Nakiusap ako sa accounting upang makapag-exam ako. Binigay ko iyong one thousand five hundred na sinahod ko kagabi. Kulang pa iyon, pero nakiusap ako na baka puwedeng mag-promisory note muna ako para makapag-exam. Pumayag naman pero may palugit siyang binigay.
Hindi ko alam kung kaya ko bang mabuo ang halaga na kailangan ko sa tamang petsa.
Dahil binayad ko ng buo iyong pera ko, wala na tuloy akong pangkain. Masakit ang ulo ko. Nagkape lang ako kaninang umaga. Manginig-nginig na ang aking tuhod dahil sa gutom.
Puyat pa ako kagabi, kaya patong-patong na itong nararamdaman ko.
Kaya mo 'to, Lynette. Ilang sem na lang naman na, magtatapos ka na, pagpapalakas ko na lang ng aking loob.
Hindi pa muna ako umuwi pagkatapos ng klase ko. Naglakad-lakad na muna ako, nagbabakasakali na makahanap ako ng trabaho na tutugma sa schedule at sa sitwasyon ko.
Palinga-linga ako sa paligid. Hindi ko alam kung trabaho ba talaga ang hanap ko o isang himala. Umaasa pa ako na baka may mapulot ako na pera sa daan. Mapait akong ngumiti. Grabe! Ano ba 'tong nangyayari sa buhay ko. Mabait naman ako. Mataas ang grades ko. Hindi din ako maluho, dahil sapat lang din naman ang pera na pinapadala nina Tita at mga magulang ko dati.
Napabuntong hininga ako. Wala bang vlogger diyan na makakasalubong ko sa daan, tapos tatanungin ako ng science o history, tapos bawat tamang sagot ay may limandaan?
Desperada na talaga ako. Lord, please. Send help please.
Dinukot ko ang maliit ba bulsa ng aking backpack. Mapait akong ngumiti at mangiyak-ngiyak nang makita ang mga naipong centavo sa aking mga bulsa.
Kinapa ko ang bawat bulsa at halos itaktak ko na ang laman ng buong bag ko.
Binilang ko ito. Mayroon akong twenty five pesos total. Puwede na 'to, makakabili na 'to.
Naglakad ako hanggang sa malaking supermarket. Sa kanila naman galing 'tong mga cents na 'to, kaya ibabalik ko sa kanila. Ibabayad ko sa kanila 'to.
Nakakahiya, pero mahihiya pa ba ako kung kumakalam na ang aking sikmura? Halos hindi ko na kayang tumayo ng tuwid sa panghihina. Manginig-nginig na nga din ang aking tuhod, e.
Saktong may sampling ngayon dito sa supermarket kaya lumapit ako. May hawak pa akong shopping basket, kunwari ay mag-g-grocery ako.
May nagsa-sampling na corned beef, may kasama na siyang rice. Kinapalan ko na ang mukha ko, kumuha ako.
Kumuha din ako ng hotdog na maliliit ang slice, alam kong isa lang dapat per customer pero tatlo ang kinuha ko.
Pinipigilan ko ang sarili na umiyak, habang kumakain ako. Lord, salamat. Kapag nakapagtapos ako at kumikita na ng malaki, magbibigay po ako sa simbahan.
May nag-s-sampling din na crackers, hindi ko pinalagpas. Panlaman tiyan din 'to kahit paano.
Nang matapos kumain, hinanap ko na ang aisle ng mga drinks. Bibili ako ng zesto. Kumuha ako ng big, apple flavor, seven pesos and fifty cents na agad. Kahit paano nagkalaman ang aking tiyan. Mamayang gabi na lang ulit ako kakain.
Kukuha sana ako ng sardinas kaso hindi na kaya ng pera ko. Sa huli, binalik ko iyong zesto. Iinom na lang ako sa gripo mamaya. Kumuha ako ng noodles, apat na flavor. Makikiluto na lang ako mamaya sa rice cooker ni Ate Jovelyn.
Pumila na ako para magbayad. Mahaba ang pila. Inip na inip ako. Hindi mapakali. May hiya din akong nararamdaman pero ayos lang. Hindi naman nila ako kilala.
Nang ako na ang magbabayad, hiyang-hiya kong nilapag ang twenty five cents. Napatingin ang cashier doon pero ilang saglit lang ay ngumiti naman ito.
Binilang niya ito. "Ma'am, kulang po ng ninety cents."
Nanlaki ang mga mata ko. Kulang? Kinulang pa talaga? Hiyang-hiya ako. May mga tumitingin sa akin na ibang customer. Pati sa ibang counter ay napansin ko ang pasimpleng tingin sa akin.
"Ah, ibabalik ko na lang iyong isa," nakangiwi kong sagot. Hindi makatingin. Hindi mapakali. Gusto kong makaalis na agad dito.
"Sorry..." halos bulong kong sambit.
"Ayos lang po, Ma'am. Isasama ko na lang po ito sa return." Nilagay niya sa basket sa kaniyang gilid.
Binilang niya ulit iyong pera upang ibalik sa akin iyong sobra. Jusko! Gusto ko ng umalis. Gusto ko sanang sabihin na hayaan na lang niya, kaso magkano din iyon.
Nakahinga ako nang maluwag nang malagay niya sa paper bag ang noodles ko.
Bago umalis, pasimple muna akong sumulyap sa counter na pinanggalingan ko para lang mapatanga sa taong nagbabayad na sa katabi kong counter kanina.
God! Nakakahiya! Iyong lalakeng nakabanggaan ko ng dalawang beses. Nandito din siya. Nagsalubong ang tingin namin, pero mabilis akong nag-iwas ng tingin sa labis na hiya.
Nakarating ako sa food court para uminom ng tubig. At least dito, may libreng tubig.
Pagkatapos kong ubusin ang isang basong tubig, naglagay pa ulit ako. Dinala ko ito at naghanap ng mauupuan.
Nilabas ko ang notebook ko at nagsagot ng assignments. Napatulala ako ng ilang sandali hanggang sa mapansin ko ang isang grupo sa malapit na table.
Napapikit ako at napamura. Siya na naman! Alam kong napansin niya ako. Ano kaya ang iniisip niya sa akin?
Nang tumayo siya ay mabilis din akong tumayo para makaalis na. Hindi nakakaganda itong kahirapan na 'to.
Kailangan ko ng raket. Kailangan ko ng pera.
Naglakad lang ako pauwi ng boarding house. Kulang tatlong kilometro ang layo ng boarding mula sa mall. Hindi na gaanong mainit kaya ayos lang maglakad.
Sana makapulot ako ng pera, kahit isanlibo lang, o limandaan, o isandaan na lang.
"Ate, penge pangkain..." Napangiwi ako sa tatlong batang humarang sa akin para manlimos. May laman ang kanilang mga lata. May mga barya at may mga papel.
"Sorry, wala akong pera, e."
Parang ayaw pa nilang maniwala. Nilabas ko iyong mga cents sa bulsa ng bag ko at pinakita sa kanila.
"Ayaw namin niyan!"
"Tsk! Sinabi ko bang ibibigay ko sa inyo! Ito na lang ang pera na mayroon ako, e."
"Maganda lang ako, pero wala akong pera. Ang katunayan, hindi pa ako kumakain maghapon." Wala pang maayos na meal.
"Mas mapera pa kayo sa akin." Ngumuso ako.
"Kawawa ka naman, Ate. Gusto mo libre ka namin ng turon."
"Ah, talaga?" tanong ko naman. Sinusubukan ko lang sila pero kung ililibre talaga ako, e di, thank you. Mabubusog na ako kapag nakakain ako ng isang turon.
"Oo. Kawawa ka naman, e. Buti kami, nakakain kami kanina ng fried chicken." Nang-inggit pa.
"Tara na, Ate."
Tinuro nila iyong daan pabalik. Sa kanto sa may SM ay may nagtitinda doon ng mga turon at banana que.
Sumama ako sa kanila. Nakakahiya pero desperada na ako para makakain at makatipid.
Nilibre nga nila ako.
Sila ang nagbayad. Kinain na din namin sa gilid.
"Thank you, ha. Kapag nagkapera ako, ililibre ko kayo ng Jollibee," pangako ko sa kanila.
"Asahan namin iyan, Ate, ha!"
"Oo naman." Ngumiti ako. Sumulyap ako sa may unahan para lang magulat nang makita ko ang tatlong lalake na nakatayo at nakatingin sa gawi namin.
Grabe! Bakit ba lagi na lang kaming nagkikita? At sa sobrang awkward pa na pagkakataon. Talaga naman, oh!