“SAAN tayo galing?” tanong ni Mikaela sa dalawa niyang kaibigan, nang maihatid sila ni Louie sa tirahan nito. Mabilis lumipas ang oras. Palubog na rin ang araw. Maraming nangyari sa kanila. Pero malaki ang pasasalamat nina Lily at Ruth sa naganap sa loob ng mall. Kahit parang demonyo kung ituring nila si Richard, alam nila sa sarili nila na nakatulong ang binata. Kung hindi dahil sa kanya, hindi pa nagpakita si Louie sa kanila. Kapag talagang nakatakda ang pangyayari sa isang tao, darating ang oras o araw na lalabas ito sa kanyang pinagtataguan.
“Seriously? Hindi mo alam kung saan tayo galing, Mikaela?” nagsimula na naman nagtaray si Ruth. Napapansin niya kasi na laging ganun ang banat ni Mikaela sa tuwing nagpapaalam na sila. Ganun din naman ang laman ng isipan ni Lily.
“I don’t remember— umalis ba tayo?” wika muli ni Mikaela ang nakaguhit sa kanyang mukha ang salitang ‘inosente’.
“What?” sabay pa sina Ruth at Lily. Hindi nila alam kung pinaglalaruan sila ni Mikaela para umiwas lang sa usapan tungkol kay Louie. Alam kasi ni Mikaela na tiyak na pipilitin siya ng mga ito para sa desisyon na gagawin niya. Kung tatanggapin ba niya ang alok ni Louie o hindi? Sa mga oras na iyon kasi, wala pang desisyon si Mikaela. Una sa lahat, isang beses pa lang silang nagkita. Iyon ang pagkakaalam ni Mikaela. Umupo si Ruth sa tabi ni Mikaela at tinulak-tulak niya ang balikat nito. Nanggigil na rin si Lily.
“Sumosobra ka na, Mikaela. Napapansin ko na iyang pagiging makakalimutin mo. Magpatingin ka na nga sa doktor,” pagbibiro ni Ruth, ganti niya kay Mikaela.
“Hindi ko nga maalala? Sino yung lalaking kasama natin?” pagtatanong pa ni Mikaela.
“Susmaryosep! Mikaela, si Louie. Tinulungan ka niya kay Richard na pangit! Kundi dahil sa kanya, malaking kahihiyan ang sasapitin mo dapat doon sa loob ng mall. Kung hindi niya sinabing siya ang ama ng anak mo, malamang hanggang ngayon umiiyak ka sa sama ng loob na dulot ng ex-boyfriend mong walang pakialam sa kalagayan mo,” gigil na sabi ni Lily, kulang na lang ay sabunutan niya ang buhok ni Mikaela.
“Louie? Richard? Sino sila?” Hindi na nagsalita pa sina Lily at Ruth dahil naiinis na talaga sila kay Mikaela. Seryoso lang nilang tinitigan ito. Atsaka biglang humalakhak si Mikaela. Gustuhin man ni Mikaela na baguhin ang susunod na mangyayari na sitwasyon, pero lubos niyang kilala ang dalawa niyang matalik na kaibigan. Alam niyang hindi siya titigilan at iiwanan ng mga ito.
“Biro lang! Masyado niyong sineseryoso si Louie. Hindi pa palagay ang loob ko sa kanya,” paliwanag ni Mikaela kina Ruth at Lily. Iyon naman kasi ang tunay na nilalaman ng damdamin ni Mikaela.
“Paano na hindi seryosohin si Louie, siya ang ama ng batang dinadala mo!” Hindi nakapagpigil si Ruth dahil sa sobrang inis nito kay Mikaela. Umalis din siya tabi ni Mikaela. Tumayo siya at pinag-krus ang kanyang dalawang kama. Tumaas ang kanyang kaliwang kilay. Gusto niyang makita ang magiging reaksyon ng mukha ni Mikaela.
“W--what? Ano ang sabi mo?” Bumilog ang mga mata ni Mikaela. Lumakas nang lumakas ang t***k ng kanyang puso. Mabilis naman tumabi si Lily kay Ruth at patagong kinurot niya ito nang masakit sa tagiliran. Alam ni Lily hindi pa handa si Mikaela sa bagay na iyon. Alam din nyang straightforward si Ruth, na wala itong kontrol kapag ginusto nitong isiwalat ang mga lihim o kung ano man ang nais nitong gawin. Siya lang talaga ang sumusuway kay Ruth.
“Ano ka ba, Ruth. Ano ba ‘yang sinasabi mo?” wika ni Lily, kulang na lang kaladkarin niya si Ruth palabas ng kwarto ni Mikaela. Kaya lang, mas lalo lamang mahahalata ni Mikaela na may katotohanan ang sinabi ni Ruth. Kailangan na makaisip na sila kaagad ng paraan. Hinila-hila ni Lily ang suot na damit ni Ruth.
“Ang ibig kong sabihin, si Louie na ang magiging ama ng baby mo. Pero ayaw mo pa rin tanggapin,” palusot na lang ni Ruth. Atsaka pa lang huminahon ang damdamin ni Mikaela. Tama nga ang nasa isipan ni Lily, akala ni Mikaela ay totoo na ang sinasabi ni Ruth. Pero kahit hindi aminin ni Mikaela sa mga kaibigan niya ang tunay na nararamdaman ng kanyang damdamin, bahagya siyang nasaktan sa huling kasagutan ni Ruth. Hindi rin alam ni Mikaela, kung bakit umaasa ang kanyang puso na si Louie talaga ang tunay na ama ng kanyang magiging anak. May nararamdaman kasing kakaiba si Mikaela. Lalo na, malikot din ang baby sa loob ng kanyang tiyan sa tuwing naririnig niya ang boses ni Louie. Iyon na nga ba ang ibig sabihin ng kasabihan na kahit hindi pa nagkikita ang dalawang nilalang, iba ang lukso ng dugo? Maaaring ganun na nga!
“Nagtataka talaga ako sa kanya. May lalaki pa ba talagang katulad niya? Nahihirapan akong magdesisyon. Alam niyo ‘yun?” Puno ng pagdududa ang isipan ni Mikaela. Sabagay, hindi nila siya masisisi, dahil nga naman ganun kabilis magdesisyon si Louie nang walang pag-aalinlangan. Sila kasi, alam na nila ang tunay na pagkatao ni Louie, kaya ganun na lang nila ipilit ito kay Mikaela.
“Unang kilala ko pa lang sa kanya, tapos aalukin na niya ako na maging ama ng dinadala ko. Sabihin niyo nga sa akin, sino ang magkakagusto sa akin na ganito ang kalagayan ko? Baka may sakit sa utak si Louie?” sumbat na lang ni Mikaela sa mga kaibigan, para na rin iwasan na nila ang pag-uusap tungkol kay Louie. Pero, hindi siya pinakinggang ng kanyang mga kaibigan.
“Buksan mo nga ang mga mata mo, nagtatanong ka pa e! Hindi naman siguro gagawin ni Louie ‘yon kung hindi siya seryoso. Atsaka, sa tanong mo kung may lalaki pang katulad niya, wala na! Kaya huwag mong tanggihan ang kabutihan niya,” nagmamaktol na sagot ni Ruth.
“Mikaela, nasa likod mo kami. Kapag niloko ka lang ni Louie, ibabaon namin siya sa lupa ng buhay. ‘Di ba, Ruth?” sabay kindat ni Lily kay Ruth.
“Kaya nga! Pag-isipan mo at aalis na muna kami ni Ruth. Kailangan kong balikan ang sasakyan ko sa parking area ng mall. Magpahinga ka na at dadalawin ka namin araw-araw tulad ng ginagawa namin,” dugtong pa ni Lily.
“Sige, mag-ingat kayo and thank you!” Hinaplos-haplos ni Mikaela ang kanyang tiyan.
“Aalis na kami, ha! Kaya mag-isip ka nang mabuti tungkol kay Louie. Tadhana na ang naglapit sa inyong dalawa, Mikaela. Kaya huwag mong sayangin ang pagkakataon na magkaroon ng ama ang iyong anak. At magkaroon ka ng isang buong pamilya. Kahit hindi ka magsalita, alam namin na gusto mong magkaroon ng ama ang baby mo, kahit hindi pa ang biological father nito. Okay?” dugtong ni Ruth sa sinabi ni Lily. Saka niya niyakap ang braso ni Lily.
“Tara na! Baka biglang magdesisyon si Mikaela na tanggihan ang alok ni Louie,” bulong ni Ruth kay Lily. Tumango na lang ang ulo nito.
“Bye!” sabay pa sila, saka na nila iniwan si Mikaela, kahit hindi pa ito nagsasalita. Nagsimula na kasing gumana ang kanyang utak sa hindi niya mawari kung ito ba ay isang biyaya o isa na namang bagong pagsubok sa kanyang buhay.
Ngunit, sino nga naman ang babaeng nabuntis na hindi gugustuhin makumpleto ang kanyang pamilya? May punto naman talaga kasi ang kanyang mga kaibigan. Mas mainam pa rin kasing lumaki ang bata kung nariyan ang magulang. Ang mga magulang na nagbibigay ng magandang kinabukasan sa kanilang mga anak na tanda ng kanilang pagmamahal. Pumasok kaagad sa isipan ni Mikaela ang turo lagi ng kanyang ama’t ina, na ang pagsasama-sama ng buong pamilya ay nagdudulot ng kasiyahan sa bawat isa. Katulad ng kahit sa simpleng salu-salo sa hapag-kainan, sabay-sabay magdasal, pagbabahagi ng mga iba’t ibang emosyon sa kasiyahan man o kalungkutan, at iba pang mga katuruan na pagdudulot ng mabuting samahan at matatag na pamilya. Nais iparanas ni Mikaela ang lahat ng ito sa kanyang anak. Subalit, siya ay nagdadalawang-isip pa rin na tanggapin ang alok ni Louie.
Samantala, nagmamadaling lumabas sina Ruth at Lily sa bahay ni Mikaela. Hindi na rin sila masyadong nagtagal dahil naghihintay pala si Louie sa isang kanto. Balak nitong kausapin ang dalawang matalik na kaibigan ni Mikaela. Kailangan niya ang tulong ng mga ito. Wala rin doon ang magulang ni Mikaela. Maaaring nasa negosyo nila ang mga ito. May kasambahay naman sina Mikaela. Ang paglalakad ng mga paa nina Ruth ay Lily ay para na rin tumatakbo. Nagagalak sila na naiinis kay Louie. Nang masilayan nila ang sasakyan ni Louie, kaagad silang pumasok sa magkabilang pinto. Walang tumabi kay Louie.
“Hay, ang hirap nito ha! Para tayong naglalaro ng taguan. “Wag lang sana tayong mahuli ni Mikaela, kundi tapos ang maliligayang araw mo Louie,” reklamo at banta ni Ruth kay Louie, habang ito pinupunasan niya ng tissue ang kanyang noo.
“How is she?” tanging sambit lang ni Louie. Hindi niya pinapansin ang sinabi ni Ruth, mas mahalaga sa kanya ang kalagayan ni Mikaela.
“Ang tanong, how are you?” sagot ni Lily. Natameme lang si Louie.
“Nakikita ko sa iyong mukha na gustong-gusto mo nang makasama si Mikaela at ang magiging baby ninyo, tama ba ako?” dugtong pa ni Lily.
“Yes, you’re right!”
“E, bakit kasi kailangan mo pang ilihim ang lahat. Mas mainan kung ipagtapat mo nalang ang lahat. Hindi ka pa masyadong magkakaroon ng problema. I don’t think your idea will help you,” sagot muli ni Lily.
“That’s why I need your help.”
“Help? Bakit hindi mo na lang kasi sabihin ng diretsahan kay Mikaela, Louie?” sabi rin ni Ruth. Kinukulit na siya ng mga kaibigan ni Mikaela.
“Hindi pwede ang sinasabi mo. Hindi ganun kadali ang bagay na iyan. Lalo na sa kondisyon ni Mikaela,” paliwanag ni Louie.
“So, kailan mo balak sabihin ang katotohanan? Kapag naging malalim na ang samahan ninyo? Kapag nagmahalan kayo ng lubos? Hindi ba mas lalo yata na maging komplikado ang sitwasyon ninyo! Iyon ba? Naku Louie, mas kilala namin si Mikaela kaysa sa ‘yo. Ngayon pa lang sinasabi na namin sa ‘yo na--” hindi nagawang ituloy ni Ruth ang kanyang paliwanag, nang magsalita muli si Louie.
“Kaya ko kayo kinakausap ngayon, I need your help para maalala ni Mikaela na ako ang kasama niya nang gabing iyon,” paliwanag ni Louie.
“Hindi naman sa ayaw kong sabihin sa kanya ang lahat. Naniniwala ako na walang lihim na hindi nabubunyag. Ang nais ko lang, maalala niya ako. Maalala niya ang gabing magkasama kami. Nang natapunan niya ako ng alak sa damit. Nang tulungan ko siya sa mga lalaking nais siyang bastusin. I want her to remember everything on her own,” patuloy na paliwanag ni Louie. Nagkatinginan sina Lily at Ruth. Sabay pa silang huminga ng malalim. Kahit paano, naiintindihan nila ang nais na ipahiwatig ni Louie sa kanila.
“Dito ba sa loob ng kotse mo natin pag-uusapan ‘yan? Pwede bang sa ibang lugar na lang? Atsaka bago natin pag-usapan ang lahat, pwede bang samahan mo muna kami sa mall na pinanggalingan natin? Dadaanan ko lang ang kotse ko sa parking area,” tanging pabor ni Lily. Si Louie naman ang huminga ng malalim at tumango ang kanyang ulo. Tahimik na lang niyang pinaandar ang kanyang sasakyan papunta sa mall.