TILA wala sa sariling naglalakad ang babaeng si Cielo sa kahabaan ng kalsada patungo sa mansiyon ni Arnulfo. Itinaas niya ang hawak na selpon at tiningnan ang oras doon, alas-siete na ng umaga. Paniguradong nasa opisina na nito ang lalaki. Nagdesisiyon siyang umuwi muna upang makaligo at makapagpalit na rin ng damit.
Matapos siyang pagbuksan ng isang katulong ng malaking tarangkahan, dumiretso na siya sa malaking pinto ng mansiyon. Pagbukas niya rito, napasinghap siya nang salubungin siya ng isang malakas na sampal. Sa lakas niyon ay nabaling sa kanan ang kaniyang mukha. Agad na dumapo ang kamay niya sa pisnging namumula dahil sa sampal.
"Ang kapal talaga ng pagmumukha mo! Matapos mong landiin ang asawa ko, ngayon, nakatira ka na rin sa pamamahay namin!"
Nilingon niya ang babae at sumalubong sa kaniya ang galit na mukha ni Matilda, ang asawa ni Arnulfo.
"A-ano'ng g-ginagawa mo rito?" nagawa niyang itanong mula sa pautal-utal na paraan.
Simula nang iwan niya si Atticus at tuluyang sumama kay Arnulfo, hindi na umuwi sa mansiyon nito ang asawa ng lalaki. Ayon kay Matilda, kung sakaling ibabahay siya ni Arnulfo ay hindi nito masisikmurang makasama siya sa iisang bubong.
"Huwag kang mag-alala, nandito lang ako para kunin ang mga gamit kong naiwan!" bakas sa boses nito ang matinding galit para sa kaniya.
Nabaling ang kaniyang tingin sa malaking maleta na hila nito sa kanang kamay. Mula roon ay muling nabaling sa galit na mukha ni Matilda ang tingin niya. Napalunok siya bago nagbaba ng tingin.
"Oh, bakit ka nagbababa ng mukha?" agad siyang natigilan nang marinig ang tanong nito. Ayaw man niya, napilitan siyang mag-angat ng tingin upang salubungin ang mga mata nito. "Itaas mo ang noo mo! Ginusto mong maging kabit ng asawa ko, hindi ba? Hindi ka dapat nahihiya dahil ito ang gusto mo! Itaas mo ang ulo mo para makita ng lahat ng katulong dito at ng ibang tao ang mukha ng kabit ng asawa ko!"
Mula sa babae ay napapalunok niyang pinaglandas ang tingin sa mga katulong na nasa loob ng bahay at nanonood sa kanila. Isa-isang nag-iwas ng mata ang mga ito nang magtagpo ang mga tingin nila.
Mahinang tumawa si Matilda kaya muling nabaling dito ang atensiyon niya. "Tandaan mo ito, kahit na ibahay ka pa ni Arnulfo, mananatili kang kabit, kirida, pangalawa, mistress... parausan!"
Tuluyang namasa ang gilid ng mga mata niya nang marinig ang huling parte ng sinabi nito. Mahigpit niyang ikinuyom ang mga kamay upang pigilan ang sarili na tuluyang lumuha. Doon man lang, maisalba niya ang sarili mula sa kahihiyan.
"Isa ka lang sa mga babae ng asawa ko. Darating ang araw, kung kailan laspag ka na, iiwan ka rin niya sa putikan kung saan ka niya pinulot!" matapos sabihin ang lahat ng iyon ay tuluyan itong umalis.
Naiwan siyang nakatulala habang pinagbubulungan ng mga katulong na nakarinig ng lahat ng mga sinabi ng babae.
MATAPOS maligo at makapagbihis ng pang-opisinang damit, laglag ang mga balikat na muli siyang lumabas ng mansiyon at sumakay ng taxi upang magpahatid sa opisina ni Arnulfo.
Nang makarating doon ay nagsimula siyang magtrabaho bilang sekretarya nito. Hindi na siya nag-abalang ipaalam sa lalaki na naroon na siya dahil alam niyang maiintindihan siya nito. Habang nagtitipa sa keyboard ng computer sa harap niya, hindi niya maiwasang hindi ikuyom ang mga kamay sa tuwing sasagi sa isip niya ang mga bagay na sinabi ni Matilda.
Mula sa monitor ng computer ay nabaling sa magarang pinto ng opisina ni Arnulfo ang kaniyang tingin. Lumunok siya habang paulit-ulit na naglalaro sa isipan niya ang mga pang-iinsulto ng asawa nito.
Nagbawi siya ng tingin at bahagyang ngumiti. "Parausan?"
Lumunok siya matapos sambitin ang bagay na iyon. Nang mag-umpisa siyang magtrabaho bilang sekretarya ni Arnulfo, may ibang babae na itong karelasiyon sa opisina nila. Araw-araw, nakikita niya kung paano maglabas-masok ang babaeng iyon sa opisina ni Arnulfo. Bawat labas nito ay may malaking pera itong dala-dala sa bulsa.
Dahil sa pagod niya sa buhay mahirap, nagsimula siyang kumilos sa harap ng boss nila na ni sa hinagap ay hindi niya naisip na gagawin.
Aaminin niya, noong una ay naku-curious lamang siya sa maaaring mangyari. Sa kung magkano ang mahihita niya sa may-ari ng kompanya, at kung gagaan ba ang buhay niya kapag lihim siyang nakipagrelasiyon dito. Dahil sa kapaguran sa kahirapan, nasikmura niyang magsuot ng maiiksing damit at magpakita ng interes sa lalaki. Nang mapansin iyon ni Arnulfo, nagsimula siya nitong hipuan hanggang sa tumagal, tuluyan nang may nangyayari sa kanila.
Nakuha niya ang mga gusto niyang makuha; maraming pera, mga mamahaling damit at mga alahas. Kapalit ng lahat ng iyon, naging masama siyang babae sa paningin ng mga katrabaho niya. Unti-unti niyang nasira ang pamilya ng boss niya, at ang iniingat niyang kasal nila ni Atticus.
Malayo na rin ang narating niya ngayon, kaya hindi siya papayag na maging parausan lang. Kapag tuluyang nawalan ng bisa ang kasal nila ni Atticus, gagawin niya ang lahat upang mapasakaniya nang tuluyan si Arnulfo. Hindi siya magiging kabit lang.
Tumayo siya at nagsimulang magtimpla ng kape. Bago tuluyang pumasok sa loob ng opisina ni Arnulfo, bahagya niyang itinaas ang suot na skirt at binuksan ang ilang butones sa itaas ng suot niyang blouse. Ginulo rin niya ang mahaba at tuwid niyang kulay brown na buhok.
Agad na sumilay ang isang ngiti sa kaniyang mga labi nang makapasok sa loob ng opisina ni Arnulfo. Mula sa laptop nito ay nabaling sa kaniya ang tingin ng lalaki. Tumigil ito sa ginagawa at sumandal sa inuupan.
"Here's your coffee, sir," sinadya niyang palambingin lalo ang tinig upang agad nitong makuha ang ibig niyang ipahiwatig.
Mahahawakan lamang niya sa leeg si Arnulfo oras na mabuntis siya nito. Kapag nagkaroon sila ng anak, madali na niyang mapapasunod ito sa mga gusto niya.
Ngumiti si Arnulfo at niluwagan ang pagkakatali ng sarili nitong necktie. Nagsimula naman siyang maghubad sa harap nito. Ilang segundo pa ang lumipas ay kapwa na sila humihingal sa ibabaw ng mesa. Malakas na bumabayo ang lalaki habang palakas naman nang palakas ang ungol niya.
Hindi siya natatakot na may makarinig sa kanila dahil inuukupa ng opisina nito ang buong nineth floor. Tumirik ang mga mata ng lalaki at bumaon naman ang kuko niya sa likod nito nang maramdaman nila ang rurok ng kaluwalhatian.
Matapos nitong labasan sa loob niya ay nakangiti siyang umalis sa ibabaw ng mesa nito. Pinulot niya ang mga damit na nagkalat sa sahig at nagsimula iyong isuot muli sa harap ng lalaki. Ito naman ay nakahubad pa rin habang nakatayo sa harap ng mesa nito.
Bahagyang nawala ang ngiti sa mga labi niya nang sumagi sa isip ang asawang si Atticus. Habang nasa ospital ito at malubha ang kalagayan ay naroon siya ngayon sa loob ng opisina ng boss niya at katatapos lang makipagtalik dito. Bahagya siyang nakaramdam ng kirot sa puso dahil sa isiping iyon.
Natigilan lamang siya mula sa malalim na pag-iisip nang marinig ang pagtunog ng selpon ni Arnulfo. Napansin niyang natigilan ang lalaki nang makita nito ang monitor ng sariling selpon.
"Si Matilda, " anito bago sinagot ang tawag.
Bahagya siyang umirap nang marinig ang pangalang binanggit nito, ngunit agad ring natigilan nang makitang nabitiwan ng lalaki ang hawak nitong selpon. Nagtaka siya nang mabakas sa mukha nito ang matinding pagkagulat. Tila mawawalan pa ito ng balanse dahil napakapit ito sa sariling mesa saka tuluyang napaupo sa silya nito.
"S-si Matilda... n-naaksidente." Nag-angat ito ng tingin sa kaniya. "Wala na siya!"