UMALIS siya. Nagalit na ng tuluyan sa akin. Parang baligtad ata. Hindi ba dapat ako ang mas galit ngayon dahil sa ginawa niya?
Hanggang sa sumapit ang gabi. Wala ni anino niya ang nagpakita sa akin. Nasa kwarto ako at naghahanap ng mga disenteng susuotin. Inisa-isa ko ang gamit ni Aloe. Nagsama ata silang dalawa ng lalaking iyon kaya ganito kadami ang gamit niya.
Gaano kaya sila katagal? Sobrang lalim na ang pinagsamahan nilang dalawa kasi makuha nilang magsama, eh. Bakit kaya nakuha niyang lokohin ‘yon?
Hanggang ngayon pala-isipan pa din sa akin. Maski nga pangalan niya ay hindi ko alam.
Napangiwi ako sa crop top na naroon. Okay na sana kasi may manggas. Ang kaso kita naman ang pusod. Napailing na lang ako.
Ano kayang reaksyon ni Mama kapag nalaman niyang ganito lumaki ang kambal ko? Siguro naman hindi siya mabibigla kasi sa ibang bansa lumaki si Aloe. Liberated ang mga tao sa America. Ganunpaman, alam kong mahal niya si Aloe at nangungulila pa din siya dito.
Kung hindi lang sana siya sakitin at hindi kami iniwan ni Papa ay malamang kasama ko siya. Sobrang hirap ng buhay namin noon. Proud ako sa Mama ko na kahit na hirap na siya tinaguyod niya ako magisa sa marangal na trabaho niya. Hanggang sa nakapagtrabahao ako at pinahinto ko na siyang tumanggap ng paglalabada.
Naawa ako kay Mama kapag nakikita kong naglalaba siya kahit na pagod na. Kami na lang dalawa sa buhay kaya nang kaya ko ng kumita ay nagsikap ako na maging maayos ang takbo ng buhay naming dalawa.
Tumayo ako ng matapos na sa pag-aayos. Na-segregate ko na iyong mga damit na masusuot ko sa hindi. Nakakamangha na kahit antagal na panahon kaming hindi magkasama o nagkikita ng kambal ko ay pareho kami ng built ng katawan.
Lahat ng damit niya ay kasya sa akin. Sinara ko ang cabinet. Sakto pang bumukas naman ang pinto kaya doon ako napabaling.
Hindi siya makatingin sa akin. Siguro naalala niya pa iyong nangyari kanina. Baka nakokonsensya?
“It’s time for dinner,” sabi nito na parang bulong na lang sa hangin pero narinig ko pa din.
Hindi ako nagsalita. Tumalikod ito at iniwang nakabukas ang pinto. Inaantay na lumabas ako. Alas-siete na ng gabi. Nakaligo na ako at mabuti na lang may ternong silk sleepwear ang kambal ko at disente naman iyon.
May sleeves at shorts siya. Tahimik akong sumunod. Habang sinusundan ko siya ay naiiwan ang tingin ko sa bawat parte ng bahy niya. Mahilig ata siya sa arts. May mga paintings din na nakadisplay at wala naman akong maintindihan. Abstract lang ang karamihan doon.
Wala din ibang tao kundi kami lang. Ang laki ng bahay niya. Siya lang mag-isa nakatira?
“Aray!”
Nasapo ko ang noo dahil nauntog na ko sa malapad nitong likod. Lumingon siya sa akin habang kunot ang noo.
“Ano bang ginagawa mo?” Umiling-iling ito at binuksan ang black double doors. Tumambad sa aking paningin ang malawak na dining.
May island counter. Kumpleto ang gamit pero ang kulay pa din ang naghahalong itim at gray. May nakahanda ng mga pagkain.
Kumunot ang noo ko dahil dalawang putahe ang nandoon at hindi ko pa maintindihan kung anong tawag sa niluto niya. Ang alam ko lang kainin ay adobo. Sinigang. Menudo. Mga tipikal na pagkaing pinoy.
Teka, siya ang nagluto nito?
“Sinong nagluto?” tanong ko habang umuupo na sa harap ng counter. May brown rice pa at may white wine. Iinom ata siya. Kasi ako hindi umiinom.
Nag-angat ako ng tingin ng hindi ito sumagot. Nakatingin lang ito sa akin habang nakataas ang isang kilay.
“Stop saying nonsense, Aloe,” mariin niyang sabi. Hindi pa kami nagtatagal na magkasama. Napipikon na siya sa akin.
Ano namang walang-kwenta sa sinabi ko? Nagtatanong lang ako. Nagsimula itong kumuha ng pagkain at nilagay sa plato ko. Nagulat ako. Hindi ako sanay na pagsilbihan ng ibang tao maliban sa Mama ko.
Hindi ko alam bakit lumbot ang puso ko. Ang babaw pero nakakatuwa pala na may gumagawa ng ganitong bagay para sa’yo.
Nakatingin lang ako at hinayaan siya. Tsaka ko na-realize na kaya naiinis na naman siya sa akin kasi akala niya nagpapanggap ulit akong walang alam. Ayaw niyang sagutin.
Tumikhim ako. Nagkatinginan kami. Nabutin tuloy saglit ang kinuha nitong kanin pero agad ding nakabawi at nagpatuloy.
Kanina habang magisa ako. Naisip ko ng sakyan na lang ito sa paniniwala niya para makaalis agad ako dito. Ayaw niya naman kasing maniwala kahit anong sabihin ko. Bahala na. Bahala na kung saan mapupunta ang kasinungalingan ko basta makauwi ako sa amin.
“You must’ve hungry. Hindi mo ko pinigilan sa paglalagay ng pagkain,” sabi nito habang sarili namang plato nito ang nilalagyan ng pagkain.
Napakurap-kurap ako. Hindi malakas kumain si Aloe. Nagda-diet siya. Ako hindi. Malakas ako sa pagkain pero hindi ako nataba. Hindi na lang ako nagsalita. Hindi ko pa ata kayang simulan na sakyan ang mga sinasabi nito.
“I cooked your favorite. Did you miss my chicken, pepper and corn stir fry?” Ngumisi ito at tinignan ako. Nagaabang sa aking isasagot.
Umawang ang bibig ko para sana magsalita pero walang lumabas doon. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang pag-asa na sasagot ako ng maganda.
Parang hindi ko kayang basagin ang mood niya. Hanggang sa tumango na lang ako at mabilis na binagsak ang tingin sa sariling plato. Narinig ko ang mahinang pagtawa nito.
“I knew it,” tila proud na sabi nito.
Kumikirot ang puso ko sa hindi malamang dahilan. Kung para sa lalaking ito dahil naawa ako sa kanya. Nakikita ko na naghahanap siya ng atensyon ni Aloe. Gusto niya talaga ang kapatid ko.
NO. Mahal niya at OBSESSED siya.
Kaya kahit na may ibang lalaki ang kapatid ko nakuha niyang gawin ito pero maling tao naman ang kinulong niya dito. Simple lang naman ang tanong niya at sumagot lang ako pero tila nabuhayan ito ng loob. Ganado ang kilos nito.
Nagsimula akong kumain. Natigilan ako. Masarap ang luto niya.
“Why? Nag-iba ba ang lasa? Pareho namang ganyan ang luto sa Lewis Taste,” nagaalalang sabi nito.
Nagkatinginan kami. Umiling ako. Lumunok muna ako bago sumagot.
“M-masarap,”nauutal kong sabi. Isang salita pero ang lawak na ng ngiti niya.
Umiwas ako ng tingin. Ayokong makita ang mukha nito at nagiiba ang pakiramdam ko. Ang gwapo-gwapo niya sa mga mata ko.
Tumawa ito na akala mo nanalo sa pustahan. Bumalik kami ng kain ng tahimik. Hindi ako makanguya o malunok ang kinakain ko ng maayos. Ramdam ko kasi ang bawat titig niya sa akin. Iyong mga tingin na katulad ng akin.
Para bang ako ang pinakamaganda sa kanyang paningin. Halata sa mga mata nito ang saya na kasama niya akong kumain. Paano na lang kung maniwala ito na hindi nga ako si Aloe. Paniguradong disappointed siya. Feeling ko nga nabubulag na lang siya sa pagmamahal niya sa kapatid ko na kahit pinapakita ko at sinasabi kong hindi ako si Aloe ay hindi pa rin ito naniniwala. Sarado na ang isip niya.
Bukod doon, baka talagang maloko si Aloe kaya hirap na siyang maniwala dito. Iyon ang paulit-ulit niya kasing sinasabi sa akin kanina pa.
Tapos na itong kumain. Hindi maalis-alis ang ngiti nito habang pinagmamasdan ako kumain. Mas lalo tuloy akong nailang. Kinuha nito ang bote ng white wine at binuksan. Nagsalin siya sa kopita. Hindi ako umiinom niyan.
Isipin ko pa lang na magpapanggap ako ay kumakabog na ang dibdib ko sa nerbyos. Bumagal lalo ang nguya ko habang tinitignan ang basong nilapag nito sa harap ko.
“I bought your favorite wine.” He smirked.
Patay na. Manginginom nga si Aloe. Kabaligtaran ko. Kinakabahan man ay pilit na lang akong ngumiti.
Inantay niya akong matapos kumain. Hinawakan nito ang sariling kopita kaya no choice ako kundi ang gayahin siya. Inilapit niya ang hawak na wine glass sa akin. Naga-abang sa isang masayang cheers.
Pilit ko iyong ginawa. Hindi na ako makangiti. Nang maamoy ko ang alak ay gusto ng bumaligtad ng sikmura ko. Pinagmamasdan niya ako habang umiinom na ito. Pilit akong ngumiti at umiwas ng tingin.
Dinampi ko sa aking labi ang dulo ng kopita. Sumimsim lang tulad ng ginawa nito kanina. Ibinaba ko agad ang wine glass.
Tumikhim ako at tila gusto ko ng magmumog sa pangit ng lasa. Kung itutuloy ko pa. Baka isula ko na. Uminom ako ng tubig. Ramdam ko ang titig pa din niya sa akin. Hindi ba niya napansin na hindi ko gusto? Nagpapanggap lang ako?
Bulag na ata talaga ang lalaking ito. Grabe, binaliw ni Aloe ang tulad niya. Paano niya iyon ginawa.
Napatingin kami sa pinto dahil may kumatok.
“Sir Caleb, tumawag po si Mrs. Lewis,” sabi ng tauhan nito sa labas.
Caleb pala ang pangalan niya. Lalaking-lalaki ang pangalan. Mama niya ba ang tumawag?
Tumayo si Caleb mula sa upuan nito sinundan ko lang siya ng tingin. Lumapit siya sa akin. Tiningala ko si Caleb habang nagtataka.
Nanigas ako sa kinauupuan ng hinalikan niya ako sa noo.
“You can go to your room if you’re done. Magtatagal ako kausap si Mommy,” sabi nito sa akin bago lumapit sa tauhan nito at kinuha ang cellphone maula doon.
Napahawak ako sa aking noo. Ramdam ko pa ang labi niyang lumapat sa noo ko. Naginit ang magkabila kong pisngi. Simpleng gestures pero nagbigay kilig sa akin.
Hindi ko dapat ito maramdaman. Ang halik na iyon ay para kay Aloe. Hindi sa akin.
Tumayo ako at niligpit ang pinagkainan namin. Marunong ako sa gawaing bahay. Siguro kaya niya sinabi na umakyat na ko sa taas kasi si Aloe hindi nagliligpit o naghuhugas ng plato. Kapag ginawa ko ito ay magtataka siya.
Pero hindi din. Bulag si Caleb. Kahit nasa harap na ang pruweba na hindi ako si Aloe ay bulad pa din siya. Naghahanap pa din siya ng dahilan para i-justify ang paniniwala niya.
Habang naghuhugas ng plato ay naalala ko iyong sinabi niya kanina. Lewis ang apelyido niya. Nabanggit niya ang Lewis Taste. Sikat na Resto iyon sa bansa. Mga may kaya lang ang kumakain kaya ni minsan hindi ko pa nasubukang kumain doon.
Ibig sabihin siya ang may-ari o pamilya niya? Alinman ay ibig sabihin lang ay mayaman siya. Mas lalo ata akong nawalan ng pag-asa na makita ako ni Mama.
Kayang-kaya nilang i-manipulate ang nangyaring pag-kidnap sa akin. Walang laban si Mama sa katulad nila.
Nakaramdam ako ng lungkot. May pag-asa pa kayang makabalik ako sa amin?
Hanggang sa pagtulog ay iyon ang aking iniisip. Hindi basta-bastang lalaki ang nahumaling sa aking kambal na kapatid.
Isang linggo ang lumipas. Nalibot ko ang buong bahay niya at imposible ngang makatakas ako bukod sa mataas na bakod nya. May tauhan at aso pa siyang malalaki at mabagsik. Sinubukan kong hanapin ang gamit ko pero hindi na ko nagsikap masyado dahil may CCTV ang bahay niya.
Nagpanggap na ako ng tuluyan na ako si Aloe. The more na ginagawa ko ito the more atang nahuhulog ako sa sarili kong patibong. Hanggang ngayon nagtataka ako kung bakit nagawa siyang iwan ni Aloe.
“Do you like it?” Nakangisi nitong tanong habang nakapamulsa.
Nandito kami sa malawak na bakuran niya. Gabi ngayon at nagset-up pa siya ng romantic dinner date para sa aming dalawa. Sa totoo lang umaapaw ang kilig sa akin dibdib. Ilang beses niyang pinakita sa akin kung gaano niya kamahal ang aking kapatid.
Hinayaan ko na lang lahat ng effort nito. Nakaramdam ako ng kaunting kirot dahil alam kong hindi naman talaga para sa akin ang lahat ng ito. Nagpapanggap lang ako.
Tumango ako pero hindi ko makuhang ngumiti. Hindi ko alam kung paano ba si Aloe sa kanya. Kung ma-touchy ba siya. Sweet ba o hindi. Bukod doon ay nahihiya ako gawin kung sakali mang sweet nga siya.
Kaya sa lahat ng effort nito para makuha ang puso muli ni Aloe. Nanatili lang akong timid sa aking kilos. Pigil na pigil ang aking sarili. Sinakyan ko siya sa romantic dinner date nito. Hindi ko nga lang masabayan ang ganda ng mood niya.
“I’ll move to your room later. Duon na ko matutulog,” anito na nagpa-angat sa akin.
Gulat ako sa sinabi nito. Nagpatuloy si Caleb sa pagkain na parang wala lang sa kanya ang sinabi.
“Bakit? I mean may kwarto ka bakit ka sa akin?”
Nagpa-panic ako. Ni minsan hindi ko naranasan na tumabi sa lalaki. Ano bang binabalak nito?
“Anong bakit? Nagtatabi naman tayo matulog so what’s the problem?”
Nag-angat ito ng tingin at salubong ang kilay. Alam ko na kapag hindi ako pumayag ay magiinit na naman ang ulp nito. Sasabihin niya sa akin na dahil sa lalaki ni Aloe kaya ayaw ko magpatabi. Maba-badtrip na naman siya. Baka lalo akong hindi maka-hirit na ilabas niya ko dito sa lungga niya. Hindi na lang ako umimik at nagpatuloy sa pagkain kahit na okupado na ang utak ko dahil sa sinabi nito.