TAHIMIK lang si Tami habang nakahiga siya sa clinic bed ng kaniyang OB kung saan isasagawa ang sonogram sa kaniya nang umagang iyon. Nakatayo naman sa may gilid niya si KG. Araw iyon ng Lunes at hindi talaga pumasok sa trabaho si KG para samahan siya roon. Tahimik man ito sa tabi niya ay alam niya na numero uno rin itong excited sa gender reveal ng pangatlo nilang anak. “Good morning, Mr. and Mrs. Ladjasali, excited na ba kayo sa gender ng baby ninyo?” tanong pa ni Doctora Gareza nang pumasok na rin ito sa silid na iyon. Ito ang OB niya simula pa lang noong ipagbuntis niya si Kennedy. “Sobra, Doc,” ani KG. Nginitian lang niya si Doctora Gareza. Iyong level ng excitement niya ay halos ikatahimik lang niya. Parang gusto lang niyang magsalita kapag alam na nila ni KG ang gender ng baby ni