Chapter 5
NAKANGITI ng malapad sa ‘kin si Gusta at nagtaas-baba ng dalawang kilay. Walang kaide-ideya ko siyang tiningnan.
Maaga silang dalawa ni Yohan na nambulabog dito sa apartment. Medyo makalat ito dahil hindi pa ako nakakapaglinis pero sanay na sila rito.
“May kailangan kang ikuwento sa akin mamaya,” sabi niya at tumuloy sa pagkain.
Nanlaki ang mga mata ko nang biglang sumagi sa isip ko ang nangyari kagabi.
“That f*cking man,” mahina pero may gigil na sabi ko.
“Kumain ka ba kagabi, Con?”
Napalingon ako kay Yohan. Nilagyan niya pa ng kanin at ulam ang plato ko. Gustong-gusto niya talagang pakainin ako ng marami. Determinado siyang magbigay ng kung ano-anong pagkain para magkalaman ang katawan ko pero kahit anong dami ng kainin ko ay hindi pa rin ako tumataba.
“Uy! Parang gusto mo naman akong bitayi—” Hindi ko natuloy ang sasabihin ko nang subuan niya ako ng hotdog.
“Yes naman, Yohan! Mukhang nabusog pa nga siya sa sarap ng kinain niya.” Halos mabilaukan ako nang marinig ang sinabi ni Gusta. Agad akong kumuha ng tubig at mariing napalunok.
“Talaga? Nasarapan ka ba, Con?”
Naibuga ko ang iniinom kong tubig at nasamid. Pakiramdam ko ay may pumasok din sa ilong ko at ilang segundo akong umubo nang umubo.
“Con, okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Yohan.
“Oo, okay lang.” Kumuha ako ng tissue para ipamunas at huminga ng malalim. May kaunting hapdi pa sa ilong ko pero mawawala rin ito agad.
“Dahan-dahan kasi sa pagkain ng malalaki,” singit ni Gusta.
Kinunutan ko siya ng noo pero ginantihan niya lang ako ng nakakalokong ngiti.
“Nga pala, muntik ko nang makalimutan.” Tumingin ako kay Yohan at hinintay ang susunod niyang sasabihin. “Hiring ngayon ang Hoshi Animation, kung wala ka pang nahahanap na trabaho, puwede kang mag-apply ro’n,” saad niya.
Napangiti ako at nangningning ang aking mga mata habang nakatingin sa kanya.
“This is it, Con,” natutuwang wika ni Gusta sa akin.
Ito na ang pinakahihintay kong mangyari. Kailangan ko talagang nagtrabaho lalo na sa sitwasyon ko ngayon na marami akong dapat na bayaran.
“Salamat sa information, Yohan,” nakangiting sabi ko.
“Basta ikaw, Con. Good luck sa pag-a-apply.”
Nang matapos kami ay pumasok na si Yohan sa kanyang trabaho. Nagpaiwan si Gusta at tinulungan ako sa pagliligpit, pero duda ako sa kilos niyang ganito.
“So, ano’ng chika?” Sumandal siya sa lababo sa tabi ko habang naghuhugas ako ng mga pinagkainan.
“Who’s the hot guy I saw with you here last night? And, Sis! Sinuko mo na ba ang bataan?” sunod-sunod niya ulit na tanong.
Napangiwi ako nang maalala si Dom. Ang buwisit na lalaking ‘yon! Sana hindi ko na siya makita pa.
“Wala, wala at hindi!” sagot ko.
Naguguluhan niya akong tiningnan. “Huh?”
“Isang malaking misunderstanding lang ang nakita mo kagabi,” sagot ko.
Walang kababalaghang naganap sa amin ni Dom. Sinabi niyang prank lang ang ginawa niya kagabi at wala talaga siyang intensyon na may mangyari. Syempre, hindi ko rin siya papayagan kapag nagkataon pero bad timing dahil nasaktuhan ni Gusta ang gano’ng scene.
“Paanong malaking misunderstanding?” naguguluhan na tanong niya.
“Basta! Hindi na rin mahalaga pa na ikuwento ko sa ‘yo ang tungkol sa lalaking ‘yon dahil hindi na rin kami magkikita, hanggang doon na lang ‘yon,” sagot ko.
“Ow, gano’n? At kailan ka pa natutong makipag-one night stand?” Muntik ko nang mabitawan ang platong hawak ko nang marinig ang sinabi niya.
“Loka! Hindi, ah!” agad kong tanggi. “Kliyente ko ‘yon. Nagpagawa siya ng nude drawing kaya siya nakahubad,” paliwanag ko.
“Nude drawing pero may patungan na naganap?”
“Alam mo, male-late ka na sa school, Gusta.” Tumingin siya sa wristwatch niya para alamin ang oras.
“Hala! Oo nga! Sige, aalis na ako.” Agad niyang kinuha ang kanyang bag sa sala at nagmadaling lumabas ng pinto. “Bye, Con!”
Napailing na lang ako at tinuloy ang ginagawa. “Buti na lang, umalis na siya.”
Nang matapos ako sa paglilinis ay agad na akong gumawa ng resume. Hinanda ko na rin ang aking drawing samples.
“Siguradong maraming mag-a-apply kaya mas kailangan kong agahan.”
Hindi na ako nagsayang pa ng oras at agad na naghanap ng damit. Plain polo coral long sleeves and formal pants ang kinuha ko. Naligo na rin ako at inayos ang sarili.
“Kailangan kong maging presentable,” sabi ko habang naglalagay ng light makeup.
Matapos ang ilang minutong pag-aayos ay kinuha ko na ang lahat ng dadalhin. Tiningnan ko muna kung may nakalimutan. Nang makitang kumpleto na ang mga gamit ay lumabas na ako.
Wala pang isang oras nang makarating ako sa tapat ng Hoshi Animation. Napangiti agad ako na may halong kaba nang makita ang mga 2D Animation na naka-display sa labas.
Lumapit na ako sa guard para magtanong.
“Sir, mag-a-apply po ako bilang animator,” sabi ko.
“Miss, sa 2nd floor, room 15 po.” Nakangiti akong tumango at nagpasalamat bago pumasok sa loob.
Dumiretso na ako sa elevator at pinindot ang second floor. Nang makarating, agad kong hinanap ang room 15. Hindi pa ako nakakalapit ay nakita ko agad na mayroon nang nakapila sa mga upuan na nasa labas. Umupo na rin ako at naghintay na sumunod.
“Next.” Makalipas ang halos isang oras, ako na ang sumunod na sasalang sa interview.
Ang bilis ng t***k ng puso ko dahil sa sobrang kaba. Huminga ako ng malalim at pumasok na sa loob. Pagpasok ko ay bumungad agad ang isang babae na nakataas ang isang kilay. Para siyang dalagang real life version ni Miss Minchin sa palabas na Princess Sarah.
“Good morning, Ma’am,” nakangiti kong bati.
Nanginginig kong inabot sa kanya ang resume ko at pumuwesto sa tapat ng upuan na nasa harapan niya.
“You can sit down now,” saad niya habang kinikilatis ang resume ko.
Nakangiti akong tumango at umupo.
“Conarea De Vera, right?”
Napalingon kaming dalawa sa direksyon ng pinto nang magbukas ito. Nanlaki ang mga mata ko nang pumasok ang isang pamilyar na lalaki. Nakasuot siya ng plain gray long sleeves at black pants, kahit simple lang ito ay ang hot niya pa ring tingnan.
Napansin ko ang gulat sa mukha niya nang makita ako pero agad din siyang napangiti.
“The word destiny is just bullsh*t to me but I seem to believe it now. Hey, Con,” bati niya.