Kabado ako ng magising kinabukasan. Mabuti nalang hindi naman nagtaka si lola dahil gabi na ako nakauwi. Dahil siguro sa pagod ay nakatulog ako kaagad kagabi. Naligo ako sa balon sa aming likod bahay at nagbihis na. Sinuot ko ang aming uniform at hinanda na ang sarili para kumain. Pagkalabas ko ng aming kwarto ay nakita ko si lola na inuubo. "La!" agad ko siyang nilapitan. "Ininom niyo po ba ang gamot niyo na binili ko?" Hindi siya umimik kaya hinalughog ko ang bag ng mga gamot na nakasabit sa dingding at nakitang wala pang bawas ang mga iyon. Kumalabog ang dibdib ko. "La, h-hindi niyo iniinom ang gamot niyo? La, ilang araw na po ang ubo niyo. Tsaka ito lang ang gamot para gumaling kayo. Ito po ang nireseta sa atin ng doctor." Tumayo siya sa upuan para ipagtimpla ako ng milo.

