Nagulat kaming lahat nang isang babae ang bigla na lang sumulpot at nagtangkang sipain si Cayden. Naramdaman na naming may parating ngunit hindi namin inaasahang isang babae ito at iyon ang kinagulat namin.
Nakatingin lamang kami sa kanila. Ang isang kamay ni Cayden ay nakapatong pa rin sa ulo ni Zion samantalang ang isa niyang kamay ay hawak-hawak ang paa ng babae.
Hindi ko din mawari kung bakit pero napansin kong titig na titig si Cayden sa babaeng nagngangalit. Pinipilit ng babae na bawiin ang kaniyang paa ngunit tila napako si Cayden sa kaniyang kinatatayuan at hindi ito gumagalaw.
“SINABING BITIWAN MO AKO EH!” hiyaw ng babae. Hinawakan niya ang balikat ni Cayden at kinabig ang sarili palapit sa pinsan ko upang sunggaban ito ng suntok sa mukha.
Binitiwan ni Cayden ang babae at ipinaling lamang ang kaniyang leeg. Hindi tumama ang suntok ng babae kaya muli niyang sinunggaban si Cay.
“SINO KAYO!? MGA TAUHAN DIN BA KAYO NI MANG LUCIO!? BAKIT NIYO SINASAKTAN ANG MGA BATANG ITO, MGA WALANG HIYA!!!” patuloy na hiyaw ng babae habang patuloy din sa pagsugod kay Cayden.
Umaatras lamang si Cayden at binabalewala ang mga pagsugod ng babae. Samantalang napansin ko namang hindi niya pa rin inaalisan ng tingin ang mukha nito.
“Haayyy… napakadaya talaga ng buhay,” ani Gino, “Bakit ba lagi na lang kayo ni Cayden ang hinahabol ng mga magaganda at sexying babae? Paano naman ako!? Gusto ko ng magkasyota!”
“Mukhang hindi ka daw kasi naliligo. Magpaputi ka kaya!? Maligo ka ng zonrox,” ismid ni Zion sa kaniya.
“Anong sabi mong pulgas ka!”
“Mukha kang kapre,” patuloy na pang-aasar ni Zion kay Gino.
Napangisi na lang ako sa asaran nila at muli na lamang pinanuod ang pag-iwas ni Cayden sa mga pag-atake sa kaniya ng babae. Pinagkakamalan niya ba kaming kasamahan ng mga nakalaban ni Zion kanina?
“BAKIT HINDI KA MAGSALITA!? PIPI KA BA, HA?” inis na sabi ng babae at hindi pa rin ito nakakatama kay Cayden.
“E-Era… E-Era…” nanghihinang sambit ng batang lalaki. Tila natuhan naman bigla ang batang babae at nilapitan ang batang lalaki na may pag-aalala.
“D-Dale!” pagtangis ng batang babae.
“T-Tumigil ka sa pag-iyak. P-Pigilan mo… p-pigilan mo si Ate Lia.”
Mabilis na nilingon ng batang babae sina Cayden at nang mapagtanto ang nangyayari ay agad itong sumigaw, “A-Ate Lia!!! Ate!!! Huwag mo po siyang awayin! W-Wala silang kasalanan! Ate Lia!!!”
“A-Ano!?” Nang marinig ang sinabi ng bata ay mabilis na huminto sa pag-atake ang babae. Sandaling nagtama ang mga mata nila ni Cayden na para bang litung-lito siya.
“Hmn…” kumunot ang noo ni Cayden at saka ito ngumisi, “What's with the stares? You... like me huh–”
“SIRAULO!” at muling sinubukan ng babae na suntukin si Cayden ngunit madali lang niya iyong naiwasan.
Nagkatinginan kami ni Gino mula sa sulok ng aming mga mata. Tila iyon ang unang beses na narinig namin si Cayden na magbiro ng ganoon sa babae bukod kay Kyrra.
“Ate!!! Tama na po,” hiyaw muli ng batang babae. “Tinulungan lang po nila kami.”
Muli ng nakalapit sa amin ang dalawa kakasugod ng babae kay Cayden. Muli siyang huminto habang hinihingal. Nilingon niya ang paligid at nakita niya ang mga nakahandusay na katawan ng mga kalalakihang nangingikil sa mga bata kanina. Tila doon niya napagtantong nagsasabi ng totoo ang batang babae.
“Hay! Bakit ka huminto! Dapat pinasabog mo ang mukha ng kuya ko eh– ARAAYYY!!!” Mabilis na binatukan ni Gino si Zion at napahawak na lamang ito sa kaniyang ulo.
"Totoo bang... tinulungan niyo lamang ang mga kapatid ko?" mariin niyang tanong sa amin. "Kayo ba? Kayo ba ang may gawa nito kina Mang Lucio!?"
Nagtatanong ang babae ngunit tila nanggagalaiti pa rin siya kay Cayden. Hmn.
Sabay-sabay naman kaming tatlo na tumuro kay Zion.
"H-HOY! A-ANONG AKO! K-Kayo ang may sabi na gawin ko iyon! Mga kumag kayo!!!"
Tila hindi naman kumbinsido ang babae sa kaniyang nalaman. "Hindi ako nakikipagbiruan sa inyo! Paanong ang isang bata ang may gawa lang nito!?"
Lumapit sa kaniya ang batang babae at hinila ang ibaba ng kaniyang damit, "A-Ate, totoo po ang sinasabi nila."
Kahit kinumpirma na ng kaniyang kapatid ay tila hindi pa rin kumbinsido ang babae. Pinabayaan na lang din namin siya dahil hindi naman mahalaga sa amin kung maniniwala siya o hindi.
"Cay," hudyat ni Gino. Tumatawag na kasi si auntie at kailangan na naming bumalik.
"Era, Dale" tawag ni Zion sa mga kaibigan. "Mag-iingat kayong palagi, kailangan na naming umalis. Paalam."
Tumalikod kami at kaswal na naglakad lamang ngunit muli pa kaming tinawag ng babae. "S-Sandali!!! Sandali!!!"
At dahil si Cayden ang nasa hulihan namin, ang braso niya ang nakabig ng babae. Nilingon siya ni Cayden at pareho silang nagulat nang muling magtama ang kanilang mga tingin sa halos isang dangkal na pagitan ng kanilang mga mukha.
Mabilis na namilog ang mga mata ng babae kasabay ng pamumula ng kaniyang mukha. Hindi siya nakakilos kaagad dahil sa pagkabigla. Tila nasa mood naman si Cayden para muling mang-asar, "What do you want. A goodbye kiss?"
Mariin naming tinikom ni Gino ang aming mga bibig upang huwag kumawala ang aming pagtawa, samantalang tila umusok naman ang tenga ng babae at mabilis na tinulak palayo sa kaniya si Cayden. "A-ANG KAPAL NG MUKHA MO! Ugh!"
Napangising muli si Cayden at naglakad ito ng paatras na para bang ayaw pang lubayan ng tingin ang babae. "We have to go. Bye."
Tuluyan ng tinalikuran ni Cayden ang babae at nagpatuloy naman kami sa paglalakad palayo sa kanila. Ramdam naman naming nakatanaw pa rin sila sa amin ngunit hindi na namin sila nilingon pa.
Narating namin ang sasakyan at sumakay na kami dito. Kami ni Gino sa unahan, at si Cayden at Zion naman ang nasa likuran. Kumportableng nakasandal si Cayden habang nakapatong ng pakrus ang kaniyang mga braso sa ibabaw ng kaniyang dibdib, samantalang si Zion naman ay may matulis na nguso habang nakatanaw sa labas ng bintana ng sasakyan.
"Sa dami kong nirereto sayo... may mga modelo, artista, mga professional... ni isa do'n, wala kang pinansin," ismid ni Zion. Nagkatinginan naman kami ni Gino dahil totoo naman ang sinabi niya.
"Oo nga. Huwag mong sabihing... trip mo ang babaeng 'yon, Cay?" tanong ni Gino at pinihit niya ang manebela.
Hindi naman ako umiimik ngunit sinisipat ko si Cayden mula sa salaming nasa aking harapan. Bahagyang nakayuko si Cayden ngunit maaliwalas ang kaniyang mukha, at napansin kong... tila bahagya din siyang nakangiti.
"Kung alam ko lang na amasona ang gusto mo... dapat namundok na lang pala ako. You freak!" ani Zion.
"Akala ko nga allergic ka sa babae. Kung hindi lang kita kilala simula pagkabata mo, iisipin kong bakla ka," sabi naman ni Gino na ikinatawa ko ng mahina.
"Go to hell," ani Cay at iniangat niya ang kaniyang ulo. "Hindi ako allergic sa babae. Hindi lang siguro talaga nila nakukuha ang interes ko."
"Talaga ba? Pero bakit... iba yata ang pakikitungo mo sa babaeng 'yon kanina? Madalas naman ay wala kang gana makipag-usap sa mga babae, hindi ba?" tanong ko.
"Oo nga, Cay, himala ata?" ani Gino.
Nanahimik kami sandali ngunit ang atensyon namin ay na kay Cayden lamang. Gayon din si Zion na tila naghihintay ng kaniyang tugon.
Nilingon naman ni Cayden ang labas ng bintana. Madilim na at ang mga ilaw ng siyudad ay tila mga bituing kumalat na lamang sa paligid.
"Yeah. This one... is different," sagot ni Cay na lalong pumukaw ng aming interes. Ngumisi siyang muli na para bang may tinatanaw na kung sino sa labas ng bintana, "Because... I have a feeling... that I know her."
Kilala niya... ang babaeng 'yon? Napaisip ako sandali; kung kilala ni Cayden ang babaeng 'yon ay malamang na kilala ko din ito. Buong buhay naming dalawa ay halos lagi na kaming magkasama kaya malaki ang tiyansa na kilala ko nga din ang babaeng 'yon.
Muli kong sinariwa ang itsura ng babae kanina. Ang kaniyang mukha, hindi ko talaga maalala hanggang sa... biglang sumagi sa isip ko ang ginawa niya kay Cayden kanina. Bigla niyang sinugod ito at nahulog ang kaniyang sumbrero. Lumugay ang maalon nitong buhok na tila kumawala sa sumbrerong iyon.
T-Teka! H-Hindi kaya...
"Cay, did you think that... that woman is–" hindi ko na natapos ang tanong ko nang mabilis na kumpirmahin ng pagngisi niya ang hinala ko.
"Yeah. When I saw her eyes... I know... it is her."