Chapter 7
Bahala na.
“Wait.” Napalingon ako kay Vanna.
“‘Di ba 10 tayo?” tanong niya at inilibot ang tingin sa buong room.
Tumango ang iba at lumingon-lingon din. Binilang ko sila sa isip. 8 students dahil nasa boracay pa si Tristan, magiging 9 kapag kasama si Ma’am.
“Nasaan ang isa?”
“Ay!”
Halos atakihin ako sa puso nang makita sa harapan ang isang babae. Napasigaw naman ang iba sa sobrang gulat. Pinagmasdan ko siyang mabuti. Mahaba at straight ang buhok niya. Natatakpan ng bangs ang kanyang mga mata. Medyo payat at maputla ang balat. Sa tingin ko, para siyang real life Sadako.
“Kim Villanueva, and ang special skill ko ay invisibility,” matamlay na pagpapakilala niya.
“Kanina ka pa naka-invisible? Ngayon lang kasi kita napansin,” tanong galing sa babaeng nagpalutang ng mesa. Ano’ng pangalan niya? Leny yata.
“Kahit hindi ko naman ito gamitin, hindi pa rin ako napapansin,” aniya at naglakad na pabalik sa upuan na nasa likuran.
Tahimik lang kaming tumingin hanggang sa makaupo na siya.
“Okay, okay! Si Waiz na! Excited na ako sa ipapakita niya,” pag-agaw ni Win ng atensyon.
Binaling ulit nila ang tingin sa akin. Huminga muna ako ng malalim bago tumayo. Medyo nagpapawis ang kamay ko dahil sa sobrang kaba pero kailangan ko na itong gawin.
Naglakad ako papunta sa harap at hinanda ang kamay para magpakita ng skill, na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung ano.
“Manood kayo.” Itinaas ko ang aking kanang hintuturo at bumuwelo muna bago magpalabas. Hindi naman nila inalis ang atensyon sa akin.
“Nakikita n’yo ‘tong isang daliri na ’to?” Tinakpan ko ‘to gamit ang kaliwang kamay.
“Abrakadabra! Kongkwayla! Chingchong, brabrabra!”
Napakunot sila ng noo habang pinapanood ang aking ritwal na hindi ko maintindihan.
“Isa, dalawa, tatlo… woah la!” Nagulat sila sa ginawa ko at mas lalong itinutok ang kanilang mga tingin.
“Wala na ang daliri ko,” nakangiti kong sabi at ipinakita sa kanila ang sarado kong kamay.
Ang gulat na mga reaksyon nila kanina ay napalitan ng inis.
“Ano ba’ng ginagawa mo, Waiz?” dismayadong tanong ni Win.
“Huh? Magic,” buong kumpiyansang sagot ko at kumorte ng bahaghari sa hangin.
“Catalinuhan, this is an activity. This is not the time for antics, so show your skill,” saad ni Ma’am Pilar na parang hindi na natutuwa.
Paano ako magsho-show ng skill kung hindi ko naman alam kung ano ang ipapakita ko? Baka nga wala talaga ako no’n.
Hindi nila inalis ang tingin sa akin at patuloy na nag-aabang sa ipapakita ko.
Lalo akong na-stress. Paano na ‘to? Ano’ng ipapakita ko? Akala ko, mahihirapan akong makipagsabayan sa kanila dahil matatalino sila. Hindi ko inaasahan na may mga ganito pa pala akong makikita.
“Huwag na tayong magsayang ng oras.” Napalingon ako sa nagsalita.
Si yabang na naman.
“Huwag n’yo nang sayangin ang oras n’yo para panoorin siya… dahil bukod sa mahina ang utak niya, wala talagang special skill, walang kahit na anong espesyal sa kanya.” Natigil ako nang marinig ang sinabi niya.
Tumingin ako sa mga kaklase ko. Gulat ang kanilang mga reaksyon habang nakatingin sa akin.
“That’s impossible, Xyrus. Hindi puwedeng magkamali ang Kaizen Academy sa pagpili ng Elite Students,” pagtutol ni Vanna.
“Sige, huwag muna nating isama ang special skills.” Lumingon si Xyrus sa akin at ngumisi. “Waiz, tell us your achievements,” paghahamon niya.
Achievements.
Ang biggest achievement na nakuha ko ay nakakapasa sa school kahit mabababa ang grades ko. Isang malaking bagay na rin para sa akin ang makakuha ng hindi bababa sa 75.
Hindi ako nakapagsalita at napayuko na lang.
“See? He’s a stupid loser.” Nagpanting ang tainga ko nang marinig ang sinabi niya.
“Ano’ng sabi mo!” Nag-akma akong susugod pero pinigilan ako ni Vanna.
“Sinasabi ko lang kung ano ang nasa isip mo. Ilang beses na kitang sinabihan na hindi rito nababagay ang isang katulad mo kaya—”
“Tumigil ka!” Hindi niya naituloy ang pagsasalita nang tiningnan ko siya ng masama.
Kaya ako nandito sa Kaizen Academy dahil may kakayahan ako na natatangi. ‘Yon ang panghahawakan ko, hindi ang sinasabi niya.
Nagkaroon ng gulat sa kanyang reaksyon nang dahan-dahang tumaas ang kanang kamay niya. Sinusubukan niya itong kontrolin at pigilan gamit ang kaliwa pero hindi niya magawa.
Ano na'ng nangyayari?
“A-ano ang nangyayari? Hindi ko makontrol ang kanang kamay ko!” natataranta niyang sabi.
Patuloy pa rin akong nakatitig sa kanya habang sinusubukan niyang ibaba ang kanang kamay niya.
Ako ba ang may gawa niyan?
“Baka ‘yan ang skill ni Waiz?” namamanghang wika ni King habang pinapanood ito.
Unti-unti nitong tinakpan ang bibig ni Xyrus. Napansin ko ang kanilang gulat na reaksyon nang tumingin sa akin.
“Balewala ang skill namin kung makokontrol mo kami,” gulat na saad ni Win.
Nanlalaking mata akong tumingin kay Xyrus. Hindi ako makapaniwala. Hindi ko alam kung paano ko ‘yon nagawa sa pamamagitan lang ng pagtingin ng masama.
Pero, sandali? Napatingin ako sa isang kamay ko nang tumaas ito. Hindi ko ‘to makontrol, parang may sariling buhay. Marahas nitong tinakpan ang bibig ko.
Ano’ng nangyayari?
Tumingin ako kay Ma’am Pilar. Umiiling siya ngayon habang nakahalukipkip.
“May nag-aaway ba rito?” Napalingon kaming lahat sa labas. Isang babae mukhang nasa 30 to 35 ang edad ang pumasok dito. Medyo may kalakihan ang kanyang katawan.
Gulat akong tumingin sa mga paa ko nang maglakad ito ng kusa papunta kay yabang. Napansin ko na gano’n din siya papunta sa akin.
“Students,” pagtawag ni Ma’am Pilar na ngayon ay katabi na ng babae.
“Meet Ma’am Classica, Class Diamond adviser.” Tumayo ang mga kaklase ko at bumati sa kanya. Samantalang kaming dalawa ni yabang na nakatakip pa rin ang bibig at hindi makagalaw.
Tumingin siya sa direksyon namin at pinagtaasan kami ng kilay. Naglakad na naman ang mga paa namin papunta sa kanya.
Ibig sabihin, siya ang kumokontrol kay Xyrus, hindi ako. Ngayon ay kinokontrol niya na kaming dalawa.
Sinubukan kong magpumiglas pero hindi ko magawa. Sarili kong katawan ito pero hindi ko mapasunod.
“Hindi puwede sa Kaizen ang mga estudyanteng palaaway kaya magbati kayo,” saad ni Ma’am.
Napansin kong kaya ko nang kontrolin kamay ko kaya agad ko ‘tong tinanggal sa pagkakatakip sa ‘king bibig.
Nagbigayan lang kami ni Xyrus ng matalim na tingin.
“Ayaw n’yo ba?” tanong ni Ma’am.
Hindi kami sumagot.
“Kung ayaw n’yong magbati, edi mag-kiss na lang kayo."
Ano!
Nabalot ng hiyawan at kantyawan ang buong room. Nanlaki ang mga mata ko nang kusang maglapit ang mga mukha namin ni Xyrus kasabay ng malakas na tilian ng mga babae.
“Ah!” sigaw naming dalawa at pilit na nagpupumiglas pero balewala lang.
Sobrang lapit na ng mukha namin. Magdidikit na ang aming mga labi.
“Sorry na!” Buong lakas na sigaw naming dalawa. Mabilis kaming lumayo sa isa’t isa nang maramdaman na hindi na ito kontrolado ni Ma’am Classica.
“Mabuti, ‘wag na ulit kayong mag-aaway.”
“Pasensya na, Ma’am. Nakaabala pa kami sa klase mo,” sabi ni Ma’am Pilar.
“Ayos lang, ang mahalaga ay maayos na,” tugon ni Ma’am.
Tumahimik ang buong klase nang makaalis na siya, bumalik naman ako sa upuan ko.
“Back to the topic, ibig sabihin hindi pala ‘yon ang Skill ni Waiz. So, wala talaga siyang Skill tulad ng sabi ni Xyrus?” tanong ni Win na may halong pagtataka.
“Catalinuhan.” Lumingon ako kay Ma’am Pilar.
“Totoo ba ang sinasabi ni Xyrus?” seryosong tanong niya.
Nanatili akong nakatingin sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko pero mukhang tama nga siya.
“O—” Hindi ko naituloy ang sasabihin ko nang may kumatok sa pinto.
“Excuse po kay Ms. Pilar at Waiz Catalinuhan, pinapatawag po kayo ng Admin,” wika ng lalaki.
Tumango si Ma’am. Tumingin siya sa ‘kin at sumenyas. Lumapit na ako sa kanila at sumunod palabas ng room.
Habang naglalakad ay napansin ko na parang may pinag-uusapan sila na kung ano. Lumingon sa akin si Ma’am. Base sa kanyang reaksyon, parang hindi ito maganda.
Ilang minuto lang ay nakarating na kami sa Admin’s Office. Nagpaalam na ang lalaki na umalis kaya kaming dalawa na lang ni Ma’am ang narito. Umupo muna kami ni habang naghihintay.
“Waiz.” Lumingon ako sa kanya.
“May kararating lang na impormasyon mula sa Kaizen. Tungkol ito sa ‘yo…”
Bigla akong kinabahan nang marinig ang sinabi niya.
“I’m sorry pero nagkaroon ng pagkakamali sa result ng test mo, hindi ka kuwalipikado para sa Kaizen Academy.”