SINULIT ni Maya ang araw na kasama si Luciana. Lahat ng pag-uusap nila ay nai-record niya. Nag-bonding pa sila ng ginang, nagluto, tumambay sa garden nito ng mga orchid. Mahilig sa ganong halaman ang ginang. Paborito rin nito ang hanging plants. “Ito ang libangan ko rito, Maya. Noong bata pa si Yoshin, mahilig siya sa bulaklak. Pinaglihi ko siya sa orchid na parang tigre ang design. Habang lumalaki siya, natuklasan ko na mahilig siyang gumuhit ng bulaklak. Akala ko nga maging bakla siya,” amuse na kuwento ng ginang. Natawa rin siya. “Pero ngayon, barako na ang anak n’yo. Sobrang bugnutin at pikon kaya para kaming aso’t pusa,” sabi niya naman. “Talaga? Eh, kumusta naman siya bilang asawa? Sinasaktan ka ba niya?” “Hindi naman po. Maalaga naman si Yoshin. At saka sweet din siya minsan.”

