Ember's POV
Hindi ko akalaing may ganito kahambog na tao akong makikilala. Inis ko siyang inirapan.
"Ang kapal mo!" Asik ko sa kanya bago binalingan ang pagkaing nasa harap ko.
Ramdam ko ang titig niya sakin pero hindi ko na siya pinansin. Gusto ko nalang matapos ang oras na 'to para makabalik na sa school. Ayokong may makakita sa aming dalawa na nakakakilala sakin dahil tiyak na makakarating ito kay Lola.
"Nagpapakatotoo lang ako. Nagawa kitang halikan dahil iyon ang gusto ko kaya bakit ako magso-sorry?"
Napapikit ako sa inis at minabuting huwag nalang siyang sagutin. Hindi ko kayang makipag-usap sa isang tulad niya. Mauubusan ako ng dugo.
"Dahan-dahan sa pagsubo, baka mabilaukan ka." Tawa niya.
Mabilis kong tinapos ang pagkain ko habang siya naman ay halos konti lang ang binawas sa pagkain niya. Nagkibit-balikat ako at hinintay nalang siya na matapos.
"Susunduin kita mamaya pagkatapos ng klase mo."
Mabilis akong napatingin sa kanya at umiling.
"Hindi pwede! At bakit mo ko susunduin? Kaya kong umuwi ng mag-isa!"
"Susunduin kita." Pinal niyang sabi.
Napailing nalang ako at hindi nalang sumagot. Tiyak naman na hindi niya ako susunduin dahil anong dahilan naman niya para sunduin ako?
"Are you done? Let's go. Ihahatid na kita sa school mo."
Siya naman ang nagdala sa akin dito ay hindi na ako umangal. Tipid na rin sa pamasahe.
Lumabas kami ng restaurant at sumakay sa sasakyan niya. Pinaandar niya iyon at tinahak ang daan pabalik sa school.
"May nanliligaw ba sa 'yo?" Tanong niya sa gitna ng katahimikan namin.
"Yung sinapak mo kanina, iyon yung nanliligaw sakin pero binasted ko."
Natawa siya pero hindi ko na pinansin.
"Bakit basted? Sabagay, hindi bagay sa 'yo ang totoy na 'yon. Lampa na nga wala pang binatbat."
Napailing ako sa sinabi niya. Ang hambog talaga.
"Itabi mo nalang dyan sa gilid. Maglalakad nalang ako papasok sa school," sabi ko.
Tulad ng kinatatakutan ko ay ayokong may makakita sa aming dalawa na magkasama. Lalo na yung mga nakakakilala sakin at sa Lola ko na mga kaklase ko. Tiyak na baka may paglagyan na ako kay Lola.
Hininto nga niya sa gilid ang sasakyan niya na ikinahinga ko ng maluwag.
Bubuksan ko na sana ang pinto nang mapaharap ako sa kanya ulit dahil hinila niya ang isa kong braso.
"Ano?!" Pagtataray ko sa kanya na ikina-ngisi lang niya.
"See you later." Aniya.
Hinigit ko pabalik ang braso ko mula sa kanya at inis na inirapan siya.
"Huwag mo na akong sunduin! Ayokong magalit ulit si Lola sakin. Huwag kana rin pupunta ulit dito. Naibalik mo na yung tulong na ginawa ko sa 'yo, ayos na 'yon," sabi ko at mabilis lumabas ng sasakyan nya.
Hindi ko na hinintay ang sagot niya dahil bawat lumalabas na salita sa bibig niya ay kinakainis ko lang.
Malalaki ang hakbang ko papasok sa gate ng school. May dalawa pa akong subject ngayong hapon.
Sinalubong ako ni Cara na mukhang kanina pa ako hinihintay.
"Bakit ganyan mukha mo?" Tanong ko dahil para siyang balisa at hindi mapakali.
"Magkasama daw kayo kanina ni Jarred at dumating boyfriend mo. Sino 'yon, Ember? Kailan ka pa nagka-boyfriend at bakit hindi ko alam?!" Huminga ako ng malalim sa sunod-sunod niyang tanong sakin.
"Unang-una, hindi kami magkasama ni Jarred. Pangalawa, wala akong boyfriend. Pangatlo, hindi ko boyfriend si Dean." Paliwanag ko habang naglalakad kaming dalawa papasok sa campus.
"Anong hindi? Iyon ang sabi ni Jarred! Pinabugbog mo daw siya sa boyfriend mo at ngayon ay papunta ang magulang niya dito ngayon dahil naisugod si Jarred sa hospital! Hinahanap ka rin ni Miss Venna!"
Napahinto ako sa paglalakad at nanlaki ang mga mata sa mga narinig.
"A-ano? Hindi totoo 'yon! Hindi ko pinabugbog si Jarred!" Depensa ko dahil iyon naman ang totoo.
"Ember, ang laking gulo nito sa 'yo. Alam nating isa ang mga magulang ni Jarred ang malaki ang share sa school na 'to. Paano kung hilingin nila na tanggalin ang scholarships mo?" Nag-aalala niyang tanong sakin.
Kinain ng takot at kaba ang dibdib ko sa nangyayari ngayon. Hindi ko alam ang gagawin lalo na at wala si Lola sa tabi ko ngayon. At kung nandito man siya ay siguradong mas lagot ako. Ayokong madismaya siya sakin.
"Miss Nobleza, come to my office now." Si Miss Venna at nilagpasan ako.
Nag-aalala naman akong tiningnan ni Cara habang ako ay naiihi sa takot. Gusto ko ng maiyak.
Anong ginawa ni Jarred? Bakit ganoon ang mga sinabi niya?
Ngumiti ako ng malungkot kay Cara bago sumunod kay Miss Venna.
Nangangatog ang tuhod ko sa takot at kaba. Hindi pwedeng mawala ang scholarships ko. Malaking bagay ang scholarships ko para sa amin ni Lola. Nang makakuha ako 'nun ay tandang-tanda ko ang masayang mukha ni Lola.
Napapikit ako at huminga ng malalim bago binilisan ang paglalakad papunta sa opisina ni Miss Vena.
Nang makarating ako ay sarado ang pinto. Nag-aalangan man akong kumatok ay ginawa ko pa rin. Tatlong katok bago ko binuksan ang pinto. Malamig na mga mata ni Miss Venna ang bumungad sakin bago inilahad sakin ang isang upuan na nasa harapan niya mismo.
Pumasok ako ng nakayuko at naupo sa upuan.
"Alam mo ba ang ginawa mo Miss Nobleza?"
"M-miss Venna, wala po akong ginawa. Hindi ko po pinabugbog si Jarred. Hindi ko din po boyfriend ang lalaking nanakit kay Jarred. Sa katunayan ay hindi ko po kilala ang lalaking nanakit sa kanya." Paliwanag ko.
Sarkastiko siyang tumawa, "Anong palusot 'yan, Miss Nobleza? Hindi ka nahiya sa magulang ni Jarred na malaki din ang naitutulong dito sa paaralan natin?!"
Napapikit ako sa pagtaas ng boses niya sakin. Kumikirot ang dibdib ko sa nangyayari.
Bago pa ako makasagot ay bumukas ang pinto ng opisina at pumasok doon ang mga magulang ni Jarred. Nanatili akong nakayuko habang si Miss Venna ay tumayo para salubungin sila.
"Magandang hapon po, Mr. and Mrs. Fernando. Maupo po kayo."
Naupo sila sa harapan ko mismo. Ramdam ko ang pamamawis ng mga palad ko dahil alam kong matalim ang mga mata ng Ina ni Jarred sakin.
"Ember Rose Nobleza, isang scholarships sa paaralan na ito. Isa sa mga magaling at matalinong istudyante pero hindi nadapuan ng disenteng pag-uugali. Anong ginawa mo sa anak ko?! At sino ang lalaking inutusan mo para bugbugin ang anak ko?!" Malakas ang boses ng Ina ni Jarred na sabi sakin.
Napapikit muli ako sa takot. Nag-umpisa nang mag-alpasan ang mga luha kong pinipigil kanina pa.
"Ma'am, w-wala po akong g-ginagawa..." Iyak ko pero inismiran lang niya ako.
"Cancel her scholarships now, Miss Venna!" Sigaw niyang muli sakin.
Puno ng pagmamakaawa ang mga mata kong tumingin sa kanila ng asawa niya. Ang Ama ni Jarred ay nananatiling tahimik lamang.
"M-maawa po kayo, Ma'am. Huwag n'yo pong g-gawin sakin 'to.." Umiiyak kong pakiusap pero tumayo na silang mag-asawa.
"Wala kang karapatan magkaroon ng scholarships dahil sa ginawa mo sa anak ko! Gagawin ko ang lahat para hindi maibalik sa 'yo ang scholarships mo! Huwag na huwag mo na rin lalapitan ang anak ko!" Sigaw niya sakin bago nagmartsa palabas ng opisina.
Sumunod ang asawa niya sa kanya habang kami nalang ni Miss Venna ang naiwan dito sa opisina niya.
Patuloy ako sa pag-iyak at nagmamakaawang tumingin kay Miss Venna na seryoso lang akong tinitingnan. Baka kahit katiting na awa ay makaramdam siya sakin pero...
"You deserved it." Si Miss Venna bago ako iwan sa opisina niya.
Napatakip nalang ako sa mukha ko ng mga palad ko at umiyak ng umiyak habang inaalala ang Lola Mercedez ko. Tiyak na madidismaya siya sakin sa nangyaring ito.