala, gusto kong ipaubaya mo sa akin ang Baltimore’s Place.” That hand spark thing was really weird. “Iyon ang una kong gustong i-claim once na naikasal na tayo.”
“Bakit gustong-gusto mong makuha ang lugar na iyon? What are you going to do with that place?”
“That’s none of your business.”
“It is, since it’s going to be a prime spot for my company’s latest location. I cannot give that place easily, kahit sa asawa ko pa.”
Nagpamaywang si Temarrie. “Akala ko ba walang pakialamanan?”
“Yes. But business was another matter. Hindi iyon kasing simple ng usapang pagpili kung saan tayo matutulog sa iisang bubong.”
Nakakaasar talaga ang lalaking ‘to! Ang napagkasunduan nilang plano, ito lang pala ang makikinabang. Hah! Hindi siya papayag na maisahan.
“Kung ganon, goodluck na lang sa iyo at sa pamilya mo. Sa media na nga pala ang diretso ko. Magpapa-conference ako tungkol sa relasyon ninyo ni Rumina at ang pagtanggi niya sa alok mong kasal sa kanya.”
“You…”
Yes, baby. This is blackmail. With style.
Nakangisi siyang naglakad na patungo sa pinto ng opisina nito sa kabila ng matalim na tingin ni Jubei. Hidni nito nagustuhan ang mga sinabi niya. Pero wala na siyang pakialam. Kung hindi nito ibibigay ang gusto niya, puwes, wala rin itong mapapala sa kanya. Her mother brought her up to be a fighter when she was still alive. And her father and brothers’ insensitivities hardened that resolve. Walang sinoman ang puwedeng tumapak sa kanya sa mga panahong malapit na siyang maasar nang tuluyan sa mundo.
Ngunit di pa man siya nakakatapak palabas ng silid na iyon ay napigilan na siya ni Jubei sa kanyang braso. At sa ikalawang pagkakataon, naramdaman na naman ni Temarrie ang munting kilabot na iyon. Naramdaman din iyon ng lalaki dahil agad nitong binawi ang kamay sa kanya. Pero hindi rin naman siya nito agad na pinakawalan nang iharang nito sa pinto ang braso nito.
“My personal life has nothing to do with us and our situation, Miss Temarrie Icasiano. Kaya kung ayaw mong magulo ang sarili mong buhay, huwag mong pakikialaman ang mga bagay na wala kang kinalaman. I’ll say this again and I’ll say it for the last time. Huwag mong pakikialaman ang mga private affairs ko—“
“Or else what? Alam mo, Mr. Juan Bernardo IV, masyado kang conceited, eh. Akala ko pa naman, fair ka. Pero ang lumalabas ngayon, gusto mo lang ang masusunod. Well, sorry ka na lang. Gusto ko rin masunod ang gusto ko, lalo na sa isang usapan na napagkasunduang magiging fair sa dalawang partido, kaya huwag mo akong iisahan dahil hindi ako papayag. Kung gusto mong mag-work out ang kasunduan nating ito, huwag kang umasta na parang ikaw lang ang may karapatang mabuhay sa mundo at matuto kang maging considerate sa ibang tao. Lalo na mapapangasawa mo.” Hinawi niya ang braso nito. “At hangga’t hindi mo natatangap iyon, magpakasal kang mag-isa.”
Then she walked out toward the elevator with her head held high. Nakita niyang nakamasid lang sa kanya ang binata at nakakunot ang noo. Pinasukan na naman ng masamang hangin ang utak niya kaya sa huling pagkakataon ay humirit pa siya.
“Ang yabang mo kasi. Iyan tuloy basted ka sa marriage proposal mo sa girlfriend mo. ‘Buti nga sa iyo.” Unti-unti ng sumara ang pinto ng elevator nang sugurin siya nito. She stuck out her tongue to him. “Beh!”