INASAHAN na ni Assi na matatahimik si Alejandro pagkatapos ng kaniyang sinabi. Muling pumatak ang kaniyang mga luha at kinagat ang ibabang labi upang pigilan ang emosyon. “S-sige, ibababa ko na.” Kaagad niyang pinatay ang tawag at pinunasan ang kaniyang mga luha. Hindi niya na hinintay pa ang sasabihin nito. Napapikit siya nang maramdaman ang pag-ikot ng kaniyang paningin, tila lumabo ang kaniyang nakikita. Marahan niyang hinilot ang kaniyang sintido at tumayo. Sinimulan niya nang maglakad pabalik sa lugar kung saan niya iniwan ang kaniyang driver. Nanghihina ang kaniyang mga tuhod dahil sa init ng araw. Pagadating niya roon ay wala siyang naabutan. Ngayon niya lang naalala na hinayaan niyang mag-ikot ang ginoo dahil ayon sa kaniya ay matatagalan sa parke. Inilabas niya ang kaniyang cell