Masaya kaming naglalakad ni Jhauztine nang makasalubong namin si Cristel kaya napahinto kami at masama niya akong tinitigan. Lumapit siya sa akin at tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa at ngumisi sa akin.
Isang malutong na sampal ang iginawad niya sa akin at sapo ko ang aking pisngi at mabilis napabaling ang tingin ko sa kaniya. Galit na galit ang itsura niya at hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lamang siya sa akin. Naalala kong bigla si Kenjie at baka may nangyaring hindi maganda sa kaniya.
“Ano na naman ba ‘yan Chenchansoo?! Bakit nananampal ka na lang bigla?” sigaw ni Jhauztine sa kan’ya.
“Tanungin mo ‘yang malandi mong kaibigan kung ano ang ginawa niya sa kuya ko!” mangiyak-ngiyak niyang turan.
Napatingin ako sa mga estudyanteng nakapaligid sa amin at pansin ko pa ang kanilang pagbubulong-bulungan. Susugurin niya pa ako nang humarang naman sa harapan ko si Jhauztine at tinulak siya.
“Sumosobra ka na talaga ah! Ano naman ang kinalaman niya sa kuya mo? Makapagbintang ka wagas!”
“Pinatay ng babaeng ‘yan ang kuya ko!” duro niya pa sa akin.
Nanlaki ang mata ko at kita ko pa ang galit sa kaniyang mukha. Bigla namang pumasok sa isip ko ang mga lalaking nanggulo sa bar noong nakaraang gabi.
“Hoy Cristel umayos ka ha! Baka gusto mong makasuhan dahil diyan sa ginagawa mo!” inis na wika ni Jhauztine.
“Nagpaalam ang kuya ko na pupunta sa bar kasama ang mga barkada niya at iisang bar lang naman ang parati niyang pinupuntahan at doon din nagtatrabaho si Trinity. Pero hanggang ngayon hindi pa rin siya umuuwi at malamang pinatay siya ng babaeng ‘yan!” Rinig ko pa ang ilang mga sinasabi ng mga estudyante tungkol sa’kin at bigla akong nanliit dahil sa hiya.
Kung alam lang niya kung ano ang ginawa sa’kin ng kapatid niya. Pero ang ipinagtataka ko kung bakit wala na sa pinangyarihan ang kanilang katawan. Siguro ay si Gascon ang may gawa noon at kailangan kong alamin kung saan niya tinago ang kanilang katawan.
“W-wala akong alam sa mga ibinibintang mo”
“Sinungaling ka! Ilabas mo ang kapatid ko! Mamamatay tao ka!” Mabilis naman niyang hinablot ang buhok ko at inaawat naman kami ni Jhauztine.
Ngunit sadyang malakas siya at naihiga niya pa ako sa sahig at mas lalo kong ikinagulat nang punitin niya ang suot kong uniform kaya mabilis kong naitakip ang mga braso ko sa aking dibdib. Sampal at sabunot ang natamo ko sa kaniya at walang patid ang aking pag-iyak habang nakaibabaw siya sa akin.
Kaagad siyang nailayo ni Jhauztine at isa pang estudyante kaya natigil ang ginagawa niyang pananakit sa akin. Iyak ako nang iyak habang ang mga braso ko ay nakatakip sa aking dibdib dahil sa ginawang pagpunit ni Cristel sa aking uniporme. Inalalayan akong makatayo ni Jhauztine at iginiya naman niya ako sa banyo.
“Ito Trinity suotin mo muna itong P.E uniform ko tutal hindi ko pa naman ito nagagamit eh,” abot nito sa akin.
Kinuha ko ito at tiningnan siya na puno ng luha ang aking mga mata. Napayakap ako sa kaniya at doon ay naramdaman ko na kahit papaano nagkaroon ako nang kakampi. Masuwerte pa rin ako kasi nagkaroon ako ng kaibigan na tulad niya.
“Tahan na Trinity, huwag ka nang umiyak.” Kumalas ako nang pagkakayakap sa kaniya at pinunasan ko ang aking luha.
“S-salamat Jhauztine”
“Ano ka ba, syempre ipagtatanggol kita sa mukhang paa na ‘yon ‘no. At isa pa hindi ko hahayaang api-apihin ka niya. At saka bakit ka ba niya pinagbibintangan na pinatay mo ang kapatid niya?” Napaiwas ako nang tingin sa kaniya at bumuntong hininga ako.
“H-hindi ko nga alam eh. At s-saka hindi ko naman kilala ang kuya niya,” nauutal kong saad sa kaniya.
“Kung sa bagay. At saka hello, baka naman sa ibang pugad pumunta ang kapatid niya tapos sa’yo isinisisi. Malaki na ang kuya niya at hindi na hinahanap ‘yon wala naman silang nakitang patay na katawan eh kaya hindi nila puwedeng ibintang sa’yo ‘yon,” mahabang litanya niya sa akin.
Habang naglalakad naman kami ni Jhauztine palabas ng campus ay matatalim na titig ang pinupukaw sa akin ng mga estudyante rito sa bawat madaanan namin. Kung ano-ano rin ang mga naririnig ko sa kanila at hindi ko na lamang ito binibigyang pansin.
Naghiwalay na kami ni Jhauztine at ako nama’y pupunta muna ng bar para makibalita roon at baka alam na nila ang nangyaring insidente roon. Napahinto ako noong nasa tapat na ako at nagdadalawang isip pa ako kung dapat pa ba akong tumuloy doon.
May halong kaba at takot ang nararamdam ko ngayon dahil baka nabalitaan nila ang nangyari noong nakaraang gabi. Tatalikod na sana ako nang lumabas naman si Ate Josie at gulat na gulat siya nang makita ako.
“Naku Trinity! Mabuti naman at nagawi ka rito.” Nakangiti siyang lumapit sa akin at hawak niya pa ang isang bag ng basura.
“Kumusta Ate Josie?”
“Halika nga muna sa loob para makapag-usap tau.” Pumasok na kami sa loob at bigla na lang nanginig ang kamay ko nang maalala ang nangyari rito.
Umupo kami ni Ate Josie sa tapat ng stage at hinarap ako. Nagtaka naman ako dahil mukhang wala siyang alam sa nangyari rito at hindi mababakas sa kaniyang itsura.
“A-ate Josie m-may nangyari po ba?” kunot-noo niya akong tinitigan.
“Nangyari? Ano naman ‘yon? Ah, alam ko na! Kung galit ba si tandang Claudia? Naku Trinity huwag kang mag-alala dahil pumunta na rito ‘yong tauhan ni Fafa Gascon at pinaalam ka na niya na hindi ka na magtatrabaho rito”
“H-ha?”
“Hindi mo ba alam?”
“A-alam ko, p-pero__”
“Pero ano?” putol niya sa aking sasabihin.
“W-wala bang nangyari rito Ate Josie?” may pag-aalangan kong tanong.
“Wala naman. Bakit may nangyari ba?”
“W-wala ate akala ko kasi nagwala na naman si Madam Claudia eh,” pagsisinungaling ko.
“Kumusta ka naman sa poder niya? May dutdutan na bang nagaganap sa inyo?” Muntik pa akong masamid dahil sa sinabi niyang iyon.
Napahagalpak na lang siya nang tawa at napairap na lang ako dahil alam ko namang inaasar lang niya ako. Maya-maya pa ay kunwa’y kinurot ang singit ko at umiwas naman ako.
“Ate Josie walang nangyari okay”
“Kailan mo ibibigay ang mapa ng Pilipinas?”
“Ate Josie naman!” inis kong saad sa kaniya.
“Hay naku Trinidad kakaganiyan mo baka bukas-bukas malaman ko naka-confine ka na at naubusan ng dugo dahil sinimot niya lahat pati dugo mo”
“Hay naku Ate Josie nakakainis ka! As if naman ibibigay ko sa kaniya,” sabay irap ko pa sa kaniya.
“E kung sapilitan niyang kunin sa’yo ang mapa ng Pilipinas?” Saglit akong natigilan at natahimik bigla.
Hindi nga malabong mangyari ‘yon dahil ilang beses na rin akong binalaan ni Gascon oras na suwayin ko siya. Tumikhim ako at ininom ko na lang ang juice na nakapatong sa lamesa at ramdam ko ang kaba na bumabalot sa akin ngayon.
Pagkatapos naming mag-usap ay nagpaalam na rin ako sa kaniya at naisipan ko namang dalawin si Aling Pasing tutal ay maaga pa naman dahil maagang natapos ang aming klase. Sasaglit lang ako sa kaniya upang kumustahin siya dahil baka hinahanap niya ako at magtaka siya kung bakit hindi na ako nagagawi roon.
Nakita ko kaagad si Aling Pasing na abala sa pag-aasikaso sa mga customer na kumakain sa kaniyang karinderya. Napangiti naman ako dahil dito ako madalas kumain kapag umaga at bumibili ng puto na paborito ko. Kaagad akong lumapit at binati si Aling Pasing na may ngiti sa aking mga labi.
“Kumusta po Aling Pasing?” Gulat siyang hinarap ako at ngumiti sa akin.
“Ikaw pala Trinity! Kumusta ka na?”
“Okay naman po ako Aling Pasing”
“Siya nga pala hija, hindi mo naman sinabi na lilipat ka na pala sa tiyuhin mo.” Ipinilig ko ang aking ulo at iniisip kung sino ang tinutukoy niya.
“Tiyuhin po?” takang tanong ko.
“Oo hija. Nakita ko pa nga siya sa tinutuluyan mo eh, binitbit niya ‘yong mga gamit mo saka mukhang maangas ang tito mong iyon.” Napayuko na lang ako dahil kilala ko na kung sino ang kaniyang tinutukoy.
Sa itsura talaga ni Gascon ay mapagkakamalan ko siyang kapatid o tiyuhin. Pero mukhang bata pa naman siyang tingnan ayon nga lang ay nasa itsura niya talaga ang pagiging barumbado which is true. Sa totoo lang ay may mga oras na nahihintakutan ako sa kaniya lalo na kapag binabantaan niya ako katulad na lang noong gabing malasing siya pero ayokong ipakita sa kaniya na natatakot ako.
“Ah s-si Gascon po ba?”
“Bakit hija hindi mo ba siya kamag-anak?”
“P-po? Ahmm, t-tito ko po siya, hindi lang ako sanay na tawagin siyang tito. Mostly po kasi kuya ang tawag ko sa kan’ya,” pagsisinungaling ko na lang.
Ang totoo niyan ay wala akong balak na sabihin kahit na kanino kung sino talaga si Gascon. Dahil kapag nangyari ‘yon ay mas lalo pang magugulo ang buhay ko. Ang gusto ko lang malaman ay kung ano ang pakay niya sa akin at bakit willing siyang patirahin ako kasama siya.
Nagtungo naman ako sa dati kong tinitirhan para kunin ang ilang mga gamit ko. Alam kong may mga naiwan pa ako dahil iilang gamit lang din ang binigay sa’kin ni Gascon. Pinayagan naman akong umakyat ng land lady sa dati kong tinutuluyan para kunin ang ilang mga gamit ko pa.
Pagbukas ko ng aking pintuan ay nakita kong malinis na ito at wala na ang ibang mga gamit na siyang ginamit ko noong nakatira pa ako rito. Nagtungo ako sa aking maliit na kuwarto at binuksan ang aking cabinet. Wala na roon ang ibang gamit ko at nagtaka naman ako kung saan dinala ito ni Gascon dahil puro damit na binili niya ang siyang binigay niya sa’kin.
Hinalughog ko pa ang mga drawer dahil hinahanap ko ang litrato namin ni papa. Iyon na lang kasi ang natitirang picture niya at iyon na lang ang natataging naiwan niya. Nang hindi ko na ito makita pa ay napasalampak na lang ako sa sahig at napaiyak na lang ako. Iyon kasi ang litrato namin ni papa noong bata pa ako at parati kong tinitingnan sa tuwing mamimiss ko siya.
Ilang sandali pa ay nagpasya na rin akong umalis na bagsak ang aking mga balikat. Nakauwi ako sa condo na alanganing oras na rin at mabuti na lang ay wala pa si Gascon. Nakahiga lang ako sa aking kama at nakatingin lang sa kisame dahil hindi pa ako dalawin nang antok.
Napabalikwas akong bigla nang makarinig ako nang ingay na nagmumula sa sala. Kaagad akong tumayo at inilapit ko pa ang tainga ko sa may pintuan. Nakarinig ako ng isang boses ng lalaki at wari ko’y hindi si Gascon iyon. Pinihit ko ang seradura upang silipin kung sino ang naroroon at muntik na akong mapasigaw sa gulat nang makita ko si Gascon na nakupo sa sofa at patuloy na tumatagas ang dugo niya sa kaniyang balikat.
Kaagad akong lumabas ng aking kuwarto at nilapitan siya. Hindi ko alam pero nakaramdam ako nang awa sa kaniya at kita ko sa mukha niya na medyo nahihirapan siya.
“Teka anong nangyari sa kaniya?” wika ko at nakatingin ako sa kaniyang balikat.
“Why you’re still awake?”
“Narinig ko kasi kayo kaya lumabas muna ako”
“Matulog ka na”
“Iyong sugat mo.” Alam kong tama iyon ng bala pero ang ipinagtataka ko ay bakit hindi siya dinala sa ospital.
Pinaalis na rin niya ako at bago pa ako makapasok sa loob ng aking kuwarto ay nakasalubong ko pa ang isa niyang tauhan na may dalang palanggana at medicine kit. Muli kong sinulyapan si Gascon bago ako pumasok sa aking kuwarto.
Maaga naman akong nagising dahil maaga ang unang klase ko ngayon. Pagkalabas ko ng kuwarto ay wala na rin doon ang kaniyang tauhan at tiyak umalis din itong kaagad pagkatapos nila gamutin si Gascon.
Naisipan ko namang magluto ng almusal at tiyak tulog pa si Gascon ngayon at malamang hindi siya makakapasok sa trabaho dahil sa sugat niya. Kumuha ako ng ilang lulutuin sa ref at sinimulan ko nang magluto. At nang matapos na ako ay kaagad akong kumain at iniwan na lang sa lamesa ang pagkain niya.
Inayos ko na ang sarili ko para pumasok naman sa school at bitbit ko na rin ang back pack ko. Paglabas ko naman sa kuwarto ay nagtungo ako sa kusina para mag-iwan na lang ng note doon para kay Gascon. Idinikit ko na lang ito sa ref at tuluyan na akong lumabas ng condo.
Nasa tapat na ako ng building ng condo niya at nagpalinga-linga pa ako kung mayroon pa bang sumusunod sa akin. Nagtaka ako dahil simula noong insidente sa bar ay wala na ring sumusunod sa akin at hindi ko na rin nakikita ang lalaking parating nakabantay sa akin. Mabuti na rin ito at nakakagalaw ako ng maayos pero hindi pa rin nawawala ang kaba sa aking dibdib.