Chapter 6: Megan

2082 Words
"Ma'am," mahinang pagtapik sa aking pisngi ang pumukaw sa akin mula sa aking masarap na pagtulog. "Ma'am." "Hmmm?" mahinang tugon ko sa gumigising sa akin na hindi nagmumulat ng aking mga mata. Antok na antok pa ako at gusto ko pang matulog. "Tanghali na po kasi," sagot niya sa akin, "May meeting pa po kayo mamayang ten thirty ng umaga kina Mr. Oh." "Ten thirty pa naman pala. Mamaya mo na lang ako gisingin kapag nine na ng umaga," inaantok na sagot ko habang ang diwa ay malapit na ulit makatulog. "Ma'am, nine thirty na po ng umaga," sagot niya kaya bigla akong napamulagat. Parang biglang nawala ang antok ko nang madinig ang oras. "What? Binibiro mo ba ako?" Umiling siya at dinampot ang digital clock na nasa ibabaw ng bedside table ko at ipinakita sa akin. Bigla akong bumalikwas ng bangon nang makita kong totoo ang sinasabi niya. Shit na malagkit! Male-late ako nito! Mabilis akong nagpunta ng banyo para maligo. Muntik pa nga akong masubsob sa sahig dahil napatid ako sa basahan na nasa bungad ng pinto. "Ang lamig!" sigaw ko pagtapat ko sa shower. Sa pagmamadali ko ay hindi ko na na-set ang temperature ng tubig sa shower. "Ma'am Megan, ayos lang po ba kayo?" tanong ni Jessica, sa labas ng pintuan ng banyo pagkatapos n'yang kumatok. "Oo. Ayos lang ako. Mag-ready ka na din at late na tayo!" sigaw ko dahil baka hindi n'ya marinig ng maayos. "Sige po," sagot niya. Dinig ko ang mga yabag niya paalis at ang pagsara ng pintuan nang lumabas siya ng k'warto ko. Nagbanlaw ako ng aking buhok at katawan ng mabilis. Tinuyo ko ang sarili ko gamit ang towel na nakasabit sa likod ng pintuan ng banyo. Lumabas ako ng banyo at kumuha ng mga damit sa cabinet at nagsimulang magbihis nang bigla akong mapatigil dahil naalala ko ang nangyari kagabi, ang aksidente na pagkakita ko sa PA ko na naka-panty at bra pa lang at babago palang na magbibihis. Ipinilig ko ang ulo ko dahil ramdam ko na naman ang pag-iinit ng pisngi ko sa alaala na iyon tulad ng naramdaman ko kagabi nang makita ko s'ya sa ganung ayos. Hindi ko alam pero, I find her hot that time. May kung ano sa aking pakiramdam na hindi ko maipaliwanag dahil sa nakita ko. Pagkatapos kong magbihis at maglagay ng konting make up sa mukha ay lumabas na ako ng aking k'warto dala ang bag at iba pang gamit ko. "Tara na," sabi ko sa PA ko na prenteng nakaupo sa sofa habang hinihintay ako. Nasa tabi niya ang dalawang bag. Gusto ko sana s'yang tanungin kung bakit ang dami ng bag na dala niya pero tanghali na at baka lalo lang akong ma-late. Kung bakit naman kasi hindi n'ya ako agad ginising. Nagkukumahog tuloy ako ngayon. Tahimik kaming dalawa na sumakay ng elevator. Walang kahit anong salita na namutawi sa aming mga bibig na parang hindi magkakilala. Pagdating sa parking lot sa tapat ng aking kotse ay halos sabay din kaming sumakay sa loob. Mabilis kong pinasibad ang kotse ko paalis. Sobrang late na talaga. Sana lang mauna pa rin akong dumating kina Mr. Oh. Napahampas ako ng ilang ulit sa manobela sa sobrang inis dahil traffic pa. Kapag minamalas ka nga naman! "Ma'am," mahinang tawag ng katabi ko sa akin. Lumingon ako sa kan'ya at kita ko ang pag-aalala sa mukha niya. Hindi ko nga lang alam kung para kanino ang pag-aalala n'yang iyon kung para sa akin o para sa kan'ya dahil alam n'ya na galit na naman ako. "What?" inis na sagot ko. "Namumula na po ang kamay n'yo," sagot niya. Napapitlag pa ako ng bahagya nang hawakan niya ang isang kamay ko. "Makakarating din po tayo." Sandali akong napatitig sa kamay niya na nakahawak sa kamay ko at humahaplos doon bago ako natauhan at agad binawi ang kamay ko sa kan'ya. "Late na tayo ng sobra! Bakit kasi hindi mo ako ginising ng mas maaga?" inis na sabi ko pero sa kalsada nakatingin. Ayokong tumingin sa kan'ya dahil naiilang ako sa titig niya sa akin. "Eh Ma'am, ginising ko po kayo kaninang alas otso pero sabi n'yo maaga pa at gusto n'yo pang matulog kaya hinayaan ko muna kayo dahil alam ko pong puyat kayo dahil sa nangyari kagabi," mahabang sagot niya, "Pasensya na po kayo." Lumingon ako sa kan'ya para tingnan siya pero wrong move dahil nakatingin din pala s'ya sa akin. Ang ending tuloy nagkatitigan kaming dalawa. Habang magkatitigan kami, bumalik sa isipan ko ang nangyari kagabi. Ang panaginip ko na parang totoo. Panaginip na parang inuulit ang nakaraan na pilit kong ibinabaon sa limot pero palagi pa rin akong binabagabag. Ilang taon na ang lumipas pero parang kahapon pa rin lang nangyari sa sobrang linaw niyon sa panaginip ko. Mukhang hindi na yata talaga ako matatahimik dahil sa nakaraan na iyon. Tumighim ako bago nag-iwas ng tingin. Pakiramdam ko nanuyo ang lalamunan ko bigla, idagdag pang ang bilis ng t***k ng puso ko na sobra kong ipinagtataka. Daig ko pa ang sumali sa marathon dahil sa bilis ng pintig niyon. "Salamat pala sa pagsama sa akin kagabi hanggang sa makatulog ako," sabi ko na hindi na lumingon sa kan'ya. Bukod kasi sa talagang naiilang ako ay nagsimula na ring gumalaw ang mga sasakyan. Kagabi lang yata ako nakatulog ng mabilis ulit pagkatapos kong bangungutin. Nang mahiga ako ulit kagabi pagkatapos ng masamang panaginip na iyon, alam ko na hindi agad ako makakatulog o worst ay hindi na ako makatulog hanggang umaga pero nang haplusin niya ang buhok ko kasabay ng munting paghimig niya ay daig ko pa ang idinuduyang bata na agad nakaramdam ng antok. Sobrang payapa ng pakiramdam ko ng gabi na iyon, kaya siguro sobrang napahimbing ang tulog ko at tinanghali ako ng gising ngayon. "Wala po iyon, Ma'am." masiglang sabi niya. Base sa tono ng boses n'ya mukhang nakangiti s'ya. Hindi na ako nagsalita pa pagkatapos niyon. Malapit na rin naman kami sa kompanya. Agad kaming bumaba nang sabay ng kotse at nagmamadaling pumasok sa loob ng building at sumakay ng elevator. Sa meeting room agad kami dumeretsong dalawa. Pagdating doon ay wala pa sina Mr. Oh, kaya nakahinga ako ng maluwag. Hinihingal na naupo ako sa upuan ko. Samantalang naupo naman s'ya sa silyang katabi ng upuan ko. Binuksan niya ang bag na bitbit niya kanina pa bukod sa backpack na nasa balikat niya na kanyang inilapag sa silyang nasa gilid niya. "Ma'am, kape po," sabi niya. Inabot niya sa akin ang isang maliit na parang thermos. Binuksan ko iyon at nagsalin sa takip na p'wedeng gawing tasa. Nakaramdam ako agad ng gutom pagkaamoy sa kape. Humigop ako ng kape at hindi ko maiwasan na mapapikit. Heaven! "Kain na po kayo Ma'am," aniya sa akin nang mapatitig ako sa nakahain sa harapan ko nang magmulat ako ng aking mata. Nagtataka na tumingin ako sa kan'ya para itanong kung bakit may ganito s'ya. "Ipinagbalot ko po kayo noong naliligo kayo kasi alam ko na hindi kayo makakain dahil magmamadali kayo," sabi niya hindi pa man ako nakakapagtanong. Para bang sa tingin ko pa lang ay alam n'ya na ang nais kong sabihin. Sumubo ako ng pagkain habang pilit sinusupil ang ngiti na gustong sumilay sa aking labi. Ewan ko ba pero pakiramdam ko ang sweet ng ginawa n'ya ngayon. Sunod-sunod ang naging pagsubo ko. Parang biglang nawala ang poise na lagi kong dala-dala. Hindi naman ako masyadong gutom at simple lang din kung tutuusin ang mga inihanda n'ya para sa akin pero 'yung lasa ko sa pagkain daig pa ang kumakain ako sa isang five star na restaurant. Inabutan niya ako ng tubig nang nakangiti pagkatapos kong maubos lahat ng laman ng lunch box na dala niya. Kinuha ko iyon at ininom. Sobrang busog ko, parang ang bigat tuloy ng t'yan ko. Saktong tapos niyang ligpitin ang pinagkainan ko ay dumating sina Mr. Oh. Agad akong tumayo para salubungin sila at kamayan habang siya ay tumayo at kinuha ang mga gamit at inilagay sa isang tabi. Nagsimula ang meeting namin. Ipinaliwanag ko sa kanila ang mga bagong produkto na gusto kong ilabas. Mga bagong kasangkapan na magpapadali sa trabaho ng bawat tao sa kanilang bahay. Naghihikayat kasi ako ng mga negosyante na kagaya nila na mag-invest sa bagong produkto ko. "I like your idea, Ms. Heard, that's why I'm going to invest a big amount for this product of yours," sabi ni Mr. Oh, pagkatapos kong ipakita sa kanila at ipaliwanag ang mga balak kong ilabas na produkto. "Thank you Mr. Oh," sabi ko at inabot ang aking kamay para makipag-shake hands sa kan'ya na agad naman niyang tinanggap. "I promise that you will never regret doing business with me." Tumango s'ya sa akin nang nakangiti. Lumapit si Jessica sa amin at inabot ang kontrata na pipirmahan ko at ni Mr. Oh, kasama ng mga kasosyo niya sa kan'yang kompanya. Pagkatapos ng pirmahan namin ay muli kaming nagkamay ni Mr. Oh, at ng mga kasama niya bago sila umalis. Napatingin ako sa aking relo, two thirty na pala ng hapon. Ang tagal din ng inabot ng meeting ko. Mabuti na lang talaga at may pack na pagkain kanina sa akin ang PA ko. Pagkaalala ko sa pagkain ay napatingin ako kay Jessica. Lampas na ng lunch time at kung tutuusin ay merienda time na pero hindi pa pala s'ya nagla-lunch. Hindi ko rin s'ya natanong kung kumain ba s'ya ng almusal kanina noong kumakain ako. "Tara na po, Ma'am," parang nanlalambot na sabi niya pero nakangiti naman na nakatingin sa akin. Med'yo maputla na rin ang balat niya pati ang labi, marahil dahil sa gutom. Nakaramdam ako ng awa para sa kan'ya at pagkakonsensya. Tumango ako sa kan'ya. Nauna na s'yang naglakad habang nakasunod ako. Pagpasok sa loob ng ipisina ko ay agad akong tumawag ng food delivery at nagpadeliver ng pagkain. Sa restaurant na kinainan namin kahapon ako nag-order, sinabi ko na pakibilisan at magdadagdag na lang ako ng bayad kapag nadala nila ang pagkain with in twenty to thirty minutes. Sinabi ko rin na kay Jessica iyon agad ibigay pagdating dito sa kompanya. Panay ang tingin ko sa relo sa kamay ko. Hindi pa ako nagugutom pero ako ang naiinip sa pagkain na in-order ko para sa PA ko. Twenty five minutes na kasi ay wala pa ang delivery. Agad aking napalingon sa pintuan ng opisina ko nang bumukas iyon. Natuwa ako dahil akala ko ay delivery na pero hindi pala, si Mia lang pala ang dumating. Napataas ang isa niyang kilay na nakatingin sa akin. "May hinihintay ka kaya disappointed ka na ako ang makitang pumasok dito sa ipisina mo?" "Wala. Hinihintay ko lang iyong pagkain na ipina-deliver ko," sagot ko at muling ibinalik ang pansin sa computer kahit wala naman talaga akong ginagawa roon. "Nandoon na. Ibinigay na ng delivery ang pagkain kay Jessica," sabi ni Mia, kaya agad akong napatingin sa kan'ya. "Huwag mo akong lokohin, kung nand'yan na bakit walang kumukuha ng bayad sa akin para sa pagkain. "Kasi binayaran ko na," sagot niya na pinaikutan pa ako ng mga mata bago naupo sa harapan ng upuan ko. "At saka hindi mo ba nakikita ang kanina ko pa hawak?" Napatingin ako sa kamay niya na bahagya niyang itinaas para ipakita sa akin. Hawak niya ang dalawang box ng pagkain na ang logo ay ang Korean restaurant na pinag-orderan ko. Kukunin ko na sana iyon sa kan'ya ng iiwas niya ang kamay niya sa akin kaya napataas ang kilay ko. "Kelan ka pa nag-order ng pagkain para sa isang empleyado?" tanong niya habang titig na titig sa akin. "Ngayon lang. Nakita mo naman 'di ba?" balewalang sagot ko pero pati ako ay napatanong sa sarili ko bigla, kung bakit nga ba? Dati naman kasi wala talaga akong pakialam sa iba dahil ayokong ma-a-touch na naman sa isang tao. Ayokong may isang tao na naman na sumira ng tiwala ko at durugin ako. Tama na iyong isang beses na nangyari iyon sa akin at hinding-hindi ko na hahayaan pang maulit iyon sa akin. "So, bakit nga?" tanong niya, "It's not unusual sa'yo ang ganito." Nagkibit ako ng balikat. "I'm just returning the favor." Hindi na s'ya nagkomento pa sa sinagot ko pero iba ang tingin na ibinibigay niya sa akin. Kinuha ko ang pagkain sa kan'ya at nagsimulang kumain kahit na parang bigla akong nawalan ng gana. Binabagabag din kasi ako ng naging tanong niya. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko sa totoo lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD