Chapter 6
“The floor is yours,” nakangiting wika ni Ma’am Pilar.
Gumilid siya para bigyan talaga kami ng espasyo. Lumingon ako sa mga kaklase ko na bakas ang gulat at walang kaide-ideya sa nangyayari.
Panaginip ba 'to? Kung oo, gusto ko nang gumising.
Pinagmasdan ko ang kanilang mga mukha. Sa una ay nagulat sila pero ngayon ay bumalik na sa normal mga mga reaksyon nila. Mukhang nagpapakiramdaman na sila kung sino ang mauuna.
Nabalot ako ng kaba. Bukod sa naguguluhan ako sa mga nangyayari ay hindi ko alam kung ano ang ipapakita ko.
“Uunahan ko na, tutal ako naman ang nasa harapan,” pagpepresinta ng lalaki na may kulay abong buhok.
Nakangisi siyang pumuwesto sa gitna at nagpa-cute sa mga babae.
“Nagpakilala na ako pero mukhang kailangan kong ulitin. I’m Tristan Aquino but girls, you can call me mine, baby, honey, sweety—”
“Ang dami pang sinasabi, gawin mo na,” reklamo ni yabang.
Tumingin naman si Tristan ng masama rito pero nagpa-cute ulit sa mga babae.
“Okay, sige. Kaya kong mag-teleport sa kahit saang lugar na iisipin ko,” mayabang na sabi niya.
Napakunot-noo ako habang tinitingnan siya. Kalokohan. Kahit sabihing matalino siya, imposible ang sinasabi niya. Tumingin ako sa mga kaklase ko. Bakas din sa kanilang mukha na hindi sila naniniwala.
“Show it, Tris,” signal ni Ma’am.
“Okay.” Huminga siya ng malalim at nagbuga ng hangin. “Mag-suggest kayo ng lugar, huwag lang sa puso n’yo dahil baka hindi ako magkasya,” aniya.
“Hell,” walang emosyong suhestiyon ng babaeng katapat ko ng upuan.
Nagpigil ako ng tawa at ibinalik ang tingin sa harapan.
“Huwag naman ‘yon,” nakasimangot na saad ni Tristan.
“Ahm, sa AREA 51! Tapos mag-uwi ka ng alien,” suhestiyon naman ng payat na lalaking nakasalamin.
Bahagya akong natawa nang mapakamot na lang ng ulo si Tristan habang pinakikinggan ang mga lugar na binabanggit nila.
“Ayusin n’yo naman. ‘Yung malapit sana,” saad niya na may halong pagkadismaya.
“Kung magpapakita ka ng skill mo, dapat galingan mo na,” paghamon sa kanya ni Win.
Tumingin siya kay Win. Dahan-dahan siyang napangisi at tumango na tila tinatanggap ang hamon.
“Sure. Pagkabilang ko ng tatlo, nasa Boracay na ako.”
Itinuon naming lahat ang atensyon sa kanya. Hindi rin ako kumukurap para masaksihan kung gagawa ba siya ng pandaraya o lolokohin lang kami.
“Isa… dalawa… tat—” Bigla na lang siyang nawala na parang bula.
Bakas sa mga mukha namin ang pagkamangha at hindi na naiwasang pumalakpak.
“Location check.” Napalingon ako kay Ma’am. Ngayon ay nakatingin na siya phone niya.
“Nasa boracay na siya,” saad niya nang hindi inaalis ang tingin sa screen.
“Wow!”
“Ang lupet no’n!” sari-saring kumento ng mga kaklase ko.
“Kailangan niya nang bumalik bago pa siya makita,” saad ni Ma’am.
Napatingin kami sa white board na naging screen nang lumabas ang mukha ni Tris. Mukhang nasa loob siya ng CR dahil sa background nito. Nakatakip ang kamay niya sa kanyang ilong at mukhang namumutla siya.
“Kaya n’yo ‘yon?” mayabang niyang tanong.
Nakuha pang magyabang ni gago kahit mukhang hihimatayin na siya. Napansin ko na parang pagewang-gewang na siya.
“M-ma’am, t-tulong.” Nagulat kaming lahat nang mawalan siya ng malay at bumagsak sa sahig.
“Hala!”
Agad akong tumingin kay Ma’am Pilar. Ngayon ay umiiling na siya.
“Masyado niyang puwinersa,” dismayadong wika niya.
Itinapat niya ang phone sa kanyang tainga at mukhang may tinawagan. Lumabas muna siya sa room. Naiwan naman kami na puno ng tanong at pagkabahala. Ilang saglit lang ay bumalik na siya rito.
“Maayos na ang lahat, puwede na tayong magpatuloy,” saad ni Ma’am.
“Kumusta po si Tris?” Lumingon ako sa nagtanong. Isang babaeng may buhok na hanggang balikat ang haba na nasa harapan.
“Pinuntahan na siya roon ng Kaizen guards kaya ‘wag na kayong mag-alala,” nakangiting sagot ni Ma’am.
“Sige, ako naman ang magpapakita.” Nabaling ang atensyon namin kay Win. Pumunta siya sa harap at buong kumpiyansang ngumiti na parang may ipapakitang kahanga-hanga.
“Alam n’yo ba ang susi para manalo? Dapat, mabilis ka.”
Parang humangin lang ng malakas at pagkatapos ay nawala na siya sa harapan. Sa isang iglap ay naroon ulit siya pero may hawak na siyang chocolate bar.
“Galing siya sa cafeteria,” sabi ni Vanna.
“P-paano nangyari ‘yon?” mahinang tanong ko sa sarili.
Nakangisi niyang binuksan ang chocolate bar. Kakagat na sana siya pero may tumulong dugo mula sa kanyang ilong. Mabilis siyang bumalik sa kanyang upuan at tinakpan ang ilong ng tissue.
“Ms. Hina?” Tumingin ako sa babaeng na nasa katapat ko ng upuan. Walang emosyon siyang tumayo at naglakad papunta sa table ni Ma'am. Nanlaki ang mga mata ko nang itinaas niya ito gamit ang isang daliri.
Hina ang pangalan niya pero—
“A-ang lakas niya,” nauutal na saad ko.
Ibinaba niya na ito at bumalik na sa kanyang upuan. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makaupo na siya.
“Basic.” Napalingon ako sa likuran nang marinig ang nagsalita.
“‘Yan lang ba ang kaya mo?” nakataas-kilay na tanong ng babaeng nakaipit ang buhok. Higit na nangingibabaw sa kanya ang namumula niyang labi.
“Watch this.” Tumingin siya sa table ni Ma’am na nasa harapan.
Napanganga ako nang bigla itong lumutang.
“A-ang galing!”
Pagkatapos ay bumaba na ito. Binalik ko ang tingin sa kanya. Tatakpan niya sana ang kanyang ilong nang mabilis na nakapunta si Win sa puwesto niya at nilahad ang tissue.
“You’re welcome,” nakangiting sabi ni Win.
“No thanks,” aniya at pinakita ang tissue na kinuha sa loob ng bag niya.
“Leny Vicente,” rinig kong wika ni Vanna habang nakatitig sa kanya.
“Ang saya nito! Ako naman.” Pag-agaw ng atensyon ng lalaking nakasalamin. Pumunta siya sa harapan at lumapit sa babaeng maikli ang buhok.
“Si King,” saad ni Vanna.
Ang bilis ng memory niya pagdating sa mga pangalan. Samantalang ako, pahirapan pa sa pag-alala. Ganyan siguro kapag matalino.
“Tanggalin mo ang gloves mo tapos hawakan mo ang kamay ko,” aniya.
Pinanood lang namin sila at hinintay ang susunod na mangyayari.
“Sigurado ka?” tanong ng babae.
Mabilis na tumango si King. Tinanggal ng babae ang kanyang itim na gloves at hinawakan ang palad nito.
“F-f*ck!” daing ni King at mabilis na bumitaw. “May kuriyente ang kamay mo,” dagdag niya.
Tumango ang babae at sinuot ulit ang kanyang gloves.
“Electricity. So interesting, Carol,” wika ni Ma’am habang nakatingin sa kanya.
“‘Di bale, ang kakayahan ko ay magpakita sa inyo ng ilusyon sa pamamagitan ng paghawak sa kamay ko,” saad ni King.
“Try?” tanong ni Vanna. Mukhang interesado siya sa kakayahan nito.
Tumango si King at lumapit sa amin. Hinawakan niya ang kamay nito nang mahigpit.
“Ang galing!” natutuwang wika ni Vanna habang tumingin-tingin sa paligid.
Humawak din ako sa kamay ni King.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita na nakalutang ako sa kalawakan. Ang lupet! Parang bigla akong napunta sa ibang dimensyon.
“Kaya ko ring gawing makatotoohanan ang nararamdaman sa ilusyon.” Napahawak ako sa leeg ko dahil hindi ako makahinga. Para akong nalulunod at hindi makaahon sa malalim na parte ng karagatan. Hindi ko na kaya, pakiramdam ko kakapusin na ako anumang oras.
“Mawawala lang kayo sa ilusyon kapag bumitaw ako.”
Napahinga ako ng malalim nang bumitaw siya. Napahawak ako sa ‘king leeg. Inilibot ko ang tingin sa paligid. Nakikita ko na ulit ang room. Agad akong tumingin kay Vanna.
“Papatayin mo ba kami!” sigaw niya habang nakahawak sa leeg.
“Sorry na, medyo nadala lang,” saad ni King.
Kumuha siya ng kapirasong tissue sa desk ni Win at tinakip sa ilong niya. Bumalik siya sa kanyang desk at umupo.
“Sino pa ang hindi nakakapag-present?” tanong ni Ma’am na umagaw ng atensyon namin.
Mukhang si Vanna at ako na lang ang hindi pa nagpapakita ng kakayahan. Teka? Tumingin ako sa direksyon ni yabang. Hindi niya pa napapakita ang kanyang skill.
Oo nga pala, sa sobrang mangha ko sa mga pinapakita nila. Hindi ko iniintindi ang skill na ipapakita ko.
Pero, paano ‘to? Lahat sila ay alam na may gano’ng kakayahan, pero ako? Ano’ng alam ko? Ngayon ko pa nga lang nalaman na may ganitong nangyayari pala sa mundo.
“Ako po.” Nabalik ako sa reyalidad at napunta ang atensyon kay Vanna.
Tumayo na siya sa harapan. Ngumiti siya at huminga ng malalim.
“Higit na mas malinaw ang mga mata ko kaysa sa pangkaraniwang tao,” wika niya.
Kunot-noo ko siyang tiningnan. Pinagmasdan ko rin ang makapal niyang salamin sa mata.
“Kalokohan! Kung malinaw ang mata mo, bakit ka nakasalamin?” inis na tanong sa kanya ni yabang.
Nginitian lang siya ni Vanna at nagtanggal ng salamin. Tumawa siya ng mahina habang nakatitig dito.
“Saka mo na lang ako yabangan kapag hindi na hello kitty ang underwear mo.”
Napatingin kaming lahat kay yabang. Bakas sa mukha niya ang gulat nang marinig ang sinabi nito.
“P-paano?” Nabalot kami ng tawanan habang pinapanood ang naging reaksyon niya. Nakangiti namang nagkibit-balikat si Vanna at bumalik sa upuan.
“Babaeng manyak,” inis na saad nito sa kanya.
“Sino pa?” tanong ni Ma’am.
Pinagkaisahang tingnan si yabang kaya wala na itong nagawa kundi pumunta sa harapan. Bumuntong-hininga siya at tumingin sa aming lahat.
“Naririnig ko ang mga iniisip ninyo,” saad niya.
Imbis na matakot ay napangisi ako habang nakatingin sa kanya.
“Naririnig pala, ah,” mahina kong sabi.
Tumingin ako sa mga kaklase ko. Nakangisi rin silang lahat habang nakatingin sa kanya.
Si Xyrus ay magandang halimbawa ng monkey evolution. Nakatira siya sa planet of the apes.
Paulit-ulit ko ‘tong iniisip para inisin siya.
Napansin ko ang naiirita niyang reaksyon habang nakatingin sa amin.
Si Xyrus ay magandang halimbawa ng monkey evolution. Nakatira siya sa planet of the apes.
Napatakip siya ng dalawang tainga at inis na pumikit.
“Tumigil na kayo!” sigaw niya.
Agad akong napahinto. Napansin kong mukhang tumigil na rin ang lahat. Napangisi ang ilan at ang iba naman ay natatawa. Inis siyang bumalik sa kanyang upuan at yumuko.
“Mukhang naririnig niya nga ang iniisip natin,” natatawang wika ni Win.
Pang-aasar din siguro sa kanya ang mga inisip nila kaya gano’n na lang ang inasal ni yabang.
“And again, last but not the least,” saad ni Ma’am na umagaw ng atensyon.
Napalunok ako ng laway nang mapunta na ang tingin nilang lahat sa akin.
“Waiz Catalinuhan.” Nanlalaking mata akong tumingin kay Ma’am.
Ano’ng ipapakita ko?
Hindi ko alam kung ano ang puwede kong ipakita. Mali pala, wala akong maipapakita.
Tiningnan ko ang mga kamay ko. Napangiti ako nang makaisip ng gagawin.
Alam ko na.