Chapter 2

3571 Words
NILANGHAP ni Darrina ang hanging humihip sa kaniyang gawi at pinuno noon ang baga. Para sa kaniya, iba talaga ang hangin sa San Carlos. Bukod kasi sa nasa mataas ang lupain ay malinis ang kabuuan ng bayan. Moderno man ang mga istruktura at maunlad nang maituturing ay napapanatili pa rin ang malawak na kabukiran sa kanluraning bahagi ng bayan na siyang pinagmumulan nang sariwang simoy ng hangin. Bukid at bayan. Doon nahahati ang kabuuan ng San Carlos. Kapag sinabing bukid, agad pumapasok sa isip ng mga tao ang footbridge,  ang Arellano Farms at ang ilog ng San Carlos. Kapag bayan naman ay ang mga kompaniyang nasa Industrial Zone, mga malls, hotels at restaurants, mga colleges at universities kung saan kabilang ang Christian Philippine University – ang pinakamalaking unibersidad sa bayan kung saan siya nag-aaral. Maswerte siya dahil tuloy-tuloy siyang nakakapag-aral sa unibersidad. Kung ang sweldo lang kasi ng ama niya na isang public school teacher at ang kinikita ng ina sa pagtitinda ng gulay ang aasahan nila ay siguradong gapang ang mga magulang niya sa pagpapaaral sa kaniya sa CPU. Lalo pa at sumabay noon sa pagkokolehiyo niya ang pagkakaospital ng kaniyang bunsong kapatid. Kung tutuusin ay naihanda na noon pa ng mga magulang ang pang-unang taon niya sa kolehiyo, pero isang pinsang-buo ng ama niya ang nakiusap na ipagamit muna rito ang pera upang makaalis na ito para magtrabaho sa ibang bansa. Nangako pa ang tiyuhin niya na agad ibabalik ang perang para sa kaniyang pag-aaral kapag ito ay kumikita na, subalit hindi pala ito nag-abroad kundi niloko lang nito ang kaniyang ama. Mula noon ay tumatak sa kaniya na hindi por que kadugo ay dapat nang pagkatiwalaan. Minsan kung sino pa ang hindi kaanu-ano ay siya pa ang totoong nagmamalasakit. Katulad na lang ni Don Marciano. Hindi katwiran na mayaman ang matanda kaya may kakayahang tumulong dahil maraming mayayamang pamiya sa San Carlos, pero si Don Marciano lang ang kilala ni Darrina na hindi namimili ng pamilyang tutulungan. “Girl!” tawag ni Pony na umuntag sa pag-iisip niya. Nilingon niya ito at nakitang palapit ito sa kaniya. “Uuwi ka na ba agad pagkagaling mo sa office?” tanong agad nito. Nabanggit niya kasi rito ang tungkol sa pagpapasa ko ng mga panibagong requirements sa opisina ng foundation.  “Oo, bakit?” Umusod siya para makaupo si Pony. “May pupuntahan kasi kaming party ni Ate mamayang gabi. Sabi niya yayain daw kita. Ano, join ka?” “Naku, salamat na lang kamo! Pakisabi kay Ate Peachy na hindi ako pupwede.” Ngumuso si Pony. “Lagi ka namang hindi pwede kahit pwede. Don’t worry. Hindi naman sa bar ang punta nati-” “Hindi talaga pwede, Pony!”  tanggi niya ulit na sinadyang putulin ang sinasabi ng kaibigan. “May darating na bisita si Ama kaya kailangan kong umuwi kaagad.” Umarko ang mga kilay ni Pony. “Bisita? Sino?” Hindi niya alam kung sino, pero iyon din mismo ang tanong niya sa ama nang makauwi siya ng bahay at tumulong sa pagluluto ng espesyal nilang hapunan. “Sino po bang darating? ‘Yung mga kapatid n’yo po bang nakatira sa Davao? O ‘yung bestfriend n’yong matagal n’yo nang hindi nakikita?” “Ang dami mo namang tanong, Darrina. ‘Yang mga hinihiwa mong gulay ang tingnan mo at baka mamaya ay ang daliri mo na pala ang ginagayat mo,” turan ng kaniyang ama na si Ambrosio Manaig. Abala ito sa hinahalong malagkit na kanin.  Hindi siya natinag sa pag-uusisa. “Sorpresa ba ‘yan, Ama? Bakit ayaw n’yo na lang sagutin? Sino po ba talagang darating?” Tumigil ang kaniyang ama sa paghahalo at nilingon siya. Mukhang nakulitan na ito sa katatanong niya. “Si Don Marciano. Nagpasabi itong darating para makisalo sa ating hapunan.” Namilog ang mga mata niya. “P-po? B-bakit daw? A-anong meron?” “Malamang na dadalawin niya si Darwin,” tukoy nito sa kapatid niyang bunso. “Sa tuwing nagkikita kasi kami ni Don Marciano ay parati niya itong kinukumusta. Siguro ay gusto lang nitong makita nang personal si Darwin at alamin kung maayos na maayos na ang lagay ng kapatid mo.” Napangiti siya. Ang bait talaga ng Don. Hindi niya malilimutan na dahil dito ay nasagip ang buhay ni Darwin. Mabigyan lang siya ng pagkakataon na makabawi sa matanda ay gagawin niya talaga. Gusto niyang maipakita rito na sobra-sobra siyang nagpapasalamat sa lahat ng kabutihan nito sa kaniyang pamilya. “O, Darrina, tapos ka na ba riyan?” tanong ng kaniyang ina na si Karmela. Tumango siya at ibinigay na rito ang mga nahiwang gulay. “Bilisan n’yo nang mag-ina at nang makapag-ayos na tayo. Alangang haharap tayo sa bisita na amoy-gisado?” Hindi ‘yun kailangang sabihin ng ama. Maliligo talaga siya pagkatapos niyang tumulong sa kusina. Nakailang ikot na siya sa harap ng salamin sa kaniyang kwarto. Suot niya ang light green na damit na may print ng mga maliliit na bulaklak at hanggang tuhod lang ang haba. Tinernuhan niya ang suot ng flat at light brown na sandals. Hindi na siguro kahiya-hiya sa espesyal nilang bisita ang kaniyang ayos. Ilang sandali pa niyang pinagmasdan ang sarili sa salamin bago napagdesisyunang lumabas na. Nadaanan niya ang silid ng mga magulang. Simple at pangkainaman lang ang laki ng kanilang bahay. Ang lupang kinatitirikan noon ay lupang minana ng ina niya mula sa mga magulang nito. Nasa kalagitnaan na siya ng hagdan nang makita ang ama na lumalabas ng pinto. Dumating na marahil si Don Marciano. Minadali na niya ang pagbaba. Nasa gitna siya ng kanilang salas nang marinig ang boses ng ama. Pumapasok ito kasunod ang bisita. Agad naman siyang ngumiti nang makita si Don Marciano. “Magandang gabi po sa inyo, Don Marciano!” magiliw niyang bati rito. Sa unang tingin ay parang nasa early sixties pa lang, subalit ang totoo’y seventy-eight years old na ang Don. Taun-taon sa mga pagdiriwang nito ng kaarawan ay laging imbitado ang lahat ng mga scholars at mga beneficiaries ng foundation kabilang si Darrina. “Magandang gabi rin sa’yo, Hija…” ganting bati sa kaniya ng matandang pilantropo. Kasama nitong dumating sa tahanan nila ang abogado na parati niyang nakikitang kasama ng don. “Don Marciano, tuloy po kayo! Maupo po kayo!” Halata ang bahagyang pagkataranta sa boses ng ina niya habang inilalahad kay Don Marciano ang sofa. “Magandang gabi po sa inyo, Senyor!” bati rin ng kapatid niyang bunso na si Darwin. Naalala niyang maliban sa ‘Don Marciano’ ay kilala rin ang matanda sa San Carlos sa tawag na ‘Senyor’. “Darwin, Hijo, kumusta ka na?” “Okay naman po ako. Makakapag-enrol na rin po ulit ako sa susunod na pasukan.” “Regular ba ang pagpapacheck-up mo sa doctor?” “Opo,  Senyor. Salamat po sa mga tulong n’yo.” “Walang anuman, Hijo. Masaya akong makita na normal ang takbo ng buhay mo.” Ngumiti ito at saka muling tumingin kay Darrina. “Mabuti pa siguro, Don Marciano, ay sa komedor na tayo magkwentuhan habang kumakain. Espesyal po ang inihanda ng aking maybahay, sana po ay magustuhan n’yo.” Tumango ang matanda. Tumingin ito sa kaniya pagkuwa’y masuyong ngumiti. “Mabuti pa nga, Ambo. Mas mabuting nakapaghapunan na ang lahat bago natin pag-usapan ang dapat pag-usapan.”   ESPESYAL ang inihanda ni Karmela para sa hapunan nila sa gabing iyon. Ilan sa mga putahe ay paborito ni Darrina kagaya ng Aroz Ala Valenciana at menudo. Ang problema ay hindi siya makakain. Parang busog na busog ang pakiramdam ni Darrina. Marahil ay dahil kanina pa nanunuyo ang lalamunan niya at panay ang inom niya ng tubig. Nabusog tuloy siya ng tubig. Hanggang sa natapos na ng mga kasalo niya sa mesa ang mga pagkain ng mga ito samantalang siya naman ay ilang hiwa lang yata ng patatas at isang kutsara ng malagkit ang nakain. “Ilang semester na lang pala ay makakatapos na ng kolehiyo ang inyong panganay, tama ba’ko, Ambo?” tanong ni Don Marciano na bahagya niyang ikinabigla. “Tama po kayo, Don Marciano. At utang namin ito sa inyo at sa inyong programa.” “Ilang taon ka na nga ba, Hija?” direktang tanong naman sa kaniya ng don. Nag-angat siya ng tingin at nahihiyang ngumiti rito. “Twenty-one na po no’ng nakaraang buwan…” “Don Marciano, magkape po kayo! Kayo rin po, Attorney,” alok ng ina niya sa mga bisita habang ibinababa nito ang dalang tray. Hindi man lang niya  napansin na tumayo ang kaniyang ina at nagpunta ng kusina? Nasaan ba ang isip niya? Ngumiti ang matanda pagkuwa’y bumaling sa kaniyang ama. “Napakaswerte mo sa iyong misis, Ambo. Kung sanay naging kasing-palad mo ang aking unico hijo na si Conrad. Pero hanggang sa nawala ang anak ko ay hindi na sila nagkabalikan ng dating asawa,” komento ng matanda habang dinadampot ang kapeng alay ng kaniyang ina. Sa pagkakaalam niya, nasawi sa isang car crash sa Madrid ang kaisa-isang anak ni Don Marciano. Kasunod iyon ng balitang nakipaghiwalay rito ang asawa. “Pero, may mga apo pa kayo, Don Marciano. At maswerte ang magiging asawa ng mga apo ninyo.” “Tama ka, Ambo. Pero ang gusto ko sana ay seguruhin na ang tungkol sa bagay na ‘yan habang buhay pa ako. I’m not getting any younger. I’m starting to worry about my grandsons. Ang isa ay umiikot lang ang mundo sa kaniyang kumpaniya. Ang isa naman ay tila walang balak magseryoso,” sentimyento ng Don na pinaglipat-lipat ang tingin sa kanilang lahat. Muntik nang tumikwas ang nguso niya sa huling sinabi ng matanda. Alam na alam niya kasi kung sino ang tinutukoy nito. Halos isang buwan na nga mula nang mangyari ang pinakamasamang karanasan niya sa bar at madalang na rin niya iyong maalala. Kaya lang ay nabanggit ng bisita nila ang mga apo nito, naturalmenteng papasok sa isip niya ang pagmumukha ng bwisit na si Cayel. Kinuha niya ang baso ng tubig at uminom habang nagpatuloy naman ang don sa mga sentimyento nito. Salamat na lang talaga at hindi pa ulit sila nagkikita ni Cayel mula nung mangyari ang insidenteng ‘yon. “Don Marciano, mga bata pa naman po ang inyong mga apo. Pasasaan ba’t maiisipan din nilang lumagay sa tahimik,” sagot ng ama niya bago humigop sa tasa ng kape nito. “Pero ang nais ko sana ay maisip nila ang tungkol sa bagay na ‘yan bago pa man ako bawian ng lakas. Ang gusto ko ay magkaroon sila nang masayang pamilya at asawang magmamahal at susuporta sa kanila. Naiintindihan mo ba’ko, Ambo?” Tumango naman ang kaniyang ama. Ang kaniya namang ina ay tahimik lamang na nakikinig sa usapan ng dalawa. Gayundin si Attorney na iilang salita pa lamang ang nabibigkas mula pa kanina. Si Darius ay kanina pa nagpaalam sa kanila at malamang nasa kapitbahay na. Sandaling binalot ng katahimikan ang buong dining room. Subalit maya-maya ay tumikhim si Don Marciano. Pag-angat ng mukha nito ay diretso sa kaniya ang mga mata. “Bweno, hindi na ako magpaligoy-ligoy pa…” Muling tumingin sa kaniya si Don Marciano.  Ang lalakas ng kabog ng kaniyang dibdib. Nanuyo pang lalo ang kaniyang lalamunan. Nakita niya nang muling bumaling ang matanda sa kaniyang ama. Ibinaba ng kaniyang ama ang tasa ng kape nito. Ang mukha ng ina niya ay nabantuan ng pag-aalala. Ambo, Karmela,” simula ni Don Marciano sa mas maawtoridad nitong tinig. Wari niya’y napigil noon ang kaniyang paghinga. “Naparito ako dahil gusto ko sanang hilingin sa inyo na maikasal sa isa sa aking mga apo ang nag-iisa ninyong anak na babae… si Darrina…"   “AMA, hindi ko maintindihan. Anong tungkol sa lupa sa Cuyab ang ibinigay sa inyo ni Don Marciano? At anong kinalaman ko sa learning center na nakatayo roon?” nalilitong tanong ni Darrina sa ama nang akyatin siya nito sa kaniyang silid. Batid niyang nakaalis na noon ang mga bisita nito. Marahang lumapit si Ambo sa kaniyang kinauupuan sa harapan ng tokador. Napansin niya ang dalang brown envelope ng ama. Binundol ng kaba ang kaniyang dibdib, lalo na nang iabot na sa kaniya ng ama ang sobre. “Heto ang dahilan, Hija,” wika nito habang kabado niyang kinukuha ang envelope.  Narinig niya ang paghugot at marahang pagbuga nito ng hangin. “Bago ka magalit, gusto kong malaman mo na hindi ganito ang inaasahan kong hihilingin ni Don Marciano kapalit ng kabutihang loob na ginawa niya tatlong taon na ang nakakaraan. Pero sa aking palagay, Anak, wala namang masama kung kikilalanin mo ang apo niya. Darating din naman ang araw na mag-aasawa ka at magpapamilya ng sarili mo.” “P-po?” namamanghang tanong niya. “A-anong sinasabi nyo, Ama? Na ayos lang itong ginawa ni Don Marciano? Nagpunta siya rito para hingin na maikasal ako sa apo niya. Ni wala nga sa isip ko pa ang mag-boyfriend tapos magpapakasal pa?” “Darrina, alam kong malaking bagay itong hinihiling ni Don Marciano. Pero isa itong kasunduan sa pagitan naming dalawa. Buksan mo ang envelope at nang maintindihan mo ‘kong mabuti.” Naguguluhan na siya sa reaksiyon ng sariling ama. Kulang na lang ay sabihin nitong pumayag na lamang siya. Subalit sinunod niya ang sinabi nito at binuksan ang envelope kahit pakiramdam niya ay hindi naman ang makakatulong ang kung anumang nasa loob noon para maintindihan niya ang lahat ng nangyayari. Inilabas niya ang mga dokumentong laman nito. Unang tumambad sa kaniya ang pamagat ng isang sertipiko. Deed of Donation. Nakaawang ang mga labi niya nang tingalain ang ama. ALAM ni Darrina na hindi na siya dapat pumaroon, pero natagpuan niya ang sarili sa labas ng mismo ng mansion ni Don Marciano. Sabado  kaya’t sarado ang tanggapan nito sa foundation bukod pa sa hindi siya sigurado kung naglalagi ba sa gusali ang matanda o sa isa sa mga restaurants nito. Kaya’t para makatiyak ay nagsadya na siya sa  mansion ng mga Rodriguez. Hindi siya sigurado kung may gagawin ba ang ama ukol sa problema nila, pero kailangan niya ring kumilos. Alam niya sa puso niya na may mabuting kalooban si Don Marciano. Sa laki ng tulong na naibigay nito sa kaniyang pag-aaral at sa donasyong ipinagkaloob nito sa kaniyang ama na pinakikinabangan ngayon ng mahigit isang daang mga bata sa Cuyab, naniniwala siyang makukumbinsi niya itong iba na lamang ang hilinging kapalit. 'Kung mabuti siyang tao, hindi niya iipitin nang ganito ang Ama mo! At bakit kailangang may kalakip na kondisyon ang donasyong ibinigay nito?' Kagabi pa siya dinedebate ng sariling isip, pero hindi niya alam ang isasagot. Kaya nga siya naro’n ay kailangan niyang makausap ang matanda. “Hinihintay na po kayo ni Don Marciano, Miss Manaig. Sumunod na lang po kayo sa’kin. Nasa home office niya po ang Senyor.” Marahan naman siyang sumunod sa lalaking sumundo sa kaniya sa guard house. Alam niyang isa ang lalaki sa mga bodyguards ng matanda. Kung hindi siya nagkakamali ay tatlo ang bodyguards nito, bukod pa sa assistant at isang driver. Madalas ding kasama ng matanda ang kanang-kamay nitong si Attorney Castronuevo. Kaya hindi na siya magtataka kung madadatnan niya sa opisina ng Don ang abogado. Isang malawak na bulwagan ang tumambad sa mga mata ni Darrina pagkabukas ng higanteng double-door ng mansion. Para siyang pumasok sa isang totoong palasyo. Agaw-pansin ang malaki at hugis-abanikong hagdanan. Napakakintab ng kaniyang inaapakan at may makikinang na mga chandelier sa matayog na kisame. Hindi niya halos matingnan ang mga naka-display, pero sigurado siyang mamahalin ang lahat ng nasa paligid katulad na lang ng painting na nasa puting dingding. Receiving area pa lang ‘yon ng mansion. Paano pa kaya ang mga kwarto noon? Isang malapad at mahabang pasilyo ang dinaanan nila ng lalaking sumundo sa kaniya. Sa dulo noon ay may mataas na pinto na nakasara. Iyon marahil ang opisina ng matanda sa bahay nito. Tumigil siya nang tumigil ang nasa unahan niya para magbigay ng warning knock saka pinihit ang knob at marahang itinulak ang pinto. “Narito na po si Miss Manaig, Senyor.” Narinig muna niyang sabi ng lalaki bago siya nito nilingon at inilahad ang daraanan para siya makapasok. Nakangiting Don Marciano ang bumungad sa kaniya. Sa likod nito ang babeng assistant na nasa mid-forties marahil. “Alam kong darating ka, Hija,” bati ng Don at nilingon ang assistant. “Iwan mo na muna kami, Bridgette. Pakisabihan ang maid na magdala ng kape at maiinom pa ra sa maganda kong bisita.” Tumalima naman agad ang tauhan. Naglakad patungo sa likod ng malapad na mesa ang matanda at umupo. “Take a seat, Darrina. Natutuwa ako sa pagbisita mo.” “I’m sorry to disappoint you, Don Marciano. Pero hindi ako sumadya dito sa mansion n’yo para bumisita. Gusto ko pong pag-usapan natin ang tungkol sa kasulatan.” Marahang tumango ang matanda. Iminuwestra nito ang isang upuan sa harapo ng mesa at nagpahinuhod naman siya. Kinakabahan siya. Pero hindi siya pwedeng magpatalo sa kaba. Kailangang magkaintindihan sila ng matanda. Kailangan nitong malaman na hindi siya papayag na makasal sa sinuman sa mga apo nito. “I assume, ipinakita sa iyo ni Ambo ang kasulatan. Ano ngayon ang gusto mong pag-usapan?” “Una po sa lahat, Don Marciano, gusto ko pong malaman n’yo na tutol ako sa gusto n’yong mangyari,” wika niya sa tonong tila hindi mababali ng kahit sino pang hari sa lupa. “Hindi po ako magpapakasal dahil lang sa iyon ang napag-usapan. Hindi po biro ang hinihiling ninyo.” Hindi umimik ang matanda. Nasilip niya ang kalungkutang nakiraan sa mga mata nito, pero hindi niya iyon pinansin. Nagpatuloy siya. “Tungkol po sa kasunduan n’yo ni ama, sa nakikita ko po ay hindi patas ang ginawa ninyo. Nag-donate po kayo ng lupa, pero may kondisyon naman. Tinulungan n’yo nga si Ama na matupad ang pangarap niya sa mga batang mag-aaral ng Cuyab ay humihingi naman kayo ng kabayaran.” “Darrina, hindi kabayaran ang hinihingi ko kay Ambo. Kung nakita mo ang kasulatan, dapat ay naiitindihan mo na ang nakasaad doon ay isang kahilingan.” “Kahit ano pang itawag nyo, ginigipit nyo pa rin ang ama ko. Bakit kailangang may gano’ng kondisyon kung pagtulong talaga ang pakay nyo?” “Nilakipan ko ng kondisyon ang Deed of Donation para mas madali para sa ama mo na tanggapin ang property.” “Na tinanggap niya dahil alam niyang mapapakinabangan ng mga bata. Alam n’yong pagdating sa edukasyon ng mga bata, malambot ang puso ng ama ko. Kaya sinadya nyong gawin ito para gipitin siya.” “Hindi ko ginigipit ang iyong ama, Darrina,” mariing sansala ng matanda sa sinasabi niya. “Ibigay man niya o hindi ang aking hinihingi ay mananatiling sa kaniya ang property at walang makakakuha noon. Akala ko ba ay nabasa mo ang kasulatan? Walang panggigipit na nangyayari, Hija!” “Pero alam n’yong hindi makakatanggi sa inyo si Ama! Alam n’yong pipilitin niyang matupad ang napagkasunduan ninyo. Kaya ngayon, kulang na lang sabihin niya sa’kin na pumayag ako sa hinihingi n’yo na pakasalan ang apo nyo. Senyor, alam kong malaki ang utang na loob ko sa inyo. Sobra ko pong ipinagpapasalamat na binigyan nyo ako ng oportunidad na makapag-aral sa gusto kong kolehiyo. Pero hindi nyo ako masisisi kung pagdududahan ko na ngayon ang motibo nyo. Bukod pa sa hindi ko maintindihan kung bakit ang pagpapakasal ko sa apo nyo ang hinihingi nyo kay Ama.” “Darrina, nadinig mo ang usapan namin ng iyong ama kagabi. Ilang ulit kong sinabi na gusto kong makitang nasa maayos na kalagayan ang aking mga apo bago pa man ako mawala. Gusto kong makatagpo sila nang mabuting asawa at makabuo ng masayang pamilya. At ikaw, Hija, ang pinakamagandang halimbawa noon. Nanggaling ka sa isang buo at mabuting pamilya. Isa kang huwarang anak, matalino, masipag at responsable. Kaya naman nakatitiyak akong magiging mabuting asawa ka kay Cayel-” “Kay Cayel!” bulalas niya. “Kay Cayel pa talaga? Utang na loob, Don Marciano! Mas gugustuhin ko pang mamatay kesa makasal sa apo n’yong ‘yon!” nahihindik na wika niya. Alam niyang dalawa ang apo ni Don Marciano pero dahil desidido siyang biguin ito ay hindi niya man lang niya inisip kung sino sa dalawa ang kaniyang pakakasalan. “Hija, huwag kang magsalita nang ganiyan. Though I understand your reaction at alam kong nabibigla ka sa mga pangyayari.  You can trust my words. Magiging mabuting asawa si Cayel sa’yo.”   “Imposible ang sinasabi n’yo, Don Marciano,” diretsong sagot niya ng sinundan ng iling. “Kapag nagpakasal ako kay Cayel, para na rin akong dumampot ng malaking batong ipupukpok ko sa sarili kong ulo.” “I know what you’re talking about, Hija. Hindi ako bulag at hindi ako bingi sa mga ginagawa ng apo ko. Pero mas higit ko siyang kilala kesa sa mga taong nakakasalamuha niya araw-araw. Hindi mo dapat hinuhusgahan ang tao base lamang sa mga nakikita mo. Darrina, I want you for my grandson. At alam ko na ikaw ang tamang tao para sa kaniya.” “Malabo ‘yan, Senyor. Nagkakamali kayo. Maghahalo ang balat sa tinalupan kapag nagsama kami ng apo n’yo, maniwala kayo. Hindi po talaga.” "Think about this, Hija. H'wag kang magdesisyon kaagad nang hindi pinag-iisipan ang isang bagay. Cayel must be a trouble, as how you see him. Pero kailangan mong magtiwala sa akin. Marry my grandson, at wala akong ibang maipapangako sa'yo kundi isang maayos na buhay kasama siya."  Mahirap paniwalaan ang bagay na 'yun. Maayos na buhay? Ni ang apo nga nito ay wala sa ayos. Wala sa lugar. Malungkot siyang ngumiti sa matanda at umiling. Walang balak sumuko ang Don ukol sa bagay na 'yon, pero mas lalong hindi nito mababago ang desisyon niya.  "I'm sorry, Don Marciano. Hindi ko kayang ipagkatiwala ang sarili ko sa kagaya ni Cayel. Sa bibig n’yo mismo nanggaling na wala siyang balak magseryoso sa buhay. Sigurado rin akong hindi gugustuhin ni Cayel na matali sa iisang babae lalo na’t hindi naman niya kilala." “Believe me, Hija. Cayel will be more willing than obliged. Sigurado akong magugustuhan ka niya.” "Pero hindi ko po siya gusto,” walang-gatol na sagot niya. “Hindi rin po por que lolo kayo ni Cayel ay saklaw n’yo na ang isip niya. Pakiusap, Don Marciano, h’wag na lang ito ang hingin n’yo. Sa totoo lang po ay mabigat sa dibdib kong biguin ang kauna-unahang pagkakataon na humiling kayo sa pamilya ko, pero hindi ko po kaya ito. Hindi ko po kayo mapagbibigyan." Sandali niyang minasdan ang bigong reaksiyon ng matanda. Hindi niya maiwasang makaramdam ng guilt dahil iyon ang idinidikta ng puso niya. Dahil alam ng puso niya na mabuting tao ang kaharap. Dagli siyang nagyuko ng ulo at bumuntung-hininga. "Maraming salamat sa mga tulong nyo. Pangako ko sa inyo, hindi masasayang ang scholarship na ibinibigay n’yo sa akin at balang-araw ay makabawi rin ako sa mga kabutihan n’yo… sa iba nga lang pon paraan. Maghanap na lang po kayo ng iba na irereto sa apo nyo, Don Marciano. "
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD