YANNA
HINDI ko alam kung paano ako nakatulog. O kung ano na ang nangyari. Ang tanging naalala ko lang ay ang malakas na sigaw ng lalaki bago pa man ako tuluyang mapatay ng pahinante at driver.
Akala ko nga, nasa langit na ako nang magmulat ako ng mga mata. Sumalubong kasi sa paningin ko ang apat na sulok at kulay-puti na paligid.
Nagising ako na may mga pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ko. Ngunit napansin ko na hindi na sariwa ang mga ito. Hindi rin ako gaanong makagalaw dahil sa pinagsamang pagod at sakit. Bagaman at hindi na ito kasing sakit habang binugbog ako noon ng dalawang lalaki. Pero may benda ako sa ulo at sa mga paa ko.
Tumulo ang butil ng luha sa mga mata ko dahil sa sakit nang subukan kong ibuka ang bibig ko. Naalala ko na natamaan pala ito ng sapatos ng pahinante nang sipain niya ako kaya pumutok ang mga labi ko.
Muli kong ipinikit ang aking mga mata na puno ng luha at sakit. Hindi ko napigilan ang aking emosyon at napahagulhol ako.
“Yanna, hija. Mabuti naman at gising ka na!”
Mabilis na hinamig ko ang aking sarili nang bumukas ang pinto at pumasok doon ang mabait na mayordoma ng mga Aragon. Nabuhay ang aking loob at nagkaroon ako ng bagong sigla. “L-Lola Esme… L-lola…” lalo akong napahagulgol sa tuwa nang sugurin niya ako ng yakap.
“Salamat sa Diyos! Akala namin, hindi ka na magigising pa. Dalawang araw ka ng nakaratay dito sa ospital dahil sa dami at tindi ng pasa na tinamo mo, Hija,” humahagulhol din na wika ni Lola Esme habang yakap-yakap niya ako nang mahigpit.
“L-Lola, aray… m-masakit po,” namimilipit na daing ko dahil naipit ang tiyan ko na ramdam kong may mga sugat at pasa rin.
Natataranta naman na kumalas agad sa pagkakayakap sa akin si Lola Esme. “Naku, pasensiya ka na, Yanna. Tuwang-tuwa lang talaga ko na sa wakas ay gising ka na. Alam mo ba na pinag-alala mo kami nang husto? Pati na rin sina Manang Ruffa mo. Nandito sila kanina dahil sila ang nagbantay sa’yo kagabi. Pinauwi ko lang para makaligo at makatulog nang maayos.”
“A-alam ho ni Manang Ruffa na nandito ako sa Hacienda Aragon?” kinakabahan na tanong ko.
Mukhang naunawaan naman ni Lola Esme ang pinag-alala ko kaya umupo siya at hinawakan ang kamay ko. “Huwag kang mag-alala, Yanna. Dahil hinding-hindi ka ipapahamak ni Manang Ruffa mo o ng kahit sinong tao rito sa Hacienda Aragon. Dahil iyon ang utos ng Uncle Jaxx mo. Kahit puntahan ka man dito ng Lola Salud mo, hinding-hindi ka niya makukuha.”
Mukhang nakarating na rin pala sa kanila ang tungkol sa pagmamalupit sa akin ng sariling abuela ko.
Kumabog ang aking dibdib nang marinig ko ang pangalan ng may-ari nitong Hacienda Aragon. “A-alam din ho ni Uncle Jaxx na nandito ako, Lola Esme?”
“Oo, Yanna.” Nakangiti na tumango ang mabait na matanda. “Ibig sabihin, hindi mo alam na sila ang nagligtas sa’yo mula sa mga biyahero ng gulay na nambugbog sa’yo sa kalsada?”
“Talaga ho? Si Uncle Jaxx pala ang nagligtas sa akin?” nasisiyahang bulalas ko.
Muling tumango si Lola Esme habang pinipisil niya ang kamay ko. “Hindi mo na nga siguro nakita kasi wala ka ng malay nang isugod ka nila rito sa ospital.”
Pakiramdam ko ay nawala lahat ng sakit at hapdi na naramdaman ko sa katawan ko nang marinig ang mga sinabi ni Lola Esme. “Kung gano’n, hindi ho ako nagkamali ng pinuntahan, Lola. Alam kong hindi ako bibiguin ni Uncle Jaxx kaya ginawa ko po ang lahat para matakasan si Lola Salud. Hindi ko na po kasi kaya ang pagmamalupit niya sa akin. Ilang beses na niyang pinagtangkaan ang buhay ko…” nabasag ang boses ko sabay ng pag-alpas ng mga luha sa aking mga mata nang yakapin ko nang mahigpit si Lola Esme nang muling manumbalik sa puso ko ang takot. “A-ayaw ko pa pong mamatay, Lola. Ayaw ko pa po.”
“Ssshh.” Puno ng simpatiya na hinimas ni Lola Esme ang likod ko. “Huwag kang matakot, Yanna. Hindi ka pa mamamatay. Dahil hangga’t nandito ka sa poder niya, walang puwedeng manakit sa’yo.”
“P-pero isang taon na ho kaming hindi nagkikita at nag-uusap, Lola.” Nag-aalala pa rin na kumawala ako sa pagkakayakap namin sa isa’t isa. “Sa libing pa ni Auntie Marge nang huli kaming magkita. Pero hindi na po niya ako kinausap simula nang mamatay si Auntie. I’m worried na baka tulad po ni Lola Salud, ako rin ang sinisisi ni Uncle Jaxx sa pagkamatay ng fiancée niya. Hindi ko po alam kung totoo, pero may usap-usapan sa Rancho Leonora ang malaking pagbabago raw ni Uncle Jaxx. Naging malupit na raw siya sa mga tauhan niya rito sa Hacienda Aragon.” Pinisil ko ang kamay ni Lola Esme at nagtatanong na tumingin sa kaniya. “Totoo po ba?”
Hindi sumagot si Lola Esme. Nakatingin lang siya sa akin na para bang hindi alam ang sasabihin. Bumukas-sara ang bibig niya pero wala naman siyang sinabi sa akin.
Kinabahan tuloy ako. “T-totoo po ba, Lola?”
“Yanna, ang totoo—” Naputol ang sasabihin sana ng matanda nang bumukas uli ang pinto at pareho kaming natigilan nang pumasok doon ang taong pinag-uusapan namin.
Everything around me seemed to stop as I laid eyes on Uncle Jaxx. Kahit ang puso ko ay naramdaman ko rin na para bang tumigil sandali sa pagtibok. Nakakunot ang noo niya at matigas ang kaniyang mukha ngunit hindi maitatangging guwapo pa rin siya. Kahit pa nga ibang-iba siya sa masayahin at mabait na tiyuhin na nakausap ko last year lang.
Isa kaya ito sa mga pagbabago niya na narinig ko?
O dahil galit din siya sa’kin?
“U-Uncle Jaxx…” nanginginig ang boses na tawag ko sa kaniyang pangalan. Lihim naman akong nasaktan dahil wala na ang magiliw na ngiting laging nakahanda noon sa mga labi niya sa tuwing nagkikita kami. Gayon man ay pilit ko iyong binalewala at nginitian ko siya sa kabila ng mahapdi kong bibig. “K-kumusta na po kayo?”
Ngunit tiningnan lamang niya ako na walang bakas ng ano mang emosyon sa kaniyang mukha. Ni hindi siya umalis sa kinatatayuan niya. Nakasuksok ang dalawang kamay niya sa magkabilang bulsa ng kaniyang pantalon at nakatikom ang bibig. Dumagdag sa kabang nararamdaman ko ang pananahimik ni Uncle Jaxx ngunit tumatagos sa kaluluwa ko ang talim ng mga titig niya.
Lumunok ako ng laway at pilit kong hindi pinansin ang pagbabago ng tingin na iyon ni Uncle sa akin. Ngayon pa lang kami nagkita uli. Gusto kong umasa na hindi siya katulad ni Lola Salud na isinisisi sa akin ang pagkamatay ni Auntie Marge.
Umaasa ako dahil kilala ko na mabait at may malawak siyang pag-iisip.
“K-kayo daw po ang nagligtas sa’kin, Uncle Jaxx. Maraming salamat po pala,” patuloy ko bagaman at nauutal pa rin ako. Hindi dahil sa takot kundi sa kakaibang damdamin na para bang bigla na lang nagising sa loob ng dibdib ko ngunit hindi ko maipaliwanag kung ano. “Kung hindi po kayo dumating, baka napatay na ako ng mga lalaking iyon.”
“Hindi libre ang pagtulong ko sa’yo kaya huwag kang magpasalamat,” isang matabang na ngiti ang pinakawalan niya.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi niyang iyon.