"Time out muna Barbie. Pagod na ako!" awat ko sa kaniya nang akmang tatakbo na naman ito. Umupo ako sa gilid ng daan at uminom mula sa dalang bottled water.
"Ano ba iyan! Ang lampa mo naman. Paano ka papayat niyan kung wala pa ngang 30 minutes ay umaayaw ka na. Bilis! Tumayo ka na!" Itinuro nito ang landmark na village clock sa kalayuan. "Ang haba pa ng tatakbuhin natin o. Tayo na!" Hindi na niya ako hinintay na sumagot at basta na lang akong hinila. Kinaladkad rather.
"Teka naman. Harassment na iyan e. Break time muna kahit five minutes lang. Sige na Barbie. Maawa ka naman sa akin. Hingal na hingal na ako. Para na akong malalagutan ng hininga." Exaggerated akong sumagap ng hangin. Wa epek. Mas binilisan pa niya ang paghila sa akin.
"Di ka pa matutuluyan. Siyam ang buhay ng baboy."
"Gaga! Pusa iyon." Sinubukan kong bawiin ang kamay pero hindi niya ako hinayaan. Sa halip ay nagsimula itong tumakbo kaya napasabay na rin ako.
"Barbie!" sigaw ko. "Langya ka! Mamamatay akong maaga sa iyo!" This time hindi na ako nagbibiro. Pagod na talaga ako. Kaunting push na lang ay bubulagta na ako sa sementadong daanan.
Humalakhak ito. "Ang weak mo Pariah! Hala! Takbo! Takbo tayo!" mas binilisan pa nito ang pagtakbo.
Wala na akong nagawa kundi pikit-matang sundin ang damuho. Umaalog ang malaman kong s**o at tumatagaktak na ang pawis sa buo kong katawan habang tumatakbo. Nakasuot pa ako ng jacket dahil malamig kaninang paglabas namin ng bahay kaya para na akong nilelechon sa itsura. Pulang-pula ang mukha ko at naliligo sa sariling pawis. Kulang na lang ay mansanas at papasa na talaga akong lechon sa mga handaan.
"Walanghiya ka talaga tweety bird. Papatayin mo talaga ako." Napaluhod ako sa semento nang marating namin ang landmark at hinabol ang hininga. Uminom ako ng tubig at pinunasan ng towel ang pawisang mukha.
"Five minutes lang ang pahinga ha. May dalawa pang rounds. Iikutin pa natin itong village niyo," balewalang sabi nito.
"Saglit lang naman. Gawin mo ng ten minutes," hinihingal kong hirit.
"Hoy Pariah! Kung alam mo lang ang sinakripisyo ko para samahan ka dito, hindi ka na hihirit diyan," nakakunot-noo nitong sabi.
"O, ano ba iyang sinakripisyo mo at parang kailangan ko pang halikan ang paa mo?"
"Magra-ranking sana ako ngayon lods kaso kailangan kong samahan ang isang dambuhalang batugan lods kaya tumayo ka na diyan lods kundi masasapak talaga kita."
"Pa'no iyong sapak be?" pang-aasar ko.
"Ganito." Hinila niya ako patayo at walang sabi-sabing sumampa sa likod ko. Iniyakap nito ang mga braso at binti sa buong katawan ko.
"Hoy! Ang bigat mo! Barbie, bumaba ka!" Nagpapasag ako pero matindi ang pagkakakapit nito sa leeg ko kaya hindi ako makawala.
"Go na Pariah. Takbo na tayo. Mainam to. Para kang nag-weight lifting at track n field all in one. Sige na. Ya, tigidig tigidig. Ya, tigidig tigid." Umalog-alog ito at ginamit na parang renda ng kabayo ang buhok kong nakatali.
"Ganito pala ang gusto mo ha. Sige, pagbibigyan kita." Bumalik ako sa pagkakaluhod at patihayang humiga. Sinadya kong ipitin siya sa ilalim ko. Humiyaw naman ito.
"Aray! Ang laki talaga ng kaha mo tava. Huy, umalis ka na diyan. Nadadaganan mo na ako."
"Bahala ka. Pagpahingahin mo na muna kasi ako. Papayat nga ako pero diretso kabaong naman," ani kong di pa rin umaalis sa pagkakadagan sa kaniya.
"Ganoon? Ito pala gusto mo ha."
Kiniliti niya ako sa bewang hanggang sa makaalis siya sa ilalim ko.
Dali-dali na akong tumayo at kumaripas ng takbo.
"Takbo Pariah! Tumakbo ka! Bilisan mo pa! Kapag naabutan kita humanda ka talaga sa akin! Pipitpitin ko ang mga taba mo!" sigaw ni Barbie sa akin.
"Ahahahahahhah!" tumatawang sigaw ko. Nilingon ko siya para malaman na malapit na niya akong maabutan.
"Papa!" sigaw ko.
Tumatawa na kaming pareho. Walang pakialam kung mabulahaw man ang mga natutulog pa sa ingay namin.
"Huli ka!" Tumalon sa likod ko si Barbie at hinawakan ang ulo ko.
Nagpumiglas ako kaya hindi na namin nabalanse ang mga sarili kaya bumagsak kami sa damuhang parte.
Tumatawang pinagmasdan namin ang paglitaw ng haring araw sa silangan. Nagsabog ito ng kaliwanagan sa buong lugar. Bawat madaanan ng sikat nito ay nagiging ginto sa aming paningin.
Napalis ang mga ngiti sa aming mga labi at pigil-hiningang tinitigan ang magandang tanawin.
"Wow," halos sabay na bulalas namin ni Barbie.
"Ang ganda," mahina kong sambit.
Ilang sandali rin kaming nakatunghay lang sa araw. Literally what we felt is a standstill. Hindi alintana ang lahat ng nasa paligid. Nakatuon ang lahat ng pansin sa natural na pambihirang pangyayari.
Umupo ako at pinunasan ang pawis.
"New day, new beginning. May this day be good to us tweety bird." Ikinuyom ko ang kamao at iniumang sa kaniya. Nag-fist bump kami.
"Magiging maganda talaga ang araw ko ngayon dahil simula na ng bakasyon namin. Ewan ko na lang sa isa diyan na kailangan pang pumasok. Habang nag-eenjoy kami sa paggagala, iyong isa diyan enjoy din sa pag-aaral. Nagpakatanga kasi sa pag-ibig pag-ibig na iyan. Ayan tuloy ang inabot, nganga," pang-aasar nito.
Hindi ko magawang magalit sa kaniya. Totoo naman kasi. Ang tanga ko dati. Porket may naka-chat lang na guwapo at nagpakita ng interes, kinalimutan na lahat ng priorities.
"Mag-eenjoy talaga ako no lalo na kung may bago kang kapitbahay na gwapo. Tamang tambay lang sa labas para sumulyap. Kakainspire kayang mag-balance kung may magandang nilalang kang nakikita." Namula ako nang alalahanin ko na naman si Owen. Hindi ako nakatulog kagabi kakaisip sa kaniya. Crush ko na ata e.
"Yan. Diyan ka magaling. Ang landi mo na naman. May pa-promise promise pang nalalaman. Bukas-makalawa, balik ka na naman sa dati na distracted. Sarap iuntog ulo mo sa pader at nang magkaroon naman ng laman." Napailing pa ito.
"Ang harsh mo naman. May paghanga lang ako doon sa tao. Hindi ko naman jojowain. Asa naman akong patulan nun eh pang-artista itsura nun eh." Tumayo ako at pinagpag ang mga duming kumapit sa leggings.
"Uwi na tayo. May klase pa ako ng 9," yaya ko sa kaniya.
Tumayo na rin ito at naunang maglakad. "Bukas uli mas agahan pa natin. Dapat gising ka na by 3 am."
Napamulagat ako at hinampas siya sa balikat. "3 am??!! Grabe ka naman! Naghihilik pa ako niyan e. Stick na lang tayo sa routine ngayon na 4 am," kumbinsi ko.
"Ako ang coach mo kaya ako masusunod. Kapag sinabi kong 3 am sundin mo." Kinutusan pa niya ako. "Pasalamat ka di kita sinisingil."
Pinaningkitan ko siya ng mata. "Ah, ganito pala gusto mo ha puwes. Sasabihin ko kay Kay na nagsinungaling ka sa kaniya sa lakad mo noong isang araw," banta ko.
Namutla naman ito. "Di ka naman mabiro Pariah." Inakbayan niya ako. "5 am. 5 am kita susunduin sa inyo. Ang aga naman kasi ng 3 am. Kahit ako nagmamantika pa ang mukha ko sa unan ng mga oras na iyan e."
Ngumisi ako. "Buti naman at nagkakaintindihan tayo Barbs kaya ikaw ang pinakapaboritong kaibigan ko eh."
"Oo naman. Ako pa." Tumawa pa ito na halata namang plastik.
Matapos ihatid sa labas ng village si Barbie ay umuwi na ako. Kailangan ko pang abutan si papa para humingi ng pera pambayad sa tuition.
Nasulyapan ko si Owen na nasa terrace. Nakatagilid at may kausap sa cellphone kaya sideview lang ng mukha niya ang nananakawan ko ng tingin. Mukhang napakaseryoso ng kung ano mang pinag-uusapan nila base na rin sa nakakunot na noo at matiim na pagkakasarado ng bibig nito habang nakikinig sa kabilang linya. Nagkibit-balikat ako at may ngiti na sa mga labing pumasok sa loob. Alam ko nang magiging maganda ang araw na ito.
"Pa, magwi-withdraw ako ngayon ha. Magbabayad ako ng tuition at bibili ng libro," pagpapaalam ko kay papa. Sumalampak ako ng upo sa silya sa kusina at hinintay na maluto ni papa ang almusal namin. Nakasuot na ito ng company uniform. Early in si papa kaya ito na ang nagluto. Mabagal daw kasi akong kumilos sa kusina lalo na sa umaga.
"Sige. Sumaglit ka na rin sa palengke at bumili ng pagkain natin dito. Malapit nang maubos ang laman ng ref. Tingnan mo na rin kung may mga papaubos na tayo na iba pang mga kakailanganin at bumili ka na rin."
"Sige pa."
Bumalik na ito sa paghahalo ng sinangag sa kawali.
Kung may isa mang bagay na lubos kong pinasasalamatan sa pagkakaroon, iyon ay ang papa ko. Wala na akong mahihiling pa sa kaniya. Uliran at mabait na ama. Araw-araw, walang palya siyang nagbabanat ng buto makatapos lang ako sa pag-aaral at maibigay ang mga gusto ko. Ang sabi pa niya sa akin, iyan na lang daw ang magagawa niya para punan ang pagkukulang na tanging isang ina lang ang makapupuno. Hanggang ngayon, sinisisi pa rin niya kasi ang sarili sa paglalayas ng ina ko. Kesyo baka hindi niya nabigay ang nararapat na pagmamahal para dito kaya nilayasan siya.
Which I find to be bullshit. Sadyang hindi lang siguro makontento si mama sa kaniya kaya naghanap ng iba.
"Pa?" untag ko sa kaniya.
"Hmm?"
"Bakit di ka maghanap ulit ng jowa? Okay lang naman sa akin."
Natawa lang ito. "Ang tanda ko na para diyan Pariah. Wag na. Tingnan mo naman ang inabot ko kay Mercy." Tukoy nito sa naging partner nito after ni mama.
"Iba naman iyong kaso niya pa. Hindi naman lahat ng babae magpapabuntis sa ibang lalake tapos ipapaako sa iyo. Marami pa ring mga matitino diyan pa," paliwanag ko.
"Naku, wag na. Kuntento na akong tayong dalawa lang. Nadala na ako Pariah," tanggi nito.
"Ikaw rin. Basta ako, open ako sa possibility." Totoo naman. Gusto kong makahanap si papa ng babaeng mamahalin siya.
"Sa kuwarto lang ako pa. Tawagin mo lang ako pag kakain na. Akin iyong salad sa ref ha, wag mong kukunin." Tumayo na ako.
"Tumawag mama mo kanina."
Natigilan ako. "Ano'ng sabi?" walang emosyon kong tanong.
"Gusto kang makita."
"Busy ako ngayon. Summer class ko remember? Pakisabi na lang pa na next time na lang."
Bumuntung-hininga ito. "Sige. Pero anak, panahon na siguro para patawarin mo na siya. Matanda na ang mama mo at may sakit na," pahabol nito.
Hindi ako kumibo.
"Pasok lang ako pa."
Ilang beses na niyang tinangkang tawagan ako pero sa tuwina ay pinapatay ko lang. Para saan pa kasi kung bakit siya uli lumalapit sa akin. Wala naman siya noong mga panahong kailangan na kailangan ko siya. Andoon siya sa bagong lalaki at mga anak niya.
I recognized that she's still my mother and I owe a part of my life to her but that's just it. We're just related by blood. I feel nothing towards her.
Mas gugustuhin ko pang hindi na lang siya magpakita sa akin kahit kailan.