Nilagyan ko ng juice ang baso ni Ma'am Megan, pagkaupong-pagkaupo niya sa harap ng hapag-kainan.
Dinner na n'ya ngayon at gaya noong mga nakaraang araw hindi n'ya ulit ako kasabay kumain, 'di tulad kaninang lunch noong may meeting s'ya kasama ang mga Koreano.
Kung ako ang tatanungin, mas gusto ko rin pala na ako lang mag-isa ang kumain. Sobrang conscious kasi ng pakiramdam ko kaninang tanghali habang kasabay s'yang kumain kaya naman bigla tuloy akong naging dalagang pilipina bigla. Tinalo ko pa nga yata ang kilos ng isang Maria Clara sa sobrang pino ng kilos ko habang kumakain.
Mabuti na nga lang at nagbanyo s'ya kanina kung hindi baka konti lang ang nakain ko. Sayang iyon kung nagkataon dahil sobrang sarap pa naman ng mga pagkain nakahain kanina.
Napasulyap ako sa boss ko habang nakatayo ako sa gilid malapit sa p'westo niya. Dito talaga ako pumupwesto para incase may kailangan pa s'ya bigla ay mabilis akong makakalapit sa kan'ya.
Mahirap na kasi at baka bigla na naman s'yang maghurumentado kagaya kaninang umaga noong sigawan niya ako at batuhin ng mga papel dahil lang kulang iyon ng tig dalawang kopya.
Nagpigil lang talaga ako kanina dahil kung hindi baka may nasabi o may nagawa akong hindi maganda.
Sa unang pagkakataon kasi naramdaman ko na parang ang baba ko para tratuhin niya ako ng ganun.
Kaya pagkatapos ng insidente na iyon desidido na talaga akong mag-resign kanina. Balak ko lang sanang tapusin ang maghapon trabaho ko bago magpaalam pero nagbago ang isip ko nang dahil lang sa maliit na ngiti na sumilay sa labi niya kanina noong tumunog ang tiyan ko dahil sa gutom.
Sobrang liit lamang ng ngiti na iyon dahil halatang pinipigilan niya pero kahit ganun nakita ko iyon ng malinaw na malinaw and that's the reason why I'm still here.
Na-curious ako bigla sa pagkatao niya. Gusto ko s'yang kilalanin ng mabuti dahil gusto kong malaman kung bakit siya nagtatago sa malamig niyang expression na akala mo ay may mabigat palaging dinadala.
Isa pa, gusto kong makita ng buong-buo ang ngiti niya. Meron sa akin na hindi ko maintindihan na gusto ko s'yang makita na masaya.
"Don't you know that staring is rude?" tanong niya.
Nakatingin s'ya sa akin ng walang kahit anong emosyon sa mukha pero dahil magkatitigan kami may nababasa akong iba sa mga mata niya.
"Sorry po, may iniisip lang ako," sagot ko dahilan ng pagtaas ng isa niyang kilay.
Ngumiti lang ako sa kan'ya bago tumalikod na. Wala naman na akong narinig na ano pa mang sinabi niya at mukhang ipinagpatuloy na ang pagkain dahil naririnig ko ng konti ang ingay ng pagtama ng kutsara sa kan'yang plato.
"Tapos na ako," sabi niya na pumukaw sa akin mula sa ginagawang pagtitig sa kawalan.
Humarap ako sa gawi niya at tumango. Tumayo na s'ya at walang imik na lumabas ng dining area.
Niligpit ko ang plato niya at dinala sa lababo bago ako kumuha ng plato para sa akin pati mga kurbyertos.
Nagsimula akong kumain na wala sa pagkain ang isip ko kung hindi na sa amo ko.
Iniisip ko kung paano ba ako makakapasok sa mundo niya o paano ko ba s'ya ilalabas sa mundo niyang parang punong-puno ng kalungkutan.
Ipinilig ko ang ulo ko dahil ramdam ko ang pagpintig ng sintido ko dahil sa ginagawang pag-iisip.
Pagkatapos kumain, niligpit ko na ang mga plato ko at dinala sa lababo bago itinabi ang mga tirang pagkain sa fridge.
Pagkatapos kong gawin lahat ng dapat gawin sa kusina ay pumunta na ako sa k'warto ko.
Maganda ang k'warto ko rito sa condo ni Ma'am Megan. Para s'yang guest room sa laki at lawak. Tapos kompleto rin ito sa lahat ng mga gamit at may sarili rin banyo sa loob. Magkatabi lang ang k'warto naming dalawa kaya naman iniiwasan kong gumawa ng kahit anong ingay na p'wede niyang ikabulabog sa kabilang k'warto.
Kinuha ko ang towel na nakasabit sa likod ng pintuan ng k'warto ko at nagpunta ng banyo. Magha-half bath ako bago matulog para mas presko sa pakiramdam kahit pa nga aircon naman. Iba pa rin kasi ang ginhawa kapag naligo ka kesa hindi bago matulog.
Pagkatapos maligo ay nagsepilyo naman ako ng ngipin habang nakaharap sa salamin. Kaya napasulyap ako sa aking t'yan na nakalantad sa harap ng salamin.
Bra at panty lang kasi ang suot ko dahil iyon lang naman ang dala ko nang pumunta ako ng banyo. Kapag kasi nagbihis ako agad hindi maiiwasan na mabasa pa ang damit na isusuot ko at ayoko ng pakiramdam na ganun. Ayoko rin naman ng palit nang palit ng damit dahil dadami lang ang labahin ko.
Hinaplos ko ang tiyan ko. Med'yo lumiliit na ang abs ko dahil hindi na ako nakakapag-excersice. Nakuha ko kasi ang abs ko na 'to noong nagte-training ako sa pagiging pulis noon nag-aaral pa ako. Halos araw-araw ang training namin noon at talaga naman nakakapagod.
Binuksan ko ang pintuan ng banyo para lumabas habang nagtutuyo ng buhok gamit ang tuwalya.
Lumapit ako sa cabinet at kumuha muna ng short. Isusuot ko na sana iyon ng mapatigil ako dahil sa biglang pagbukas ng pintuan ng k'warto ko kasabay ng pagpasok nang walang ka-emo-emosyong mukha ng amo ko na napatitig pa sa katawan ko bago namumula ang mukha na biglang tumalikod.
"Sorry!" aniya bago nagmamadaling lumabas ng aking k'warto.
Napakibit na lang ako ng balikat dahil nagtataka ako sa naging reaksyon niya.
"Weird n'ya," mahinang bulong ko.
Daig pa niya ang ngayon lang nakakita ng babae na naka-bra at panty lang na magsusuot ng salawal.
Pagkatapos magbihis ay naglagay ako ng lotion sa aking hita hanggang paa at sa aking braso.
Ganito talaga ako mag-lotion, inuuna ko talaga ang pagbibihis. Hindi naman kasi ako sanay maglagay ng lotion sa katawan. Nakakapaglagay lang ako dati kapag taglamig o kaya kapag tag hangin dahil sobrang nakakatuyo ng balat ang ganung klima.
Dito naman sa condo ni Ma'am Megan, may pa lotion pa at iba pang anik-anik na panlagay sa mukha at katawan. So kahit hindi ako sanay gumamit ng mga ganito, ginagamit ko na dahil sayang. Minsan lang maging maarte ang mukha at katawan ko, dahil may palibreng ganito ang amo ko.
Lumabas ako ng k'warto pagkatapos ng mga seremontas ko sa katawan.
Kumatok ako sa k'warto ni Ma'am. Itatanong ko kasi kung ano ang kailangan niya kanina at nagpunta s'ya sa k'warto ko.
"Bakit?" seryosong tanong niya nang buksan ang pinto.
Ngumiti ako sa kan'ya. "Itatanong ko lang po sana kung anong kailangan n'yo kanina?"
Kita ko ang agad pagbabago ng kulay ng mukha niya. "Wala. Nakalimutan ko na."
Napasimangot ako nang bigla na lang n'ya akong pagsarhan ng pinto. Mabuti na lang at hindi iyon malakas dahil kung hindi baka umiging ang tenga ko sa impact.
"Ang gulo talaga ng mga babae," bulong ko habang naglalakad pabalik sa k'warto ko.
Kinuha ko ang remote ng TV at binuhay iyon bago ako nahiga ng pasandal sa kama.
Hindi pa ako inaantok kaya manunuod muna ako ng konti para antukin.
Sa isang application ako ng mga movie pumunta. Nandoon na lahat ng mga bago at lumang pelikula.
Sosyal kasi ang TV dito sa k'warto ko, android iyon kaya p'wede kong gawin ang kahit ano na para iyon isang cellphone.
Napili kong panuodin ang isang korean na palabas pinagbibidahan ng isang lalaki at babae na sundalo. Hindi iyon isang pelikula, mas tamang sabihin na telenovela dahil meron iyon labing anim na episodes na tumatagal ng mahigit isang oras bawat episodes.
Maganda at thrilling ang palabas na napili ko. Sobrang na ho-hook ako dahil sa husay ng babaeng bida sa martial arts kaya naman kahit nakakaramdam na ako ng antok ay ipinagpatuloy ko ang panunuod.
Napabalikwas ako ng bangon dahil sa isang malakas na sigaw na nasundan pa nang nasundan. Nakatulog na pala ako ng hindi ko na mamalayan.
Dali-dali akong bumaba sa kama kahit antok na antok. Muntik pa nga akong masubsob sa sahig dahil nasabit ang paa ko sa kumot sa pagmamadali.
Kumatok ako sa k'warto ni Ma'am Megan, kung saan nagmumula ang sunod-sunod na pagsigaw na nadidinig ko.
Walang sumasagot sa pagkatok ko kaya binuksan ko na ang pinto ng k'warto niya. Mabuti na lang at hindi iyon naka-lock.
Nakita ko syang nakahiga sa kama at tila nagwawala kasabay pa rin ng pagsigaw niya.
Agad akong lumapit sa kan'ya at ginising siya sa pamamagitan ng pag-uga sa kan'yang balikat pero mukhang wala iyong silbi dahil patuloy pa rin siya sa pagwawala.
Bum'welo ako ng p'westo bago ko s'ya sinampal ng ubod ng langas na pati kamay ko ay ramdam ko ang pamamanhid dahil sa lahat ng impact ng ginawa ko.
"Ayos lang po ba kayo?" tanong ko nang magmulat siya ng mata.
Sapo-sapo ang mukha na tumango s'ya sa akin. "Anong nangyari? Bakit pakiramdam ko may sumapak sa akin. Ang sakit ng pisngi ko."
Kung nasa ibang sitwasyon lang kami ay baka humagalpak ako sa pagtawa.
"Binabangungot po kasi kayo kanina, Ma'am. Inuga ko balikat n'yo pero hindi kayo magising kaya wala na akong naisip na gawin kung hindi ang sampalin kayo," paliwanag ko.
Mahirap na at baka pagbintangan niya ako na sinadya ko s'yang saktan.
Tumango lang siya sa akin at walang sinabing iba pa bago sumaldal sa headboard ng kama.
Sumulyap ako sa kan'ya bago lumabas ng k'warto niya. Iniisip ko kung ano ba ang palagi n'yang napapanaginipan at ganun na lang ang sigaw niya. Noong unang araw ko kasi dito sa condo niya ay nagising din ako dahil sa sigaw pero saglit lang iyon hindi kagaya kanina na sobrang tagal at sobrang lalim ng pagkakatulog niya.
Sa kusina ako nagpunta pagkagaling sa k'warto niya. Nagtimpla ako ng gatas sa isang baso. Inilagay ko iyon sa maliit na tray kasama ng isang baso ng malamig na tubig.
Pagdating sa tapat ng k'warto niya ay muli akong kumatok bago pumasok. Kung paano ko s'ya iniwan kanina ay ganun pa rin ang p'westo niya ngayon.
Nakasandal sa kama at nakatingin sa kawalan na parang ang lalim ng iniisip.
"Ma'am," untag ko sa kan'yang pansin pero mukhang hindi n'ya ako naririnig, parang ang layo na ng narating niya kahit na nakasandal lamang siya sa kama. "Ma'am Megan."
Hindi pa rin s'ya tuminag sa ilang beses na pagtawag ko kaya hinawakan ko ang isa niyang kamay at bahagyang pinisil. Parang doon pa lang s'ya natauhan.
Tumingin s'ya sa akin na nangingilid ang luha sa mata. Parang ang bigat-bigat ng dinadala niya ng mga sandaling iyon.
Hindi ko tuloy maiwasan ang makaramdam ng awa para sa kan'ya. May kung ano sa damdamin ko na parang gusto ko na lang kunin kung ano man sakit ang nararamdaman niya ng mga oras na iyon.
Itinaas ko ang aking dalawang palad at marahang pinahid ang ilang butil ng luha na pumatak na sa kan'yang pisngi bago ko s'ya marahang kinabig para yakapin.
Wala akong naramdamang kahit anong pagtutol sa kan'ya sa ginawa ko.
Marahan kong hinaplos ang buhok niya habang panay ang mahihinang paghikbi niya.
May kalahating oras din siguro kaming nanatili sa ganung p'westo bago s'ya dahang-dahan na kumalas mula sa pagkakayakap ko.
Kinuha ko ang gatas na ipinatong ko sa ibabaw ng bedside table kanina.
"Ma'am, inumin n'yo po 'to at ng makatulog po ulit kayo kahit papaano," sabi ko at inabot sa kan'ya ang gatas sa baso.
Walang imik na kinuha n'ya sa kamay ko ang gatas at dere-deretso na ininom iyon.
Ayos lang naman dahil hindi naman na iyon mainit kagaya kanina noong bago ko pa lang iyon dinala.
"Tubig po?" tanong ko habang hawak naman ang baso ng tubig.
Tumango lang s'ya kaya inabot ko ang tubig sa kan'ya. Dalawang lagok lang yata ang ginawa niya bago ibinalik sa akin ang baso.
"Pikit na po kayo at matulog," sabi ko. Inayos ko ang kumot sa kan'yang katawan. "Dito muna po ako para incase may kailangan kayo madali lang n'yong masasabi sa akin."
Tumango s'ya sa akin bago pumikit. Kinuha ko ang upuan na nasa vanity mirror niya at naupo sa tabi niya.
Pansin ko na kahit kanina pa s'ya nakapikit ay gumagalaw pa rin ang mga talukap ng kan'yang mata. Mukhang nahihirapan pa talaga s'yang matulog.
Iniangat ko ang isa kong kamay papunta sa kan'yang ulo. Banayad kong hinaplos ang kan'yang buhok kasabay nang mahina kong pagkanta na walang salita, 'yung tipong parang nagpapatulog ka lang isang bata.
Ilang saglit lang yata ang nakalipas ay malalim na ang paghinga niya tanda na nakatulog na s'ya.
Napangiti ako habang pinagmamasdan s'ya. Hindi ko alam na sa likod ng matapang niyang awra sa araw-araw, may mga ganitong pagkakataon din pala na kailangan niya ng kalinga.
"Good night boss," mahinang bulong ko bago s'ya hinalikan sa noo.