CHAPTER THREE

1172 Words
YANNA “M-MARAMING SALAMAT pa rin po sa pagligtas n’yo sa akin, Uncle. Alam kong wala iyong katumbas pero handa pa rin akong magbayad sa kahit anong paraan,” kagat-labi na wika ko nang makabawi ako sa pagkabigla dahil sa malamig nang pakikitungo sa akin ni Uncle Jaxx. So, tama nga ako. Like Lola Salud, galit din siya sa akin. Pero mas kaya ko pang tanggapin ang galit ng ibang tao kaysa sa sariling kadugo ko. Isang nakakalokong ngiti lang ang isinagot sa akin ni Uncle Jaxx bago niya ako nilagpasan ng tingin at hinarap si Lola Esme, “Manang Esme, pakiligpit na ho ng mga gamit niya. Lalabas na siya ngayon.” “Ano? Pero sariwa pa karamihan sa mga pasa at sugat niya, Jaxx. At sinabi rin ng doctor niya kanina lang na hindi pa siya puwedeng lumabas,” gulat na tanong ng mayordoma. Kahit ako man ay nagulat din. Kung susuriin ko ang kalagayan ko, baka mga tatlo o pitong araw pa bago gumaling nang tuluyan itong mga pasa at sugat ko. Ngunit sa estado ng pakikitungo niya sa akin ngayon, mukhang wala akong karapatang mag-demand. “Lalong lalaki ang bill niya rito sa ospital kung hindi pa siya lalabas ngayon, Manang Esme. Baka hindi na niya ako mabayaran no’n.” Lihim kong nakagat ang aking ibabang labi. Tila desidido na nga talaga si Uncle Jaxx na singilin ako sa pagligtas niya sa akin. Pero nagbitaw na ako ng salita kaya hindi ko na iyon babawiin pa. At hindi ko iyon tatalikuran. “Ikaw naman ang may-ari nitong ospital, Jaxx. At saka bakit kailangan mo pang singilin si Yanna? Hindi ka ba naawa sa bata?” panenermon pa sa kaniya ni Lola Esme. “I’ve made up my mind, and it won’t change. Malaya siyang manatili dito kung gusto niya. Wala siyang babayaran na kahit ano. Pero ito na ang huling beses na makikita ko siya rito sa Hacienda Aragon,” puno ng pinalidad na sagot ni Uncle Jaxx bago niya ako binalingan. Lalong nag-protesta si Lola Esme sa inasal ng amo. “Jaxx, hindi kita inalagaan ng apat na dekada para maging bastos sa babae. At kay Yanna pa.” Pinandilatan siya nito ng mga mata. “It’s okay, Lola Esme,” agad na sabi ko dahil ayokong nakikita silang nagtatalo. Alam ko kung gaano nila kamahal ang isa’t isa na parang tunay na silang mag-lola. “Katulad po ng sinabi ko kanina, handa po akong bayaran si Uncle sa pagligtas niya sa buhay ko. Wala na rin po akong ibang pupuntahan maliban dito sa Hacienda Aragon. Papatayin po ako ni Lola Salud kapag bumalik pa ako sa Rancho Leonora.” Pilit ko nang inalis ang takot at kaba sa aking dibdib nang lingunin ko si Uncle. “Kayo na lang po ang kilala ko na puwedeng tumulong sa akin, Uncle,” kunwa’y hindi apektado na saad ko. Pero ang totoo, nasasaktan ako. Sobra. Oo, inaasahan ko nang posible rin siyang magalit sa akin. Dahil ako lang naman ang dahilan kung bakit namatay ang Auntie Marge ko na fiancée niya. Pero hindi ko akalain na sa ganitong sitwasyon pala ang muli naming pagkikita. Na para bang hindi niya ako itinuring na tunay na pamangkin sa loob ng dalawang taon. “Fine, I’ll help you. But my services don’t come cheap, Yanna... or free,” malamig na turan ni Uncle Jaxx nang salubungin niya ang tingin ko. “Pero sa bahay na natin iyan pag-usapan.” Muli niyang binalingan si Lola Esme. “Get her packed up and out of here, Manang Esme. Wala akong pakialam kung magaling na ang mga sugat niya o hindi. Basta lalabas siya ngayon,” pagkasabi niyon ay tumalikod na siya at akmang lalabas ng pinto na hindi man lang ako muling tinapunan ng tingin. “Jaxx!” narinig ko na sigaw ni Lola Esme kay uncle kaya bahagya siyang napatigil. Agad ko namang hinawakan sa braso si Lola Esme para pigilan siya na makipagtalo pa kay Uncle Jaxx dahil ramdam ko na wala na iyong patutunguhan pa. Sapat na ang mga nasaksihan at narinig ko kanina para maniwala ako na malaki na nga ang pagbabago niya at hindi na siya ang dating uncle na kinagigiliwan ko noon dahil sa labis na kabaitan. Mahirap mang tanggapin ngunit kailangan kong kayanin. Kailangan kong kayanin dahil malaki ang ambag ko kung bakit siya nagkakaganito ngayon. “Sige na po, Uncle. Lalabas na po ako dito. Huwag n’yo na po pagalitan si Lola Esme,” nakayuko na sabi ko bago ko pinilit ang aking sarili na bumaba ng ospital bed. Mabuti na lang na agad naman siyang lumabas ng silid bago pa man niya makita ang pagbaha ng luha sa aking mga mata. “Hindi ka dapat pumayag na tratuhin ka niya nang gano’n, Yanna. Para saan pa at tumakas ka sa Lola Salud mo kung ganito rin pala ang mararanasan mo sa kaniya?” nag-aalalang tanong sa akin ni Lola Esme nang makita niyang umiiyak ako. “Patawarin mo ako kung hindi ko agad sinabi sa’yo na totoo ang mga nababalitaan mo tungkol sa pagbabago ng Uncle Jaxx mo. Umasa pa rin kasi ako na hindi siya magbabago pagdating sa’yo.” “Huwag n’yo na po akong alalahanin, Lola Esme. Naiintindihan ko po kung magagalit man sa akin si Uncle.” Muli akong napayuko dahil hindi ko na naman mapigilan ang pag-agos ng maiinit na likido mula sa aking mga mata. “Hindi po madali ang mawalan ng mahal sa buhay. Alam naman ho natin kung gaano kamahal ni Uncle si Auntie Marge. Kaya hindi po ako titigil hangga’t hindi ko nakukuha ang kapatawaran niya…” Hinimas ni Lola Esme ang likod ko habang inaalo ako. Ilang beses niya akong tinanong kung sigurado daw ba ako sa desisyon ko. “Opo. Sigurado na po akong manatili rito sa Hacienda Aragon hanggang sa mapatawad ako ni Uncle Jaxx,” paulit-ulit din na sagot ko. “Ikaw ang bahala, Yanna. Nirerespeto ko ang desisyon mo. Pero sana, huwag mong hayaan na sumobra pa sa ginawa niya sa’yo kanina ang gagawin ng Uncle Jaxx mo. Oo, namatay ang tiyahin mo dahil iniligtas ka niya. Pero hindi mo iyan kasalanan. Kaya wala kang inutang na buhay na kailangan mong bayaran,” payo ni Lola Esme sa akin. Pinahid ko ang aking mga luha. “Maraming salamat po, Lola. At huwag po kayong mag-alala, nagbago man ang alaga n’yo, naniniwala ako na siya pa rin ang Uncle Jaxx na nakilala ko noon. Alam kong may kabutihan pa ring natitira sa puso niya. At iyon po ang panghahawakan ko, Lola Esme,” puno ng determinasyon na saad ko. “Maraming salamat sa patuloy na pagtitiwala mo sa alaga ko, Yanna. At sana, ikaw na ang sagot para bumalik siya sa dati.” Hinawakan nang mahigpit ni Lola Esme ang mga kamay ko na sinuklian ko naman nang marahang pagtango habang may matipid na ngiti sa aking mga labi. Aminado ako na bahagyang lumuwag ang pakiramdam ko pagkatapos naming mag-usap ni Lola Esme.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD