Mataas na ang sikat ng araw ng magising ako. Kaagad hinanap ng mga mata ko si Deon pero wala na siya sa tabi ko. Hindi narin ako nagulat dahil inaasahan ko naman ng mangyayari yon. Napailing nalang ako habang dahan-dahang umupo sa kama. Gusto kong pagtawanan ang sarili ko, muli nanaman akong nadala sa mga walang lamang salita ni Deon kagabi. Mga salitang... dapat ay kay Cataleya.
Napatingin ako sa pinto nang makarinig ng tatlong katok ron. Tumaas ang dalawang kilay ko nang makita si Fe na sumilip sa pinto.
"Magandang umaga Ma'am, gising na po pala kayo, " nakangiting sabi niya bago pumasok at lumapit saakin.
"Magandang umaga Fe," bati ko rin sakaniya at mariing hinawakan ang puting kumot na siya lamang nagtatakip sa hubo't-hubad kong katawan.
Tahimik akong inalalayan ni Fe na tumayo at pumunta sa banyo. Maging sa pagbihis ko ay nasa tabi ko lang siya at nananatiling tahimik at hindi nagtatanong.
Si Fe ay isa sa katiwala nila Cataleya. Sa wari ko ay hindi naman nagkakalayo ang edad naming dalawa kaya siya ang ipinadala saakin para maging personal maid ko na kung tutuusin ay hindi ko naman kailangan. Alam rin ni Fe ang lahat ng tinatago ko at ng buong pamilya ni Cataleya kaya sa bahay na to siya lang ang pwede kong makausap ng walang itinatago.
"Anong oras umalis si Eugene?" tanong ko habang pinapanood siyang tuyuin ang buhok ko gamit ang blow dryer.
"Magbubukang liway-way palang po ay umalis na si Sir Deon. Nasigawan pa nga niya ang sekretaryang kay aga ring dumating dito kanina. Mukhang nagmamadali po sila," sagot ni Fe.
Nagmamadali? ano naman kayang dahila? Tungkol siguro sa trabaho dahil ang alam ko ay marami itong hawak na negosyo bukod pa sa kumpanya nila.
"Aalis ako ngayon," sabi ko bago tumayo at lumapit sa damitan para kumuha ng pantalon at simpleng t-shirt.
"Saan naman po kayo pupunta? baka mamaya po ay biglang umuwi ng maaga si Sir Deon at maabutang wala ka at awayin ka nanaman niya," nag-aalalang sabi ni Fe habang nasa likod ko.
"Hindi yan, sandali lang ako. Gusto ko lang masilip si Mama at ang kapatid ko," aligaga kong sagot kay Fe nang hindi siya tinitingnan at basta nalang pumasok sa banyo para magpalit ng damit.
Dali-dali akong nagpalit ng isang puting shirt at maong na pantalon. Basta ko nalang din inabot ang isang kulay itim na sombrerong nakasabit sa gilid ng maliit na aparador dito sa banyo. Siguro ay kay Deon to, bahala na, ibabalik ko nalang mamaya. Sinuot ko yun matapos itali ang mahaba kong buhok.
Tiningnan ko sa salamin ang kabuuhan kk at nang makontento ay lumabas na ako ng banyo. Naabutan ko pa si Fe na hawak ang bag ko. Nang makita niya ako ay agad niya yung inabot saakin.
"Ms. Danica bumalik lang rin po kayo kaagad ha?" puno ng pangamba nitong bilin saakin.
"Oo babalik ako agad, " sagot ko habang sinisigurong nasa loob ng bag ang phone ko at wallet nang makita ang lahat ng iyon sa loob ay lumabas narin ako ng kwarto.
Nasa likuran ko si Fe habang pababa kami ng hagdan. Pagdating namin sa pintuan ay agad kaming hinabol ng matandang kasambahay na siyang head maid dito sa bahay ni Deon.
Ma'am Cataleya, saan po kayo pupunta?" tanong niya, napakunot ang noo ko nang matunugan ang kagaspangan sa tono ng boses nito.
"Bakit kailangan mo pang malaman? Kailangan bang magpaalam ng amo ko sayo bago siya lumabas?" bago pa ako makaharap sakaniya at si Fe na ang sumagot para saakin.
Lumingon ako sakaniya at nakita ang kilay nitong sobrang nipis at taas na taas habang mataray na nakatingin saamin ni Fe.
"Hindi naman sa ganon. Pero gusto ko lang malaman niyo MA'AM, na kapag nagalit nanaman si Sir Deon ay madadamay rin kami sa init ng ulo niya, " sabi nito bago padabog na tumalikod at mag-martsa papaalis.
Nagkatinginan pa kami ni Fe bago sabay na umiling at binaliwala nalang ang matanda. Tumuloy na kami sa paglabas, napakamot nalang ako nang ulo nang hindi pa kami nakakaabot sa gate ay may tatlong lalaking nakauniporme na ang lumapit saamin.
"Saan po kayo pupunta Ma'am?" tanong isa na may katakot-takot na laki ng katawan.
Naramdaman ko ang paghawak ni Fe sa kamay ko at ang marahan niyang paghila saakin para ilagay sa likod niya.
"May gusto lang puntahan si Ma'am Cataleya. Kailangan pa ba niyang magpaalam sainyo? Hindi naman kayo ang mga magulang niya," padarang na sagot ni Fe dito kaya humigpit ang hawak ko sa kamay niya.
"Fe..." kinakabahang tawag ko sakaniya. Ako ang kinakabahan sa paraan ng pananalita niya eh, baka mamaya ay bigla nalang kami sapakin ng mga to.
"Pero ibinilin ni Sir Deon na bawal kayong lumabas hanggat hindi niya sinasabi at hanggang wala kaming natatanggap na utos mula sakaniy—"
Napahinto siya sa pagsasalita nang humakbang ako sa harap niya at tingalain siya para bigyan ng masamang tingin.
"Anong tingin niyo saakin hayop? bata? bakit hindi ako pwedeng lumabas ng walang pahintulot niya? Sa huling natatandaan ko ay asawa ako, hindi hostage" matabang kong sambit sa harapan nilang lahat.
Bakit pakiramdam ko ay lahat ng tao rito ay kinausap ni Deon para bantayan ang bawat galaw ko? Huh. Balak niya ba akong ikulong sa bahay na to?
"Pasensiya na po Ma'am napag-utusan lang kami," sagot niya bago sila sabay-sabay na umatras.
Sandali ko silang tinitigan bago ako huminga ng malalim at mas pinagmukha pang matapang ang mukha ko. Asawa ako ng amo nila, ibig sabihin non ay pantay lang ang katayuan namin ni Deon sa pamamahay na to. At dahil dala-dala ko rin ang pangalan ni Cataleya ay hindi ako basta-bastang tao na dapat tumiklop sa kahit kanino.
"Tumabi kayo diyan!" sigaw ko.
Nakita kong silang natatarantang tumabi kaya dali-dali kaming lumabas ni Fe sa gate.
"Ayos ka lang Ms. Dan?" tanong ni Fe.
"Hm, masyado lang akong ninerbyos" sagot ko habang habol ang hininga. "Nakaka-guilty na bigla ko nalang silang sinigawan ng ganon." sabi ko pa tukoy sa mga body guard na nasa loob.
"Naku, ayos lang po yun! mabuti nga para alam nilang hindi ka dapat minamaliit at lahat sila ay dapat kang irespeto" sagot ni Fe.
Napangiti ako mahina siyang tinapik sa braso.
"Salamat Fe. Sige na paparating na yung sasakyang na-book ko pumasok ka na sa loob. Magmi-message nalang ako kapag pauwi na ako."
"Sige po. Magti-text nalang din po ako kapag naramdaman ko o may narinig akong pauwi na si Sir Deon. Please po dalian niyo lang at mag-iingat po kayo, " habilin niya pa bago napipilitang pumasok sa loob ng gate.
Bumuga ako ng hangin sa kawalan habang pinapanood ang paparating na pulang sports car.
"Danica, " agad nitong tawag sa pangalan ko matapos bumaba sa sasakyan. "Let's go?" nakangiti niyang tanong matapos buksan ang pinto ng passenger seat.
"Let's go... Dom,"